Nangahayag ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan?O nakita mo ba ang mga pinto ng anino ng kamatayan?
~ Job 38:17 ~
-----
"Mukhang...may problema tayo."
May hindi tama sa listahang hawak nilalang na mukhang payaso na si Sluagh noong mga oras na iyon. Naroon ang pangalan ng binatang si Rowan, ngunit kataka-taka na ni isang detalye tungkol sa binata ay walang nakatala sa nasabing aklat.
Nang marinig nina Jack at Rowan na may problema 'di umano sa talaan ay agad silang nagpalitan ng makahulugang tingin sa isa't-isa.
"Anong problema, Sluagh?" usisa agad ni Jack sa payasong kausap.
"Pasensya na pero..." At sinagot ni Sluagh si Jack. Diretso at walang paliguy-ligoy. "Ang batang kasama mo, hindi s'ya maaaring makakatawid sa kabilang-buhay."
"A—ano?"
Hindi makapaniwala si Jack sa kaniyang narinig kaya siya na mismo ang kumumpirma kung totoo ang sinasabi sa kaniya ng lalaking si Sluagh o hindi. Hinablot nito ang aklat mula sa kamay ni Sluagh at tiningnan ang listahan. Naroon nga ang pangalan ni Rowan, ngunit ni isang detalye ay wala ito sa listahan.
"Alam mo naman siguro ang ibig sabihin niyan hindi ba, Jack? Kapag walang detalye rito sa talaan ang kaluluwa, nangangahulugan na hindi siya makakatawid sa kabilang-buhay."
"Imposible ito!"
Kitang kita ang pag-alsa ng yamot sa mga ugat ni Jack sa kaniyang nakakuyom na mga kamay.
"Jack..."
Hinawakan ni Rowan si Jack sa braso nito. Mahigpit at tila nagsasabi na kailangan niyang huminahon. Nakuha naman ni Jack ang nais iparating sa kaniya ni Rowan kaya huminga siya ng malalim at muling nakipag-usap ng mahinahon sa kaniyang kausap.
"Bigyan mo kami ng mga pagpipilian. Ano ang mga dapat naming gawin?"
"Teka, teka!" mabilis na awat ni Sluagh sa sunud-sunod na gustong ipagawa sa kaniya ni Jack. "Labas na 'to sa pinagkasunduan nating bayad!"
Ngunit mukhang napasama pa ang pag-angal ni Sluagh dahil mas lalo lamang uminit ang ulo ng gabay na si Jack at walang anu-ano'y idinikdik niya si Sluagh sa gilid ng kuweba.
"Wala ako sa huwisyo na makipagbiruan sa iyo, mabahong ibon! Kaya kung hindi mo ako tutulungan, ipinapangako ko sa iyo na babasagin ko ang bungo mo't ipapakain ko sa mga alaga mong langaw!"
Bumara sa lalamunan ni Sluagh ang takot sa seryosong pagbabanta sa kaniya ni Jack.
"Binibiro lang naman kita, kaibigan." Pilit na pilit ang ngiti sa mga labi ni Sluagh at nagwika, "Hindi mo kailangan na magbanta. Gagawin ko naman ang gusto mo eh."
"Pwes..." At pinakawalan din sa wakas ni Jack ang payaso na si Sluagh at nagwika, "Huwag mo akong paghintayin ng matagal. Gawin mo na."
Sandaling pinatid ni Sluagh ang tingin niya kay Jack at ipinihit niya ito papunta kay Rowan.
"Mabibigyan mo ba ako ng ilang detalye tungkol sa iyo, bata? Baka sakaling magawan ko ng paraan."
"Ah, eh..." Matagal bago nakasagot si Rowan. "Ang totoo niyan, wala akong maalala na kahit na ano, maliban lang sa pangalan ko."
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Sluagh sa natanggap niyang sagot mula sa binata.
"Imposibleng wala kang maalala bata?"
"Nagsasabi siya ng totoo." Inunahan na ni Jack si Rowan sa pagsagot sa tanong ni Sluagh. "Noong una, hindi rin ako naniwala. Pero totoo, wala siyang naaalala maski isa tungkol sa sarili niya at sa naging buhay niya sa lupa."
Matagal bago muling nakasagot si Sluagh.
"Sige, sige." Aniya sa dalawa. "May isang paraan pa naman para malaman natin ang posibleng solusyon sa problema ninyo."
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Sluagh at agad niyang inimbitahan ang dalawa na pumasok sa loob ng kaniyang tinitirahang kuweba kung saan sa dulo nito'y makikita ang isang lumang balon na nagkukubli sa kumpol ng mga puting liryo. Agad niyang hinawi ang mga bulaklak na nakatabon sa nasabing balon at ipinakita niya ito sa kaniyang mga bisita.
"Ano pang hinihintay ninyong dalawa? Maaari na kayong tumalon."
Natigilan sandali si Rowan. Nanlaki ang mga mata niya na sinilip ang pagkalalim-lalim na balon na 'di umano'y kailangan nilang talunan ni Jack.
"T—tatalon ba kamo ang sabi mo?"
"Oo. Tatalon. Bakit? May problema ba?"
Nawala ang kulay sa mukha ni Rowan. Naramdaman niya ang pagkatigang ng laway sa kaniyang lalamunan dahil sa bugso ng kaba. Hindi siya makagalaw at hindi rin siya makapagsalita. Napansin agad ni Jack ang naging reaksyon na iyon ni Rowan kaya hinatak niya palayo sa balon ang binata dahil halata na ang labis na pamumutla ng binata habang nakatanaw ito sa butas ng nasabing lagusan.
"Kung ako sa iyo, pipikit na lang ako at sisigaw ng malakas para hindi mo masyadong maramdaman ang takot kapag nahuhulog ka na."
"Seryoso?!" halata ang pagtutol sa tinig ni Rowan, "Hindi! Hindi ako tatalon d'yan! B—baka naman may iba pang daan!"
"Huwag ka nang mamili pa. Tayo na nga itong tinutulungan dito para sa kaso mo eh."
"P—pero!"
Hindi na pinatapos pa ni Jack si Rowan sa pagsasalita. Agad niyang tinakpan ang mga mata ng binata at saka niya ito binitbit sa kaniyang tagiliran na parang nagbibitbit lang ng isang malaking bungkos ng palay. Walang anu-ano'y tumalon si Jack sa balon habang panay naman ang palag ng bitbit niyang binata.
"Waah! Waaah!"
Hindi inakala ni Rowan na kaya pala niyang sumigaw ng ganoon kalakas. Ni sa panaginip ay hindi niya inisip na magagawa niyang tumalon sa isang malalim na balon na kagaya ng isang iyon. Mabuti na lang at wala siyang makita dahil nakatakip ang palad ni Jack sa mga mata niya. Dahil kung hindi? Marahil ay lalo lang nadagdagan ang matinding nerbiyos niya.
Napakabilis lang ng mga sumunod na nangyari pagkatapos. Bumilang lang ng ilang segundo ang pagbagsak nila ni Jack, hanggang sa napansin ni Rowan na parang huminto sila ni Jack sa pagbagsak. At ang nakapagtataka pa, hindi manlang niya naramdaman na humampas ang katawan nila sa lupa tulad ng inaasahan niya na mangyayari sa kanilang dalawa.
Ano kaya ang nangyari? Bakit hindi kami bumagsak sa lupa?
Hanggang sa...
"Rowan..."
Narinig ni Rowan na tinawag ni Jack ang kaniyang pangalan. Binitiwan siya ng kaniyang gabay at sinabihan siya na imulat ang kaniyang mga mata.
"Buksan mo na ang mga mata mo."
Dahan-dahan na binuksan ni Rowan ang kaniyang mga mata. Pagdilat niya, ang unang bagay na kaniyang nakita ay isang lumulutang na kandila na may malamlam na dingas. Ang akala niya noong una'y namamalik-mata lang siya sa kaniyang nakita. Subalit hindi lang pala isa, hindi lang dalawa, kundi napakaraming kandila pa siya na nakitang nakalutang sa paligid niya.
Napaatras si Rowan mula sa puwesto niya dahil sa tindi ng kaniyang pagkagulat. Nang siya'y umatras, aksidente niyang natabig ang isang maliit na kandila malapit sa tabi niya. Muntikan na sanang mahulog ang kandila na iyon sa sahig kung hindi lang agad ito nasalo ng payasong si Sluagh gamit ang isang pulang sombrero.
"Konting ingat lang, mga kapatid!" paalala ni Sluagh sa kaniyang mga bisita. Maingat na ibinalik ng payaso ang kandila sa ere at hinayaan na niya itong magpalutang-lutang sa malawak na bulwagan kasama ng iba pang mga kandila. "Napakatagal na panahon kong inipon ang mga ito. Kulang pa ang ipambabayad ng gabay mo para palitan ang alinman sa mga 'yan."
Hindi na sumagot pa si Rowan pagkatapos. Tumango na lang siya ng dahan-dahan at hindi na nagtangka pang kumilos mula sa kaniyang kinatatayuan. Subalit hindi iyon nangangahulugan na wala na siyang pakialam. Hindi man halata, ngunit sinusubukan ni Rowan na makiramdam sa habang panay ang tingin niya sa mga bagay sa paligid niya.
Ang ganda...
Hindi napigilan ni Rowan ang kaniyang sarili na hindi mamangha habang nakatingin siya sa kisame ng bulwagan. Pinalilitaw lalo ng liwanag mula sa mga kandila ang pinta sa mga dingding at kisame. Mga larawan iyon ng mga anghel na nakapalibot sa isang malaki at napakagandang hardin. Pinakikinang din ng repleksyon ng mga ito ang mga babasaging muwebles, mga tansong palamuti, mga ginintuang guhit sa dingding at kung anu-ano pang palamuti na makikita sa malaking bulwagan.
"Halikayo." Ani Sluagh kina Rowan at Jack, "Sundan ninyo ako."
Sumunod naman sina Rowan at Jack. Ilang sandali pa ng paglalakad ay narating nila ang isang bahagi ng aklatan kung saan matatagpuan ang isang higanteng pahina mula sa isang lumang kalatas. Nakasabit ang nasabing pahina sa dingding, ngunit wala ito ni isang letra na nakasulat upang mabasa nang sinoman.
"Ang laking blankong papel!"
"Hindi lang 'yan basta papel, bata." Wika ni Sluagh sa kaniya. "Kayang sabihin ng papel na 'yan ang dahilan kung bakit hindi ka pwedeng makatawid sa kabilang-buhay."
"Talaga ba?"
Ngunit hindi lubusang makumbinsi ni Rowan ang kaniyang sarili sa mga sinabi ni Sluagh dahil kahit saang anggulo niya tingnan, isang ordinaryong papel lang talaga ang tingin niya sa papel na nasa harapan nila.
"Hindi naman sa nagdududa ako kaso...kaya ba talagang gawin ng papel na 'yan ang mga sinasabi mo? Parang sa mga librong pantasya lang posible ang mga ganiyan ah? Ah! Alam ko na! Baka ito na 'yong senyales na nananaginip lang talaga ako at hindi pa talaga ako patay! Oo, tama nga!"
Napataas ng kaniyang kilay si Sluagh. "Ano raw?!"
Kaya naman pasimpleng sinita ni Sluagh. ang nananahimik na si Jack sa pamamagitan ng pagsiko niya rito.
"Hoy, Jack! Anong sinasabi nitong batang kasama mo?"
Sumagot naman si Jack, ngunit hindi siya nakatingin ng diretso kay Sluagh.
"Huwag mo na lang pansinin. Hindi naman 'yon importante."
Napailing na lang si Sluagh sa natanggap niyang sagot mula kay Jack.
"Hay, naku! 'Di bale na nga! Simulan na nga lang natin ito nang tayo'y matapos na!"
Hinampas ni Sluagh ng malakas ang braso ni Jack at nagwika.
"Kilos na!"
"Oo na, heto na nga oh!"
Inudlot muna ni Jack ang diskusyon nila ni Sluagh para tutukan ang higanteng papel na nasa harapan nila. Gamit ang kaniyang gasera na may sindi, itinapat ni Jack ang liwanag nito sa papel hanggang sa unti-unting lumitaw ang mga nakatagong letra roon. Hindi nagtagal, unti-unti nang nakita ni Jack ang mga nakasulat sa pader kung saan tatlong salita ang kaniyang nabasa:
Alaala
Pangako
Kamatayan
"Hindi ko maintindihan..." bahagyang naguluhan si Jack sa lumabas na mga salita sa papel. "Alaala? Pangako? Kamatayan? Anong kinalaman ng mga 'yon sa hindi pagtawid ni Rowan sa kabilang buhay?"
At ipinaliwanag naman ni Sluagh ang ibig sabihin ng mga salitang nabasa ng gabay na si Jack.
"May tatlong posibleng dahilan kung bakit hindi makakatawid si Rowan sa kabilang-buhay: Una, nawalan siya ng alaala. Kahit papano, malinaw tayo sa bagay na 'yon. Pangalawa, maaaring may isang bagay pa siya na kailangang gawin sa lupa na may kinalaman sa pangako na binabanggit d'yan sa nakasulat. At pangatlo, maaaring may kinalaman ang pagkamatay niya sa hindi niya pagtawid sa kabilang-buhay. Baka kailangan niyang malaman kung paano siya namatay?"
Malinaw na ngayon ang lahat para kay Jack. Ngunit para kay Rowan, nag-uumpisa pa lang na gumulo ang lahat ng bagay para sa kaniya.
Alaala?
Pangako?
Kamatayan?
Paano nga ba nagagawang yakapin ng tao ang bawat katotohanan na kaniyang natatanggap? Napapagtanto ba talaga ng tao ang bigat ng bawat isa? Nagiging daan ba talaga iyon para mapabuti o mapasama ang isang nilalang?
Para kay Rowan, ang lahat ng nalaman niya'y parang hangin lang na dumaan sa kaniyang isipan. Hindi niya ito magawang hawakan. Hindi niya ito magawang maunawaan. Paano nga naman niya mauunawaan ang mga bagay na iyon kung siya mismo'y walang kaide-ideya kung saan at kung paano siya magsisimulang maghanap?
Hanggang sa...
"Sige, gagawa ako ng paraan."
Narinig ni Rowan si Jack na nagsalita. Hindi niya eksaktong maipaliwanag ang pakiramdam, pero may kung ano sa loob niya ang biglang nabuhay.
"Sisiguruhin ko na makakatawid si Rowan sa kabilang-buhay, anuman ang mangyari."
Iyon ang siniguro ni Jack kay Rowan na agad namang kinontra ng payasong si Sluagh at nagwika...
"At paano mo naman gagawin 'yon, aber? May tatlumpu't siyam na araw ka na lang na natitira, Jack? Walang kasiguruhan na manunumbalik ang alaala ng batang 'to. Kailangan n'yo ring magtungo sa mundo ng mga buhay para tapusin ang anumang bagay na naiwan niya roon at alamin kung paano siya namatay? Kukulangin kayo sa oras!"
"Basta. Ako nang bahala."
Positibo ang naging sagot ni Jack sa kaniyang kausap. Hindi na siya nagsabi pa ng kung ano paman, maliban lang isa: at iyon ay ang masiguro na magagawa niyang tulungan si Rowan na makatawid sa tinatawag nilang liwanag.
"Nagtitiwala ka naman sa akin hindi ba, Rowan?"
Hindi halos kumurap ang mga mata ng binata habang nakatitig sa seryosong tanong ng kaniyang gabay sa kaniya.
Jack...
Hindi inasahan ng binatang si Rowan ang ipinakitang pagdamay at determinasyon ng kaniyang gabay, bagay na aminado siyang pinagdudahan niya noong una dahil hindi pa niya lubos na nakikilala si Jack.
Iniyuko ni Rowan ng bahagya ang kaniyang ulo at saka niya muling hinawakan ang braso ni Jack at nagwika...
"Oo. Nagtitiwala ako sa iyo."
Napunta ang atensyon ni Jack kay Rowan. Alam niya na dumaraan sa napakaraming pagbabago sa mga oras na iyon ang binata. Kung kaya batid niya na mas kailangan ni Rowan ng suporta niya higit kanino paman.
"Salamat sa pagtitiwala. Makakaasa ka na hindi kita bibiguin. Hangga't kasama mo ako, wala kang dapat na alalahanin. Gagawin natin ang lahat para makatawid ka sa kabilang-buhay sa tamang oras."
Pagkatapos ng pag-uusap na iyon ay nagpasiya na sina Jack at Rowan na simulan na muli ang kanilang paglalakbay kahit walang kasiguruhan ang magiging tagumpay nila.
"Hanggang dito na lang ang kaya kong ibigay na tulong sa inyong dalawa." Wika ng payasong si Sluagh kina Rowan at Jack matapos niyang ibigay sa mga ito ang isa sa kaniyang mga reserbang karo at kabayo na magagamit ng dalawa sa paglalakbay nila papunta sa susunod nilang destinasyon, ang Lambak ng mga Buwitre. At gaya ng napagkasunduan ay ibinigay ni Jack sa payasong si Sluagh ang ipinangako nitong kabayaran para sa huling trabaho na ginawa nito para sa kaniya, isang nagbabagang bato na nakalagay sa isang gintong kahon.
"Whoa!" namilog ng husto ang mga mata ni Sluagh matapos niyang tanggapin ang nagbabagang bato. "Hindi ako makapaniwalang hawak ko na ito ngayon! Alam mo bang maraming tulad ko ang naghahangad na makakuha nito?"
"May dalawa pa ako niyan dito. Sapat na 'yon para magawa ko ang kabuuan ng plano na maitawid si Rowan sa kabilang-buhay."
Tinapos ng dalawa ang kanilang usapan sa pamamagitan ng mahigpit na kamayan. Pagkatapos niyon ay sinabihan na ni Jack si Rowan na mauna nang sumakay sa magarang puting karo na ibinigay sa kanila ng payasong si Sluagh para sa kanilang paglalakbay.
Ngunit bago paman tuluyang hinayaan ni Sluagh si Jack na lumisan ay nagawa pa niyang sabihin ang isang bagay na kanina pa niya gustong ibahagi sa gabay na si Jack.
"Jack..." seryoso ang naging pananalita ni Sluagh sa gabay na si Jack. "Sigurado ka na ba sa plano mong ito?"
"Anong ibig mong sabihin?"
"May palagay ako na alam na niya ang plano mo." Saad ni Sluagh sa gabay na si Jack. "At maaaring ang batang 'yon ay isang..."
"Alam ko." At mukhang nagkakaunawaan naman dalawa kahit na hindi direkta ang palitan nila ng pag-uusap. "Sana nga lang ay may iba pang dahilan ang kaso na ito ni Rowan maliban sa nag-iisang dahilan na naiisip natin. Dahil kung hindi..."
"...siguradong iyon narin ang magiging katapusan mo, Jack."
Inunahan na ni Sluagh si Jack sa pagsasabi ng katotohanang ayaw sana nitong banggitin pa. Gusto sanang sumagot ni Jack ngunit hindi na niya iyon naituloy dahil napangunahan na siya ng kaniyang inis na kitang kita naman sa kaniyang nanalim na mga titig.
Lingid sa kaalaman ni Jack ay matagal na pa lang nagmamasid sa kaniya ang nilalang na may malaking bahagi sa kaniyang nakaraan at ngayo'y nagbabadyang magpapagulo nang husto sa kakaharapin nilang problema sa hinaharap.
"Ang akala mo siguro'y maiisahan mo ako, mahal kong Jack."
Umarko ang matalim na ngiti sa nilalang na nagkukubli sa likod ng dilim. Nagmamasid. Nag-aabang. Naghihintay ng tamang pagkakataon kung kailan niya magagawang akitin sa kaniyang patibong ang nag-iisa at espesyal niyang laruan.
"Hindi pa tapos ang laro. Nagsisimula pa lamang tayong dalawa."