"Sa isang problema, wala kang masosolusyonan kung ito'y iyong iiwasan. Matutong manindigan para sa huli'y walang pagsisihan."
~❇️~
TUFF
Masama ang tingin nina Judy sa akin mula nang maiwan kami dito pero hindi sila nagsalita. Naupo sila ulit sa mga upuang naroroon at iniwan akong nakatayo sa labas ng delivery room. Naghintay kami doon hanggang sa may lumabas mula sa loob.
Unang inilabas ng mga doktor si Grame at dinala siya sa nursery room. Sinundan ko ang doktor at sumunod din naman sina Judy sa amin.
Nang inilapag si Grame ng nurse ay nagsiksikan agad sina Judy sa may bintana. Napahinga ako nang malalim bago ako napalapit sa bintana.
"Baby Grame, hello!" masayang sabi ni Judy na kumaway pa kay Grame.
"Ang cute cute ng baby namin," nakangiti namang sabi ni Sydney. Napangiti nalang ako sa mga pinanggagawa nila. Ngunit nang muling pumasok sa isipan ko ang mga nangyari kanina ay agad akong nakaramdam ng lungkot.
Ano na ang mangyayari sa amin ngayon? I'm sure they are mad at me, at hindi ko alam kung magiging okay pa ba ang lahat after nilang malaman ang totoo.
"Kamukha mo si Grame," biglang sabi ni Judy dahilan para mapatingin ako sa kanya.
"Judy-" nausal ko na agad naman niyang pinutol.
"Oo, galit ako sayo," aniya. "Where are you when Anrie needs you? Andiyan ka lang, ang sobrang lapit mo lang pero hindi ka man lang lumapit sa kanya...hindi mo siya ginabayan. Hindi man nagpakita ng kahinaan si Anrie noong mga panahong iyon, pero alam kong nahihirapan siya." Nakita ko ang pagbuntong hininga ni Judy na nagbaling pa ng tingin sa akin. "I want to curse you and hate you, but I can't judge you. I don't know why you did it, pero sana ay hindi mo na iiwan si Anrie ngayon lalo na't nandyan na si Grame. They need you Tuff. Be a man, be Grame's daddy," pagpapatuloy niya na seryoso pa rin akong tiningnan. Napayuko ako.
Lahat ng sinabi ni Judy ay tama. I've been a coward for a long time at pilit kong tinakasan ang responsibilidad ko kay Anrie.
"Sorry and thanks. Sorry kung pinabayaan ko siya, kung hindi ko siya pinanindigan. Pero salamat dahil noong wala ako sa tabi niya ay nandiyan kayo," nahihiya ngunit buo sa loob kong sabi.
"Gampanan mo muna ang mga dapat na gampanan mo, then we'll talk again."
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay agad din siyang umalis. Napahinga ulit ako nang malalim.
"Good luck Tuff," sabi naman ni Jay at sabay niya pang tinapik ang braso ko. Nginitian at tinanguan ko siya.
"Salamat Jay." Tumango siya at naglakad na rin palabas. Sinundan na niya sina Judy, Sydney at Patrick.
Napalapit ako kay Grame. "Grame, nandito si daddy," masaya kong tawag sa anak ko.
Kahit na nakapikit si Grame ay nakangiti siya. Ang cute niya ngang tingnan. Mamula-mula pa ang kanyang balat, at kita na ang iilang hibla ng buhok sa kanyang ulo. Kinuha ko ang phone ko at kinunan ko ng picture ang anak ko.
Bago ko haharapin si Anrie at ang pamilya niya, ang pamilya ko muna ang kailangan kong harapin ngayon. I need them beside me sa oras na harapin ko na ang pamilya ni Anrie.
"Grame, aalis muna si daddy ah. Babalik din ako mamaya kasama ang lola't lolo mo." I smiled to him bago ko siya iwan at lumabas na ako ng hospital.
Hindi na ako bumalik sa school at umuwi na agad ako. School is not my priority now. Kailangan ko nang makausap ang dapat kong kausapin.
Nagbabasa si mama sa sala nang dumating ako ng bahay. Ilang beses pa akong napabuntong hininga bago ako naglakad papasok.
"Tuff? Ba't ang aga ng uwi mo?" agad na tanong ni mommy sa akin nang makita niya ako. Napangiti ako nang mapakla at tuluyan akong lumapit sa kanya.
"Ma," kinakabahan kong tawag sa kanya nang tumigil ako sa harapan niya.
"Bakit? May problema ka ba?" nag-aalala niyang tanong at nilapitan niya ako.
"Ma, sorry po," sabi ko. Naikunot ni mama ang kanyang noo. Napatayo siya sa inuupuan niya at hinarap ako.
"Anak, ano na naman iyang hinihingi mo ng sorry?" naguguluhan niyang tanong at pilit niyang inusisa ang mukha ko.
Tama, hindi lang ito ang unang beses na humingi ako ng sorry kay mama dahil sa mga nagawa ko kay Anrie. Una akong humingi ng sorry sa kanya noong umuwi ako galing kina Judy nang nag-overnight kami sa kanila. Pangalawa ay noong nalaman kong buntis si Anrie, at ang pangatlo ay ngayon.
I asked for forgiveness pero hindi ko nasabi sa kanya ang reason ng paghingi ko ng sorry. Natatakot kasi ako kapag nalaman niya ang totoo. Takot ako, takot akong sirain ang tiwala ng mga magulang ko sa akin.
Ako lang ang nag-iisang anak nila kaya malaki ang expectation nila sa akin. They have lots of plans for me, kaso ito na... nangyari na ang lahat ng ito. Hindi ko ito ginusto pero nangyari na eh, wala na akong magagawa. Sinira ko na ang expectations nila sa akin.
"I'm so sorry ma," pag-uulit ko. Ngayon ay hihingi ulit ako ng sorry, pero ngayon ay may rason na ang bawat sorry ko. Ayokong patuloy nalang na magtago sa kanila ng sekreto lalo na at tungkol kina Anrie at Grame. "Ma, may nagawa po ako. Hindi ko iyon ginusto pero nangyari na eh. Dahil sa takot ko at itinago ko ito sa inyo. Ma, sorry po talaga." Nagsimula na akong umiyak kaya mas nag-alala pa si mama.
"Tuff?" Iniangat niya ang luhaan kong mukha at tiningnan ito. "Anong problema anak?"
Kinuha ko ang phone ko at ipinakita ko sa kanya ang picture ni Grame. Namilog agad ang mga mata ni mama habang tinitingnan ang picture ng anak ko.
"Tuff, si-sino ang batang ito?"
Napakagat ako sa labi ko dahil sa kaba. Natatakot akong magsalita dahil sa takot na baka masaktan ko si mama.
"Tuff! Sino ang batang ito?" pag-uulit ni mama dahil hindi ko siya nasagot. Ang lakas na nga ng kabog ng puso ko sa sobrang kaba.
"Ma-" I started pero muli akong natigilan. Hindi ko masabi nang diretso sa kanya na anak ko si Grame na siyang nasa litratong tiningnan niya.
"Diyos ko Tuff," sabi niya nang mukhang naintindihan na niya ang gusto kong sabihan. Tuluyan na akong naiyak, pati si mama ay nagsimula na ring umiyak.
"Ma, I'm sorry."
Napaupo ulit si mama. Patuloy siyang umiyak habang hawak-hawak niya ang phone ko na may picture ni Grame.
"Ma, alam kong mabilis ang lahat. Pero kailangan ko kayo ni papa ngayon. Kailangan kong panindigan ang nagawa ko ma."
"Tuff, ba't mo ito nagawa sa amin?" Napahagulgol si mama. Napayuko naman ako. Hiyang-hiya ako sa sarili ko.
"Ma, I'm really sorry. Hindi ko po sinasadya."
I want to comfort my mom pero iniisip ko palang na dahil sa akin kaya siya nagkakaganito ay naduduwag ulit ako. I feel really guilty.
Nabitawan ni mama ang phone ko at mas umiyak pa. Hinayaan ko nalang muna siyang kumalma nang konte bago ulit ako nagsalita.
"Ma?" tawag pansin ko sa kanya. Pinunasan ni mama ang kanyang luhaang mata at saka siya napatayo sa inuupuan niya.
"Halika, puntahan natin ang papa mo," aniya nang hindi ako tinitingnan. Naglakad na siya at lumabas ng bahay kaya sinundan ko siya.
Pinahanda agad ni mama ang sasakyan at nagpahatid sa kompanya ni Papa. Pagdating namin doon ay dumiretso din agad kami sa office ni papa. Hindi na nga pinansin ni mama si Ms. Tuazon na secretary ni Papa. Nagtuloy-tuloy lang si mama papasok ng opisina not minding the eyes of dad's employees na nakatuon sa amin.
Nagulat si papa nang makita kami pero hindi ito naging rason para magpapigil si mama. Si mama ang nagsalita at nagpaliwanag nang lahat kay papa, tahimik lang naman akong nakinig habang nakayuko ang ulo ko. Well, kaya ako hindi nagsalita ay dahil sa natatakot ako sa papa ko. He's a kind man but he's still my father at alam kong magagalit siya kapag nalaman na niya ang lahat. Uniko hijo nila ako at malaki ang tiwala nila sa akin, but now... I ruined their trust.
Galit na galit si papa nang marinig niya ang lahat kay mama. Sa galit niya ay nasuntok niya ako sa mukha. Masakit iyon pero hindi ako nagsalita, hinayaan ko lang siya na saktan ako. I deserved all the punishment he has for me.
"ANONG GINAWA MO!? NAKABUNTIS KA!?" galit na tanong niya sa akin.
"Pa." Wala akong ibang masabi kung hindi ang tawagin siya. All I need now is them, yung gabay nila. Iyong makasama ko sila kapag pinuntahan ko na sina Anrie.
"Tuff, sinira mo ang magiging kinabukasan mo!" Nasapo ni papa ang noo niya. Napayuko lang naman ako.
"Sorry po," that's all I can say. Ang tanging magagawa ko lang ngayon ay ang humingi ng sorry at panindigan ang mga kamalian ko.
"Wala nang magagawa iyang sorry mo. May anak ka na!" Napatalikod si papa sa akin at sinuntok niya ang malaki niyang table. Nagtumbahan pa ang ilang gamit na nakapatong doon dahil sa lakas ng suntok niya.
"Pa, magalit na po kayo sa akin pero kailangan ko kayo ngayon. I need to face her family," buong lakas ng loob na sabi ko. Napatingin sa akin si papa. Galit na galit pa rin ang mga tingin niya sa akin kaya bahagya akong napaatras.
"Maninindigan ka? Ngayon pa?"
"Papakasalan ko po si Anrie."
"Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Tuff? 19 ka lang at estudyante pa. Paano mo bubuhayin ang mag-ina mo? Aasa ka sa amin ng mama mo?" Napayuko na naman ako dahil sa sinabi ni papa.
He's right, I'm still a student at wala pa akong alam sa paghahanap-buhay. Buong buhay ko ay nakaasa lang ako sa parents ko. Hindi ko kayang buhayin ang mag-ina ko-sa ngayon.
"Rudolf. Ano ba iyang sinasabi mo?" Nag-angat ako ng tingin kay mama. Nakakunot ang kanyang noo at masama ang kanyang tingin kay papa.
"Tatayo kang ama sa anak mo. But you don't need to marry her," sabi ni papa na nagpaangat ng tingin ko sa kanya.
Dad!?
"Rudolf!" saway naman ni mama sa kanya.
"Si Shane ang pakakasalan mo. Alam mo iyon." Natigilan ako sa aking narinig.
"Pero iba na ngayon pa. May pamilya na ako kaya hindi na kami pwede ni Shane. Hindi ko kayang iwan si Anrie, I already caused too much trouble to her at ayaw ko na iyong dagdagan," I reasoned.
"Halika!" Hinatak ako ni papa palabas ng opisina habang si mama ay nakasunod sa amin at pinapakiusapan si papa na huwag na akong hilain.
Pinagtitinginan na kami ng mga empleyado ni papa pero wala siyang pakialam. Patuloy niya akong hinila hanggang sa makalabas kami ng kompanya. Sapilitan niya akong pinasakay ng kotse at si mama naman ay sumunod nalang sa amin. Inutusan ni papa si mang Rene na patakbuhin na ang sasakyan at sinunod naman niya ito.
Pinuntahan namin ang hospital kung saan naka-admit si Anrie at Grame. Una naming pinuntahan ang nursery room para makita namin si Grame pero wala na ang anak ko doon. Mabilis naming nilapitan ang nurse station at nagtanong tungkol kay Grame.
"Nurse, iyong baby?" tanong ko.
"Po?" naguguluhang tanong ng nurse sa amin.
"Si baby Grame po, nasaan?"
"Ah! Nasa kwarto na po ng mommy niya."
"Kwarto? Anong room po?" Tiningnan sandali ng nurse ang computer sa harap niya bago niya ako hinarap ulit.
"Room 369 po," mabilis naman nitong sagot.
"Thank you po," sabi ko at agad na akong naglakad papunta doon, nakasunod naman sa akin sina mama at papa.
Habang naglalakad kami ay panay ang silip ko sa papa ko. Ngayon ko lang nakita ang ganitong ugali sa kanya, ibang-iba sa respetado at mapagmahal na amang nagpalaki sa akin. I really thought na maiintindihan niya ako pero hindi pala.
Room 307
Napahinto kami sa tapat ng pinto ng kwarto ni Anrie nang mahanap namin ito. Napahinga ako nang malalim at diretso kong tiningnan ang door knob.
Ang lakas ng kabog ng puso ko. Trumiple pa ata ang kabang nararamdaman ko ngayon kesa noong nagdecide akong harapin ang mga magulang ko. Inaamin ko, I'm really afraid.
-❇️-