Chereads / Rowan's Odyssey / Chapter 6 - Kabanata V: Agam

Chapter 6 - Kabanata V: Agam

Ang kawalan ng katiyakan ay laging lumilikha ng pagdududa, at ang pagdududa ay lumilikha ng takot.~ Oscar Munoz ~

-----

Isa ba itong alaala?

O isa na namang panaginip?

Hindi ako sigurado. Pero habang tumatagal ay mas lumilinaw ang mga imaheng ito sa aking isipan. Para silang mga punit-punit na piraso ng isang malaking larawan na unti-unting nabubuo at nagiging isa.

Ngunit bakit ganoon?

Bakit bigla akong nakaramdam ng pag-aalinlangan? May mali ba sa mga imaheng ito? Hindi, sa tingin ko ay wala. Hindi ko alam ang dahilan kung bakit, pero may kung anong gustong sabihin sa akin ang pag-aalinlangan na ito na hindi ko magawang maipaliwanag.

Tama.

Dala ko ang alinlangan na ito habang nakatayo sa gitna ng isang malawak na bakuran. Napapaligiran iyon ng mga nagtataasang damo, mga puno, at mga halaman. Tumatagos mula sa siwang ng mga sanga at ng mga dahon ang kulay kahel na liwanag mula sa papalubog na araw, at ang hangin ay marahang umiindayog at humahampas sa bawat dako, habang akay nito ang alimyon na hindi mo maaamoy sa araw man o sa gabi - isang halimunmon, na natutunaw sa ilalim ng init ng araw at gumugulang pagsapit ng dapit-hapon.

Oo...

Tulad ng agayay ng mga tuyong dahon na tinatangay ng banayad na hampas ng hangin.

Pero sa totoo lang...

Hindi ko alam kung ano ang kinalaman ng mga ito sa akin.

Nanatili lang akong nakatayo sa bakuran na iyon. Nakikiramdam at nagmamasid. Para akong may hinihintay sa lugar na iyon, pero hindi ko naman masabi kung sino at bakit.

Hanggang sa...

"Halika, bilis!"

Bigla akong napalingon nang may narinig ako na tinig -- boses ng isang batang lalaki. Paglingon ko, nakita ko ang bata na kasama ang isang pang mas batang lalaki. Magkapatid kaya ang dalawang 'yon? Magpinsan? magkaibigan? Hindi ako sigurado. Hindi ko rin gaanong maaninag ang kanilang mga mukha. Pero alam ko na pareho silang masaya dahil sa lutong ng kanilang mga tawanan.

Hindi nagtagal, napansin ko na patungo ang dalawa sa isang bahagi ng bakuran. Doon ay matatagpuan ang isang hamaka na gawa sa lumang kumot na itinali sa pagitan ng dalawang matandang puno ng rowan. Tuwang tuwa ang dalawa na sumampa sa hamaka. Nagpaindayog sila kasabay ng malumanay na hampas ng hangin na parang mga ibon na uhaw sa haplos ng himpapawid.

Para sa iba, maaaring isa 'yong magandang larawan ng mga alaala na may kakayahang magbigay-lugod sa sinomang makakakita. Tulad ng pagtugis sa hugis ng hangin na pilit niyayakap ng mga batang aking nakita, o 'di kaya'y ang pagsipat ng dilim sa dapit-hapon, o ang pagdama sa lukso ng dugo sa tuwing may umuusbong na bahaghari sa langit.

Ngunit para sa akin, para 'yong isang malungkot na larawang may kuwento.

At ako, na nakatayo sa 'di kalayuan, ang siyang tagapanood nito.

Pakiramdam ko'y naging bihag ako sa loob ng larawang iyon, isang bihag na hinainan ng isang kuwento.

Maraming...maraming malulungkot na mga kuwento.

At wala nang iba pang paraan upang makalabas ako mula sa loob ng malungkot na kuwentong iyon.

Wala na...

-----

"...Rowan."

Dahan-dahan na iminulat ni Rowan ang kaniyang mga mata matapos niyang marinig ang boses ng kaniyang gabay na si Jack na tinatawag ang kaniyang pangalan.

"Bangon na. Malapit na tayong dumating sa destinasyon natin."

"Ha?" bahagyang kinusot ni Rowan ang kaniyang mga mata upang maibsan ang panlalabo ng mga ito dahil sa matagal na pagkakapikit.

"Papasok na tayo sa Lambak ng mga Buwitre, kaya maghanda ka na."

Agad naman na bumangon si Rowan matapos sabihin ng gabay niya na papasok na sila sa lugar kung saan naroon ang sunod nilang pakay, ang mga nawawalang relikya ni Rowan. Noong mga oras na iyon ay sakay sila ng isang kulay puti na karo na pinatatakbo ng isang puting kabayo. Eksklusibong ipinagamit sa kanila ng payasong si Sluagh ang nasabing karo at kabayo upang magamit nila sa kanilang paglalakbay patungo sa itinuturing na isa sa pinaka mapanganib na lugar sa Hantungan ng mga Kaluluwa, ang Lambak ng mga Buwitre.

Ngunit hindi tulad ng ilang mga pangkaraniwang lugar sa Hantungan ng mga Kaluluwa na binubuo ng mga puting liryo, mga makakapal na kagubatan at mga anyong tubig na gawa sa dugo, ang Lambak ng mga Buwitre naman ay binubuo halos ng mga matatalim na bato, mga matatarik na bundok at pinong lupa na para ng alikabok o buhangin sa isang disyerto. Maalinsangan sa balat ang temperatura sa lugar at masangsang din ang amoy ng paligid na para bang nagkalat lang sa kung saan-saan ang nabubulok na katawan ng mga patay.

"Mukhang malapit na nga tayo sa sinasabi mong kuta ng mga halimaw na kumuha sa mga relikya ko." Makailang beses na kinusot ni Rowan ang kaniyang ilong dahil sa maalingasaw na amoy ng kapaligiran na parang mga nabubulok na patay. "Ganitong ganito ang amoy nung halimaw na umatake sa atin doon sa lupain na puno ng mga liryo eh."

"Kaya nga kailangan na gising ka dahil anumang oras, maaari tayong atakihin dito ng mga buwitre. Isipin mo na lang ang kasabikan sa mukha ng mga halimaw na 'yon kapag nakita ka nila. Pagkain na mismo ang lumapit sa kanila, kaya tiyak na magkakagulo sila kapag nakita ka."

Biglang tumiklop ang mga labi ng binatang si Rowan. Pero hindi iyon dahil sa kung ano paman, kundi may isang bagay kasi siya na nais itanong kay Jack na may kinalaman sa mga napapanaginipan niya sa loob ng nakalipas na tatlong araw. Subalit nag-aalangan siyang magtanong dahil baka magmukha siyang katawa-tawa sa bagay na itatanong niya at pag-umpisahan na naman ito ng panibagong pang-aasar.

Ngunit ang hindi alam ni Rowan ay matalas ang pakiramdam ni Jack sa mga kakaibang bagay o pagbabago na nasa paligid niya, lalo na sa mga kilos, galaw at nararamdanan ng mga kaluluwang nakakasalamuha nito tulad ni Rowan.

Kaya naman hindi na nag-atubili pa ang gabay na si Jack at siya na mismo ang nagkusang-loob na usisain ang nais sabihin sa kaniya ng binata.

"May gusto ka bang sabihin sa akin, huh?"

Ikinagulat naman ng bahagya ni Rowan ang biglang pag-imik sa kaniya ni Jack.

"Ha? Ako ba ang kausap mo?"

"May iba pa ba akong kausap dito? Alangan naman na itong kabayo ang tanungin ko kung may gusto ba siyang sabihin sa akin o wala?"

Medyo mapang-asar ang dating ng naging sagot ni Jack kay Rowan. Ngunit ang intensyon talaga niya ay para magbiro at hindi para asarin ang binata. Iyon nga lang, huli na para sabihin ni Jack na nagbibiro lang siya dahil nagawa na naman niyang pakunutin ang noo ng binatang si Rowan.

"Alam mo ikaw...nakakaasar ka! Anong malay ko kung 'yong kabayo nga ang kinakausap mo at hindi ako!"

"Oh! Pasensya na! Pasensya na!" Sa kabila ng pagpipigil ni Jack na matawa sa ipinakitang reaksyon ni Rowan ay sinikap parin nito na pakalmahin ang galit na binata. "Nagbibiro lang naman ako. Ikaw naman, napakabilis mo talagang mapikon."

Sandaling nanahimik si Rowan. Marahil ay gusto muna niyang kumalma bago niya muling kausapin ang kaniyang gabay.

Hanggang sa...

"Tungkol sa panaginip ko..."

Kalauna'y binasag din ni Rowan ang kaniyang pananahimik. Nagbalik na sa normal ang nakakunot niyang noo, ngunit napalitan naman iyon ng bahagyang pagdilim ng kaniyang mukha. Bakas ang pagdadalawang-isip kung sasabihin ba niya kay Jack ang naging panaginip niya o hindi na lang. Ngunit sa huli, pinili parin ni Rowan na ibahagi sa kaniyang gabay ang kaniyang naging panaginip sa pag-asang matutulungan siya ng kaniyang gabay na unawain ang ibig sabihin ng kaniyang mga panaginip.

"Nanaginip ako." Ipinagpatuloy ni Rowan ang nauna niyang pahayag kanina tungkol sa kaniyang panaginip. "Ang totoo, ilang beses ko na 'yong napanaginipan. Pero ang pinagtataka ko, iisang senaryo lang ang napapanaginipan ko, senaryo ng dalawang bata. Naglalaro sila sa isang bakuran kung saan may lumang duyan at...at mukha naman silang masaya pero..."

Hinayaan ni Rowan ang kaniyang mga salita na mabitin sandali upang silipin ang reaksyon ng kaniyang kausap. At tulad ng kaniyang inaasahan, nakatingin lang sa kaniya si Jack. Hindi ito kumukurap at hindi rin masabi ni Rowan kung interesado ba talaga ang gabay niya sa kaniyang mga sinasabi o nawiwili lang ito sa pakikinig sa kaniya.

"O, bakit ka huminto?" sita ni Jack sa biglang pananahimik ni Rowan. "Nakikinig ako."

"Talaga?" napataas ng bahagya ang isang kilay ni Rowan sa binitiwang maikling sagot ni Jack sa kaniya. "Mukha ka kasing hindi nakikinig sa akin eh."

"Nakikinig nga ako." Giit ni Jack sa binatang kausap.

"Kung nakikinig ka ngang talaga, ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mga panaginip kong 'yon?"

"Teka, teka!" mabilis na inawat ni Jack ang binatang kausap na nag-uumpisa na namang magsalubong ang mga kilay at mangasim ang mukha. "Ano naman ang akala mo sa akin? Manghuhula? Hindi ko naman kayang matukoy kung anong ibig sabihin ng mga panaginip mo no! Pero..."

"Pero ano?"

Bumangga ang tingin ni Rowan sa mga mata ni Jack. Naghihintay siya ng anumang sasabihin ng kaniyang gabay upang bigyang linaw ang posibleng dahilan ng mga kakaibang panaginip niya.

"Ang mga panaginip mong 'yon, baka bahagi sila ng mga nawawala mong alaala. Kaya mo siguro paulit-ulit na napapanaginipan ang mga iyon dahil hindi naman talaga iyon isang panaginip, kundi bahagi ng alaala mo. Hindi kaya?"

Ngunit imbis na matuwa ay mukhang nabalot pa lalo ng mga tanong ang malamlam na mukha ng binata.

"Kung totoo nga 'yang sinasabi mo, bakit hindi ko manlang makilala ang mga batang 'yon? At saka bakit sa tuwing napapanaginipan ko iyon, nakakaramdam ako ng matinding bigat sa dibdib ko. Para akong nanonood ng isang malungkot na palabas kahit mukhang ang saya naman nila sa mga panaginip ko. Wala akong nakikitang mali pero...pakiramdam ko hindi totoo ang mga 'yon."

Napabuga ng malalim na hininga si Jack matapos maring ang sentimyento ng binatang si Rowan.

"Pasensya na pero hindi na kita masasagot pa sa bagay na 'yan." Inilayo ni Jack ang kaniyang tingin kay Rowan na para bang gusto nitong umiwas sa paksa at minabuti na lang na tumutok sa daan na kasalukuyan nilang tinatahak. "Hangga't hindi natin nababawi ang mga relikya mo, hindi natin masasagot 'yang mga katanungan mo. Malay mo, sa kalagitnaan ng paglalakbay natin ay mahanap natin ang sagot d'yan sa mga tanong mo?"

Tumango lang si Rowan ng pagsang-ayon kay Jack. Pero ang totoo, hindi talaga niya lubos na maunawaan ang kaniyang kalagayan.

Mayroong hindi tama...

Para kay Rowan, ang mga patay na tulad niya ay wala na dapat kakayahan na makaramdam ng kalungkutan. Hindi na dapat siya umaasam ng mga bagay na pribilehiyo lamang ng mga buhay tulad ng mga alaala. Hindi narin dapat siya naghahanap pa ng sagot sa mga tanong na wala namang kinalaman o kasiguruhan kung mababaon ba niya sa pagtawid niya sa kabilang buhay.

Ngunit...

May pakiramdam ako...

Pasimpleng sinalikop ni Rowan ang kaniyang dibdib.

May pakiramdam ako na hindi nawala sa akin ang mga alaala ko. At ang sagot sa mga tanong ko, alam kong nariyan lang sila sa malapit. Tama. Hindi sila nawawala. Para silang---

Ngunit habang nasa kalagitnaan ng malalim na pag-iisip si Rowan ay bigla na lang huminto ang sinasakyan nilang karo at kamuntikan nang humampas ang mukha niya sa gilid ng nasabing sasakyan.

"Anong nangyari, Jack? Bakit bigla mong pinahinto ang kabayo?"

"Hindi ko pinahinto ang kabayo."

May kung anong himig ng alarma na napansin si Rowan sa tinig ni Jack.

"Teka, anong ibig mong sabihin?"

Hindi na nagbigay ng anumang detalye si Jack. Pagbaba niya sa karwahe ay agad niyang inutusan si Rowan na magmadaling bumaba sa sasakyan.

"Baba na, bilis!"

Sumunod naman agad si Rowan sa utos, ngunit halos matapilok naman siya dahil sa pagmamadali.

"T—teka, ano ba talaga ang nangyayari? Bakit bigla tayong bumaba?"

Sunud-sunod ang naging tanong ni Rowan sa kaniyang gabay na kasalukuyan namang seryoso at nakikiramdam sa kanilang paligid. Napapalibutan sila noong mga oras na iyon ng mga matutulis na bato at matatarik na mga bundok. Tuyung tuyo ang lupa at nakakakilabot ang naglalakihan nitong mga bitak. Walang kahangin-hangin at maalinsangan ang paligid. Ngunit may kung ano silang nasasagap na hindi mabuti sa paligid at nagtatago ito sa kung saan. Marahil ay nasa likod iyon ng mga bato, o nasa gilid ng mga bundok. Hindi nila matukoy ang eksaktong lokasyon.

Ngunit...

"Narito na sila." batid ni Jack ang presensya ng mga ito kahit hindi pa sila ganap na nagpapakita. "Nasa paligid lang ang mga buwitre, kaya huwag kang lalayo sa tabi ko, maliwanag?"

Tumango ng marahan si Rowan. Pagkatapos ay lumapit siya sa gabay niyang si Jack habang siya mismo ay nakikiramdam din sa anumang bagay o halimaw na gugulat sa harapan niya. At tulad nga ng sinabi ni Jack, ang mga kalaban ay nasa paligid lang. Ramdam niya ang 'di mabilang na matatalim na mga mata na tila kanina pa nagmamasid sa kanila.

Hanggang sa...

"Huh?"

Napatingin si Rowan sa lupa na kaniyang tinatapakan. Hindi niya alam kung namalik-mata lang ba siya o talagang nakita niya na gumalaw ang maliliit na bato sa kaniyang paanan. Hindi siya sigurado. Ngunit sa huling pagkakataon ay muling nakita ni Rowan na gumalaw ang maliliit na bato sa lupa na para bang may kung ano sa ilalim ang nagpapayanig sa mga ito.

"J—Jack?"

Ngunit bago paman nakalingon si Jack kay Rowan ay naunahan na agad siya ng kaniyang mga kalaban--mga naglalaway sa gutom na mga buwitre na ang pangunahing pagkain ay ang mga kaluluwang 'di pa nakatatawid sa kabilang-buhay tulad ni Rowan.

"Hindi! Rowan!"

Walang babala na hinatak ng isa sa kanila si Rowan papunta sa ilalim ng lupa. Mabuti na lang at mabilis kumilos si Jack at nagawa niyang hawakan ang kamay ng binata bago ito tuluyang lamunin ng lupa.

"Kumapit ka ng mabuti sa kamay ko!"

Buong lakas na hinatak ni Jack si Rowan mula sa lupa at pagkatapos ay saka ito tumakbo ng mabilis kasama ang binata papalayo sa lugar. Doon na nagsimulang lumitaw ang mga buwitre mula sa ilalim ng lupa, sa gilid ng mga bundok at sa likod ng mga naglalakihang bato. Sa kabuuan, aabot sa sampu ang dami ng mga buwitre na nag-uunahan para sa kaluluwa ni Rowan. Inilabas ng kanilang mga tuka ang naglalakihan nilang mga pangil na kapareho ng sa pirana, at ang ingay nila ay hindi tulad ng sa isang ordinaryong buwitre, kundi kahalintulad ng atungal ng isang leon.

"Ano nang gagawin natin Jack!" hindi na halos maramdaman ni Rowan ang kaniyang mga paa na nakatapak sa lupa dahil sa paspas na pagtakbo. Hindi paman din biro ang mga lubak at mabatong bahagi sa kuta ng mga buwitre kaya makailang beses na muntinkang matilapid ang binata. Habang si Jack, sa kabila ng panganib na sumusunod sa kanila ay nanatili paring kalmado. Nagawa parin niyang maging mahinahon at mag-isip ng paraan kung paano nila malulusutan ang mga kalaban.

Kailangan namin silang matakasan!

Lumingon si Jack at mabilis na pinag-aralan ang gagawing pag-atake ng mga halimaw na humahabol sa kanila. Karamihan sa mga halimaw ay nakasunod sa kanila, habang ang iba naman ay nasa gilid ng mga bundok at balak silang surpresahin ng pag-atake sa unahan.

"Mukhang gusto nila ng ambush." Ani Jack kay Rowan na hindi na halos makapagsalita ng tuluy-tuloy dahil sa walang tigil na pagtakbo.

"A—anong...haa...b—balak mong gawin, Jack!"

Walang anu-ano'y biglang huminto sa pagtakbo si Jack. Bigla ring napahinto si Rowan ngunit nagtuluy-tuloy siyang naparapa at sumadsad sa lupa.

"A—aray!" literal na humalik sa lupa ang mukha ni Rowan matapos siyang madapa. "A—ang sakit!"

Habang si Jack naman ay agad na naglabas ng armas na nakasukbit sa kaniyang tagiliran—isang rebolber na gawa sa purong tanso at napapalamutian ng mga buto at mga perlas. At imbis na pulbura, abo mula sa labi ng mga patay ang laman ng bawat bala na nakakarga sa kaniyang baril.

"Marunong ka naman sigurong sumuntok at sumipa, hindi ba?"

"H—ha?" medyo kumunot ang linya sa gilid ng mga mata ni Rowan habang sinusubukan nitong tumayo ng tuwid. "Ako? Sumuntok? Sumipa?"

"Bahala ka na kung anong gusto mo. Sipain mo sila, suntukin, kagatin---bahala ka na! Basta huwag mong hahayaan na mahawakan ka nila at makuha, maliwanag!"

Malinaw na isa 'yong utos imbis na isang paalala. Dahil doon kaya lalong nangamba si Rowan na malalagay sa matinding panganib ang mga buhay nila. Magkaganoon paman, sinikap parin ng binata na magpakita ng tapang at magpakatatag dahil ganoon mismo ang ipinapakita ng gabay niyang si Jack.

"S—sige." sagot ni Rowan kasabay ng pagtango niya. "Susubukan ko."

Pagkatapos mapaalalahanan ni Jack ang kliyenye niyang si Rowan ay siya naman ang naghanda para sa pakikipagharap niya sa mga gutom na buwitre. Mabilis niyang kinargahan ng bala ang kaniyang baril at itinutok ito sa papalapit na mga halimaw.

Sige, lapit.

Hindi tulad ng pangkaraniwang presenya ni Jack na kalmado at palabiro, ang Jack ngayon na nasa gitna ng panganib ay walang kinatatakutan. Makikita mo sa talim ng kaniyang bughaw na mga mata na may kung sino siyang inaasahan na magpapakita. At ang nilalang na iyon ang pinaniniwalaan niyang responsable sa pagtangay sa mga relikya ni Rowan at sa sunud-sunod na pag-atake ngayon sa kanila ng mga halimaw.

Pagkatapos ko sa mga tuta mo, ikaw naman ang isusunod ko!