Chereads / SORDID [Tagalog] / Chapter 2 - |1| 'natatanging buhay'

Chapter 2 - |1| 'natatanging buhay'

I

Hindi mabilang na salita.

Dulo'y palaging magtutugma.

Isandaan at dalawampung talata.

Na ikaw lamang ang paksa.

II

Gulong-gulo ang isipan.

Lalo na kapag nilalapitan.

Saya kapag may nabubuong usapan.

Hindi tatantanan hanggang sa mapanaginipan.

MINA POV

"MINA, nakatulala ka na naman diyan," rinig kong boses na nagpabalik sa akin sa reyalidad na sinabayan pa niya ng tapik sa aking braso.

"Ipagpaumanhin mo. Nakawiwili kasing mag-isip-isip sa mga ganitong klaseng lugar. 'Yung puro puno, malamig na simoy ng hangin at kalmadong agos ng Ilog Sandimo," pagpapaliwanag ko habang patuloy pa rin na nakamasid sa maulap na kalangitan.

"May punto ka rin naman. Ganitong lugar talaga ang pinakaperpekto para magnilay-nilay," pagsang-ayon ni Alfred sa akin.

Itinuwid ko ang aking braso at ibinanda ang unang daliri sa ilalim ng araw habang sinukat hanggang kalupaan gamit ang aking kamay.

"Alfred, maiwan na kita dito! Tatlong oras na lang at palubog na ang araw. Paghahandaan ko pa ng pagkain si Nay Marcel." Akmang tatayo na sana ako nang bigla niya akong hatakin sa aking kamay para pigilan.

"Mina, hanggang ngayon ba naman nagpapaalipin ka pa rin kay Nay Marcel? Hindi naman siya nagtatrabaho, nagsusugal nga lang siya kasama ang mga kumare niya." Napapakunot ang kaniyang noo at kahit seryoso na ay mukhang nagbibiro pa rin dahil sa biloy niya na nasisilayan sa bawat bigkas.

Alam ko kung saan nanggagaling ang pagkainis niya. Totoo naman siya kung tutuusin pero wala akong magawa. Nanay ko kasi iyon.

Tuluyan akong tumayo at tiningnan siya pababa. "Ina ko 'yang pinagsasabihan mo, Alfred. Kilala mo ako, ayaw kong magsimula ng gulo, kaya kung mas ikatatahimik niya itong ginagawa ko ay magtitiis ako," aking bulalas at binigyan ko siya ng ngiti na halatang pilit, maipakita ko lang sa kaniya na ayos ako.

"Hanggang kailan?! Simula pa ata nang magkakilala tayo ay ganiyan na ang gawain mo,"

Napaiwas ang aking tingin. Nag-iisip ng maaaring isagot sa kaniya para matigil na ang diskursong ito. Alam kong tama ang sinasabi niya ngunit mas tama na iwasan ko ang masamang magiging epekto nito.

"Hanggang may pasensiya pa ako."

DALA ang kaba sa bawat hakbang na aking nililikha. Ilang minuto na lang at mawawala na ang araw sa kalangitan at isa lang ang ibig sabihin nito. Nauna nang unuwi si Inay sa akin.

"M-magandang hapon po, Nay Marcel," nangangatal na boses kong bati ng maabutan ko siyang umiinom sa kaniyang ceramic na baso habang nakaupo sa silya sa aming kusina.

"Mabuti naman at naisipan mo pang umuwi," saad niya nang hindi man lang ako nililingon.

"Ipagpaumanhin n'yo po. Nawili po kasi akong magpahangin sa Ilog Sandimo," pagsasabi ko ng totoo na lalong nagpainit ng ulo niya dahilan para inspeksyunin ang aking itsura simula ulo hanggang paa.

"Ayan puro ka tambay, siguro kasama mo na naman 'yang Alfred na iyan. Kababae mong tao e, katamad-tamad mo. Halika nga rito!" puno ng gigil niyang utos.

Nakapikit ako habang tinutungo ang puwesto ni ina. Alam ko na. Inaasahan ko na. Isang...

Whack!

"Ah!" Malakas na hagupit ng palad ang dumampi sa aking pisngi na sa sobrang puwersa ay tila nakabakat pa rin ang sakit. Napadampi ang kamay ko sa aking kaliwang pisngi at pinakikiramdaman kung namumula ito. Ngunit ang inaakala kong pagtatapos ay siya palang patikim na simula.

Braso ko naman ang kaniyang pinuntirya. Mahigpit niya itong kinapitan na parang pati ang dugo ko ay naghihingalo na sa pagdaloy. "Laging ganito ang mapapala mo kung ganitong oras ang uwi mo. E, wala ka na ngang inaatupag pati kakainin ko hindi mo pa magawa!"

"T-tama na po, Nay Marcel,"nahikbi kong turan. Libreng gumalaw ang aking mga kamay para protektahan ko ang aking sarili pero mas pinili kong magtiis dahil iyon ang pangaral sa akin ni Tay Jose na 'hindi dapat galit ang namumutawi sa aking puso kundi respeto at pagmamahal'.

Luha. Ang siyang sandigan ko, na kusa na lang kumawala sa panahong ganito ang kaganapan.

"P*tang*na mo! Ilang buwan kitang dinala sa sinapupunan ko tapos mamamatay akong hindi mo man lang ako napagsisilbihan. Aba, Mina! Hindi ikaw ang reyna dito!" puno ng gigil ang kaniyang boses at puwersahan niyang nginudngod ang aking mukha sa platong pinagkainan niya.

"Marcel!" sigaw na nagpaantala kay Ina.

Sigaw ng pag-asa. Sigaw ng pagtatapos ng kalabaryong ito. "Ano bang ginagawa mo!? Papatayin mo ba ang anak natin!?" Hinatak ako ni Tay Jose sa kamay ng isang babae na nag-aanyong halimaw kapag nagalit.

Nagpatuloy ang pagbabangayan nila at hindi ko na sila binigyang pansin dahil mas mahalagang mapawi ang bigat na nararamdaman ko. Mas pinili ko na lang na tumakbo at lumayo sa bahay na siya pang naghahatid ng bangungot sa buhay ko.

III

Luha mo'y sakit ang aking nadarama.

Galit mo'y pagsisisi ang palagi kong kasama.

Hagulgol mo ay ako'y natataranta.

Inis mo'y hindi ko na gugustuhing makita.

IV

Ganda mong nangingibabaw sa lahat.

Pangalan mong sikat na sikat.

Ngunit sa tahanan, basahan ay balat.

Pinupuno ng sugat at palo na bakat

ILOG Sandimo. Ang lugar kung saan ako malaya. Lugar na pakiramdam ko ay payapa. Lugar na saksi sa pagtulo ng aking luha. Kahit alam kong buwan na lamang ang nagsisilbing liwanag sa puwestong iyon ay doon pa rin ako dinala ng aking mga paa.

Umupo ako sa palapad na bato na nasa gilid ng ilog at ipinikit ko ang aking mata. Rinig ko ang agos ng tubig, wagayway ng mga puno at ang tunog ng mga kuliglig na kahit papaano'y nagpapahilom sa sakit na aking nadarama.

Bakit sa dinami-dami ng pamilya ay dito ako napunta? Hindi na nga kayamanan, dinagdagan pa ng maraming problema.

Napakunot ang noo ko nang may maulinigan akong mga dahon na tila natatapakan ng kung sino. Dali-dali akong napadilat at nilingon ang pinanggagalingan nito. "Sino yan?" kinakabahan kong tanong ngunit isa pang kaluskos ang nilikha niya.

Wah!

Isang kamay na lang ang biglang kumapit sa aking balikat na sinamahan pa ng malakas na tinig na umalingawngaw sa aking taenga. Dahilan upang maampat ang aking paghinga. Hindi ko tuloy mapigilang hampasin siya sa kaniyang braso nang malaman kong si Alfred iyon.

"Tama na, masakit na," tatawa-tawa niyang banat na lalong nag-udyok sa akin na ituloy ko pa ang paghampas sa kaniya.

"Hindi nakakatuwang biro iyon, Alfred. Muntik na akong himatayin ng dahil sa iyo,"

"Sorry na!" sambit niya ngunit may halo pa ring pagkapilyo. Imbis na pagtuunan ng pansin ay sa ilog ko nalamang inilabas ito. Bumalik na naman ang lungkot na nararamdaman ko kanina dahil bigla ulit sumagi sa aking isipan ang mga masasakit na salitang binitawan ni Nay Marcel, isama pa ang malutong na sampal niya.

"May problema ka, ano?"

Tanging pagtango lang ang isinagot ko at bumalik na naman ako sa pagkakaupo sa bato.

"Sa nanay mo?...magkwento ka na. Kaya mo nga ako naging kaibigan para makaramay mo kapag may pinagdadaanan ka. Uy, dali na? Ano? Magtatampo ako niyan, sige ka," pamimilit sa akin ni Alfred.

Napabuntong hininga na lamang ako at pinaupo siya sa tabi ko. "Si Nay Marcel kasi, ayun pinagalitan na naman ako. Nauna kasi siyang umuwi ng bahay at naabutang walang nakahandang pagkain sa kaniya." Pinunasan ko ang aking pisngi na kasalukuyang pinagdadausdusan ng aking luha. "'Y-yung mga salita, mga sampal at sabunot na inabot ko. P-parang hindi niya ako anak,"

Isinandal niya ang ulo ko sa kaniyang balikat at saka tinapik ang aking braso. "Ganiyan nga, iiyak mo lang lahat para mawala yang bumabagabag sa sa 'yo

"Teka maiba tayo, ba't ka pala naparito?" nagtatakang tanong ko habang hindi pa rin inaalis ang pagkakapatong ng aking ulo sa kaniya.

Nakatutuwang isipin na sobrang suwerte ko talaga kay Alfred. Maloko man siya sa paningin ng iba pero alam kong may natatago siyang kabaitan. Siguro may dahilan, kung bakit siya mailap sa paglalaanan niya ng kaniyang loob. Sa totoo lang, maraming nagsasabi na ako raw ang kauna- unahang tao na naging malapit sa kaniya. Sinasabi pa nga na tiklop siya sa akin.

Kumuha siya ng maliit na bato at pinatalbog iyon sa umaagos na tubig. "May bago na namang babae na iniuwi si Itay Rene at parang wala lang ako sa paningin niya." Walang reaksyon ang mukha niya pero nakikita ko sa kaniyang mata ang lahat ng bigat na pasan niya.

"Ba't hindi mo sabihin sa Inay mo nang matapos na 'yung panloloko ng Tatay Rene mo." Ibinangon ko ang aking ulo at inabangan ang kaniyang magiging sagot.

Tiningnan niya ako sa mata at nagkatitigan kami ng ilang segundo bago siya tuluyang magsalita. "Naisip ko na rin 'yan pero natatakot ako na tuluyan silang magkahiwalay. Natatakot ako na magkaroon ng pamilyang hindi buo."

"Hindi ba't hindi na rin naman buo ang kalagayan ninyo ngayon. May biktima sa inyo at iyon ang Nanay Julia mo. Nasasaktan siya sa hindi niya pa nalalamang dahilan. Hindi siya makalaban dahil wala siyang alam sa problema ng pamilya n'yo.�� Ibinalik niya ang tingin sa ilog at nanatili kaming dalawa na walang kibo.

"Halika na at lumalalim na ang gabi. Ihahatid na kita sa inyo," pagyayakag niya saka dali-daling tumayo at pinagpag ang bandang puwetan ng kulay pula niyang jersey shorts. Wala akong nagawa kung hindi ang sumabay sa kaniya. Mahirap talagang pilitin ang taong ayaw naman magsabi. Alam kong may dahilan pero sadyang tinatago lang niya.

HANGGANG sa eskenita lang malapit sa aming bahay ako nagpahatid kay Alfred. Mag-aalas nuwebe na at baka hinahanap na rin siya sa bahay nila. Habang hindi pa ako nakatutuntong sa aming bahay ay inalis ko na sa aking utak ang hinanakit sa aking ina. Ang pagpawi ng markang iniwan ng kaniyang sampal ay kasabay ng pagpawi ng galit ko sa kaniya. Wala rin namang magagawa kung paiiralin ko pa ang aking pagtatampo. Lalo lang lalala.

"Kuya Jerico, bakit dito ka natutulog?" tanong ko ng maabutang nakahilata ang aking nakatatandang kapatid sa upuan sa labas ng aming bahay. "Hindi ka ba makapasok, nakakandado ba 'yung pinto?"

"I-ikaw talaga 'yung hinihintay ko, Mina Ann," medyo garalgal niya pang pagkakasabi habang ipinapahid ang hintuturo sa dalawang gilid ng kaniyang singkit na mga mata.

"Napagalitan ka na naman pala ni Nay Marcel. Ayos ka la—" naantala ang kaniyang pagsasalita nang may mapansin sa mukha ko, "Namamaga 'yung pisngi mo,"

"Wala lang 'yan, simpleng pamamaga lang. Turuan mo na lang muli ako, Kuya Jerico. Mas mahalaga ang edukasyon, 'di ba?" paglilihis ko ng aming paksang pinag-uusapan.

"Ikaw talaga, Mina Ann. May iniinda ka na nga pero pag-aaral parin ang inaatupag mo. Siguro kung hinayaan ka lang ni Nay Marcel makapag-aral, running for cumlaude ka na."

Hindi ko alam kung matutuwa ako o malulungkot sa sinabi ni Kuya Jerico. Bigla kasing nanumbalik sa isip ko 'yung mga tagpo noong ako'y paslit pa lamang. Edad sampu na sobrang uhaw ang aking utak sa kaalaman.

WALA na sigurong mahihiling pa ang batang katulad ko kundi ang payagang makipaglaro sa mga kaedarang mga kapitbahay, pero habang tumatakbo ang araw at unti-unting nadaragdagan ang taon ay napapansin kong may kakaiba. Ang dating mga kalaro ko ay hindi ko na nakakasama dahil silang lahat ay napasok na sa eskwelahan.

"Nay Marcel kailan po ako puwedeng pumunta sa eskwelahan?" kabado ko pang tanong dahil baka maging dahilan pa ito ng pagkabugnot niya sa akin. Lalo ko pang ginalingan ang pagmamasahe sa kaniyang likod upang makaasa ng positibong sagot.

"Ano ba namang tanong 'yan, Mina? E, kahit kailan mo gustuhin ay puwede kang pumunta ng eskwelahan," may halo ng inis sa kaniyang boses at napapakamot nalang sa anit niya habang nakaupo sa silyang nasa terasa.

"Hindi po 'yon. Gusto ko narin pong mag-aral katulad po nina Alfred."

"Ano ba, Mina ha!?" Mapwersang pagsiko sa tiyan ang aking natanggap na tanging pagngiwi lamang ang aking naging reaksyon. "Talaga bang pinapainit mo ang ulo ko! Hanggang kailan ko ba sasabihin sa 'yo na hindi ka mag-aaral."

"P-pero pangarap ko pong maging inhinyero," sagot ko kahit iniinda ang matinding sakit na kala mo ay pinipilipit ang aking tiyan. Pakiramdam ko ay magsusuka ako ng dugo.

"Buwiset naman, o!" Hinagilap niya ang buhok ko at pilit niya akong pinahaharap sa kaniya. Sobrang higpit ng pagkakasabunot niya na parang gusto nang humiwalay ng buhok ko sa aking anit.

"Aray! Nay Marcel, masakit po!"

Tinitigan niya akong maigi sa mata. "Walang magagawang maganda sa buhay mo 'yang edukasyon na 'yan at pangarap mong maging inhinyero! Dahil kapag nakapang-asawa ka na, ikaw lang din ang nakatengga sa bahay. Ito Mina, ha! Ito ang tatandaan mo, maghanap ka na lang ng mayamang lalaki para makaahon tayo sa hirap. 'Yan ang pangarapin mo! Buwiset! Lumayas-layas ka nga sa harapan ko!" Kumawala ang isang tigre sa kweba ng kaniyang pagkatao.

Naramdaman ko na lamang ang madaliang pagdausdos ng tubig mula sa aking mga mata, pababa sa aking pisngi na tanda ng takot at kawalan ng pag-asa.

Binitawan niya ang buhok ko na tuluyang nagpabagsak sa akin sa sahig. Dali-dali naman akong sumunod sa utos niya. Umalis ako sa harapan niya at pumunta sa kutson kung saan nakapwesto si Kuya Jerico na kasalukuyang nagsusulat sa isang kwaderno.

"Tahan na, Mina Ann," sambit ni Kuya Jerico habang pinapahid ang luha sa aking pisngi.

"Kuya Jerico, gusto ko rin pong mag-aral," pakiusap ko.

"'Wag ka nsng umiyak, sige! Ako na lang ang magtuturo sa 'yo. Lahat ng pinag-aaralan namin sa eskwelahan ay ituturo ko sa 'yo. Ayos ba iyon?" mga salitang nagbigay ngiti sa aking labi. Nabuhayan ang aking diwa. Wala man ako sa eskwelahan pero naandyan naman si Kuya Jerico na handang magpakaguro para sa akin.

NGAYON, ganap na guro na ang aking nakatatandang kapatid. Isang sakripisyo ang kaniyang ginawa dahil gusto niya talagang maging isang ganap na pintor. Lagi niya akong inaalala dahil lahat daw ng tao ay may karapatan matuto. Itinuloy niya pa rin naman ang pag-aaral ng Fine Arts kasabay ng kaniyang pagiging professor sa unibersidad kung saan siya nag-aral. Sa Kabiteño de Unibersisad.

"History ng Wikang Pambansa ang pag-aaralan natin ngayon," panimula niya at inilapag sa mesa ang mga libro, kwaderno at lapis na aming materyales sa magaganap na klase. Halata sa boses ni Kuya Jerico ang ganap na pagiging guro dahil nakabubuhay ito ng huwisyo at paniguradong may hatid na naman na panibagong kaalaman.

Nagpatuloy ang kaniyang pagtuturo na umabot ng dalawang oras at pigil ang paglakas ng aming boses dahil baka maistorbo ang pagtulog ng aming ina.