Chereads / POWER OF DESIRE 2 / Chapter 8 - KABANATA 7 "WILLIAM TURNER"

Chapter 8 - KABANATA 7 "WILLIAM TURNER"

Mula sa malayo ay nakangiting pinagmamasdan ni William si Aria na nang mga sandaling iyon ay tinuturuan ang ina niyang si Alicia kung paano mag-arrange ng bulaklak.

Halos tatlong buwan narin mula nang matagpuan niya ang walang malay na katawan ni Aria sa loob ng sasakyan na nahulog sa hindi naman malalim na bangin. Pero bago iyon ay nauna na niya itong nakita sa isang flower farm kung saan humahango ng mga paninda nitong rosas ang kaniyang ina.

Sa simula ay hindi rin niya maunawaan ang sarili niya kung bakit naisip niyang gawin ang ganito. Kahit alam niyang posibleng may asawa si Aria. Mas nanaig ang para sa kaniya ay magical feeling na nauna na niyang naramdaman para dito. Bukod pa iyon sa katotohanan na gusto niyang makatiyak na kung sakali ay sa totoong pamilya niya ito uuwi, at hindi sa kung kanino na pwedeng magka-interes lamang dito na baka maisipan pa itong gawan ng masama.

"SO, wala na kayong planong ipaglaban ang sa inyo ni Papa? Ganoon nalang ba iyon, ha, Ma?" ang mapait na tanong ni William sa ina niyang si Alicia.

Hindi sumagot ang nanay niya na nanatiling abala sa inaayos nitong bulaklak na kukunin ng customer mamaya.

Isang linggo narin ang nakalilipas mula nang makatanggap siya ng tawag mula sa ama niyang si John na isang Australian. Ayon sa Papa niya ay ikakasal na raw ito at gusto nito na lumipad siya pa-Australia para daluhan ang kasal nito.

Para kay William ay malaking insulto iyon para sa kaniyang ina kaya nang oras na iyon mismo ay ipinamukha niya sa ama niya ang walang kwenta nito bilang isang tao.

Galit na galit siya na kulang na lamang ay murahin niya ito. Pero hindi niya iyon ginawa. Nakapagsalita man siya ng mga salitang alam niyang maaaring nakasakit rito pero hindi niya ito magagawang murahin kahit pa sa isipan lang niya.

Nang maalala ang eksenang iyon ng buhay niya tatlong taon na ang nakalilipas ay napabuntong hininga na lamang ang binata.

Iniwan kasi sila ng Papa niya baby pa lamang siya at dahil doon ay hindi niya naranasan ang magkaroon ng isang buo at masayang pamilya.

Hindi naman sila naghirap sa buhay dahil naging pirmi ang pagpapadala ng pera ni John sa kaniya. Bukod pa roon ay likas na masipag at madiskarte sa buhay ang kaniyang ina. Kaya naman sa kalaunan, mula sa ipinapadalang pera sa kanila ng Papa niya ay nakapag-ipon ito at nakapagtayo ng isang maliit na flowershop.

Tapos siya ng kursong related sa business pero hilig din niya ang photography. At ang passion niyang iyon ang naging daan kaya nahilig rin siya sa hiking ang pagtatravel.

Ang passion niyang iyon sa photography ang naging way kaya niya nakita si Aria. At iyon rin ang kaparehong dahilan kung kaya siya rin ang unang nakakita rito nang araw na iyon na nangyari ang aksidente.

Katulad narin ng sinabi niya kanina. Agad niyang nakilala si Aria nang puntahan niya ito at iligtas mula sa nahulog nitong kotse.

Aminado naman siyang mahilig siya sa mga babae dahil kung magiging honest lang siya, mula nang magsimula siyang makipagdate ay hindi siya nakukuntento sa isa lang. Madalas sa isang buwan ay dalawa o tatlo pa ang idene-date niya at ang lahat ng iyon ay hindi lingid sa mga babaeng involve sa buhay niya.

Natawa ng lihim si William sa naisip niyang iyon.

Ganoon siya, noon.

Pero nagbago ang lahat mula nang makita niya si Aria na pinipilit mabuhay mula sa bingit ng kamatayan tatlong buwan narin ang nakalilipas.

Tatlong taon man marahil ang matuling lumipas mula nang makita niya ito sa isang rose farm kung saan humahango ng paninda nitong bulaklak ang Mama niya ay masasabi niyang hindi niya lubusang nakalimutan ang napakaganda nitong mukha.

Mag-isa ito noong makita niya habang siya naman ay parang nawawala sa sarili niya habang kinakausap ang may-ari ng farm. Ang paraan kung paano ito ngumiti at kung paano kumislap ang mga mata nito habang sinusuyod ng tingin ang maraming klase ng rosas na naaabot ng paningin nito.

Hindi alam ng Mama niya na hindi ang aksidente ang unang araw na nakita niya si Aria. At naniniwala siya na hindi naman na niya kailangang sabihin pa sa kaniyang ina ang tungkol doon. Kahit minsan hindi pa siya nakaramdam ng ganito para sa ibang babae. Ngayon lamang, kaya naniniwala siya na ito ang pagkakataon na hindi na niya dapat na pakawalan pa.

Nang makita niyang nakangiti siyang kinawayan ni Aria ay agad siyang napatayo. Ang magandang ngiti nito ang pumutol sa malalim at marami niyang iniisip.

"Tingnan mo," nang makalapit siya ay iyon ang masigla nitong sabi.

"It's perfect," ang tanging nasambit niya saka pinaglipat-lipat ang kaniyang paningin sa magandang mukha ng kaniyang kaharap at sa bouquet ng kulay pink na mga tulips na hawak nito.

"S-Sa, ohhh," si Aria na tila nabitiwan ang hawak na bouquet kasabay ng mabilis na pagpikit nito habang sapo ang noo.

"Naku, anong nangyari sa'yo anak?" ang nag-aalalang tanong ng Mama niya na katulad niya ay mabilis na hinawakan si Aria sa braso.

"Nahihilo po ako, Mama Alicia," ang halos pabulong na sagot nito saka isinandal ang ulo sa kaniyang balikat.

"Dadalhin kita sa ospital," ang mariing winika ni William.

Noon magkakasunod na umiling si Aria saka pinilit na kumawala sa kaniya pero hindi niya ito binitiwan at sa halip ay mabilis na pinangko.

"O-Okay lang ako, baka napagod lang ako," ang pagpoprotesta pa ni Aria na kababakasan ng pagkapahiya sa tinig pero hindi niya ito pinakinggan.

"Tsk, mas maganda na iyong makasigurado tayo since alam naman natin ang naging kundisyon mo sa nakalipas na mga buwan," giit niya kaya hindi na ito sumagot pa.

Totoo iyon sa loob niya.

Dalawang buwan na comatose si Aria. Laking pasasalamat na nga lang niya at naging maganda at mabilis ang recovery nito. Maliban na lamang sa katotohanan na wala itong maalala.

Tama, may amnesia si Aria at ayon sa doktor, walang katiyakan kung kailan ito babalik o maibabalik pa ang alaala nito.

Hindi nito maalala ang tungkol sa pamilya nito, o kung may pamilya ba ito, o maging ang sarili nitong pangalan. Ang tanging dahilan kaya minabuti nilang tawagin itong Aria ay dahil narin sa suot nitong white gold necklace na may pendant na Aria na napalilibutan ng maliliit na brilyantitos.

Alam niya na hindi tamang itago si Aria. At alam niyang para sa iba ay pananamantala sa kundisyon nito ang ginagawa niya. Pero sa kundisyon nito, at sa nararamdaman niya para rito, parang mas magiging safe ito sa tabi niya kaya iyon ang ginagawa niya.

Hindi niya gusto ibigay sa kahit kanino lang ang dalaga nang wala siyang kahit na anong katiyakan na hindi nagpapanggap ang mga ito. Iyon ang kaparehong dahilan kaya nagawa niyang magpakilala bilang asawa nito.

Hindi niya maintindihan at hindi rin niya kayang ipalawanag pero sa puso niya nandoon ang paghahangad niya na protektahan ito sa abot ng kaniyang makakaya. Pakiramdam na totoong bago sa kaniya kaya aminin man niya o hindi, alam niyang overwhelmed siya.