Chereads / My Love Next Door / Chapter 1 - Bagong Simula

My Love Next Door

🇵🇭Eleventh
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 79.8k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Bagong Simula

Lima ... apat ... tatlong hakbang pa paakyat.

At sa pangatlong baitang huminto siya at huminga ng malalim. Ang mga mata'y nakatingin sa mga bagaheng kasing-bigat ng kanyang damdamin na tila mahirap dalhin, parang di kayang tiisin... ngunit 'eto siya nagpapatuloy pa rin.

Tiningnan niya ang kanyang relo. Alas nuwebe na pala. Saglit niyang ipinikit ang mga mata at bigla na lang niyang naramdaman ang pagod ng katawan. Ngayon, ang tanging hanap at inaasam niya ay malambot na kama at unan.

Humakbang sa pangalawang baitang mula sa itaas.

Isa na lang. Isa na lang talaga. Matatapos din ang paghihirap niya.

Sa wakas naabot din niya ang dulo ng hagdanan.

"Haaay! Finally!" pahayag ni Sandy Mallari sa sarili habang niyayakap ang malamig na hangin na umiihip sa kanyang mukha. "Bakit naman kasi sa third floor lang ang available na pad? Buti na lang ang ganda ng lugar."

Bakas sa mukha ang ginhawa na pagkatapos niyang akyatin ang spiral staircase na may dalawampung baitang ay nakarating din sa dulo. Sinuri ang lugar na kanyang inupahan. Nakakapagod man akyatin, wala itong pagsisisi dahil napakaganda ng lugar. Nasa rooftop ang kwartong pinili niya. Mahangin sa labas at relaxing. Napapalibutan ito ng mga iba't-ibang bulaklak na nakapalayok. Mula roon ay matatanaw din niya ang buwan at ang mga bituin.

Ngumingiti siyang kinakapa sa bag ang susi na bigay ng landlady. Napakaluma na ng susi, singluma na ng doorknob. Gamit ang susing ito, sinubukan niyang buksan ang pinto. Inikot pakanan, inikot pakaliwa, inikot ulit sa kanan at ulit sa kaliwa ngunit sadyang matigas ang doorknob.

"Kailangan mong pwersahin ang doorknob na yan. Medyo kinakalawang na kasi." payo ng isang binata na kalalabas lang mula sa kabilang kwarto.

Natulala si Sandy saglit at di maiwasang titigan ang binata. Sadyang malakas ang dating nito sa kanya -- moreno, matangkad, malalim at seryoso ang tingin ng mga mata na mas pinaganda pa ng mahahabang pilik-mata at makapal na kilay.

Mukhang kagigising lang niya. Magulo ang kanyang buhok at inaantok pa ang mukha.

Sinuri rin siya ni Sandy mula ulo hanggang paa at saka niya lang napansin na puting tshirt at itim na salawal lang ang suot nito.

"G-ganun ba!" nahihiyang sagot ng dalaga na di mapalagay sa lalaking nakasalawal lang.

Kahit boxer shorts pa ang suot ng binata, hindi pa rin siya komportable sa kanyang nakikita. Ibinaling na lang niya ang kanyang atensyon sa pagbukas ng pinto. Inikot niya nang inikot ang susi ngunit hindi pa rin niya ito mabuksan.

"Kailangan mo ng tulong?" alok ng binata.

Isang marahan na pagyango ang sagot naman ng magandang dalaga. Iniabot niya ang susi sa mabalahibong kamay ng binata at pinagmasdan itong buksan ng pwersahan ang kanyang pinto. Pagkatapos ng ilang minuto ay bumukas din sa wakas ang pinto. Isang malalim na hininga ang kanyang inilabas sa sobrang saya niya lalo't naiisip pa niya ang malambot na higaan na kanina pa niya inaasam.

"Haaay finally! Salamat ha." wika nito sabay dampot sa kanyang mga bagahe.

Napansin ng binata na malalaki at mukhang mabigat ang dala-dala ng dalaga kaya muli itong nag-alok ng tulong.

"Kailangan mo ulit ng tulong?"

Pero sa pagkakataong ito ay isang mabilisang pag-iling ang kanyang isinagot.

"Aye hindi na. O-okay na ako. Kaya ko na. Malapit lang naman ang pintuan eh, hehe. Salamat!"

Nagmamadali itong ipasok ang kanyang mga bagahe at agad-agad isinara ang pintuan. Huminga ito ng malalim at humimlay sa malambot niyang higaan.

Sa wakas! Makapagpapahinga na rin!

Sa tabi ng kanyang higaan ay may isang malaking bintana. Mula roon ay kitang-kita niya ang sumisilip na buwan. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at isang taimtim na dalangin ang kanyang ibinulong sa langit.

Magiging maayos din ang lahat. Sigaw ng kanyang isip na pilit kinukumbinse ang sarili.

Tuluyang naidlip ang dalaga na umaasang ang bukas ay isang bagong umaga, isang bagong kabanata, isang bagong buhay... isang bagong simula.