Chapter 4 - PART 4

MAGANDA ang sikat ng araw kinabukasan. Iyon ang araw ng alis ni Benjamin pauwi ng San Fernando. Bukas na ang graduation day kaya naman minabuti niyang ngayon na bumiyahe at magpalipas nalang ng gabi doon.

Sinunod niya ang payo ng dalawang matanda na mag-break muna ng sa kanyang trabaho at magbakasyon. Matagal na panahon narin naman kasi ang nakalipas mula nang mag-leave siya. Kaya naman nag-file siya ng indefinite leave.

After graduation ay tutuloy siya ng Don Arcadio, ang kalapit na bayan ng San Fernando para doon ituloy ang kanya pagbabakasyon. Kilala ito sa magaganda nitong beaches and resorts. Isa sa mga dahilan kung bakit dinarayo ito ng mga turista at mga taga-lungsod.

"Tutuloy na ho ako" aniyang niyakap ang kanyang Lola at ang Lolo naman niya pagkatapos. Seventy five na si Benito habang seventy naman si Nena. Pero sa awa ng Diyos, malalakas pang pareho ang mga ito na labis niyang ipinagpapasalamat.

"Mag-iingat ka, at kung may pagkakataon ka ikumusta mo kami sa mga ka-baryo natin" ang Lolo niya.

Tumango siya. "Sige po Lolo" tugon niya.

Maingat na ginagap ng Lola niyang si Nena ang kamay niya saka hinaplos ang kanyang mukha ng isa pang libre nitong kamay. "K-Kung may oras ka Benjie, dumalaw ka kay Norma, sa mansyon ng mga Medina" ang tinutukoy ng kanyang Lola ay si Aling Norma na siyang mayordoma ng naturang mansyon.

Naramdaman ni Benjamin ang tila pananakit ng kanyang lalamunan gawa ng sinabing iyon ng matanda. Pero gayun pa man ay tumango siya saka ngumiti. "Susubukan ko, Lola" ayaw niyang mangako. Lalo na at siya man ay aminadong kahit pa matagal na panahon na ang nakalipas ay hindi nawala sa puso at isip niya ang nag-iisang taong gusto niyang paghandugan ng lahat ng tagumpay niya ngayon maliban sa kanyang Lolo at Lola, si Sara.

Sinasabi nilang behind every successful man is a woman. Naniniwala siya doon. At sa kanya, ang babaeng iyon ay walang iba kundi si Sara. Ang babaeng hindi man niya kasama ngayon, ay siya namang unang naniwala sa lahat ng kaya niyang gawin sa simula palang.

Nasa daan na siya ay puno parin ng agam-agam ang isipan niya kung ano ba ang mangyayari sakaling muli siyang tumapak doon. Sa mansyon ng mga Medina. Alam niyang wala sa Pilipinas si Sara dahil sampung taon narin ang nakalipas mula nang magpaalam ito sa kanyang sasama sa mga magulang nito pabalik ng Norway. Wala siyang nagawa noon para pigilan ito. Dahil alam niya mismo sa sarili niyang hindi niya kayang tapatan ang buhay na mayroon doon ang dalaga.

At ngayon, kahit malaki ang chance na may pamilya na ito dahil narin sa mahabang panahong lumipas na mukhang hindi parin ganoon kadali ang lahat. Dahil hindi lumilimot ang puso sa isang tunay at wagas na pagmamahal.

"SARA!!!" ang tumitiling salubong sa kanya ni Roxanne kinabukasan nang babain niya ito. Kagabi matapos ang hapunan ay tinawagan niya ang matalik na kaibigan. At ngayon, heto at sa wakas nagkita narin sila.

Mahigpit niyang sinalubong ng yakap ang matalik na kaibigan. Mayamaya pa ay pareho na silang umiiyak dahil narin sa pinaghalong saya ang pananabik. Hindi naman sila talagang nawalan ng communication ni Roxanne dahil madalas niya itong makakwentuhan sa Skype at maging sa Facebook. Pero iba parin talaga iyong nakikita at nahahawakan mo.

"Sobrang na-miss kita" aniyang nagpahid ng mga luha saka pinaupo ang kaibigan.

"Pareho tayo. Thank you nga pala kasi pumayag kang maging maid of honor sa kasal ko" anito.

"Ano ba yan, nakailang thank you kana. Anyway busy ka ba today? Anong oras ang alis natin papunta doon sa magtatahi ng damit ko?" ang magkakasunod niyang tanong.

Tumawa ng mahina si Roxanne. " Nasa likuran ng pick up iyon ipinangako ko sayo nung nasa Norway ka pa. Baka naibaba na ni Alex kasi may practice pa iyon ng Valedictory speech niya" kwento ng kaibigan niya na nakuha ang kanyang ibig sabihin. Si Alex ay ang bunsong kapatid ni Roxanne na sa pagkakaalam niya ay graduating na sa high school.

Nangislap ang mga mata ni Sara sa narinig. "Really? So what are we waiting for? Sandali at magpapalit lang ako" aniyang tumayo at patakbong inakyat ang tila pamaypay na staircase. Hindi nagtagal at nagbalik siyang suot ang casual attire na skinny jeans, rubber shoes at cotton shirt. Ang buhok niya ay ipinusod din niya saka siya nagsuot ng sunglasses, proteksyon sa nakakasilaw na init ng araw.

"Let's go?" si Roxanne na tumayo.

"Aling Norma aalis na po kami" sigaw niya, hindi nagtagal at nasa kabahayan na ang matanda.

"Sige mag-iingat ka, tumawag ka nalang sa Tata Turing mo kung may kailangan ka" bilin pa ng matanda.

Nagkibit siya ng balikat. "I'll be okay Aling Norma, besides iniwan ko sa harapan ng tokador ang cellphone ko kasi hindi ko naman ito kakailanganin" siguradong-sigurado niyang sabi.

Nakita niyang nagbuka ng bibig ang matanda pero napigil iyon nang lumabas na sila ni Roxanne. Sa garahe nakababa na ang dalawang bike na siyang sinasabi kanina ng kaibigan niya. Nakaalis narin ang pickup na siyang sinakyan at naghatid rito kanina na ayon kay Roxanne. Mainit na damdamin ang humaplos sa puso niya nang maalala kung paano niya natutunan ang pagsakay niyon.

"Halika na?" mula sa pagkakatitig niya sa dalawang bisikleta ay untag sa kanya ni Roxanne.

Tumango siya saka na kumilos at sumakay. "So majestic, just like before" aniyang nilingon pa ng nakangiti si Roxanne. Gaya niya nakangiti rin ito, dahil siguro sa sinabi niya.

Nasa bahagi na sila noon ng masasabi niyang pinakapaborito niyang parte ng bayan ng San Fernando. Kung saan ang magkabilang gilid ng daan ay natatamnam ng malalaki at matatandang puno ng akasya. Tumatangos ang magandang sikat ng araw sa bawat puwang ng mga sanga puno. Bagay na lalong nagpaganda sa paligid. Trees archway kung tawagin iyon ng iba, pero sa kanila ni Benjamin iyon ay ang Dalisay. Sa pusod kasi ng kakahuyang iyon naroon ang isang maliit na batis, kung saan sila madalas maligo noon ng binata kapag palihim silang nagtatagpo. Dalisay at malamig ang tubig na umaagos doon kaya nila pinangalanang Dalisay ang lugar.

"Feeling nostalgic?" tanong sa kanya ni Roxanne nang makalipas ang halos kalahating oras nilang pamimisikleta ay narating nila ang patahian ni Aling Orang, ang matandang gumawa ng isusuot na traje ng kaibigan niya at maging nilang mga abay.

Nagbuntong hininga siya saka inihilig sa katawan ng puno ng makopang nasa labas ng shop ang bisikleta niya. "Lagi naman eh" pagsasabi niya ng totoo saka sinulyapan ang kaibigan niyang kinakitaan niya ng simpatya ang mukha.

"Sige halika na, and after this we can talk anything under the sun. Gaya noon."

Pagkatapos niyang magpasukat ay niyaya siya ni Roxanne sa bayan. Doon nilibre siya nito ng halo-halo sa isang sikat na kainan na nasa tapat mismo ng Roswell University. Muli nanaman siyang nakaramdam ng lungkot pagpasok palang nila sa loob ng kainan. Dating crew doon si Benjamin bago ini-hire ng lolo niya bilang personal driver niya. Nang maalala ang dahilan kung paano ito naging personal driver niya ay mapait na napangiti ang dalaga.

"I think may karapatan kang malaman ang tungkol dito" simula ni Roxanne matapos i-serve sa kanila ang in-order nilang pagkain.

Salubong ang mga kilay niyang tinapunan ng sulyap si Roxanne na noon ay sinisimulan ng kainin ang pansit palabok nito. "Tungkol saan?"

"Your Benjie, siya ang speaker sa graduation nina Alex bukas" ang walang gatol na sagot ni Roxanne.

Sa narinig ay parang nagbara sa lalamunan niya ang nilunok na pagkain. Noon niya nagmamadaling inabot ang baso ng tubig at uminom. "A-Ano?"

Tumango si Roxanne. "You know I tried to reach him through social media pero mailap. Wala akong nakita o nahanap na traces tungkol sa kanya."

Hindi siya nakapagsalita sa narinig. Higit kanino man ay talagang kay Roxanne lang siya nagsasabi ng totoo. Totoong nararamdaman niya tungkol kay Benjamin. "K-Kung ganoon, paanong nangyari na na-invite siya ng sinuman? Paano siya na-locate?"

"Remember Lorna?"

"Oo, iyong anak nung labandera ninyo? Ni Aling Ines?" aniya.

Tumango si Roxanne. "Nag-Maynila siya para doon maghanap ng trabaho and I don't know kung tadhana ang may kagagawan pero to make the story short, siya ang sekretarya ni Benjamin ngayon. At sa pagkakaalam ko siya ang gumawa ng paraan para gawing possible ang lahat" kwento pa ng kaibigan niya.

Sa narinig ay agad na naglasang sapal ang kinakain ni Sara. Pakiramdam pa niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa. "B-Bakit hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng ito, kaagad?"

"Kasi alam ko aatras ka, maduduwag" amin nito. "ngayon ko lang sasabihin ito sayo pero nung umalis ka, dalawang buwan lang noon lumuwas na ng Maynila si Benjamin kasama ang Lolo at Lola niya. Trabaho ang lumapit sa kanya, alam mong napakatalino niyang tao. Simula noon wala nang naging balita sa kanila ang kahit sino, walang nakakaalam kung bakit. At marami rin ang nagtaka, kasi alam mo namang mahal ng mga taga-rito ang dalawang matanda, lalo na si Mang Benito" ang mahabang salaysay ni Roxanne.

Napalabi siya saka isinandal ang likuran sa sandalan. "I don't think I'm ready" pagsasabi niya ng totoo.

"Kaya mo, bigyan mo ang sarili mo ng chance na makalaya sa nakaraan na iyon. Pagkatapos kapag nagawa mo na pwede ka ng magsimula kasama ang taong talagang para sayo."

Hindi siya nagsalita. Totoo naman iyon, matagal na panahon na ang sampung taon at parang hindi normal na hanggang ngayon ay nasasaktan parin siya. Pero hindi ba talaga iyon normal para sa isang kagaya niyang nabiktima lang ng malupit na kapalaran? Nang right love at the wrong time? Ilang sandali pagkatapos nang matapos sila sa pagmemeryenda ay nakantanggap ng tawag si Roxanne.

"Si Carlo, nasa bahay" anitong tila nahihiya pang ngumiti sa kanya.

Tumango siya saka nakakaunawang ngumiti. "It's okay, go ahead. Kabisado ko naman ang way pauwi, and besides, gusto ko ring mag-bike mag-isa" pagsasabi niya ng totoo.

Noon siya pinagmasdan ng kaibigan niya. "Mahal kita"

"I love you too" sagot niya saka ito niyakap. "I'll go ahead, tatawagan kita kapag nasa bahay na ako" aniyang pinatakbo na palayo ang bisikleta.