Chereads / SORDID [Tagalog] / Chapter 5 - |4| 'sumusukong luha'

Chapter 5 - |4| 'sumusukong luha'

XIII

Dumilim man ang paningin at ulap sa kalangitan.

Bumagsak man ang iyong luha at malakas na ulan.

Dumagundong ang sigaw at kulog hanggang kaitaasan.

Bunga naman nito'y tagsibol sa kinabukasan.

XIV

At sa pagdating muli ng bukang liwayway.

Ngiti mong parang araw na unti-unting sumisilay.

Liwanag na tila ganda mong winawagayway.

Init na parang pagmamahal mong nararamdaman natin ng sabay.

ALFRED POV

MADILIM. Madumi. Tambakan. Isang pagpupulong ang aking pinatawag sa lumang factory na matagal ng hindi natatapakan ng mga tao. Pinamahayan na ito ng iba't-ibang mga insekto at mga halaman sa sobrang katagalan. Ito ang napili kong lugar dahil walang makakakita sa'ming iba.

"Nasa'n na ba sila?" tanong ko kay Dagul na abala sa pagtingin sa paligid. Nag-e-echo pa ang boses ko dahil sa sobrang kulob at tahimik.

"Hindi ko alam, baka ayaw payagan ng mga magulang at mga asawa," pabiro pa niyang sambit habang inuusisa ang kinakalawang na drum na lagayan ata ng langis.

Bwiset naman oh!

Kung kailan naman kailangan naming magplano ay doon naman sila hindi pupunta. Mabuti pa itong kaibigan kong si Dagul. Lampahin. Lambutin. Malamya pero kahit kailan ay hindi pa lumiliban sa 'min. Himala nga na galos lang ang natamo niya sa huli naming laban.

"S-sorry, Boss! Na-late kami," bungad ni Buboy nang pumasok sa silid kasama ang tatlo pang mga lalaki. Nangingibabaw sa kanilang katawan ang mga sugat at pasa. Gumawi sila sa aking puwesto upang gawin ang aming pakikipagkamay. Hintuturo sa hintuturo, hinlalaki sa hinlalaki, kamay sa kamay at dibdib sa dibdib.

"Alam n'yo na ang gagawin. Rule nineteen ng BlackEagle," seryoso kong pagkakasabi na ikinaalarma nila. Nagtuturuan pa ang mga ito.

"Pa'no ba naman papayagan, puro sugat kami," paangil na sabi ni Ronie na ama ni Mico na kasama nito at kamiyembro sa BlackEagle Gang. Mahigit trenta ang edad nito at bakas sa kaniyang ugali ang pagkasiga pero wala itong laban sa akin na mas nauna pa sa kaniyang maging lider ng grupong ito. Kahit pa sabihing nababalot ang katawan nito ng tattoo na pansindak lang sa iba.

"Ano!?" sigaw ko na umalingawngaw pa sa buong paligid.

Nagsitalikuran naman sila agad. Kinuha ko ang isang malapad na bakal na nakatengga lang sa lapag. Nangangalawang na ito at puno ng alikabok. Sumilay ang ngiti sa aking labi habang inaayudahan ng hampas ang binti nilang apat pero hindi nila iniinda iyon dala na rin ng mga laban na kinapalooban nila. Tila isang kagat na lamang ng langgam ang ganitong gawain namin dahil mas matindi pa ang dinaranas nila dito lalong-lalo na kagabi.

Humagilap kami ng kaniya-kaniyang puwesto bago simulan ang aming pagpupulong. Ang masinsinang pag-uusap ng mga miyembro ng BlackEagle Chapter IV.

"Mga kapatid, iilan na lang tayo. Anim na lang tayo dito sa Barangay Gumamela. Marami nang namatay sa mga kasamahan natin at kakailanganin natin ng bagong mga miyembro para sa susunod nating laban."

Napakunot ang kanilang mga noo at nagtataka sa mga huling mga salitang nabanggit ko. "M-may s-susunod agad na laban? Hindi pa nga tayo nakakapagpahinga," halata ang pagkatakot ni Dagul sa pagkakasabi niya.

Binigyan ko lamang ito ng mga matatalim na tingin. "Mayroon tayong isang linggong preperasyon para maghanap dahil nagbaba ng balita si Master Eagle na mukhang aagawan tayo ng Aztec two-zero-six Gang ng transaksyon sa wet market ng Barangay Santan."

"Magkita ulit tayo bukas. Alas kwatro ng hapon. Kailangan ay may ma-recruit na kayo. Rule number five at nineteen bukas," aking paalala na ang ibig sabihin ng rule five ay 'sundin ang ibinabang utos ng lider ng bawat chapter lalo na si Master Eagle' at rule number nineteen 'huwag male-late'.

Nakipagkamay sina Mico, Ronie, Justin at Buboy sa akin bago tuluyang umalis. Kaming dalawa na lamang ni Dagul ang natira at tulad ng inaasahan...

"Alfred...ayoko nang sumama sa susunod na laban. Wala rin naman akong naitutulong. Inaalagaan ko pa si Papa na may sakit. Alam mo naman, Pre na sumali lang naman ako dito dahil binu-bully ako noon sa school," pagda-drama ni Dagul na papadyak-padyak pa habang hinihila ako sa aking braso.

"Bitawan mo nga 'ko. Nako, ikaw talaga napakaduwag mo," tatawa-tawa kong tugon habang nakatingin sa malayo, sa siwang ng blankong bintana.

"Oo na, dali na, Pre! Idol nga kita e, buti ka pa, naging lider agad kahit bago ka pa lang sa grupo," pagpuri niya pa sa akin na halatang ginagawa niya lamang para maawa ako sa kaniya at sang-ayunan ko ang gusto niya.

Tama naman siya sa kaniyang mga sinabi. Ilang linggo pa lang akong miyembro ay ako na agad ang hinirang na lider ng grupo namin dahil ako ang nakapatay sa dalawang lider ng kalaban naming gang. Isa rin ako sa mga dahilan kung bakit kinatatakutan ang BlackEagle sa lahat ng grupo sa Pinas.

"Hindi mo na 'ko kailangang puriin bago kita payagan. Ang Pareng Dagul ko talaga. Pinaglihi ata sa makahiya."

XV

Lamunin man ng kadiliman ang paligid.

Magsipagpwestuhan ang mga kuliglig sa gilid.

Kumundap man ang alitaptap sa bukid.

Walang panahon ang sa pag-ibig ko sayo'y babalakid.

XVI

Sumapit man ang dapithapon.

Pawikan ma'y unti-unti nang umaahon.

Araw ay hindi maglalaon.

Halik mo parin ang aking baon.

PARA na naman akong isang stalker sa aking asta sa tuwing pinagmamasdan ko sa kalayuan si Mina habang ito'y nagtitinda. Nakadungaw sa isang kinakalawang na yero at mukha lamang ang nakalabas. Araw-araw ko na itong ginagawa pero sa bawat pagkakataon na nakikita ko siya ay panibagong saya na naman ang aking nadarama. Lalo na kung nakangiti ito at tumatawa pa.

"Kuya," rinig kong tawag na sinabayan pa ng paghila sa laylayan ng aking sando. Nilingon ko naman iyon at aking napagmasdan ang isang batang babae na puno ng dumi ang buong katawan at buhol-buhol niyang buhok. Gula-gulanit na rin ang kaniyang damit at short. Isang badjao na naman ang nasa harap ko na sa hindi malamang dahilan ay nalulungkot ako sa tuwing may nakikita akong katulad nila.

"Bakit?" tanong ko at umupo ako sa kaniyang harapan upang makapantayan ang mukha niya.

"May gamot po ba kayo sa lagnat? May sakit po kasi ang ama ko. Ilang araw na po siyang hindi nakakapagtrabaho wala na po kaming makain," pagmamakaawa niya na halatang totoo naman ang kaniyang sinasabi dahil nakikita ko ito sa kaniyang mata.

"Sige, gagawa ako ng paraan. Diyan ka lang at bibili ako ng gamot," saad ko at hinawakan ang kaniyang pisngi at bahagyang hinila ko ito. "Ngumiti ka na," pahabol ko at tuluyan ng umalis sa kaniyang harapan.

NAGTUNGO ako sa botika, sa may gilid ng palengke. Nasaktuhan ko naman na si Jepoy ang tindera na lalong magpapadali sa aking gagawin. "Alfred Pogi anong bibilhin mo?" giliw na tanong niya at parang isang dalaga kung mag-inarte kahit na wala na sa kalendaryo ang kaniyang edad.

"Gamot sa lagnat sana, ilang araw na kasi akong tina-trangkaso," pag-arte ko habang idinadampi ko pa ang aking kamay sa leeg at noo ko.

Ilang segundong naghanap si Jepoy na isang lalaki kung titingnan pero lalaki rin pala ang pinagmamasdan. Sa akin lang siya naglalabas ng tunay na anyo dahil sa akin daw siya komportable at umamin pa nga siya na may nararamdaman ito sa akin na matagal ko na rin namang napapansin sa kaniya.

Akala niya naman ay iiwasan ko siya pero bakit ko naman gagawin iyon kung puwede ko namang gamitin 'yung nararamdaman niya?

"Ito oh!" malambing na sambit niya at inabot pa mismo sa aking kamay ang kahon ng gamot.

Nginitian ko naman siya, 'yung pampakilig sa mga kababaihan. Killer smile. "Angganda mo ngayon Jennifer," papuri ko na sinamahan pa ng pambabae niyang pangalan. Sumampa naman ako sa cabinet na harang sa aming dalawa na siyang lagayan rin ng kanilang paninda.

"Nako! Ano ba Alfred, hindi nga ako nakapag-ayos ngayon," mahinhin pa niyang pagkakasabi habang winawahi pa ang maikli niyang buhok.

"Hindi mo naman kailangan mag-ayos. Maganda ka naman palagi sa paningin ko," pambobola ko at pagkatapos ay kinindatan ko siya.

Parang nakakain ng sili si Jepoy sa sobrang pula ng kaniyang mukha. Hindi rin siya makatingin nang ayos sa aking mga mata tanda ng pagiging epektibo ng aking plano. "M-may l-lagnat ka na nga, nakuha mo pang mambola.

"Ang init pala dito 'no. Buti nakakayanan mo," sambit ko. Sumipol-sipol pa ako na kunwari'y pantawag ng hangin ngunit ang mga sumunod kong ginawa ang nagpabaliw sa kaniya. Hinubad ko ang aking baro sa mismong harapan niya. "Jennifer may panyo ka ba d'yan baka puwede kong mahiram. Pampunas ko lang sa katawan ko. Puno na kasi ng pawis."

"A-eh i-ito, oh," natataranta niya pang banggit sabay abot ng kaniyang panyo na nakalagay sa kaniyang bulsa.

Dahan-dahan ko itong pinupunas sa aking braso, papunta sa aking dibdib, patungo sa aking batok at likod. "Sa 'kin na lang muna 'to. Lalabhan ko muna."

"Kahit hindi na, ako ng maglalaba 'di ba sabi mo may lagnat ka. Baka mabinat ka."

Ilang minuto pa kaming nag-uusap at gumagawa ako ng paraan para mabaliw siya sa sobrang kilig. Napapansin ko rin ang pasimple niya pang pag-amoy sa panyo na ginamit kong pampunas sa aking pawis.

Si Jepoy talaga, hindi pa rin nawawala ang nararamdaman sa akin.

Nang nakahanap ng tiyempo ay agad ko ng tinapos ang aming pag-uusap at sa mga salitang ito ay kalakip na ang aking plano. "Jennifer, 'yung sukli ko nga pala. Kailangan ko nang umuwi at baka hinahanap na ako."

"Sukli?" kaniyang sambit na halatang naguguluhan.

"Oo, pagkaabot mo ng gamot ay ibinigay ko na rin 'yung bayad ko. Buong two hundred pa nga iyonm," banggit ko nang maaninag ang buong dalawang daan sa lagayan nila ng pera.

"Ay oo nga, teka lang. Nawala ba naman sa isip ko," tatawa-tawa niyang tugon na parang uto-uto. Nagpadala na naman siya sa aking balak.

'Nako Jepoy, sa susunod na lang ulit!'

IPINAMBILI ko pa ang nakuha kong sukli ng ulam at kanin na ibinigay ko lahat sa batang babaeng nanlilimos sa akin. Kahit sa ganitong simpleng gawain ay nakatutulong ako sa kanila, masama man ang paraan pero maganda naman ang kinahihinatnan.

"Mina, kain ka na. Bumili ako ng pagkain mo," pambungad kong sambit nang makarating sa puwesto ng aking minamahal na dalaga.

"Nag-abala ka pa. Teka, huwag mong sabihing nagnakaw ka na naman?" saad niya at nangingkit na naman ang kaniyang mata dahil sa pagngiti nito na ibang saya ang hatid sa akin.

"Hindi ah, paano ko naman mananakaw 'yan e' may sabaw pa 'yung ulam. Nagbago na ako Mina. Good boy na ata 'to." Tumayo pa ako ng tuwid at saka itinaas ang kanang kamay na parang nanunumpa sa kaniya na lubos niyang ikinatawa. Labas na naman ang mga ngipin nito at namumula-mula ang pisngi.

Napakaespesyal talaga sa akin ni Mina dahil miski ang isang tulad ko na kilala sa pagiging basagulero at puro away ay nagiging isa akong maamong tupa kapag kaharap siya.

Nakakainis lang kapag may ibang lalaking umaaligid sa kaniya na kahit kaibigan lang daw ang sabi ay makikita naman sa kanilang mga mukha ang motibo na maihahalintulad ko sa aking sarili. Totoo nga ang sinasabi nila na takot ang isang tao sa sarili niyang multo.

"Mauna na ako Mina, kita na lang muli tayo sa dating tagpo," mga huling sinabi ko bago tuluyang lumayo sa piling niya.

"Sige, salamat sa pagkain," nakangisi niyang banggit habang nakaway.

BUONG katawan kong sinasalubong ang malakas na hangin habang nakaupo sa bato kung saan matatagpuan ang Ilog Sandimo. Rinig ang malakas na agos na nagpapakalma sa akin. Idagdag pa ang mga tunog ng ibon na musika sa aking pandinig.

"Alfred, kanina ka pa ba? Ipagpaumanhin mo at ngayon lang ako nakarating. Marami kasing ipinatinda si Tita Ore," mabilis niyang pagkakasabi na halatang natataranta.

"Ayos lang, Mina. Kararating-rating ko lang din naman." Naupo siya sa aking tabi ng marinig niya ang aking sinabi.

Bumibilis na naman ang tibok ng puso ko sa

hindi malamang dahilan. Tumitiklop na rin ang matutulis kong sungay. "Bakit namumutla ka?" bigla niyang sabi habang hinahawakan ang aking baba upang iharap sa kaniyang mala-diyosang mukha.

"'Di nga? Wala naman akong sakit," pagdadahilan ko.

"Kailangan mo munang magpahinga. Ano bang pinagkakaabalahan mo? 'Yung pambili mo dapat ng pagkain ko kanina ay dapat pinambili mo na lang ng gamot mo."

"Wala nga akong sakit. Takot na sa'kin 'yang mga 'yan," saad ko at ibinaba na ang kaniyang kamay na kanina pa nakahawak sa ibaba ng aking mukha. Mangatal-ngatal pa ako habang hawak ang kaniyang kamay. Baliw na talaga ako. Baliw na baliw sa kaniya.

"Ito nga pala, may binili ako para sayo." Kinuha ko naman sa aking bulsa ang aking handog sa kaniya. Isang puting bracelet na gawa sa kahoy ang mga beads at krus ang sa gitna nito. Binili ko pa ito sa simbahan. Simbahan na bilang lang sa kamay na pumunta ako. Inalis ko na sa plastik na lagayan ang regalo ko at dahan-dahan ko itong sinuot sa kaniyang pulsuhan. Bagay na bagay sa kaniya ang kulay puting bracelet dahil sa malagatas niya ring kutis.

"'Yan ka na naman Alfred, lagi mo na lang ako binibilihan pero salamat," tugon niya na ngumiti na naman na kita ang kaniyang mga ngipin. Sobrang ganda niya talaga at napakaaliwalas tingnan.

"Simbolo na 'yan ng pagkakaibigan natin, akalain mo 'yon. Ilang taon na tayong magkaibigan. Twelve years? Parang magkapatid na tayo. 'Yung problema mo, problema ko rin, yung problema ko, problema mo rin. Sangdikit na natin ang isa't-isa pero, Mina," paligoy-ligoy kong sabi.

Hindi ko ba alam kung tama itong oras na ito para sabihin sa kaniya. Hindi ko rin alam kung tama bang ilabas ko na pero hindi ko na matiis. Matiis na makita siyang may kasamang iba na wala naman kaming pinanghahawakan sa isa't isa.

Nawala ang ngiti sa kaniyang labi ng maantala ang aking pagbabalik-tanaw sa aming nakaraan dahil sa pagtawag ko sa kaniya. "Bakit?" nagtataka niyang tanong na sinamahan pa ng pagtingin.

"K-kasi a-ano..."

"Sabihin mo na. Kinakabahan tuloy ako sa 'yo," natatawang pagkakasabi niya na lalo lang nagpalala ng aking nararamdaman. Nauulinigan ko na ang bilis ng tibok ng aking puso at pulsuhan sa iba't-ibang parte

"Kasi Mina matagal na akong may tinatago sa 'yo," saad ko na patuloy pa rin ang pagtingin ko sa mga nawagayway na puno.

"Ano nga 'yon?" Hinawakan niya pa ako sa aking braso at alam kong nararamdaman niya ang pangangatal ng aking buong katawan.

Alfred, sabihin mo na! Huwag ka nang matakot!

Pilit kong pinalakas ang aking loob na wala rin namang epekto sa akin.

Isa!

Dalawa!

Tatlo!

A—!

"Mina, mahal kita," madalian kong pagkakasabi at pilit ko rin siyang tiningnan sa kaniyang mapupungay na mata. Hinawakan ko ang magkabilaan nitong kamay upang magkausap kami ng masinsinan. Mata sa mata, bibig sa bibig, kamay sa kamay.

"A-ano?" sambit niya na nagulat sa kaniyang mga narinig lalo pa't sa akin nanggaling. Hindi siya makapaniwala na ang kababata niya pala ay may kakaibang nararamdaman sa kaniya. May espesyal na nararamdaman.

"Mina, mahal kita! Matagal na. Akala ko hanggang kapatid lang 'yung turing ko sayo pero kahit itanggi ng isip ko 'yon, pilit naman pinaglalaban ng puso ko. Mahal k—"

"Alfred magkaibigan tayo!" pinagdidiinan niya na sa bawat salitang aking naririnig ay tila punyal na unti-unting bumabaon sa katawan ko.

"Pero mahal kita, Mina! Sana naman maintindihan mo 'yung nararamdaman ko. Alam ko rin namang mahal mo ako Mina, aminin mo na. Please, Mina!" pamimilit ko sa kaniya na lalong nagpapahigpit ng hawak ko sa malalambot niyang mga kamay.

"Wala nang patutunguhan 'tong pag-uusap natin," seryoso niyang pagkakabanggit na isa lang ang ibig sabihin. Hindi kami magkatulad ng nararamdaman. Ako lang ang mag-isang nagmamahal na mas espesyal sa aming pagkakaibigan.

Nawala ang kaninang nakangiti niyang labi at naging matatalim ang mga mata niya na parang makakahiwa ng kahit na anong tingnan. Biglang nagbago ang kaniyang emosyon. Iwinaksi niya ang kamay ko saka umalis sa aking tabi. Naglakad siya palayo nang mabibigat ang mga paa at dahil iyon sa kagagawan ko. Ang pagiging makasarili ko. Nang dahil sa pagmamahal ko.

"Wah! Ambobo mo, Alfred! ambobo mo! ambobo mo!" sigaw ko.

Walang pag-aalinlangan kong sinapak ang puno ng malunggay na nasa aking gilid. Hindi ko iniinda ang hapdi ng mga sugat dahil mas masakit ang emosyon na nararamdaman ko ngayong ang aking nag-iisang minamahal ay kinamumuhian na ako.

MINABUTI ko na lamang na tumambay sa aking kuwarto at pagmasdan ang paligid sa may malinaw na bintana. Kitang-kita ko ang mga puno, mangilan-ngilan na bahay at tila katapusan na ang bundok na natatakpan ng ulap dahil sa sobrang kalayuan. Libreng-libre kong makita ang malawak na kalupaan sa aking mumunting silid na nasa ikalawang palapag.

Mas maganda kung dito na lamang ako magpapahinga. Ngunit ang lugar at ang oras ko sana sa pagpapalipas oras ay nagambala ng umalingawngaw na naman na ingay sa bahay.

Ang ungol ng isang babae na nasa kabilang kwarto. Kasama ang aking ama na unti-unti na namang nilalamon ng kalibugan. Paniguradong bagong babae na naman ang kasama nito at hindi ang kalampungan nito kahapon.

Narinig kong may tumunog sa kung saan. Nagpalinga-linga ako. Hinagilap ko naman kung saan banda iyon at napagtantong cellphone ko ito na nakakubli sa ilalim ng aking kama. Ang mamahaling cellphone na tinatago-tago ko pa dahil naandika ko iyon gamit ang perang nakuha sa aking grupong pinamumunuan.

'Master Eagle' ang nakalagay na pangalan sa tumatawag. Dali-dali ko naman itong sinagot. "Alfred, kamusta ang chapter four ng BlackEagle?"

"Ayos naman po," matipid kong sagot.

"Wala ka ata sa mood Red Eagle?" sarkastiko niyang sambit na talagang binanggit pa ang bansag na siya mismo ang nagpakana sa akin. Red Eagle ang aking palayaw dahil bumubuga ng pulang dugo ang lahat ng mga nakakalaban ko. Kahit sino pa 'yan. "Biro lang, on Friday magpadala ka ng limang miyembro mo d'yan. 'Yung hindi pumapalpak!" seryoso na ang tono niya.

"Yes po, Mas—" hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil pinatay na agad ng nasa kabilang linya ang pagtawag nito.

NAANINAG ko sa aming gate ang isang pamilyar na mukha. Mukha ng isang babae na hindi ko man nakakasama palagi hanggang sa aking paglaki ay kinikilala siya ng puso ko na natatangi kong ina.

Nagmamadali akong bumaba ng hagdan at sinalubong siya sa aming sala. Hanggang taenga ang ngiti sa aking labi nang niyakap ko siya kahit hindi pa niya naibaba ang dalawang malalaking bag na sa palagay ko ay naglalaman ng kaniyang mga kasuotan. Antagal kong nangulila sa presensya niya. Noong pasko pa siya huling nakauwi at ngayon ay katapusan na ng Pebrero.

"Namiss ata ako ng unico ijo ko," giliw niyang banggit.

"Siyempre Inay! Ilang buwan ka na kasing hindi umuuwi," kunwari'y nagtatampo ko pang tugon habang binubuhat ang bag na dala ni Inay Julia at inilagay sa aming sofa.

"Huwag ka nang magtampo. May pasalubong naman ako sa 'yo. Teka, nasaan pala 'yung itay mo?"

Nawala ang ngiti sa aking labi. Nagpalinga-linga ako at nagdadalawang-isip kung sasabihin ba ang totoo o pagtatakpan na lamang ang aking ama. Hindi ako makatingin sa kaniya nang diretso.

"Uy, anak! Nasa'n ang Itay Rene mo?" pangungulit niya sa akin habang inuuga pa ang aking balikat upang matauhan.

"Ah-ano... nasa... nasa k'warto po."

"D'yan ka lang, ah at susupresahin ko lang siya."

Habang naglalakad siya papaakyat ng hagdan ay dumiretso na agad ako sa ilalim ng lamesa sa aming kusina. Doon ako nagtigil hanggang sa narinig ko na ang sigawan sa taas. Nangyari na ang kinatatakutan ko.

"Walang hiya ka! Ikaw pa talaga ang mahuhuli kong kapatong ng asawa ko. Hindi ka na nahiya! Kadugo pa man din kita tapos aahasin mo lang ang asawa ko!" ratrat na sigaw ni Inay hanggang sa makababa ng hagdan.

Nasa ilalim man ako ng bakal na lamesa ay napagmamasdan ko ng buo ang nangyayari sa sala. Mahigpit na hawak ni Inay Julia ang buhok ng aking Tita Fatima. Habang si Itay Rene ay pinipigilan ang pananakit na ginagawa ni Ina. Parehas silang walang suot na mga saplot ng aking tita at halatang may ginagawa na kung ano sa kuwarto.

"Bitawan mo 'ko, Rene! Pagkatapos mong malunod sa puke nitong kapatid ko ngayon, e' ipagtatanggol mo na siya. Hindi na ba napigilan niyang tite mo!?" Walang pag-aalangan si Inay sa mga bastos na salitang lumalabas sa kaniyang bibig dahil nakain na siya ng matinding galit.

Inginungudngod maigi ng aking ina ang kaniyang kapatid sa tiles na sahig. Ngunit agad din naman itong pinigilan ng aking ama, hinila niya ang kaniyang asawa papalayo sa kalantari nitong babae na agad din namang kumaripas ng takbo papalabas.

"Rene, hindi ka man lang naawa sa ak—" naantala ang pagsasalita niya dahil tumulo na ang kanina pa niya tinitiis na mga luha na tila konektado rin sa aking mata dahil sa sandaling makita ko iyon, ay kusa naring bumagsak ang kung anong tubig galing sa aking mga mata. Kumawala sa aking mga mata ang sumusukong luha sa tindi ng pangyayari.

Hindi ko kayang makita ang aking ina na kilala sa pagiging mabait ngunit ngayon ay nalulunod na sa kaniyang sariling luha Nasasaktan nang walang kalaban-laban.

"H-hindi ka na naawa sa akin, nagtatrabaho ako sa malayo. Tinitiis ko 'yung amo ko kahit na minamaltrato ako, kumita lang ng pera para sa inyo tapos ganito lang 'yung maaabutan ko. 'Yung asawa ko na nakapatong sa mismong kapatid ko," pagsasalita niya na parang balisong na tumutusok sa dibdib ko.

Napapikit ako sa sobrang sakit na makita ang magulang ko na nawawasak na ang relasyon. Parang pigura na bigla na lang nabagsak. Sira. Basag. Hindi na mabubuo pa ng dahil sa isang matinding pagkakamali.

Ano nang pamilya ang kinabibilangan ko? Paano pa kaya ako, sila, kami magiging masaya ng dahil sa nangyari? Ano na lang ang magiging tingin sa akin ng mga kaibigan ko? nNsg mga kagrupo ko sa BlackEagle? Na ang lider nila na kanilang iniidolo ay may wasak na pamilya. Na ang Alfred na mailap sa tao ay lalo pang magiging mailap sa kaniyang sariling pamilya. Na ako na unti-unti nang nagbago.