"Kung bigyan mo muna ako ng pahintulot, dadalhin ko siya nang mahinahon sa daan na itinakda ko para sa kaniya."~ Mephistopheles ~
-----
Isa iyong madilim na mundo, isang mundo na kinubkob ng mga suson ng maninipis na tabing ng hamog. Ang kadiliman ay nanunuya't naging mga karayom na tumutusok sa kaluluwa sa anyo ng nakagigimbal na takot. Kumakagat sa ilong ang masangsang na amoy ng asupre na nakahalo sa hangin, nagmamantsa ang nabubulok nitong amoy sa panlasa at gumuguhit sa lalamunan. Saan mang dako ay maririnig ang mahina ngunit makapanindig-balahibong mga umyak na kung pakikinggan ay tila pinagsama-samang tinig ng mga taong pinahihirapan at nagdurusa. Ngunit kataka-taka na ni isang tao sa madilim na mundong iyon ay wala, tulad ng isang abandunadong lugar na tanging mga alaala na lang ang naiwan.
Maliban sa isa.
Tama.
May isang lalaki na matagal nang lumilibot sa mundong iyon. Bitbit niya sa kaniyang paglalakbay ang isang maliit na lampara na may laman na mga nagbabagang bato na nagsisilbi niyang tanglaw sa madilim na daanan. Hindi siya maaaring huminto, at hindi rin siya maaaring magpahinga. Pagdaing na lang ang kaya niyang gawin sa kaniyang sarili sa tuwing nakakaramdam siya ng pagod mula sa walang humpay na paglalakad. Sa mga dahon ng kaniyang alaala'y malabo na ang titik ng panahon dahil narin sa tagal ng pananatili niya sa mundong iyon. Hindi na niya halos magunita ang kaniyang nakaraan at tanging ang mga alaala na lang mula sa madilim na mundong iyon ang kaniyang natatandaan.
Hanggang sa...
"Kumusta ka, mahal kong kaluluwa."
Isang pamilyar na tinig ang nakapagpahinto sa lalaki sa kauna-unahang pagkakataon. Nawala ang matinding pagod sa mukha niya't napalitan iyon ng pagkagulat at pagkalito. Ilang sandali pa'y napaluhod siyang bigla sa kaniyang kinatatayuan. Gustuhin man niyang tumayo ay hindi niya magawa dahil sa matinding pangangatal na kumikitis sa kaniyang lakas.
Hindi nagtagal, isang mala-anghel na lalaki na may mahaba't masultlang kulay itim na buhok at nagbabagang pulang mga mata ang nagpakita sa kaniya mula sa kadiliman. May kung anong maitim na usok ang nakapalibot sa mala-anghel na lalaki at ang alimyon na inilalabas niya'y tulad ng amoy ng nasusunog na kandila.
"I—ikaw...?"
Nanlaki ang mga mata ng lalaki sa 'di inaasahang pagsulpot ng magandang nilalang na iyon sa kaniyang harapan. Hindi niya inakala na darating pa pala ang sandaling iyon na muli silang magkakaharap, ang araw na babago sa tadhanang nakalaan na para sa kaniya.
"Huwag kang matakot. Magiging ayos ang lahat."
Sa kabila ng napakalamig na ngiti at madilim na presensya ay ang matamis na salitang namutawi sa bibig ng lalaking may nag-aalab na pulang mga mata. Hinaplos niya ang malamig at maputlang pisngi ng lalaking nakaluhod sa lupa habang nakatitig sa mga mata nito na nanlalaki sa gulat.
"Alam kong nahihirapan ka na. Kaya naman gusto kitang bigyan ng isa pang pagkakataon. Iyon ay kung...papayag ka sa kondisyon ko?"
Tama.
Iyon ang sabi ng mala-anghel na lalaki sa kaniya matagal na panahon na ang nakakaraan.
"S—sige, Payag ako! Kahit na ano pa 'yan! Basta't ialis mo lamang ako rito, gagawin ko ang kahit na ano!"
Ngunit iyon din ang naging pinakamalaki niyang pagkakamali na hanggang sa kasalukuyan ay labis niyang pinagsisisihan.
Kung hindi sana ako nagpadalus-dalos noon, wala sana akong pinagsisisihan ngayon...
-----
"Jack!"
Natauhan si Jack nang umalingawngaw sa pandinig niya ang malakas na boses ni Rowan na kanina pa pala paulit-ulit na tinatawag ang kaniyang pangalan.
"B—bakit?"
"Hindi ito ang tamang oras para matulala ka!" sinipa ni Rowan nang malakas ang buwitreng nagtangkang humigit sa paa niya habang pilit niyang kinakaya na mangunyapit sa matarik na bundok na naghihiwalay sa Lambak ng mga Buwitre at sa susunod na lupain kung saan magiging ligtas sila. "Nasa paanan mo na sila, Jack!"
Napatingin naman si Jack sa ibaba kung saan mabilis na paakyat ang tatlo pang naglalakihang mga buwitre papunta sa kaniya.
"Hindi talaga papaawat ang mga 'to ah!"
Mabilis na kinuha ni Jack ang nakasukbit na baril sa kaniyang tagiliran at agad niyang pinaputukan sa ulo ang mga halimaw.
"Bilis, Rowan! Akyat na!"
Sumunod naman si Rowan sa sinabi ni Jack at agad niyang binilisan ang pag-akyat kahit hirap na hirap siya sa pagkapit sa mga nakaumbok na bato sa bundok. Ganoon din naman ang ginawa ni Jack. Binilisan niya ang pag-akyat ngunit siniguro parin niya na hindi makakasunod sa kanila ang mga buwitre hanggang sa makarating sila sa tuktok ng bundok kung saan hindi makakatapak ang mga halimaw dahil sa mga nagkalat na itim na liryo.
"K—kaunti na lang!"
Buong lakas na inahon ni Rowan ang kaniyang sarili mula sa inakyat nilang bundok hanggang sa tuluyan na siyang nakarating sa tuktok nito.
"Haaa...haaa...sa wakas, ligtas na tayo!"
Humiga si Rowan sa makapal at mamasa-masang banig ng berdeng damo na napapaligiran ng mga itim na liryo. Halos makipag-agawan siya ng hangin sa paligid noong mga oras na iyon dahil sa matinding pagod na naranasan niya sa pag-akyat sa napakatarik na bundok. Hindi na nga niya halos maramdaman ang kaniyang mga braso't kamay dahil sa matinding pamamanhid ng mga ito dulot ng paggamit niya ng puwersa sa pag-akyat. Mukha narin siyang basahan dahil sa nagmantsang dumi at alikabok sa kaniyang suot at iniinda rin niya ang humahapding mga gasgas at hiwa sa buo niyang katawan dahil sa pagtatanggol niya sa kaniyang sarili laban sa mga buwitreng gusto siyang gawing hapunan.
Hindi nagtagal ay sumunod na nakarating sa tuktok ng bundok si Jack. Ngunit hindi tulad ni Rowan, hindi gaanong halata ang pagod sa mukha ng gabay. Maliban sa ilang mga gasgas sa katawan at punit sa kaniyang damit ay wala na siyang iba pang iniinda sa katawan.
"Hoy, Jack..." ani Rowan sa katabi niyang si Jack habang dahan-dahan niyang binabagalan ang kaniyang paghinga. "Ano? Buhay ka pa ba?"
"Ano ba namang klaseng tanong 'yan?" Sagot ni Jack sa kakatuwang tanong ng binata sa kaniya. "Hindi naman ako mahina tulad ng inaakala mo no."
Sinalibadbaran naman ng tingin ni Rowan si Jack at nagwika.
"Bakit? Masama bang magtanong?"
"Hindi."
"Iyon naman pala eh!"
At walang babala na siniko ni Rowan si Jack sa tagiliran na agad nitong ininda.
"Aray!" napabaluktot ng bahagya si Jack kasabay ng kaniyang pagdaing. "Ang sakit! Bakit mo ginawa 'yon!"
"Wala lang. Gusto ko lang."
Bahagya nang bumabalik sa normal ang paghinga ng binatang si Rowan matapos ang ilang minuto ng pahinga.
"Siguro naman ay ligtas na tayo. Wala ng mga halimaw na hahabol sa atin mula rito, tama?"
Bumangon si Jack matapos ang ilang minuto ng paghilata niya sa kumpol ng mga itim na liryo.
"Sa ngayon, oo. Pero malayu-layo pa ang lalakbayin natin bago tayo makarating sa lagusan na patungo sa mundo ng mga buhay kaya maaaring may makasalubong parin tayo na panganib sa daan."
"Gano'n?" dahan-dahan na bumangon si Rowan mula sa pagkakahiga at saka niya tinigtig ang kaniyang mga braso para mawala ang pangingimay ng mga ito. "Mga ilang araw pa ba ang lalakbayin natin bago tayo makarating doon?"
"Mga dalawang araw pa." Maikli ngunit tiyak ang naging sagot ni Jack. "At kung tama ang kalkulasyon ko, sa oras na makarating tayo sa mundo ng mga buhay ay mayroon na lamang tayong humigit kumulang na tatlong araw para mahanap ang liwanag."
"Teka, tatlong araw na lang ang matitira?" naguluhan ng kaunti si Rowan sa naging kalkulasyon ni Jack. "Ang akala ko ba'y apat na pung araw ang palugit sa atin? Sa tantiya ko, mga labinlimang araw pa lang tayo na naglalakbay. Ba't parang ang bilis? Mali naman yata ang kalkulasyon mo eh!"
"Hindi. Tama ang kalkulasyon ko." Pagtitiyak ni Jack sa binata. "Dito sa Hantungan ng mga kaluluwa, ang limang araw ay katumbas ng isang araw sa mundo ng mga tao. Kaya kung aabutin pa ng dalawang araw ang paglalakbay natin bago makarating sa lagusan, pagdating natin sa mundo ng mga tao, tatlong araw na lang ang matitira sa atin."
"G—ganoon?"
"Ganoon nga."
Pagkatapos makapagpahinga ng ilang sandali ay muling nagpatuloy sa kanilang paglalakbay ang dalawa. Tulad ng dati, nanguna si Jack sa paglalakad habang siya naman ay nakasunod lang. Bumaba na sila sa tuktok ng bundok at binagtas ang madamong daan na hitik sa mga itim na liryo. Napansin ng binata ang kakaibang amoy na inilalabas ng mga itim na bulaklak na katulad nang sa nasusunog na kandila. Kapit na kapit sa hangin ang amoy at habang tumatagal ang paglanghap niya sa samyo ng mga ito ay pumipintig rin sa sakit ang kaniyang sintido.
"Ang sakit sa ulo ng amoy ng mga bulaklak dito." Daing ni Rowan sa kaniyang sarili habang minamasahe niya ang kaniyang sintido.
Ipinagpatuloy parin ni Rowan ang kaniyang paglalakad kasama si Jack. At habang naglalakad siya ay napansin niya ang kakaibang pananahimik ng kaniyang gabay. Kahit nasa likod siya'y kita parin niya si Jack na tila ba ang isip ay nakalutang sa kawalan.
Iniisip kaya niya 'yong lalaking nakaitim na nagpakita sa amin sa lambak?
Sa palagay ni Rowan ay may kinalaman ang lalaking nakaitim na nagpakita sa kanila sa Lambak ng mga Buwitre sa kakaibang ikinikilos ngayon ng kaniyang gabay. Bigla tuloy nanariwa sa kaniya ang nakakatakot na hitsura ni Jack, lalo na noong tinangka niyang tanungin kung sino ang lalaking nakaitim at kung ano ang kaugnayan nito kay Jack.
Malakas talaga ang pakiramdam ko na may hindi sinasabi sa akin si Jack.
Tama.
Magpahanggang sa mga sandaling iyon ay hindi parin mawala sa isip ni Jack ang mga salitang iniwan sa kaniya ng nilalang na nagpakita sa kanila ni Rowan sa Lambak ng mga Buwitre, ang nilalang na tinawag niyang Mephistopheles.
"Umaasa ako na hindi mo nakakalimutan ang kasunduan nating dalawa, mahal kong Jack."
Napakagat bigla ng kaniyang labi si Jack matapos niyang maalala ang mga sinabi sa kaniya ng lalaking tinawag niyang Mephistopheles. Sa tindi nga ng gigil niya'y natuklap niya ang kaniyang labi nang hindi niya sinasadya hanggang sa kumalat ang maalat-alat na lasa ng kaniyang dugo sa kaniyang dila.
"Asar..."
Pasimpleng pinunasan ni Jack ang kaniyang nasugatang labi gamit ang kaniyang daliri. Mayamaya pa'y napansin niyang nasa tabi na niya si Rowan at pinuna nito ang mantsa ng dugo sa nasugatan niyang labi.
"Oh? Anong nangyari sa iyo? Anong nangyari sa labi mo?" sunud-sunod na usisa ni Rowan kay Jack.
"Wala. Natuklap lang ang balat sa labi ko."
Pagkatapos ay nginisian ni Jack si Rowan na parang wala lang nangyari at nagwika...
"Bilisan mong maglakad. Malayu-layo pa ang lalakbayin nating dalawa."
Napanganga na lang si Rowan sa bilis ng pagbabago sa ugali ng kaniyang gabay. Kanina lang ay seryoso ito at hindi makausap. Ngayon naman ay bigla itong sumigla at nakakangiti na. Hindi tuloy maintindihan ni Rowan kung ano ba talaga ang tumatakbo sa isip ng kaniyang gabay. Naging palaisipan ngayon sa kaniya kung sino ba talaga si Jack at kung ano ang mga itinatago nitong lihim na may kinalaman sa lalaking nakaitim na nagpakita sa kanila sa lambak.
Sino nga kaya ang lalaking nakaitim na iyon? At ano kaya ang relasyon nilang dalawa ni Jack sa isa't-isa?
------
"Ha? W—wala?"
Napatanong bigla si Lorcan sa kaniyang nakababatang kapatid na babae matapos siya nitong puntahan sa tinatambayan niyang kalye sa kasagsagan ng siksikan ng mga tao para sabihin na nawawala ang kinupkop nilang bata na si Fiann.
"Teka, a—anong wala? Wala siya sa kuwarto niya ngayon?"
"Oo, Kuya!" sagot ng batang babae sa kaniyang Kuya Lorcan habang pilit na isinisiksik ang kaniyang maliit na katawan sa pagitan ng mga naglalakihang tao sa paligid. Pasigaw narin ang sagot ng bata dahil nasasapawan ng ingay ng mga tambol, yapag ng mga kabayo, palakpakan at sigawan ng mga tao ang kaniyang maliit na boses. "Dadalhan ko sana siya ng tinapay at sopas kaso pagdating ko roon, wala na s'ya."
"Tsk! Pasaway talaga!"
Agad na inalis ni Lorcan sa siksikan ng mga tao ang kaniyang nakababatang kapatid at pagkatapos ay saka niya ito sinabihan na umuwi.
"Umuwi ka na sa atin, maliwanag? Pero huwag mong sasabihin kay Lola Elma na nawawala si Fiann. Siguradong mag-aalala 'yon!"
"Eh, paano kung magtanong si Lola?"
Nag-isip naman ng magiging palusot ang binatilyo.
"Sabihin mo, kasama ko si Fiann sa panonood ng parada."
"Eh gusto ko din manood ng parada, Kuya." Ang sabi ng nakababatang kapatid na babae habang nakanguso't nagpapaawa ng kaniyang mga mata.
"Tsk, 'wag na!" hindi naman nagpadala sa pagpapaawa ng kaniyang kapatid si Lorcan. "Masyadong maraming tao ngayon dito sa plaza. Baka mamaya'y mawala ka pa. Sige na, uwi na."
Walang nagawa ang nakababatang kapatid kundi ang sumunod sa utos ng kaniyang kuya. Dali-dali namang umalis pagkatapos si Lorcan para hanaping mag-isa ang naglayas na batang si Fiann. Matiyaga niyang sinuyod ang buong kalye ng Henrietta hanggang sa norte ng Bolton sa pagbabasakaling masumpungan niya sa mga lugar na iyon si Fiann. Subalit hindi naging madali ang paghahanap niya dahil sa araw na iyon ay dinaraos ng buong Irlanda ang kapistahan ni San Patricio. At kaya siya tumatambay sa plaza ay dahil inaabangan niya ang parada ng mga sundalo na tampok sa selebrasyon.
"Sa dami ng tao ngayon, sigurado akong mahihirapan akong hanapin si Fiann."
Ang hindi niya alam ay nasa malapit lang ang batang si Fiann, halos wala pang limang metro mula sa lugar kung saan siya naghahanap. Naipit sa siksikan ng mga tao si Fiann na nagbabalak sanang pumunta sa estasyon ng Connolly. Pero hindi nito alam ang daan papunta sa nasabing estasyon kaya naman nagtanung-tanong pa muna ito sa mga taong naroon.
"Mawalang-galang na po, alam n'yo po ba ang daan papunta sa estasyon ng Connolly?"
Ngunit wala ni isa sa mga pinagtanungan ni Fiann ang sumagot. Dinaan-daanan lang siya ng mga tao. Hindi siya pinansin ng mga ito kahit na panay na ang kaniyang pakiusap na ituro sa kaniya ang daan patungo sa estasyon.
Magkaganoon paman ay hindi sumuko si Fiann at muling sumubok na magtanung-tanong sa mga taong nakakasalubong niya.
"Mawalang-galang na po!" isang balbas-saradong lalaki na amoy tsiko ang inabala ng batang si Fiann. "Baka alam po ninyo ang daan papunta sa estasyon ng Connolly? Doon po kasi ako papunta ngayon eh."
Ngunit imbis na sumagot ng matino'y pinandilatan pa siya ng mga mata ng lalaki at walang anu-ano'y itinulak siya nito sa gilid ng daanan.
"Paharang-harang ka, bata! Umalis ka nga rito!"
Dahil sa nangyari kaya napaupo si Fiann sa matigas na simento. Napigtal ang sukbitan ng dala niyang kustal at sumaboy ang laman nito sa gilid ng kalsada. Isa-isang pinulot ni Fiann ang mga ito at ibinalik sa loob ng kaniyang kustal kabilang ang isang pakpak na panulat at isang laruan na parasyut.
"K—Kuya..."
Nangilid ang luha sa mga mata ni Fiann habang hawak niya sa kaniya mga kamay ang nasabing mga gamit. Bagama't naroon ang matinding determinasyon niya na magpatuloy, ngunit dahan-dahan itong naglalaho dahil narin sa kawalan ng pag-asa. Hawak niya rin sa kaniyang kamay ang isang nakatuping papel, isang liham na natanggap niya isang linggo na ang nakakaraan at siyang puno't dulo ngayon ng kaniyang paglalakbay.
"Kailangan kong makarating sa Killybegs, anuman ang mangyari!"
Pagkatapos maayos ni Fiann ang kaniyang mga gamit ay muli siyang nagpatuloy sa paglalakad at pagtatanung-tanong. Mayamaya pa, isang malaking lalaki sa likuran ni Fiann ang umatras dahil sa kumakapal na dami ng mga tao sa unahan. Hindi niya napansin si Fiann kaya naitulak niya ito palabas sa humahaba't kumakapal na linya ng mga tao na gustong mapanood ang parada. Hindi natantiya ng bata ang kaniyang balanse at muntikan nang humampas ang ulo niya sa poste ng ilaw. Mabuti na lang at may isang binata roon na nakasuot ng makapal na kulay itim na diyaket at suot na itim na sombrero ang agad na nakasalo sa kaniya bago paman siya nasaktan sa insidente.
"Ayos ka lang?" tanong ng binata kay Fiann. Natagalan bago nakasagot si Fiann dahil sa pagkabigla. Ngunit nang magpapasalamat na sana siya sa binatang tumulong sa kaniya ay saka lang niya napagtanto na ang binatang iyon na pala ang sagot sa kaniyang problema.
"I—ikaw?"
Namilog nang husto ang mga mata ni Fiann dahil sa pagkagulat.
"I—ikaw nga, Kuya Allan!"