TANGHALI at nasa kalagitnaan ng pagiging abala si James sa marami at tambak niyang trabaho nang biglang tumunog ang kaniyang cellphone.
Isang unregistered number.
Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay agad na nagsalubong ang kaniyang mga kilay kasabay ang pagsikdo ng hindi maipaliwanag na kaba sa kanyang dibdib. Kaya naman minabuti niyang huminga muna ng malalim para kahit paano ay pagluwagin ang naninikip niyang dibdib bago niya tinanggap ang tawag na iyon.
Maingay na paligid ang agad na narinig ni James nang tanggapin niya ang tawag na iyon. May palagay siya na kung hindi sirena ng police mobile ay ambulansya ang naririnig niyang gumagawa sa mas nangingibabaw na ingay doon. Kasama pa ang magkakahalong sigawan ng mga tao sa paligid.
Agad na nanlamig ang kabuuan ni James kaya mabilis siyang napatayo. Noon naman saktong nagsalita ang lalaki mula sa kabilang linya.
"Hello, ito po ba si Mr. James Sebastian Jr.?" ang tanong ng nasa kabilang linya na halos sumisigaw na halos ang lalaki sa kabilang linya dahil sa ingay ng paligid.
"Ako nga. Who is this?" tanong niyang pilit na pinakakalma ang dibdib pero nandoon parin ang takot na hindi niya maunawaan kung para saan.
"Sir nakita po namin ang kulay itim na calling card ninyo dito sa wallet ni Ma'am Aria Sebastian, kaano-ano po ninyo siya sir?" tanong ulit ng lalaki.
Noon na nilamon ng matinding takot ang dibdib ni James at kasabay noon ay ang panlalamig ng buo niyang katawan. Nanghihina ang mga tuhod siyang napaupo kahit kung tutuusin ay wala pa naman talagang sinasabi sa kaniya ang lalaki sa kabilang linya.
"Anong nangyari sa asawa ko? Nasaan siya, anong lugar iyan at pupuntahan ko siya?" ang magkakasunod niyang tanong saka muling tumayo at dinampot ang sling bag niya saka humakbang palabas ng kaniyang opisina.
Nasa may pintuan na si James nang marinig niyang sumagot ang lalaki. At ang sinabi nito ang lubusang nagpahinto sa pag-ikot ng kaniyang mundo.
"Naaksidente po ang asawa ninyo sir. Nahulog sa bangin ang kotse niya, ang problema po hindi namin makita ang katawan niya. Nawawala po ang katawan ng asawa ninyo pero ang lahat ng personal na gamit niya ay naiwan dito."
Pakiramdam ni James nang mga sandaling iyon ay umiikot ang paligid niya kahit hindi naman siya nahihilo. Pinagsikapan niyang ikalma ang kalooban niya pero hindi niya kinaya kaya mabilis niyang pinatay ang tawag at noon pinakawalan ang nagbabadya niyang mga luha.
Ilang sandali siyang nanatili sa ganoong ayos bago niya narinig na tumunog muli ang kaniyang telepono.
Isa iyong text message mula sa numero na tumawag sa kaniya kanina. Naroon sa mensahe ang mismong lugar kung saan nangyari ang aksidente. Kaya naman bilang isang tunay na lalaki ay pinilit niyang ayusin ang sarili niya at tatagan ang kaniyang kalooban. Saka siya lumabas ng opisina. Nagbilin lang siya sandali sa kaniyang sekretarya saka na siya lumabas para umalis. Hindi na niya sinabi rito kung saan siya pupunta dahil nang mga oras na iyon isa lang ang gusto niyang gawin. Ang marating ang lugar na ibinigay sa kaniya ng lalaki upang tiyakin ang lahat ng sinabi nito.
KATULAD ng kaniyang inasahan, gabi na nang marating niya ang Baguio at sa mismong istasyon ng pulis siya nagtuloy katulad ng instruction sa kaniya ng nakausap niyang lalaki kanina na siya palang Hepe ng ng police station na iyon.
"Paano hindi ninyo nakita ang katawan? Nasaan ang asawa ko?" ang hindi makapaniwala at galit na galit na tanong ni James nang nasa opisina na siya ng police station kung kausap niya ang mismong tumawag sa kaniya kanina. Si Mr. Efren Tuddao, isang Hepe.
"Iyon po ang totoo sir, kung gusto ninyo pwede po namin kayong samahan sa lugar. Pero bago iyon nandito po ang mga gamit na nakuha namin sa loob ng sasakyan," wika ni Efren sa kaniya.
Pigil ang hininga ni James nang iabot sa kaniya ng isang unipormado ring pulis ang ilang pamilyar na gamit sa kaniya katulad na lamang ng bag, cellphone, wallet, at ang maliit na maleta na siya pa mismo ang nagsakay sa kotse ng kaniyang asawa kaninang madaling araw na umalis ito ng bahay.
Mabilis na nag-init ang sulok ng kaniyang mga mata dahil doon.
Pero kahit gusto niyang umiyak at pinagsikapan parin ni James na huwag gawin iyon at nagtagumpay naman siya. Sa ganitong mga pagkakataon alam niyang hindi makakatulong kung magiging emosyonal siya dahil alam niyang hindi na siya makakapag-isip ng matino kung magpapadala siya sa kung ano ang totoong nararamdaman niya.
"Sir, kung gusto ninyo sasamahan ko kayo mismo sa lugar kung saan nahulog ang kotse ng asawa ninyo," makalipas ang ilang sandali nang kaniyang pananahimik ay iyon ang sinabi sa kaniya ng Hepe.
Noon niya nilingon ang lalaking puti na ang buhok at sa tingin niya ay nasa pagitan ng fifty five hanggang sixty ang edad.
"Okay sir," sagot niyang tumayo na pagkatapos.
NANLULUMONG napamura si James kasabay ang tuluyan na nga pag-agos ng kaniyang mga luha habang pinagmamasdan ang mismong sasakyan na kaninang umaga lang ay inihatid pa niya ng tanaw habang tinatahak ang kanilang driveway at hanggang sa makalabas iyon ng gate.
"Oh Love," aniyang tuluyan na ngang napaiyak nang hindi na niya mapigilan ang sakit na ngayon ay parang kutsilyong humihiwa ng maliliit na piraso sa kaniyang puso.
Napakasakit isipin na ganito ang nangyari habang kanina lang ay nakikita pa niya ang magandang ngiti sa mukha ng asawa niya.
"Hanapin ninyo siya, please? Willing akong magbayad nang kahit magkano, gusto kong makita ang katawan ng asawa ko," iyon ang totoo.
Buhay man o patay, gusto niyang makita si Aria. Pero ang huli ay parang ayaw niyang paniwalaan.
Hindi siya naniniwala na wala na ang asawa niya dahil nararamdaman niyang buhay ito.
"Alam ko buhay siya, na-check na ba ninyo ang lahat ng ospital dito sa Baguio? Baka may nagmagandang loob sa kaniya na nagdala sa kaniya sa isa sa mga iyon?" ilang sandali makaraan ang tahimik niyang pag-iyak ay nagawa rin ni James na kahit paano na awatin ang kaniyang mga luha na kung tutuusin ay patuloy na kumakawala.
Tumango ang Hepe. "Ginagawa namin ang makakaya namin hijo," anito sa kanya. "babalitaan kita sa development paghahanap sa asawa mo," pangako pa nito.
MAPAIT ang ngiti na pumunit sa mga labi ni James dahil sa alaalang iyon. Magtatatlong buwan na mula nang maganap ang aksidente at mawala ang asawa niya. Pero hindi parin ito natatagpuan hanggang ngayon.
Ayon kay Mr. Tuddao, mayroon isang babaeng itinakbo raw sa ospital nang araw na maganap ang aksidente na iyon. Pero imposibleng iyon si Aria dahil may lalaking nag-claim na asawa raw ito ng babaeng iyon. At dahil nga sa maselan ang kondisyon ng pasyente at nasa ICU pa ay hindi pinayagan ng ospital na masilip ito ng hindi nito kamag-anak.
Ilang araw makalipas ang pangyayaring iyon ay sinubukan raw na bumalik ng team nito sa nasabing ospital. Pero dahil sa nanatiling maselan ang kunsdisyon nito na nanatiling comatose ay hindi parin pumayag ang lalaki na nagpakilalang asawa ng babae na makita ang pasyente. Nagbanta pa raw ito na magdedemanda kung ipagpipilitan ng mga pulis ang gusto nila.
Hanggang ngayon ay nanatili at hindi tumitigil ang paghahanap para sa asawa niya. Pero hindi rin siya mapakali at hindi rin niya kaya ang manatili nalang sa isang tabi at maghintay kaya minabuti niyang mag-hire ng taong alam niyang pwedeng makatulong sa paghahanap kay Aria. Kasama pa roon ang regular niyang pag-akyat ng Baguio tuwing Biyernes ng gabi para maghanap simula Sabado ng umaga hanggang gabi at babalik naman siya ng Maynila kinabukasan.
At bukas iyon ulit ang gagawin niya. Aakyat siya ng Baguio para hanapin si Aria.
Hindi siya susuko dahil alam niyang buhay ito.
Dahil baka hinihintay lamang siya nito.
Dahil sa kaibuturan ng kaniyang puso, alam niya, at naniniwala siya na muli silang magkikita, sa pinaka-espesyal na paraan, katulad noong una niyang nakita ang kaniyang asawa.