V
Simula noon hanggang ngayon.
Nangyayari lamang sa imahinasyon.
Na tayo'y magkakaroon ng relasyon.
Katotohanan na hindi umaayon.
VI
Mawalan man ito ng tinta.
Bulaklak ma'y maubos at malanta.
Matagal man na hindi magkita.
Puso't isipan ko'y ikaw lamang ang idinidikta.
MINA POV
SIGAWAN. Hiyawan. Kaniya-kaniyang pagalingan upang mas maagang maubos ang nilalakong mga produkto. Tambak na kakanin ang ipinatinda sa akin ni Tita Ore na aking amo, sa kadahilanang araw ngayon ng linggo. Asahan na ang mga taong dadagsa na karaniwang galing sa simbahan na nasa kabilang kanto lang.
"Suman kayo diyan! Kakanin, murang-mura lang!" hindi papatalong sigaw ko sa mga katabihan kong mga tindera. "Kuya! tikman nyo ito!" Nagbukas ako ng isang pirasong suman para gawing free taste sa mga nagdadalawang isip na mamimili.
"Mukhang wala atang dating ang ganda mo ngayon sa mga tao. Hanggang ngayon nganga pa rin," pabirong banat ni Yesha. Ang batang paslit na lagi kong kasabayang magtinda sa palengke.
Nakasakbat sa kaniyang leeg ang garter na nakabuhol sa isang bilao, na nakakalang sa tiyan nito. Puro mga bote na may lamang kung anong likido at balat ng ahas, mayroon din itong kung anong halaman na may tinik pa.
"Nako, Yesha! Ikaw talaga...hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na hindi konektado ang itsura sa pagbebenta. Nasa istratehiya mo 'yan!"
"Opo, Ma'am!" habol pa nitong biro at itinuon na ang kaniyang atensyon sa isang bakla na nagtitingin ng kaniyang paninda.
Nagitla ako nang mabasa ang nakaimprentang mga letra sa bote na binili nito. Pamparegla. Napangiti na lang ako habang kinakamot ang aking batok.
"MISS!" rinig kong sigaw na nangingibabaw sa ingay ng paligid. Nagpalinga-linga ako at napagtantong sa kotse ito nanggagaling. Isang Audi R8 na kulay Vegas yellow. Sa pagkakaalam ko ay mga negosyante lang ang mayroon nito dahil isa ito sa mga pinakamahal na kotse sa Pilipinas. Kumikinang pa ang labas nito. Ngunit mas namangha ako sa taong nasa loob na kasalukuyang nakatingin sa akin.
Maihahambing sa bulak ang kutis niya at ang kulot nitong buhok na nagkukulay kayumanggi sa tuwing nasisinagan ng araw.
"Miss, are you Kelly?" tanong niya na puno ng ngiti sa labi na dahilan upang lumitaw ang kaniyang biloy sa magkabilaan niyang pisngi. Biloy na kung titingnan kay Alfred ay nagmumukha itong batang paslit ngunit sa lalaking nasa aking harapan ay lalong nagpapatindi ang biloy niya ng pagkalalaki.
Palaging seryoso ang itsura niya na kapag natititigan ko ay halos matunaw na ako sa harapan niya.
Nangingibabaw din ang mamahalin niyang relo at kuwintas na lalong nagpalakas ng kaniyang dating.
Unti-unti kong inintindi ang kaniyang sinabi. Inalala ko ang bawat turo ng aking kuya na siyang nagbukas sa akin ng pinto upang makapasok sa silid na naglalaman ng kaalaman o s'yang edukasyon kung tatawagin. Isinalin ko pa sa aking isip ang tagalog na kahulugan ng kaniyang sinabi.
'Are you Kelly? Ikaw ba si Kelly?'
"Hindi po ako 'yun, Mina po ang pangalan ko. Bakit po?"
"Oh, I thought you're Kelly! Kelly-ngan ng puso ko," kaniyang banat sabay kindat.
Tanging paglunok lang ang aking naging turan at napalihis ang aking tingin nang maramdaman kong umiinit ang mukha ko. Parang may kung ano rin sa aking tiyan sa tuwing ngumingiti siya.
Nababaliw na ba s'ya? Kung ano-ano na lang ang lumalabas sa kaniyang bibig.
Pero kahit pilitin kong pulaan siya sa isipan ko ay hindi ko pa rin mapigilang mapangiti na hindi ko dapat maging reaksyon.
"I'm just joking! Don't mind it, Mina?"
"Po? "
"Malapit na ba dito ang Patron ni Tata Usteng?"
"Sa susunod na barangay pa po iyon, kapag po may nakita kayong arko na may nakalagay na Barangay Sampaguita, malapit na po kayo doon," pagpapaliwanag ko habang tinuturo ang kalsada kung saan nakapila ang iba't-ibang uri ng sasakyan. Siguro ay may gulo na namang naganap malapit dito. Nagpatango-tango naman siya habang inaayudahan ng tingin ang mga senyas ko.
"Kuya, bago po kayo umalis bumili po muna kayo nitong tinda ko. Mga kakanin po. Suman, sapin-sapin, biko, puto at kutsinta. Lutong Cavite pa po ito." Ipinakita ko sa kaniya ang bilaong dala ko.
Nagpagala-gala ang kamay nito sa kaniyang katawan na tila may hinahanap. Mula sa long sleeves na kulay pink hanggang sa slacks na itim at nahagilap niya na rin ang pitaka sa kaniyang bulsa. Kumuha siya ng papel na kulay asul na may nakaimprentang tatlong kilalang mga mukha. Isang libong piso.
"Ilan po?" tanong ko ng iabot niya sa akin ang pera. "Ano po?" muli kong pagtatanong ng sabayan ng pagbusina ng truck ang kaniyang pagsasalita.
"Lahat na 'yan."
"Talaga po? Kuya, wala po akong paglalagyan. Isama niyo na lang din po itong bilao para po hindi malaglag," ngingiti-ngiti kong tugon na tanda ang hiya.
Lumabas siya ng kaniyang kotse saka kinuha ang dalawang bilao na paninda ko. Inilagay niya ito sa trunk at nagbow sa harap ko, na simbolo ata ng pagpapasalamat niya.
"Ito po 'yung sukli," todo ngiti kong sambit habang iniaabot ko ang isang daang piso na sobra sa binayad n'ya.
"Keep the change," banat nito bago pumasok muli sa loob ng kaniyang sasakyan at kumaway habang unti-unti nang umaangat ang bintana nito.
Sa labin walong taon kong namumuhay sa mundo, ngayon ko lang naranasan na kabahan at mahiya nang ganito. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito katinding pag-aalangan sa emosyon ko.
VII
Masilayan pa lang ang iyong natatanging ganda.
Palaging nararamdaman ay pagdududa.
Kung tama pa bang isipin kita.
Kahit pagkain at simpleng pagtulog ay kinakamusta.
VIII
Ikaw ang nagturo sa akin.
Kung hindi sa 'yo'y huwag kong aagawin.
Huwag kalimutang dalawin.
Ang pusong nagmamakaawang mahalin.
"AH!" daing ko ng biglang may bumunggo sa aking likuran na nagpadapa sa akin sa sementadong sahig.
Inayudahan ko ito ng kunot-noong tingin na kalaunan ay naglaho rin ng mapagtantong si Alfred pala iyon. Pawis na pawis at tila natataranta.
"S-sorry, Mina!" Nag-aalala niyang sabi at inalalayan akong tumayo. "M-mamaya n-na lang tayo mag-usap." Kakaripas na sana ito ng takbo ngunit pinigilan ko siya nang mahawakang maigi sa kaniyang pulsuhan na nasaktuhan sa kaniyang bakal na relo.
"Huwag mong sabihin na nagnakaw ka na naman?"
Napalihis ang tingin niya at isa lang ang ibig sabihin nito. Nanguha na naman siya ng paninda ng iba. Maling gawain ito ngunit nakasanayan niya na rin dahil sa mabuting mithiin nito na makatulong.
"Gusto ko lang makatulong!" Inalis nito ang aking kamay na nakakapit sa kaniya at tuluyan ng tumakbo hanggang sa hindi na siya natanaw ng aking paningin.
Tanging pagbuntong hininga na lang ang nagawa ko at bumalik na muli sa tabi ng aking kaibigan na si Yesha. Makaraan ang ilang minuto ay may lumapit sa akin na lalaki na nakapulang T-shirt na may nakasulat na 'Brgy. Tanod'.
"Neng, may nakita ka bang lalaki dito. Nakajogging pants at puting sando. Mga ganito katangkad..." Itinapat pa nito ang kamay sa taas ng aking ulo na ang ibig sabihin ay mas matangkad sa akin ang lalaking tinutukoy nito."...may suot din siyang gintong relo."
Dali-dali akong umiling kahit na alam kong si Alfred ang tinutukoy ng lalaki. Kahit naman mali na ang ginagawa niya ay hindi ko siya makakayanang isuplong sa mga tanod o pulis, dahil kahit anong mangyari ay kaibigan ko siya pero gagawa ako ng paraan para mabago niya na ang nakagawiang pagnanakaw.
BINALOT ng dilim ang kalangitan na sinabayan ng paglitaw ng mga kumikinang na bituin. Ang kaninang laganap na ingay ng mga tao, ngayon ay miski patak ng tubig ay dinig na.
"Maraming salamat po, Tita Ore!" taos-puso kong pagkakasabi ng matanggap ang aking arawang sweldo na isandaang piso na dinagdagan pa ngayon ng isangdaan muli dahil sa sobra sa aking benta.
"Ikaw talaga, iha! Ako dapat ang nagpapasalamat kung hindi dahil sa 'yo hindi ako kikita ng ganitong kalaki at makaubos ng paninda nang ganitong kaaga. Sige na, iha! Ako'y mauuna na at baka maabutan pa ako ng traffic sa kabilang bayan,"
"Sige po, ingat po kayo!" mga huling salita ko bago tuluyang naglakad papalayo sa aking amo.
Malaki-laking pera na rin ang maiuuwi ko sa ngayon. Itinago ko sa aking bulsa ang isang kulay ubeng papel at isa na lamang ang itinira ko sa aking kamay. Itatago ko muna iyon dahil pandagdag ito sa aking ipon para mabili ko na rin sa wakas ang pinapangarap ko, pero sa tantiya ko ay matatagalan pa. Konti pang kayod, konti pang pagtitiis at konti pang kita.
ILANG minuto pa lang akong naglalakad sa gilid ng kalsada ay nakaramdam agad ako ng pangangalay ng aking tuhod at alak-alakan. Dahil iyon sa buong-araw kong pagkakatayo sa pamilihan.
Hindi alintana ang takot sa sasakyan dahil mangilan-ngilan lang ang nagsisidaanan. Nang may lalaking lumabas sa isang kanto. Nagewang kung maglakad at tila wala sa huwisyo.
"Mina!" hiyaw nito na rinig hanggang kabilang ibayo. Wala siyang pakialam sa ibang taong makaririnig. Patuloy siyang naglakad hanggang sa ilang dangkal na lang ang aming pag-itan. "H-hello, Mina!" ani Erick na nabubulol pa at sinamahan ng nananapak na amoy ng alak.
"Umuwi na po kayo, Kuya Erick at mukhang lasing na po kayo," sambit ko.
"Halika, sayaw tayo. Whoo! sayaw ka Mina!" todo indak naman siya na kala mo ay nasa disco. Kumekembot ang bewang at pinapadyak-padyak ang mga paa habang hawak ang aking kamay na pinipilit makisabay sa kaniyang paggalaw. "Mina! Sayaw ka!" pagkunot na lamang ng noo ang aking naging reaksyon dahil sa sobrang ka-weird-ohan niyang ginagawa.
Inilagay ko ang kaniyang isang kamay sa aking braso at saka inakayan maglakad. "Umuwi na po tayo, Kuya Erick at baka po ano pang mangyari dito sa inyo. Gabi pa man din." Mabuti naman at sumusunod siya sa mga sinasabi ko. Paisa-isang hakbang, mabagal man pero puwede na, ang mahalaga ay umuusad kami.
Natahimik kami kasama ang paligid at tanging tunog ng mga kuliglig ang nangingibabaw. Samahan ng konting liwanag ng buwan at mga bumbilya na nakadikit sa poste ng kuryente. Napansin kong nakatingin pala sa akin si Kuya Erick kaya hindi ito umiimik sa mga tanong ko. Nilingon ko s'ya at bumungad sa akin ang kaniyang namumulang mukha dala ng kalasingan at ang mga mata nito na hindi mawari kung ano ang tumatakbo sa kaniyang isipan.
"M-Mina, angganda mo talaga!" wala sa sarili niyang pagkakasabi na bahagyang nagpailang sa akin.
Tanging pagngiti lamang ang aking naging reaksyon. "Nako, Kuya! lasing na nga talaga kayo!"
Mabuti na lamang at nakita ko si Ate Beng sa labas ng gate ng bahay ni Kuya Erick. Siya ang personal na yaya nito. Tinulungan niya akong alalayan ang kaibigan kong lalaki kaya mas lalong napabilis ang aming paglalakad. Maluwag na paghinga ang aking naramdaman ng maihatid na namin siya sa loob. Tagaktak ang aking pawis sa buong katawan ngunit hindi ko iyon ininda sa halip ay nagpatuloy na muli ako sa paglalakad.
ALAS-SIYETE medya na ako nakatapak sa labas ng aming bahay. Bago ako pumasok ay napansin ko ang isang sasakyan na nakaparada. Black Sapphire ang kulay nito at kung hindi ako nagkakamali ay ito ang BMW M6 na kilala dahil sa nakalululang presyo. Paikot akong naglakad habang iniinspeksyon iyon ng aking mapanuring mata. Lubos na pagkamangha ang aking naramdaman ngunit may halong pagtataka kung paano nakarating ang ganitong kagandang batlag o kotse sa labas ng aming bahay.
Pagtuntong ko sa pintuan ng aming bahay ay bumungad sa akin ang isang ginoo. Lalaking hindi pamilyar sa akin ang mukha at bago sa aking paningin. Binigyan din niya ako ng tingin na tumulong sa akin upang makita ko ang buong detalye ng kaniyang mukha. May kung anong saya ang hatid ng kaniyang ngiti at mga mata na nawawala sa tuwing ngumingiti siya.
"Zander, ito nga pala 'yung kapatid ko. Si Mina Ann," pormal na pagpapakilala sa akin ni Kuya Jerico sa tingin ko'y tropa nito.
Tumayo agad si Zander at inayos muna ang puting polong suot niya bago inilahad ang kaniyang kamay. "Nice to meet you, Ms.Mina," napatingala tuloy ako bago sumagot dahil sa katangkaran niya na halos hanggang balikat lang niya ko.
"Nagagalak din akong makilala ka." At nakipagkamay ako ngunit hindi pala iyon ang kaniyang nais gawin kundi idinampi niya ang kaniyang labi sa aking maruruming kamay.
Napadilat ang aking mata tanda ng aking pagkagulat ngunit ng napatama ang aking paningin sa aking ina na may dalang baso ay iwinawasiwas nito ang kaliwang kamay na ang ibig sabihin ay hayaan ko lamang ang ginagawa ng isang estranghero na paghalik sa aking kamay.
Nang makatunghay na siya ay naglakad agad ako papunta sa aming kwarto na katabi rin naman ng aming sala kung nasaan sila, tanging kahoy na aparador lang ang pinakatabing nito na unti-unti ng pinamamahayan ng anay. Pasalampak akong umupo sa lumang kutson na nakapatong sa sahig.
"Ambastos-bastos niya," pabulong kong tugon dahil sa ikinilos ni Zander kanina. Pakiramdam ko ay napakahangin niya.
Biglang lumitaw sa aking harapan si Nay Marcel na kunot ang noo at nakataas ang ginuhit nitong kilay. Sinunggaban ako nito ng sampal na hindi lumikha ng malakas na ingay pero kalakip ang matinding sakit. "Anong katangahan 'yon, Mina ha!?" pabulong ngunit may diin at gigil nitong sambit.
"B-bastos po s'ya," sabi ko na hindi mapigilang mangatal nang madama ang presensiya ng aking ina sa aking harapan.
"Anong bastos? Mina! Wala ka na sa panahon ni Mahoma para mag-inarte. Pabirhen ka!" sermon nito at bigla akong sinabunutan sa gilid ng aking ulo na nagpangiwi sa aking mukha.
"Umayos ka, Mina. Landiin mo 'yang si Zander! Mayaman 'yan. Binata. Gwapo. Hindi ba't gusto mong mag-aral? Ayan simulan mo na ngayong maghanap ng pera!"
"Ayoko po," mahinahon kong tugon.
"Tigilan mo ko sa pag-iinarte mo! Huwag mo akong galiting bata ka. Ayusin mo 'yang buhok mo." Naging malumanay ang kaniyang boses at hinawi nito ang aking buhok na ikinatang sa aking kanang balikat. "Ayan, ganyan! Ipakita mo 'yang leeg mo para maakit mo siya. Ganito ang gawin mo, kapag nakita mong kukuhanin niya na ang baso, sabayan mo para magkahawak kayo ng kamay. Nagkakaintindihan ba tayo?" ani Nay Marcel na iminomostra ang kailangan kong gawin.
"Ayoko po, Nay Marcel!" pagtanggi ko pero sadyang mas mapilit siya.
Pagkalabas namin sa kwarto ay nakita naming naglalakad na si Zander papalabas ng pinto. "Saan kayo pupunta?" nagmamadaling tanong ni Ina.
Nilingon naman siya ng aming bisita saka nginitian. "Mauna na po ako, gabi na po kasi. Baka hinahanap na ako sa bahay."
"Gano'n ba? Sige sa susunod na lang ulit. Mag-iingat ka!" maamong tugon ng aking kinikilalang ina na parang anghel kung magsalita at umasta.
"Paalam po Tita Marcel, sa 'yo rin, Mina!" kaniyang saad habang ikinakaway ang kaliwang kamay. Mabuti na lamang at umalis na agad ang aming bisita kung hindi ay mapipilitan na naman akong gawin ang iniuutos ng aking mapansamantalang ina.
Inaamin kong may natatanging itsura si Zander. Naiiba sa lahat pero hindi ako nadadala sa gano'n. Sa ugali talaga makikita ang tunay na pagkatao ng isang nilalang.
"Babagal-bagal ka kasi, ayan tuloy umalis na. Pera na naging bato pa!" reklamo sa akin ni Nay Marcel bago lumabas ng bahay at mukhang susundan pa sina Kuya Jerico.