Chereads / Rowan's Odyssey / Chapter 10 - Kabanata IX: Katotohanan

Chapter 10 - Kabanata IX: Katotohanan

Kapag ang katotohanan ay pinalitan ng katahimikan, ang katahimikang iyon ay isa ng kasinungalingan.~ Yevgeny Yevtushenko ~

-----

"Kumusta? Matagal din tayong hindi nagkita, Jack the Smith!"

Isang babae na may taklob na itim na manto sa mukha at may sukbit na isang malaking supot sa kaniyang tagiliran ang nagpakita kina Jack at Rowan. Hindi inasahan ni Jack ang pagpapakita ng nasabing babae, lalo na't matagal na panahon na ang nakakalipas magmula noong huling nagtagpo ang kanilang mga landas.

"I—ikaw nga, Setti!"

Mula sa likod ng naglalakihang puno ay lumabas at nagpakita ang babae na kinilala ni Jack sa pangalan na Setti.

"Inaasahan ko talaga ang pagdating mo rito, Jack the Smith!"

Sumulong ang babaeng si Setti upang lapitan si Jack. Ngunit imbis na sumalubong ay napaatras pa siya't binalaan si Rowan na magtago sa likuran niya.

"Magtago ka sa likuran ko Rowan, bilis!"

"T—teka! Bakit?"

"Basta, gawin mo na lang!"

At sa kalagitnaan ng paglapit ng babaeng si Setti kina Jack at Rowan ay walang babala nitong kinuha sa loob ng kaniyang suot na itim na manto ang isang mahabang latigo na gawa sa gulugod ng tao at walang anu-ano'y nilatigo niya ang kinatatayuan nina Jack. Mabuti na lang at nakaiwas agad si Jack at nailayo niya si Rowan bago paman tuluyang tumama sa kanila ang sandata ng kalaban.

"Jack the Smith!"

Buong lakas na winasiwas ng babaeng si Setti ang kaniyang latigong gulugod para puntiryahin si Jack. Ngunit nagawa ng gabay na muling makaiwas sa atake kasabay ng mabilis na paghugot niya sa baril na nakasukbit sa kaniyang tagiliran.

"Pasensya na, pero wala akong oras para makipaglaro sa iyo, Setti!"

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Jack at agad siyang nagpaputok. Ngunit dumaplis ang pinakawalan niyang bala sa telang nakasuklob sa ulo ng kaniyang kalaban, dahilan para mahantad ang itinatagu-tago nitong anyo sa likod ng suot nitong itim na manto.

"A—anong?!"

At kasabay ng malaking buka ng bibig, nanigas na mukha't nasawatang daloy ng hangin mula sa bibig ay ang matinding pagkasindak ni Rowan sa kaniyang nakita.

"P—pugot! Isang...PUGOT NA ULO!"

Tama.

Hindi inakala ni Rowan na ang babaeng galit na galit sa kaniyang gabay at siyang nagligtas sa kanila kanina mula sa higanteng ahas ay isa pa lang taong pugot. Kitang kita ng dalawang nanlalaking mga mata ni Rowan na walang ulo ang kanilang kaharap. Litaw na litaw ang sugat ng babae sa leeg nito mula sa pinagpugutan. Mamasa-masa pa ang sugat, may nakalitaw pa na ilang parte ng buto at may bumubulwak pa na dugo mula sa parteng pinagpugutan. May kung ano rin na itim na usok na lumalabas mula sa pinagpugutan na maaaring dahilan kung bakit hindi nila nahalata kanina na wala itong ulo dahil lumilikha ito ng ilusyon sa suot nitong manto na ang hulma'y tulad ng ulo ng isang tao.

Ngunit hindi tulad ni Rowan, si Jack ay kalmado lang at hindi nagpaapekto sa kabila ng nakakasindak na hitsura ng kalaban.

"Huwag kang matakot." Ani Jack sa binata. "Isa lang siyang Dullahan."

Napalunok ng kaniyang laway si Rowan.

"D—Dullahan?"

"Ang mga tulad niya'y kilala ng marami bilang tagapaghatid ng kamatayan. Isa siyang nilalang na inakala ng marami na isang alamat lang."

Walang takot na kinasa ni Jack ang kaniyang baril at pagkatapos ay inasinta niya ang malaking supot na nakasukbit sa tagiliran ng babaeng pugot hanggang sa ito'y mahulog sa lupa.

"Aray!"

Nakalas ang buhol sa supot. Bumuka ito at gumulong palabas mula roon ang ulo ni Setti.

"Walang hiya ka talaga, Jack the Smith!"

Hindi halos nakakurap si Rowan sa kaniyang nakita lalo na nang magsalita ang nakabulagtang ulo sa lupa na ang hitsura ay masahol pa maaari niyang makita. Ang bibig nito'y nakaarko pataas, banat na banat at nakasayad sa magkabilang panig ng ulo. Ang mga mata nito'y lubog at napapaligiran ng makapal at mangitim-ngitim na laman. Ang kulay ng balat nito'y sobrang putla na parang binuhusan ng sandamukal na almirol at ang naglalakihang sugat sa ulo nito'y halos kinain na ng uod kung saan umaalingasaw ang masangsang na amoy na kahalintulad sa nabubulok na keso.

"Ang lakas din talaga ng loob mo na barilin ang ulo ko matapos ang lahat ng ginawa mo sa akin huh!" lumapit ang babaeng pugot na si Setti para kuhanin ang kaniyang ulo na nasa lupa at saka niya ito binitbit gamit ang kaliwa niyang kamay. "Kung mayroon mang dapat na mabutas ang bungo sa ating dalawa, ikaw 'yon, Jack the Smith!"

Hindi sumagot si Jack at hindi narin niya tinangka na manlaban. Sa halip ay isinukbit niyang muli sa kaniyang tagiliran ang kaniyang baril at walang pag-aatubili niyang itinaas ang dalawa niyang kamay na tila ba susuko na siya sa kaniyang kalaban.

"Alam kong galit ka sa akin, Setti. Naiintindihan ko, maniwala ka." Ani Jack sa babaeng pugot sa mahinahong pananalita. "Pero pwede bang kalimutan na natin ang mga nangyari? Matagal na panahon na 'yon at saka nahanap mo na naman ang ulo mo, hindi ba?"

Lalong nagngitngit sa galit ang babaeng pugot na si Setti at walang anu-ano'y naglaho siya sa hangin sa anyo ng isang maitim na usok at mabilis na lumitaw sa harapan ni Jack para sunggaban ang leeg nito.

"Sa tingin mo ba'y basta-basta ko na lang kakalimutan ang panloloko mo sa akin? Pinaniwala mo ako na hahanapin mo ang ulo ko kapalit ng pabor na hiningi mo sa akin, pero matapos mong makuha sa akin ang gusto mo ay basta ka na lang nawala?!"

Dahan-dahan na humigpit ang pagkakasakal ni Setti sa leeg ni Jack. Sinubukan ng gabay na alisin ang kamay ni Setti sa leeg niya ngunit masyado itong mahigpit para kontrahin niya gamit ang kaniyang lakas.

Hanggang sa...

"Pakiusap, tama na!"

Itinulak ni Rowan si Setti upang makakalas si Jack mula sa kaniya. Nagulat naman si Setti sa pangingialam na ginawa ni Rowan kaya lalo siyang nagngitngit sa galit na naging dahilan upang lalong maglabas ng maitim na usok ang pinagpugutan ng kaniyang ulo.

"At sino ka naman, kaluluwa?!"

"Hindi na mahalaga kung sino ako!" sagot ng binata sa babaeng pugot. "Hindi ko alam kung bakit galit na galit ka kay Jack, pero hindi ako makakapayag na patayin mo s'ya!"

"Teka nga sandali..." namilog ng bahagya ang lubog na mga mata ng pugot na si Setti. "Ikaw...ikaw ang huli at malas na kaluluwang magpapalaya sa kaniya mula sa sumpa!"

Biglang natigilan si Rowan sa kaniyang mga narinig.

"T—teka...anong sumpa ang sinasabi mo?"

Ngunit bago paman nasagot ni Setti ang tanong ni Rowan ay nagawa na ni Jack na sumabat sa usapan.

"Setti! Tumigil ka na!"

Lalong lumapad ang ngiti sa labi ni Setti matapos niyang makita kung paano siya titigan ng matalim ng lalaking minsan niyang nakasama sa madilim at mapanglaw na mundo kung saan literal na hindi umuusad ang oras para sa mga tulad nilang isinumpa.

"Tulad ng inaasahan, mukhang hindi mo sinabi sa kaniya kung sino ka talaga?"

Humigpit ang kapit ni Jack sa manto ng babaeng pugot at sumagot sa mahina ngunit may diin na tinig.

"Hindi niya kailangan na malaman kung sino ako!"

"Talaga?"

Padaskal na inalis ni Setti ang kamay ni Jack na nakakapit sa kaniyang suot na manto. Pagkatapos ay bigla siyang naglaho sa hangin at sa isang kisap-mata'y lumitaw siya sa harapan ni Rowan sa anyo ng isang maitim na usok.

"Huwag!"

Ikinagulat ni Jack sa naging pagkilos ni Setti. Subalit huli na bago pa niya tuluyang napigilan si Setti na ilandtad ang katotohanan sa binata tungkol sa kaniyang tunay na pagkatao.

"Kung ganoon..." inilapit ni Setti ng husto ang kaniyang sarili kay Rowan na halos hindi makakilos ni makapagsalita sa bilis ng mga pangyayari. "...hindi pala niya nasabi sa iyo na isa siyang huwad na gabay!"

Hindi agad nanuot kay Rowan ang inilahad sa kaniya ng babaeng pugot na si Setti.

"A—anong huwad?"

"Huwad! Peke! Sa madaling salita, Isa siyang manloloko!"

Hindi halos naikurap ni Rowan ang kaniyang mga mata ng ilang segundo dahil sa tindi ng kaniyang pagkabigla. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga narinig na halos ayaw itong tanggapin ng kaniyang isipan.

M—manloloko?

Hindi niya halos namalayan na nakatingin na pala siya kay Jack, nagsusumamo ng paliwanag ang kaniyang nanlalaking mga mata dahil sa nagtataltalang mga emosyon sa kaniyang kalooban na anumang sandali ay wawasak sa kaniyang kakayahan na tumanggap ng anumang paliwanag.

"Jack..." aniya, "Anong sinasabi n'ya? Anong huwad? Anong peke?"

Nakaumang na ng buka ang bibig ni Jack para magpaliwanag. Ngunit hindi niya alam kung saan at paano siya mag-uumpisang magpaliwanag dahil hindi niya ito napaghandaan. Hindi niya inasahan na malalantad ng ganoon kaaga ang pinakatatagu-tago niyang lihim sa binata.

At ngayon, tapos na ang lahat para sa kaniya at sa kaniyang pagpapanggap.

"R—Rowan, magpapaliwanag ako..."

Dahan-dahan na lumapit si Jack na siya namang pag-atras ni Rowan na parang isang takot na batang ayaw pahawak sa isang mabangis na halimaw.

"Anong paliwanag ang sinasabi mo? Ibig sabihin, totoo ang sinasabi niya? Na isa kang peke? Na matagal mo na akong...niloloko?"

"Hindi, hindi 'yon totoo!" giit ni Jack sa binata. "T—totoo na nagpanggap lang ako na isang gabay! Pero maniwala ka! Gusto kitang itawid sa kabilang buhay! Pakiusap, Rowan! Pakinggan mo muna sana ako!"

Lumaki ang hakbang ni Rowan paatras na para bang anumang sandali ay handa itong tumakbo at tumakas.

"Paano pa ako maniniwala sa iyo?" sagot niya kay Jack, "Kung sa umpisa pa lang, niloloko mo na ako!"

At gaya nga ng inaasahan ni Jack ay nagtangka ngang tumakbo si Rowan papalayo. Mabuti na lang at nagawa niyang hablutin ang kamay ng binata bago paman ito tuluyang makatakbo papasok sa kakahuyan. Subalit lalo lamang ikinagalit ni Rowan ang ginawang hakbang ni Jack at walang anu-ano'y binulyawan niya ito ng malakas kasabay ng malakas at napakalamig na puwersang lumabas sa katawan ng binata.

"Bitawan mo ako!"

Hindi nakapalag si Jack at walang anu-ano'y tumilapon siya sa malayo matapos siyang tamaan ng puwersang lumabas mula kay Rowan.

"R—Rowan?"

Masahol pa sa hinampas ng malaki at solidong tabla ang pakiramdam ni Jack sa kaniyang katawan matapos siyang tamaan ng puwersang nagmula kay Rowan. Ngunit kung mayroon man siyang mas higit na ikagulat, iyon marahil ay ang pagbabago sa pisikal na anyo ng binata. Nagkulay dugo ang mga mata ni Rowan kasabay ng pag-umbok ng matatabang ugat sa paligid ng kaniyang mga mata. Nagbago rin ang kulay ng kaniyang balat. Mula sa pagiging maputla ay nangitim ito at nagkaroon ng malalaking bitak na parang natigang na lupa. At ang boses niya'y lumalim na parang nagmula ito sa loob ng isang malalim na hukay.

"Huwag ka nang lalapit sa akin, kahit na kailan!"

At sa isang iglap ay naglaho si Rowan tulad ng isang usok na kinain ng malakas at galit na galit na hangin.

"Hindi! Rowan! Bumalik ka!"

Nabigo si Jack na habulin si Rowan. Siya, at ang babaeng pugot na si Setti na lang ang natira sa lugar.

"Patas na tayo ngayon, Jack!" At umugong ang halakhak ni Setti sa buong paligid. "Hinding hindi ka na makakaalis pa sa mundong ito, habang buhay!"

Nangangatal sa galit na tumayo si Jack at pinanlisikan ng mata ang pugot na si Setti.

"Ikaw..."

Mabilis na kinuha ni Jack sa kaniyang tagiliran ang baril at walang pag-aatubili niya itong ipinutok kay Setti. Iyon nga lang, hindi na umabot pa ang balang pinakawalan niya sa ulo ni Setti dahil mabilis itong naging usok at naglaho sa hangin. Ngunit nag-iwan ito ng huli niyang pananalita na gumimbal ng labis sa naiwang si Jack.

"Hindi mo matatakasan ang ginawa mong kasunduan sa kaniya, Jack the Smith."

Nanlambot nang husto ang mga tuhod ni Jack at pagdaka'y napaluhod siya ng tuluyan sa lupa.

"M—Mephistopheles..."