Chereads / Bintang (Accused) / Chapter 16 - Ang Pinakamatinding Pagbibintang

Chapter 16 - Ang Pinakamatinding Pagbibintang

It's actually eleven o' clock in the evening but Joyce is still awake. Para kasing hindi siya dalaw- dalawin ng antok dahil sa ilang oras ng pakikipag-chat sa dating kababatang si Benjie. Tila hindi niya namamalayan ang pagtakbo ng oras sapagkat wiling- wili siyang ka-chat ito. Napakarami nilang pinagkukuwentuhan magmula sa kanilang mga kalarong may kani- kaniya ng pamilya ngayon hanggang sa mga pagbabago ng kanilang lugar sa kasalukuyan. Sapul kasi pagkabata ay nananatili pa ring siyang nakatira sa lugar kung saan siya lumaki. Hindi sila lumipat ng tirahan kung kayat ganoon na lang din ang kasabikan ng kaniyang kababata na magbalik- tanaw sa kanilang kabataan.

'Tanda mo pa ba iyong mga nilalaro natin dati?' chat ni Benjie.

Bigla siyang napatawa bago sumagot dito.

'Oo naman, hahaha! Iyong kung anu- anong stunt ang pinaggagagawa mo kasi sabi mo black belter ka sa karate tapos isang beses pagsipa mo nawarak iyong short mo!'

'Hahaha! Pero alam mo iyong hindi ko malilimutan?'

'Ano?'

'Yung kapag ikaw iyong bihag na inililigtas ko, tapos, habang kunwari akong nakikipagbugbugan sa mga kidnapper na kumuha sa iyo pumapalakpak ka kapag natatalo ko na sila…'

Napangiti siyang mag-isa sa pagbabalik nila ng mga alaala ng nakaraan. Totoo ngang madalas siyang damsel in distress ang ganap samga paglalaro nila samantalang si Benjie naman ang kaniyang knight in shining armor. Iyong mga panahong kanilang pinagsaluhan ay talaga nga namang nakakatuwang muling sariwain. Kung tutuusin napakabuting kalaro sa kaniya ni Benjie. Lagi niya itong kakampi sa ibat-ibang uri ng laro tulad ng patintero at luksong-baka. Ipinagtatanggol rin siya nito sa mga umaaway sa kaniya kahit pa hindi naman niya ito kaano- ano. Pero bakit kaya nagawan pa niya ito ng masama. Bakit kaya niya nagawang paakuin ito sa isang pagkakamaling siya ang may gawa. Bigla siyang nakaramdam ng kurot sa kaniyang dibdib. Sa totoo lang, gustong- gusto na niyang hingin ang kapatawaran ng kababata sa kaniyang ginawa ng tuluyan ng mawala ang guilt na kaniyang dinadala sa matagal ng panahon. Pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataon noong magkita silang muli sa Makati. Ngayon na siguro ang tamang panahon.

'Hello, Joyce, inaantok ka na ba?'

Bahagya siyang nagitla sa muling pag-chat nito sa kaniya. Siguro'y napansin nito na hindi siya agad nakapag-reply kayat inakala nitong inaantok na siya.

'Sige, alam ko may work ka pa bukas, go to bed, goodnight and sleep tight…'

Naunsiyami tuloy siyang ituloy ang balak ng mag- chat pa tungkol doon.

'Ikaw din, goodnight din…' ang tangi niyang naitugon.

'Wait…'

'Why?...'

'Can I invite you for a dinner? You know, kung hindi naman nakakaabala…'

Napaisip siya. Wala namang masama. Mas magiging maganda nga marahil kung personal siyang hihingi ng tawad rito at ilalahad ang kaniyang panig kung kayat nagawa niyang ibintang rito ang bagay na hindi naman nito ginawa.

'Okay, kelan ba?'

'Sa Saturday para naman wala kang pasok the day after. How about eight o'clock?'

'Eight o'clock sounds great.' walang pag- aatubiling sagot niya.

'Thanks. Goodnight.'

Inilapag na niya sa night stand ang cellphone pagkatapos. Para bang nasasabik siya na maging mabilis sana ang araw ng sabado upang makita na muli ang kababata. Marahil iyon na ang tamang pagkakataon upang magkaharap sila at mapag-usapan ang tungkol sa bagay na matagal na niyang gustong sabihin dito. Sa pagkakakilala niya kay Benjie na isang mabait na kalaro at kaibigan noon, naniniwala siyang mauunawaan siya nito at agad na mapapatawad. Sa wakas, magkakaroon na rin ng closure ang mahigit isang dekada ng bigat na kaniyang dinadala sa kaniyang dibdib.

-oOo-

Matapos ang pakikipag-chat kay Joyce ay tumindig si Benjie, kumuha ng isang bote ng beer sa fridge at saka dumiretso sa isang sliding door sa kaniyang condo unit. Binuksan niya ito upang ganap siyang makatungtong sa terrace ng gusali. Sa kaniyang pagbungad ay siya namang pagsalubong ng banayad na hanging dumampi sa kaniyang mukha. Kahit papaano'y nagbigay ito ng panandaliang ginhawa sa kaniyang naninikip na dibdib. Pigil na pigil kasi ang kaniyang emosyon kanina habang nagbabalat- kayo sa babae. Kinuyom niya ang kaniyang palad bago lumagok sa serbesang dala.

"Pure evil,… you're the purest evil I ever met, Joyce…"

Sa pagkakabanggit nito ay hindi niya naiwasang muling maalaala ang pangyayaring tumuldok sa kanilang pagkakaibigan.

Isang umaga noon. Pinuntahan siya ni Joyce sa kanilang bahay upang yayain sa paglalaro. Sapagkat ito'y itinuturing na niyang isang matalik na kaibigan hindi siya nagdalawang-isip na sumama rito. Pagdating nila sa bahay ng kalaro ay inilabas nito ang mga laruang lego. Iba't- ibang bagay ang kanilang binuo mula sa mga piraso ng nasabing laruan. Tuwang- tuwa sila sa naging resulta ng kanilang malilikot na imahinasyon. Walang- wala sa isip niya na ito na pala ang magiging huli nilang paglalaro. Maya-maya'y bumulwag ang ina ng kaniyang kalaro sa sala kung saan sila naglalaro.

"Joyce, alas- diyes na, maligo ka na at may pasok ka pa…" sabi nito.

Hudyat na ito upang magpaalam siya sapagkat siya man ay may pasok din sa tanghali. Sa parehong paaralan sila pumapasok noon ni Joyce ngunit sa magkaibang baitang. Siya sa ikaapat na baitang habang sa ikatlong baitang naman ito. Gayunpaman, madalas silang magkasabay sa pagpasok.

"Sige,Benjie, maliligo na ako, tapos pagkatapos ko,maligo ka na rin…" sabi pa nito sa kaniya.

"Oo sige,…" sagot niya saka siya lumabas ng bahay nito.

Isa sa dalawang paupahang bahay ng mga magulang ni Joyce nakatira sila Benjie. Palibhasa'y communal ang banyo sa dalawang bahay na paupahan at sa mismong bahay ng nagpapaupa, nakikigamit lamang sila ng banyo sa mga ito. Mabuti na lamang at nakabukod ang banyo sa mismong bahay ng mga may ari kung kayat hindi na kailangang pumasok pa sa loob ng bahay nito. Sapagkat parehong sa tanghali ang pasok nila ng kaibigan ay nauuna itong gumamit ng banyo at susunod naman siya pagkatapos.

Ilang minuto ang lumipas naghanda na rin siya upang maligo. Dala ang sariling tuwalya, timba, tabo at sisidlan ng sabon at shampoo ay nagtungo na siya sa kabilang bahay. Sa kaniyang paglapit sa banyo ay nasa may pintuan si Joyce na noon ay nakauniporme na.

"Gamitin mo iyong planggana namin. Huwag na iyang dala mong timba. Punuin mo ng maraming tubig para maging parang swimming pool tapos kunyari maglanguy- langoy ka.." sabi nito.

" Hindi na," sagot niya. "Baka ma-late pa ko sa pagpasok 'pag ginawa ko 'yun."

Pero nagpumilit ito. "Hindi 'yan. Sige na gamitin mo na ."

Para tumigil na lamang ito sa kakapilit sa kaniya ay tumanggo siya ngunit wala siyang balak na gamitin ito. Hinayaan niyang nasa isang tabi lamang ang planggana at hindi niya ginalaw iyon. Katulad ng nakagawian, naligo siya ng madali upang makapagbihis agad at ng hindi mahuli sa klase. Sa kaniyang paglabas ay nakabantay si Joyce sa kaniya.

"Ano, ginamit mo ba iyong planggana namin?" tila interesado nitong tanong.

Umiling siya. "Hindi, baka kasi mahuli ako sa klase."

Hindi ito umimik at sumimangot bago tumalikod sa kanya. Kapagdaka'y umalis na siya patungo sa kanilang bahay. Wala pang limang minuto habang abala siyang nagsusuklay ng buhok at nakabihis na ng uniporme ay naulinigan niya ang boses ni Aling Anna. Nanay ito ng kaibigan niyang si Joyce. Nasa labas ito ng kanilang bahay.

"Rose! Rose!" tawag nito sa kaniyang ina.

Para bang galit ang tinig nito. Walang anu- ano'y biglang bumulwag ito sa loob ng kanilang sala. Siya ang naabutan nito doon sapagkat nagluluto ang kaniyang ina noon ng kanilang pananghalian.

"Nasaan ang nanay mo?" galit na tanong nito habang nakapamaywang.

"N-nasa kusina po…"sagot niya na tila kinakabahan.

Agad nitong tinungo ang kusina. Nang masumpungan nito ang kaniyang ina ay dito na nabunyag ang isang pangyayaring nagpaligalig sa kaniya ng husto.

"Rose, yung anak mo sinira iyong planggana ko!"sumbong nito. "kabibili- bili ko pa naman n'un nito lang isang araw ay iyon, hindi ko na magagamit."

Hindi nakaimik ang kaniyang ina habang may tangan pang sandok ang kamay nito. Maging siya ay hindi agad nakapagsalita dahil labis siyang nagugulumihanan.

"Halika, sumama ka sa akin sa banyo at ipapakita ko sa'yo kung anong ginawa ng anak mo." sabi nito sa kaniyang ina.

Iniwan muna ng kaniyang ina ang niluluto at saka tinapunan siya ng nakapangingilabot na titig saka sumunod sa kasera nito. Naisipan niya ring sumunod sa patutunguhan ng ina sapagkat hindi niya alam ang kasalanang ibinibintang sa kaniya ng nanay ng kaniyang kababata. Pakiramdam niya habang naglalakad ay parang natutuyuan siya ng laway sa kaniyang bibig na para bang sumisikip ang kaniyang lalamunan sa kaniyang bawat paglunok. Nang masapit nila ang banyo ay nakahaya sa labas nito ang isang plangganang may biyak sa tabi.

"Tingnan mo naman, papaanong hindi ka mayayamot," sabi nito habang itinuturo ang naging pinsala ng naturang gamit. " Bagong- bago pa naman ito, ang mahal pa ng bili ko rito, tapos magkakaganyan lang…"

Napailing- iling ang kaniyang ina bago siya muling tinapunan ng tingin. Tila naniningkit ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. Agad dumaloy ang takot sa buo niyang katawan. Alam niya ang kasunod ng mga ganoong matatalim na tingin.

"Nananahimik lang ang planggana ko, sukat ba namang gamitin ng anak mo at dito maglalangoy," dagdag pa nito. "ay hindi talaga nito kakayanin ang bigat n'yan kaya nabiyak, tsk, tsk, tsk…"

Bakas ang panghihinayang sa nasirang gamit ng kanilang kasera. Habang nasusulyapan niya si Joyce na tahimik lamang na nakamasid sa di kalayuan sa kanila. Batid niyang alam nito na hindi siya ang may gawa ng isinumbong sa kaniyang ina. Papaanong siya ang nakagawa ng pinsalang sa kaniya ibinibintang?

"Ano't nakikialam ka ng gamit ng iba kung hindi ka pasaway na masyadong bata ka…!" wika ng kaniyang ina habang hila ang isa niyang tenga.

Mulagat ang mga mata nito at gigil ang mga labi habang nagsasalita. Hindi na bago sa kaniya ang ganoong hitsura ng ina kapag nagagalit. Kayat ang nerbiyos niya ng mga oras na iyon ay gayun na lamang. Nakaramdam siya agad ng pangangatal na sinabayan pa ng malalakas at sunod- sunod na sikdo ng dibdib.

"H-hindi po ako mama, hindi po ako…" pumipilig- pilig siya habang ipinagtatanggol ang sarili.

"Sasabihin mong hindi ikaw, 'yan o si Joyce ang nakakita, nagswiswimming daw iyan sa loob gamit ang planggana ko…"sabi naman ni Aling Anna.

Halos sabay na napabaling ang pansin nilang mag- ina sa dakong kinaroroonan ng batang nabanggit. Tahimik itong nakatingin sa kaniya bagaman malikot ang mga mata nito na para bang hindi maituon ng diretso ang tingin sa kaniya. Gusto niya sanang makarinig ng paliwanag dito kung bakit siya ang sinasabi nitong may kasalanan. Ngunit nagpasya itong pumasok sa loob ng bahay ng tapunan nila ito ng pansin. Hindi nagtagal napansin niyang marami ng kapit- bahay ang nakamasid sa kanila dulot ng nilikhang pagkakaingay ng kanilang kasera.

"Naku, palitan 'nyo iyan," anang hindi pa rin matahimik na babae. "palitan 'nyo yan ng bago."

"Sige Anna, bibili na lang akong bago sa palengke mamayang hapon…" sabi ng kaniyang ina bago muli siyang nilingon.

"Ano, tatanggi ka pang bata ka?! Tarantado ka talaga!" gigil na sambit nito.

Nanginig ang buo niyang kalamnan. Alam na niya ang magiging ganti sa kanya ng kaniyang ina sa pagbabayad sa nasabing planggana. Sandamakmak na palo na naman ang ipalalasap nito sa kaniya. Ngunit parang hindi naman tama na saktan siya nito sa bagay na saksi ang langit ay talagang hindi niya ginawa. Marahil kailangan lamang niyang makumbinsi ito na wala talaga siyang kinalaman sa pangyayari.

"Hindi po talaga ako, mama hindi po ang nagsira…" pilit niyang tangi.

Tila hindi nagustuhan ng kaniyang ina ang panay niyang hindi pag-amin kung kayat walang babala ay bigla na lamang siya nitong hinampas ng nahagilap na walis tingting sa gilid ng banyo. Napuruhan siya sa binti sapagkat hindi siya naka-andam. Nasundan pa ito ng isa pa sa kabila namang binti.

"Mama, tama na po,… hindi naman po talaga ako, hindi po ako…" pagmamakaawa niya.

Ngunit tila bingi ang kaniyang ina sa kaniyang pagsusumamo. Binitawan nito ang hawak na walis upang maging malaya ang mga kamay at saka siya sinikmuraan. Muli ay hindi niya inaasahan na gagawin ito ng ina kung kayat bukod sa labis na pagkabigla ay pasok na pasok ang kamao nitong bumayo sa kalamnan ng kaniyang tiyan. Ininda niyang maigi ang sakit bunga ng pagkakasuntok sa kaniya kayat bahagya siyang napatiklop. Maya- maya pa'y kusang dumaloy ang kaniyang ihi mula sa kaniyang hita pababa sa kaniyang binti hanggang sa tuluyan na nga itong umabot sa semento. Sa pagkakataong ito'y nagkaingay ang mga nag-uusyosong kapitbahay sa kanila.

"Aba, Rose tama na! Napaihi na ang anak mo sa short!" sabi ng isa.

"Ate tama na," sabi ng isa pa. "sumabog na 'ata ang pantog niyan oh!"

Subalit kung mayroon mang nakaaalam sa kung paano magparusa ang kaniyang ina ay walang iba kundi siya. Kayat alam niyang balewala ang mga pag- awat na magmumula sa ibang tao. Alam niyang hindi pa man lamang ito nangangalahati sa paggawad ng sintensya sa kaniya.

"Magdumali ka, hala, uwi, dalian mo!"bulyaw ng kaniyang ina sa kaniya.

Labis man ang pagkapahiya sa harap ng maraming tao at ang kirot sa kaniyang sikmura ay pinilit niyang makalakad at makapasok sa kanilang bahay. Sapo ang tiyan na napaupo siya sa sahig habang basang- basa ang suot na pang-ibabang uniporme. Kasunod niya ang kaniyang inang pumasok. At sa pagkakapinid ng pinto ay batid niyang mas matinding pahirap pa ang dadanasin sa loob ng kanilang bahay kaysa kanina sa may labas. Inihanda na niya ang sarili. Kayat ng makita na niyang hawak na ng papalapit na ina ang ginawa nitong patpat na sadyang nakalaan para sa paghagupit sa kaniya ay batid niyang mamamanhid na naman ang katawan niya sa palo.

Sakto sa huling lagok ng hawak na serbesa ay ang pagwawakas ng ala- alang iyon sa kaniyang gunita. Galit ang namayani sa kaniyang damdamin. Muli na naman siyang nakaramdam ng kawalan ng katarungan. Nang pagiging hindi patas ng mundo.

"Ahhh!" napahiyaw siya.

Hindi dulot ng kalasingan ngunit dahil sa siphayo na sa kaniya ngayo'y bumabalot. Hindi niya kayang bigyang katuwiran ang ginawa ni Joyce sa kaniya.

"The least person, the very least person na hindi ko inakalang magbibintang sa akin… bakit?" mariin niyang sambit.

Kahit kasi saang anggulo niya tingnan hindi niya lubos maisip na sa kabila ng lahat ng kabutihang ipinakita niya sa kababata ay iyon ang igaganti nito sa kaniya. Wala silang pinag-awayan. Wala silang hindi pinagkasunduan. Magkaibigan ang turing nila sa isa't- isa. Sinira ng pangyayaring iyon ang nabuo nilang magandang pagsasama. Sapagkat simula noon, hindi na sila nakapaglaro pang dalawa. Ni hindi na sila nag-imikan o nagpansinan man hanggang sa nilisan na nga ng kaniyang pamilya ang tinitirahan at lumipat sa ibang lugar.

"All the pain, all the suffering,… all the humiliation!" aniya habang nagngingitngit. "Ibabalik kong lahat sa'yo 'yun, dahil sa'yo dapat nangyari iyon!"

And he finish his swearword with a crash. He breaks the beer bottle in the terrace before going back inside.