Chereads / My Professor Ex / Chapter 15 - Kabanata 15

Chapter 15 - Kabanata 15

"Hindi ka ba papasok sa loob?" tanong niya kay Luigi. Galing siya sa bahay ng binata dahil nag-request ang parents nito na dumalaw siya doon. Hinatid siya ng binata pauwi sa kanila.

Umiling ito. "Next time na lang kailangan mo nang magpahinga."

"Okay."

"Chloe sorry kung nadamay ka ulit sa problema ko."

"Huwag mo masyadong isipin 'yon. Hindi naman tayo mapipilit ng parents mo sa gusto nila."

"Tama ka."

Nagpaalam na siya sa binata at tuluyan nang lumabas mula sa kotse nito. Nakaalis na si Luigi ngunit nanatili siyang nakatayo sa labas ng bahay. Lumulutang ang diwa niya.

"Saan ka galing Chloe?"

Naipigtad siya nang marinig ang boses ni Zach. "Anong ginagawa mo dito?" Hindi niya inaasahan na makikita ito sa kanila.

"I asked you first. Saan ka galing? Bakit dis-oras na nang gabi ka umuwi?" sunod-sunod na tanong nito na ikinainis niya.

Wow! Pagkatapos nang nangyari sa kanila ay wala itong sinasabi sa kanya at umakto ito na parang walang nangyari. Tapos ngayon aasta ito na parang nobyo niya. Kung tutuusin hindi naman niya kailangang magpaliwanag sa binata dahil hindi naman sila. 

"Pagod ako Zach. Gusto ko nang matulog." Ayaw niyang makipagtalo dito. Nilagpasan niya ang binata ngunit marahas nitong hinila ang kanyang kamay. "Ano ba?"

Hindi nito pinansin ang sinabi niya. "Anong ginawa niyong dalawa?" mapanuyang tanong nito. Nag-aapoy sa galit ang mga mata nito na parang nagpapahiwatig na may mali siyang ginawa kaya ito galit.

Matalim na tingin ang pinukol niya sa binata dahil naiinsulto siya sa paraan nang pagtatanong nito. "Gusto mo talagang malaman kung anong ginawa namin?" Nag-ipon muna siya ng hangin sa dibdib bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Gusto mo bang marinig ang buong detalye o buod?"

"I'm sorry Chloe." Lumamlam ekspresyon ng mga mata nito at lumumanay ang tono ng boses. "I didn't mean to say-"

"Parang awa mo na Zach, gusto ko nang katahimikan." Putol niya sa sasabihin nito. "Madami akong problemang iniisip kaya huwag ka nang dumagdag. Napapagod na ako."

Binawi niya ang kamay na hawak ng binata bago niya ito tinalikuran. Hindi na ito nagsalita. Pagpasok niya sa loob ng bahay ay naabutan niyang nakaupo sa sofa ang kanyang ina. Halatang may iniinda itong sakit.

"Ma, bakit gising ka pa?"

"Nagkausap ba kayo ni Zach? Kanina ka pa niya hinihintay dahil may importante siyang sasabihin sa'yo. Siya nga pala, pinasyal niya kanina si Trisha. Tuwang-tuwa ang pamagkin mo."

Hindi niya pinansin ang sinabi ng ina dahil na-focus ang atensyon niya dito. "Ma, may masakit ba sa katawan mo?" nag-aalalang tanong niya.

"Baka sumumpong ang UTI ko. Hayaan mo, magpapa-check-up ako sa health center sa Lunes."

"Bakit sa Lunes pa? Ngayon na tayo magpa-check-up. Dadalhin kita sa hospital."

"UTI lang 'to."

"Ma, huwag matigas ang ulo. Pupunta tayo sa hospital." Natatakot siya na baka matulad ito kay Trisha. Binalewala nila ang simpleng lagnat iyon pala dengue na. Baka may iba pang nararamdaman ang ina niya subalit hindi lang ito nagsasalita. "Ipapaalam ko lang kay Dave na dadalhin kita sa hospital."

Pagbalik niya sa sala ay nandoon si Zach. Akala niya ay umuwi na ang binata.

"Narinig ko ang usapan niyo kaya hindi ako umalis." Paliwanag nito kahit hindi naman siya nagtatanong. "Ako na ang maghahatid sa inyo sa hospital."

Hindi siya tumanggi. Kailangan na nilang makaalis dahil baka may mangyari pang masama sa kanyang ina.

NGAYON NILA MALALAMAN ang resulta nang isinagawang test sa kanyang ina. Hindi na pinauwi ng doktor ang kanyang ina simula nang isinugod ito sa hospital.

"Doc, kamusta po ang lagay ni Mama?"

"I'm sorry to say this Ms. Mendez but based on the test result, we diagnosed that your mother has a stage II kidney cancer."

Nawalan siya nang lakas dahil sa narinig. Mabuti na lang maagap siyang nasalo ni Zach dahil kung hindi baka natumba siya. Nagpapasalamat siya dahil hindi siya iniwan ng binata.

"Isang kidney lang ang affected at hindi kumalat ang cancer cell sa ibang parte ng katawan. The tumor in her kidney is less than seven centimeters so she needs to undergo surgery."

Ipinaliwanag ng doktor kung anong klaseng surgery ang gagawin ngunit wala siyang maintindihan. Lahat nang naririnig ng kabila niyang tenga ay lumalabas sa kabila.

"Everything will be alright." Wika ni Zach pag-alis ng doktor.

Nanatili siyang nakasandal sa binata, doon siya humuhugot ng lakas. Hindi niya alam kung anong mangyayari sa kanya kung wala ito sa tabi niya. "I don't know what to do." Sobra-sobrang hirap na ang nararanasan niya.

Niyakap siya ng binata. "I don't know what the right thing to say, just to make you feel better. But I can assure you one thing, I will always be by your side."

"BAKIT NANDITO KA?" walang emosyong tanong niya sa panauhin ng kanyang ina. Hindi niya inaasahan na pupunta ito sa hospital dahil wala naman silang komunikasyon. "Sinong may sabi sa'yo na nasa hospital si Mama?"

"Anak…"

"Anak? Baka nakakalimutan mo na matagal mo na kaming tinalikuran kaya wala kang karapatang tawagin akong anak." Puno nang hinanakit niyang wika. "At sinong nagpahintulot sa'yo na pumunta dito?" galit niyang tanong.

"Chloe…"

Binalingan niya ang kanyang ina. Ipinagtataka niya na walang bakas nang pagkagulat sa mukha nito nang makita ang kanyang ama. "Ma, alam mo bang pupunta siya dito?"

Nagbaba ito nang tingin. "Patawarin mo ako anak."

Nanlumo siya sa narinig. Bakit naglihim ang kanyang ina? Pagkatapos nang ginawa ng kanyang ama sa kanila ay basta-basta na lang itong babalik na parang walang nangyari. "Kailan pa kayo nagkaroon ng komunikasyon?"

"Sinabi lang sa'kin ni Dave na pupunta ang Papa niyo dito. Pero hindi ko alam kung gaano na sila katagal nag-uusap ng Papa mo."

"Anak hayaan mong ako ang magpaliwanag sa'yo." Turan ng kanyang ama ngunit hindi niya ito pinansin. Umalis siya sa lugar na iyon. Narinig niya ang pagtawag sa kanya ng mga magulang subalit nagbingi-bingihan siya.

She felt betrayed. Sa lahat pa naman nang ayaw niya ay iyong pinaglilihiman siya. Bakit ang bilis tanggapin ng kapatid at ina niya ang kanyang ama? Siya ang nagdusa at sumalo sa obligasyon at kasalanan nito at hanggang ngayon ay nagdurusa pa rin siya. Ang ama niya rin ang dahilan kung bakit niya nagawang saktan noon si Zach.

Ayaw sumama ni Zach sa Amerika dahil sa kanya kaya kinausap siya ng ina ng binata na hiwalayan ito ngunit hindi siya pumayag. Ang kaso, inalam ng ina ni Zach ang kanilang family background at iyon ang ginamit nito upang mapapayag siya sa gusto nitong mangyari.

Mahirap lang ang kanyang ina at ang tanging naipamana nang yumao nitong magulang ay ang bahay na tinitirahan nila ngayon sa San Miguel. Samantalang ang kanayang ama naman ay mula sa mayamang angkan subalit itinakwil ito nang pinili nito ang kanyang ina.

Maayos at simple ang buhay nila noon sa Maynila. May magandang trabaho ang kanyang ama kaya nagkapag-aral siya sa magandang school noong high school siya. Ang kapatid niya noon ay elementary pa lamang.

Isang araw, umuwi ang kanyang ama na maraming dalang pera. Sinama ito ng kaibigan sa casino at nanalo ito sa sugal. Ang isang beses na pagsama nito sa casino ay naulit pa nang naulit hanggang sa malugmok ito sa utang sa kompanya at banko. Pati ang bahay nila sa San Miguel ay sinanla nito.

Ang kahinaan ng kanyang ama ang ginamit na sandata ng ina ni Zach upang mapapayag siya sa gusto nitong mangyari. Kapalit nang pagsunod niya sa gusto nito ay nangako ito na babayaran lahat ng utang ng kanyang ama. At kapag hindi pa rin siya pumayag ay nagbanta ang ginang na lalo nitong papahirapan ang kanyang ama.

Hindi man niya gustong saktan si Zach ay nagawa niya dahil sa kanyang pamilya. Ayaw niyang mawala ang pamanang bahay sa kanyang ina at mas lalong ayaw niyang makitang naghihimas ng rehas ang kanyang ama. Silang dalawa lang ng kanyang ama ang nakakaalam sa nangyari.

Sa kabila nang sakripisyong ginawa niya ay tinalikuran pa rin siya nang kanilang ama. Binenta nito ang bahay nila sa Maynila kaya lumipat sila sa San Miguel. Pagkatapos nang insidenteng iyon ay hindi na ito muling nagpakita.

"Chloe, bakit nakatayo ka sa labas? Hindi ka man lang kumatok. Kung hindi pa ako magtatapon ng basura sa labas ay hindi ko alam na nandito ka." Lintanya nito ngunit natahimik din ito agad. "What happened? Why are you crying?"

Hindi niya alam kung bakit siya napadpad sa lugar na iyon. Basta natagpuan na lang niya ang sarili na nakatayo sa harap ng apartment na inuupahan ni Zach.

"Si Papa…" iyon lang ang tanging naisatinig niya. Walang alam si Zach sa totoong nagyari noon kaya hindi niya masabi ang sama ng loob tungkol sa kanyang ama.

P.S. Salamat po sa isang collection. ❤️