Chapter 5 - -04-

KABANATA 4

KATULAD nang sinabi ni Francine ay inisip at isa-isang inilista ni Angel ang mga pangalan ng lalaki na pasado sa taste at crush niya.

Una ay si Jonas, pero dahil mayroon itong karelasyon na isa ding lalaki sa opisina kaya cancel na sa listahan.

Ganoon din si Richard na isang supervisor/team leader. Kaya naman gumawa ulit si Angel ng panibagong listahan. Inalis niya na 'yong mga boss, taken, may sabit o asawa.

Ayaw niya naman na biglang mayroon sumabunot sa kanya paglabas o hindi kaya'y mapatalsik ng opisina. Baka iyon pa ang ikamatay niya!

Ang natira ay si Kenneth—kapwa agent at nasa kabilang team. Si Derrick na isang subject matter expert at Joaquin na taga IT Department. Take note na lahat ay good looking, malinis at mabango.

Habang nag-take ng calls ay tinignan niya ang notepad na naka-dikit doon sa monitor. Hindi niya pa alam kung ano ang gagawin pero sabi ni Francine ay ito na daw ang bahala.

"Fuck you! You and your company! What a fucking waste of time!" rinig niyang sabi ng customer matapos nito ay ibaba ang tawag.

Gusto niyang murahin din ito pabalik. Sabihin na letse siya at magbayad kasi ng tama at nasa oras para hindi nape-penalty. Pero siyempre, hindi iyon pupuwede dahil mayayari siya sa QA nilang si Apolinario.

"Bes," rinig niyang tawag ni Francine sa kanya. May call ang gaga pero sinabi sa customer na put on hold muna habang inaayos ang pag process sa request.

"Ano? Lokaret ka! 'Yong AHT mo!" pagpapaalala niya.

"Wapakels! Granny call naman 'to. Kahit bilisan ko, hindi din magagawa ni mother." sabay tawa ni Francine. "Anyway, ito na nga. Kinausap ko na si Derrick kanina. Kunwari may tinanong ako. Tapos sabi ko sabay siya sa atin mamaya na mag lunch."

"Anong sabi?"

"Oo daw. Kaya mamaya, ha? Mag ready ka!"

"Okay!" sagot ni Angel. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o kakabahan dahil ngayon lang niya makakasabay si Derrick sa lunch.

Nagpatuloy na sila sa pag-take ng mga tawag hanggang sa sumapit na nga ang break.

Nasa pantry na sila no'n at mayroong mga baon. Katabi ni Angel si Derrick habang si Francince naman ay nakapuwesto sa harapan nila.

Hindi pa man nag-uumpisa para sana kilalanin ni Angel ang binata ay kaagad na itong nagsalita at sinabing, "Alam mo, Francine, nagulat ako no'ng niyaya mo ko na sumabay sa inyo nitong si Angel."

Nakita ni Angel na ngumiti si Francine sa lalaki. "Ah, ganoon? Si Angel kasi may gusto sanang—"

"Crush kasi kita, Francine."

Nang marinig iyon ay sabay silang naubo ng kaibigan. Cancel na agad si Derrick hindi pa man nagsisimula.

Mabilis na uminom ng tubig si Francine. "Layas!"

"Ha? Niyaya mo kong sumabay tapos papalayasin mo ako?" takang sabi ni Derrick sa kaibigan.

"Lumayas ka! Ano? Lalayas ka o ibubuhos ko sa 'yo 'tong tubig?" malditang sabi pa ni Francine sa lalaking katabi.

Nagkamot naman ito ng ulo. "Ang gulo mo!"

Nang makaalis si Derrick bitbit ang baon ay kaagad na lumipat si Francine sa kanyang tabi. "Bes."

"Okay lang, bes. Ano ka ba? Siyempre maganda ka. Natural ikaw gusto no'n at hindi ako mapapansin." aniya, iyon naman talaga ang totoo. Ni wala nga siyang fashion sense, eh. Kaya tama din si Calvin. She's a mess.

Nakaramdam na naman siya ng pagkalungkot noong maalala ang dating nobyo.

****

HUWEBES at dalawang oras bago matapos ang shift ni Angel ay biglang nagkaroon ng aksidente sa kanyang station. Kaagad na sumabog ang CPU ng ginagamit na computer. Mabuti na lang at kaagad siyang nakalayo!

"Jusko! Ang disgrasya!" mahinang sabi ni Francine.

Hindi naman umiimik si Angel. Pero natakot siya. Hindi na lang niya pinahalata sa kaibigan at ibang mga kasamahan.

Dahil walang bakanteng upuan ay wala siyang malilipatan. Sinabihan lang siya ng kanyang bisor na maghintay sandali at tumawag na daw ito ng tulong.

Inabot ng isa't kalahating oras ang kanyang naging paghihintay. Pabor din naman sa kanya dahil kalahating oras na lang at malapit na ang uwian.

Lalo pang naging pabor noong ang tulong na dumating ay si Joaquin mula sa IT Department. Mabilis niyang hinila ang notepad na nandoon nakadikit sa monitor, nilukot at itinago sa bulsa ng kanyang pantalon.

Makahulugan pa silang nagkatinginan ni Francine noong mga oras na iyon.

"Hi, Angel! Sa 'yo pala 'yong CPU na sumabog." nakangiting sabi ni Joaquin sa kanya.

Marahan naman na tumango si Angel. "Oo, eh. Hindi ko nga alam kung anong nangyari." sagot niya dito.

"Sige. Excuse muna, huh? Check ko lang sandali." muli na namang ngumiti si Joaquin sa kanya. Sunod ay sinimulan na nitong tignan at ayusin ang mga dapat.

Pinagmasdan lang ni Angel ang binata habang ginagawa iyon. Napaka-guwapo ni Joaquin. Noong kasabayan palang niya itong nag-a-apply sa opisina ay crush na talaga niya ang lalaki.

"Kumusta na pala kayo ng boyfriend mo?"

"Ha?" wala sa sariling sabi ni Angel. Hindi niya kasi narinig ang sinabi ni Joaquin dahil lutang ang kanyang isipan. "A-ano, sorry, medyo antok na kasi ako."

Tumawa na naman ang lalaki. "Okay lang. Mabuti cute ka. I was asking kung kumusta na kayo ng boyfriend mo?"

Kasalukuyan ng pinapalitan ni Joaquin ang CPU noong mga oras na iyon.

"Wala na kami. Break na kami."

"Oh, sorry. My bad!" gulat na sabi ng binata. "Hindi na dapat ako nagtanong."

"Hindi, okay lang naman." sagot ni Angel.

Nakita niya na kinagat ni Joaquin ang ibabang labi nito. "Kung yayain ba kita na makipag-date sa akin. Papayag ka?"

****

LIGWAK na sa listahan si Kenneth dahil may nanalo na. Si Joaquin at lalabas silang dalawa ni Angel sa araw ng day-off. Napag-usapan nila ito noong nakaraan. May ilang araw na din silang nagkakatext ng lalaki at inamin nito na crush siya ng binata.

Job offer palang daw ay nakuha na niya ang atensyon ni Joaquin. Hindi lang siya nito napormahan dahil nobyo na niya noon si Calvin. Pero ngayon daw na nalaman nitong wala na sila ay hindi na daw ito magpapaligoy-ligoy pa.

Inamin ni Angel na may nararamdaman pa din siya sa dating nobyo. Pero sinabi ni Joaquin na handa daw itong maghintay. Tutulungan daw siya ng binata hanggang sa tuluyan ng maghilom ang kanyang puso.

"Blessing in disguise na din na sumabog 'yong CPU mo, bes." tuwang-tuwang sabi ni Francine. Out na nila sa trabaho at nakapila na lang para mag biometrics.

"Kaya nga! At least, kahit papaano ay may maganda pa ding nangyari sa akin." masayang sabi ni Angel. "Alam mo, lately, parang nagiging okay na. Wala ng tragic na nangyayari. Sana naman wala na talaga."

"Sana nga!" kumento ng kaibigan. "Rest day mo na mamaya di ba?"

"Oo, need ko agad matulog pag-uwi kasi magde-date kami ni Joaquin mamaya."

Niyakap siya ni Francine. "Bes, good luck! 'Yong mga payo ko, ah? Saka gumawa ka din ng kaunting move. Magpakita ka ng motibo."

"Hindi ko alam, pero susubukan ko."

Pagkauwi sa bahay ay kaagad na natulog si Angel. Ilang araw din siyang nakapagpahinga nang maayos at walang kakaibang bagay na nangyari.

Noong magising siya bandang tanghali ay nakatanggap siya ng mensahe galing kay Joaquin. Nang mag-reply na gising na siya ay kaagad itong tumawag.

"Hi, Angel!" rinig niyang sabi ni Joaquin. Medyo husky iyon at mukhang bagong gising din kagaya niya.

"Joaquin. Sorry kakagising ko lang." mahinang sabi niya.

"Okay lang. Ako din naman. Tara? Kilos na tayo?"

Matapos ibaba ang tawag ay kaagad na ngang kumilos si Angel. Naglinis siya ng katawan, nag-ayos at makalipas ang isang oras ay nasa biyahe na siya papunta sa park.

Nagtext siya kay Joaquin at sinabing malapit na siya, kaya lang ay trapik at hindi umuusad ang mga jeep. Naghintay si Angel ng ilang sandali pero walang reply ang binata. Sinubukan niyang tawagan ang cell phone nito pero walang sumasagot. Doon na siya kinabahan!

Agad na nanlamig ang kanyang mga kamay. Pumara si Angel sa jeep at bumaba. Nagpadesisyonan na lang niyang lakarin ang papunta sa parke kahit medyo malayo pa ito, masiguro lang na makita agad si Joaquin.

Hindi pa man nakakalayo ay nakita niya na ang dahilan ng matinding trapik. Isang kotse ang bumangga sa pangalawang kotse na hinihinalang UBER. Basag-basag ang unahan ng sasakyan at walang sinuman ang makakaligtas sa lagay na iyon.

Parang mayroong sariling isip at awtomatikong naglakad ang mga paa ni Angel papunta sa nangyaring aksidente. Halos magimbal siya noong makita si Joaquin. Dilat ang mga mata, pumutok ang noo at naliligo sa sarili nitong dugo!