PAWIS NA PAWIS akong bumalik sa fountain. Sumasakit ang ulo ko dahil sa aking nakita. Ang pawis na pawis at walang saplot nilang katawan. Ang mukhang iyon, ang matatalim na titig na iyon. Gusto ko na lamang umuwing probinsya.
Ano iyon? Ano ang nakita ko?
Kinondisyon ko ang aking sarili na wala akong nakita. Sinubukan kong kalimutan ang lahat ng iyon, ngunit hindi talaga iyon maalis sa isipan ko. Nanghihina akong umupo sa landscape ng fountain. Pinunasan ko ang aking pawis at sumalok ng tubig sa aking kamay upang maghilamos.
"Ano'ng ginagawa mo?"
Nahilo ako dahil sa aking biglaang pagtayo, mabuti na lamang at agad akong nakabawi sa gulat. Nakatayo sa harapan ko ang isang babaeng halos kaedad ko lamang, nagtataka ang ekpresyon nito dahil sa aking hitsura. Pinasadahan ako nito ng tingin pagkatapos ay ngumiti.
"Ako si Brianna, ako ang magiging katulong mo dito sa labas."
Nakahinga ako ng maluwag. Buong akala ko'y ipinadala siya dito ni Manang Letty upang sermonan ako.
"Ano'ng ginagawa mo dito sa fountain? Bakit may mga balde?"
"Ah- ang sabi sa akin ni Manang Letty.."
"Inutusan ka niyang mag-igib dito?"
Tumango ako.
"'Yong matandang yon talaga. Ganito rin ang ginawa ko noong unang araw ko dito. Mabuti na lamang ay sinabihan ako ni Caloy na mayroong mahabang hose doon na pandilig." Saad niya, sumama naman ang loob ko dahil doon. Ang tinutukoy niyang Caloy ay iyong binatang guwardiya na hindi man lamang ako pinagsabihan. "Hindi mo naman talaga kailangang gawin ito. May hardinero dito kada sabado, buwan buwan rin ang pagpinta para bago."
"Leche." Bulong ko sa ere at nagbuntong hininga. Naisahan ako ni Manang Letty, kung pwede lang gumanti kanina ko pa ginawa.
"Nag-igib ka talaga." Natatawang saad ni Brianna at kinuha ang dram ng tubig. "Ibabalik ko lang ito, pagkatapos ay magtatrabaho na tayo."
I was left speechless. Hindi ko inaasahang mapagtitripan ako ng isang matanda sa mansion ng mga Torrero.
"Siya nga pala," huminto si Brianna at lumingon sa akin. "Huwag na huwag kang dadako sa kubo roon, mahigpit iyong ipinagbabawal ng anak ni Mrs. Torrero. Nakakatakot magalit si Ephraim Asriel, kinakailangan natin ng dobleng pag-iingat pagdating sa kaniya." Aniya at tuluyan akong iniwan. "Si Ephraim Asriel iyong anak na laging may bisita... mamaya ko na ikikwento, pagpasok natin sa silid,"
Muli na naman akong nakaramdam ng panghihina. Huli na ang kanyang babala dahil doon ako galing, at mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit ipinagbabawal ang pagpunta doon. May milagrong nagaganap. Bakit ba napakamalas ko ngayon? Gayunpaman ay hindi ako pwedeng sumuko at kinakailangan kong magsikap, aarte na lamang akong parang wala lang. Wala akong nakilala sa bar na iyon, at wala akong nakita sa kubo.
Magtatakipsilim na nang matapos kami ni Brianna sa labas at pumasok sa mansion. Hindi ko sinabing masama ang pakiramdam ko dahil bukod sa sumasakit ang ulo ko dahil sa aking nakita ay hindi ako nananghalian. Kulang na lang ay umiyak ako dahil sa unang araw ng trabaho ko ngunit inisip ko na lang na ganoon ang pag welcome sa mga katulong dito.
"Ayos ka lang?'' tanong ni Brianna. "Kanina ka pa tahimik ah, teka sadya ka bang tahimik?"
Umiling ako.
"Ganoon ba? Pasok ka na, wag ka lang gagawa ng ingay."
Tumango lamang ako bilang pagtugon. Itinuon ko na lamang ang aking atensyon sa ganda ng mansion. Hindi nga ako nagkamali nang isipin kong maganda iyon dahil pagkapasok ko mismo sa loob ay higit pa iyon sa maganda. Halos mapanganga ako sa pagkamangha. Tatlong palapag iyon, bawat palapag ay maraming silid. Sigurado akong malilito ako kung saan ang kwarto ng amo ko doon.
Nagmukha akong langgam dahil sa laki niyon. Maayos na maayos sa loob, nagtaka pa ako kung ano pa ang lilinisan doon dahil unang una sa lahat ay malinis na malinis at maayos ang lahat. Ni wala akong abo na nakikita, maging ang kurtina at sofa sa sala ay maayos at walang gusot. Puti ang pintura ng dingding, may chandelier sa pinakatuktok ng kisame at lahat ng bintana ay salamin.
Nakaagaw ng atensyon ko ang picture frame sa gitna, iyon siguro ang pamilya ng mga Torrero. Napasinghap ako nang makita kung gaano kahanga-hanga ang kanilang tindig, at talagang nangilabot ako nang makumpirmang ang Torrerong nasukahan ko kagabi at ang Torrero nasa mansion na ito ay iisa. Wala sa mga ito ang nakangiti, ang lahat ay pormal. Ang Ina ay nakaupo habang nakatayo sa gilid nito ang padre de pamilya. Sa gilid naman ay ang tatlong anak, hindi ko kilala iyong dalawa ngunit nasisiguro kong si Ephraim Asriel iyong isa. Sa pagkakatanda ko'y iyon ang itinawag sa kanya ni Brianna kanina. I seemed to connect everything now, ang Torrero na nasukahan ko sa bar ay si Ephraim Asriel, ang lalaking hinangaan ko kanina ay si Ephraim Asriel, at ang lalaking nakita ko sa kubo kanina ay si Ephraim Asriel. Is fate playing with me? Tuwid na tuwid ang pagkakatayo nito at walang bakas ng pagka inosente. Mukhang sa murang edad ay agad nag matured ang magkakapatid, at batid mong nakakatakot silang banggain sa unang tingin pa lang.
"Tama na sa kakatitig, may trabaho pa tayo." Saway sa akin ni Brianna nang maestatwa ako sa harapan ng picture frame. "Strikto dito, malalagot tayo kay Manang Letty."
Sumunod ako sa kanya. Hindi parin naaalis sa akin ang kaba lalo pa't hindi maganda ang unang pagkikita namin ng Ephraim Asriel na iyon. Baka kung anong gawin niya sa akin o patalsikin niya agad ako kapag nagkita kami rito, kaya kinakailangan ko siyang iwasan hangga't maaari para na rin sa aking kapakanan. Dumeretso kami sa kusina upang kumain ng hapunan. Hindi sabay-sabay kumain ang mga katulong doon. Samantalang sa amin ay hindi kakain hangga't hindi pa nakukumpleto. Kaunti lamang ang kinain ko gayong gutom na gutom ako dahil na rin sa hiya. Hindi ako binitawan ng tingin ni Manang Letty hanggang sa matapos. Ibang katulong ang naghugas, mukhang may nakaassign bawat trabaho.
Pumasok kami sa isang silid, maraming higaan doon. Tingin ko'y doon ang mga katulong. Dumeretso ako sa pinakagilid na higaan dahil doon nakalagay ang mga gamit ko. Pagod na pagod akong umupo sa aking kama. Muling bumalik sa isipan ko ang nakita sa kubo, tingin ko'y habangbuhay na ako nitong babangungutin.
"Masasanay ka rin dito. Araw araw may bisita iyong panganay, at araw araw ring may dalaw si Manang Letty." Ani Brianna. "Huwag kang mag-alala, madalas ding wala rito ang grupo ni Ephraim."
Nangunot ang noo ko at itinuon ang atensyon kay Brianna. "Sinong Ephraim?" kunyaring tanong ko. Kailangan kong umarteng hindi ko pa nakakahalubilo ang Torrero na iyon, baka maghinala sila sa akin at natatakot akong layuan ako ni Brianna kapag nalaman niyang hindi maganda ang una naming pagkikita ni Ephraim Asriel Torrero. Si Brianna lang nga ang nakakausap ko dito, mawawala pa.
Brianna sighed, "Iyong anak ni Mrs. Torrero na palaging may bisita. Oo nga pala, kailangan ko pang magkwento sa'yo. Saang lupalop k aba ng mundo nanggaling at hindi mo kilala ang mga Torrero?"
Napayuko ako, wala akong oras para alamin ang kung sino-sino kahit na gaano pa yan kasikat. Hindi advance ang pamumuhay ko sa Montanus, "Ephraim?" sa halip ay tanong ko upang maituon sa binatang Torrero ang usapan.
"Ayaw niyang tinatawag sa ikalawa niyang pangalan kapag hindi niya close, kaya Ephraim o kaya naman Sir ang tawag namin sa kanya dito." Paliwanag ni Brianna. "Siya iyong palaging may bisita dito, siya rin ang bunso. Iyong panganay, si Asher Adriel ay lumuwas ng Maynila upang asikasuhin ang business nila doon, iyon namang si Jokim Abriel sa ibang mansion nananatili..."
Napanganga ako, "May ibang mansion pa pala sila, maliban sa mansion na ito..."
"Hindi biro ang yaman ng mga Torrero, pero kapag malaman mo ang pundasyon nito mapapahanga ka na lang. Hindi rin kasi biro ang pinagdaanan ng mga sinaunang Torrero, pero tingnan mo naman ngayon, isa sila sa pinaka successful na pamilya hindi lang sa Collis Sierra kundi sa buong Pilipinas talaga,"
Napapa, "ah" na lamang ako bilang pagtugon sa bawat kwento ni Brianna. Lingid sa kaalaman niyang nakita ko na ang hinahangaan ng lahat na Torrero. Tahimik na lamang akong sumang-ayon kay Brianna sa mga kwento niya. Wala akong problema kay Manang Letty, ang kinatatakutan ko ay ang maaring gawin ni Ephraim Asriel dahil sa nakita ko. Hindi ako mapalagay, lalo pa't nasa iisang bahay lang kami at isa siya sa mga boss ko.