Chereads / My Professor Ex / Chapter 3 - Kabanata 3

Chapter 3 - Kabanata 3

HINDI PA RIN SIYA MAKAPANIWALA SA NANGYARI KANINA. Nagkrus muli ang landas nila ng binata na noo'y hiniling niya na sana hindi na ito muling makita. Aaminin niyang natutuwa siyang makita ito ngunit sa kabila noon ay may takot at pangamba iyong dulot sa kanyang puso.

"Mommy!"

Sinalubong siya ng yakap at halik ng pinakamamahal niyang pamangkin. Nawala bigla ang pagod at gutom na nararamdaman niya.

"Hello baby!" Pinupog niya ng halik ang limang taong gulang na batang babae.

"Anak dumating ka na pala. Kanina ka pa hinihintay ng pamangkin mo."

Nagmano siya sa ina. "Dumiretso po ako sa school. Inasikaso ko po iyong application ko for student assistant." Binalingan niya si Trisha. Bahagya siyang yumuko upang magpantay sila. "Na-miss mo agad ako?"

"Yes 'My, miss kita." Niyakap siya nito nang mahigpit sabay bulong. "Sabi ni Lola we will buy a new bag. Totoo po ba iyon?" Matatas na itong magsalita kahit limang taong gulang pa lang ito. Hindi kasi nila sinanay mag-baby talk si Trisha.

"Tomorrow we'll buy a new bag and a pair of shoes. Magpapahinga muna si Mommy ngayon, okay?"

"Okay!" malapad ang ngiting tugon nito. "Thank you, Mommy. I love you."

"I love you more baby."

Hindi niya pinagsisihan na tumigil sa pag-aaral dahil kay Trisha. Fifteen years old pa lang ang kapatid niyang si Dave nang mabuntis nito ang nobya. Siya naman noon ay kasalukuyang second year college at nag-aaral ng BS Biology ngunit tumigil siya pagkatapos ng first semester upang magtrabaho.

Wala kasing tutustos sa pangangailangan ng kapatid niya dahil parehong menor de eded pa ang magkasintahan. Kinupkop din nila ang ina ni Trisha dahil pinalayas ito ng mga magulang nang malamang nagdadalang-tao ito. Ngunit umalis din ang ina ng bata pagkatapos nitong manganak at 'di na muling nagpakita pa sa kanila kaya siya na ang tumayong ina ng bata.

"Where's your Dada?" Tukoy niya sa kapatid na ama ng bata.

"Maagang umalis Chloe." Ang kanyang ina ang sumagot sa kanyang tanong. "Maghahanap daw siya ng trabaho." Si Trisha ay nagpaalam na maglalaro ng bike sa labas ng bahay nila.

"Ho?" Nagsalubong ang kilay niya. "Bakit siya magtatrabaho?" takang tanong niya.

Magfi-fifth year pa lang ito sa kursong Mechanical Engineering sa pasukan sa August. Magkaiba ang start ng pasok nila dahil magkaiba sila ng pinapasukan na school.

"Bumagsak siya sa major subject. Nahihiya na daw siya sa'yo kaya naghanap siya ng trabaho. Pinigilan ko at sinabihan ko na kausapin ka muna kaso 'di nagpatinag."

Hindi pa nga natatapos ang sarili niyang problema pero heto na naman at may dumagdag pa. Kailan ba matatapos ang kalbaryo sa buhay niya?

"Ma, pahiram po ng cell phone. Tatawagan ko lang si Dave." Inabot ng ina ang cell phone sa kanya. Baka kasi kapag phone niya ang gamitin ay hindi nito sagutin ang tawag niya.

"Hello 'Ma."

"Dave umuwi ka, ngayon din." Mariing utos niya.

"Ate…"

"Kapag hindi ka kaagad umuwi, huwag ka nang magpakita at bumalik dito. Naiintindihan mo?" Hindi niya ito hinintay na makasagot dahil pinutol niya agad ang tawag. Ibinalik niya agad sa ina ang cell phone nito. "Ma, pakigising po ako kapag dumating si Dave. Magpapahinga lang ako."

"Sige. Nag-almusal ka na ba?"

"Opo." Pagsisinuwaling niya. Nawalan na siya ng ganang kumain.

"ATE SORRY, PINILIT KO NAMANG IPASA KASO MAHIRAP TALAGA. Palaging wala ang professor namin at kapag pumasok naman siya ay hindi nagtuturo. Nagbibigay lang ng quiz at activity."

"Alam ko namang mahirap ang kursong pinili mo pero sana sabihin mo kung anong problema. Hindi naman ako magagalit kung bagsak ka maliban na lang kung nakita kitang nagpabaya."

Nakita niya kung gaano kapursigido ang kapatid na makatapos ng pag-aaral para kay Trisha. Kahit igapang niya ang pag-aaral nilang dalawa ay gagawin niya upang makapagtapos sila.

"Sorry." Yumuko ito. "Alam kong nahihirapan ka dahil sa'kin. Pabigat lang ako sa'yo, sa inyo ni Mama."

"Kaya naisipan mong magtrabaho kaysa tapusin ang pag-aaral mo?" galit na tanong niya.

Tumango ito bilang pagsang-ayon sa sinabi niya.

"Dave nag-iisip ka ba? Anong klaseng buhay ang ibibigay mo kay Trisha kung hindi ka makatapos sa pag-aaral?" sermon niya dito. "Kailanman hindi ko inisip na pabigat ka. Mag-aaral ka Dave."

"Paano ang tuition ko Ate? Natanggalan ako ng scholarship. Si Trisha mag-aaral rin. Saan ko kukuha ng panggastos?"

"Ako na ang bahala."

"Ate puro na lang ikaw. Ang dami mo nang isinakripisyo para sa'kin. Hayaan mong ako naman ang tumulong sa pamilya natin. Mag-aaral ka rin Ate kaya saan mo kukunin lahat ng panggastos natin?"

Tama ang kapatid niya. Saan siya kukuha ng pera? Hindi naman sila pwedeng tumigil sa pag-aaral dahil magbabago na ang curriculum. Alangan namang bumalik sila ng Grade 11 at 12. Marami ng oras, pagod, at perang masasayang kung ganoon ang mangyayari.

"Hindi ka puwedeng tumigil dahil isang taon na lang makaka-graduate ka na."

"Huwag mong sabihin na ikaw ang titigil? Ate hindi ako papayag."

Ngayon niya lang nakita na ganito ang kapatid. Malaki ang ipinagbago nito simula nang mag-aral si Trisha.

"May konting ipon pa ako sa bangko iyon ang gamitin mong pang tuition. Maghahanap ako ng part-time job para may panggastos tayo araw-araw."

"Ate payagan mo din akong magpart-time job." Hiling ng kapatid. "Ipinapangako ko na hindi ko pababayaan ang pag-aaral ko."

Malalim na hininga ang pinakawalan niya. "Sige." May magagawa pa ba siya? Baka hindi niya kayanin ang gastos kapag wala siyang katuwang.

"Salamat, Ate."

"Anak, tatanggap ako ng labada para makatulong ako sa gastusin." Sabi ng kanyang ina.

"Ma, huwag na po. Bantayan mo na lang ang tindahan at si Trisha." Turan niya. Nagpatayo siya ng sari-sari store upang may mapagkaabalahan ang kanyang ina maliban sa pag-aalaga kay Trisha. "Magkakasakit ka lang po kapag tumanggap ka ng labada."

"Oo nga 'Ma." Pagsang-ayon ni Dave. "Kami na ang bahala ni Ate."

Magsasalita pa sana siya nang mag-ring ang kanyang cell phone. Tumatawag si Mrs. Hidalgo. Ano kayang pakay nito sa kanya?

"Hello?"

"Ms. Mendez are you available tomorrow? I want to discuss something that might help you. If you're interested, please feel free to visit my office. I'll be waiting for you." Lintanya ng directress sa kabilang linya.

Hindi man lang siya nito binigyan ng pagkakataon na makapagsalita at magtanong. Pero nagtataka siya dahil himala na friendly ang tono ng ng pananalita nito. Malayong-malayo sa strict at authoritative na personality nito. Ano kayang nakain ng ginang at bakit ito nagkakaganoon?

"Tungkol po saan ang offer niyo?" Baka umasa na naman siya pagkatapos wala naman siyang mapapala.

"I'll tell you when you get here. I hope that you'll have time tomorrow because we need you. You can come here anytime."

"Okay. I'll be there tomorrow."

"Thank you, Ms. Mendez."

Thank you for reading.

Please leave a comment.

It's highly appreciated.

Thank you!