Kusina
"Pasensya na, Wyn. Hindi ko kasi alam na darating kayo kaya hindi namin napalinis itong bahay", sabi niya ng inayos ang picture frame sa bintana na kanyang binuksan. Tanaw mula sa aking kwarto ang kagandahan ng ilaw ng buwan.
Mukhang pagod na pagod ang mukha nito dahil na rin siguro sa pag aasikaso sa anak niyang namatay. Bukas na ang libig ng kanyang anak pero sabi ni Piper kung gusto ko naman matagal dito ay pwede. Kaya magtatagal kami dito hanggang kailan ko gusto basta hindi lalampas sa kanyang bakasyon.
May kumatok naman sa pinto ng aking kwarto na bahagyang nakabukas. "Pasok", sabi ko.
Dala ng isang batang babaeng nakabestida at nakapang bahay na tsinelas ang isang baso ng gatas. Pinatong niya iyon sa side table ng aking kama.
"Sabi kasi ni Ate Demi mahilig ka sa gatas. Madalas ka niya sa aking kwento. Palagi ka niyang iniintay", kwento nito habang inaayos ang kobre kama.
Ang kanyang nanay naman ay hinawakan siya sa magkabilang-braso. "Huwag mong masyadong pag isipin ang pinsan mo sa mga alaala niya noon. Hindi pa mabuti ang kalagayan niya"
Umupo ako sa aking kama at ang bata kong pinsan ay lumapit sa akin. Tumingin siya sa kanyang ina na gayak upang lumabas.
"Inay, gusto ko lang makipagkwentuhan kay Kuya Wyn kahit sandali lang", tumango naman ang kanyang ina.
"Huwag mong kakalimutan na maaga ang tulog mo", at kita ko kung paano niya inikot ang busol ng aking kwarto.
Nang masiguradong wala na nga ang kanyang ina ay agad siyang may hinanap. Binuksan niya ang bawat cabinet. Nilabas niya ang isang larawan. Hinipan niya iyon at naubo siya ng bahagya dahil sa dumi nito.
Iniabot niya sa akin iyon at kinuha ko naman. "Kuya, ito si Ate Demi", tinuro niya ang isang babaeng naka uniporme at nakapusod ang lahat ng buhok. Ang ngiti ay abot langit kasama ako pati ang dalawa pang babae.
Tinitigan ko pang maigi ang larawan.
Abala ko sa pagbabasa ng libro sa may terrace ng bahay. Ang malamig na simoy ng hangin ay ramdam ko kung paanong sumuot sa aking balat. Kumuha ako ng jacket sa loob upang mapawi ang lamig na nararamdaman ko.
Unang araw palang ng Nobyebre ay mas lalong lumalamig ang panahon.
"Wyn! Akala ko ba hindi ka makakapunta dito!?", agarang sinabi sa akin ng isang dalaga na nakasuot ng v-neck shirt na binagayan niya ng kupas na pantalon. Nakasapatos din siyang kulay itim at may kaunting puting guhit sa tagiliran.
Kita sa mukha niya ang galak ng lumapit siya sa akin saka niyakap ako sa aking leeg.
"Masasakal mo ko"
Humawak siya sa kanyang batok saka maikling tumawa.
"Nga pala Wyn may ipapakilala ako sayo", mula sa kanyang likod ay dalawang babae ang nagtutulukan. Parehas silang maganda ngunit mas porselana ang balat ng isa sa kanila. Parehas silang may itim at mahabang buhok.
"Huy! Wag ka ng mahiya lalo ka na Ciara!, sabi ng pinsan ko sa babaeng may hawak ng libro. Inayos nito ang iilang buhok na humarang sa kanyang mukha.
Lumapit siya sa akin at ginawaran ko siya ng isang ngiti.
"Kuya, si Ciara kababata mo", tinulak niya muli ang kaibigan niya ng mas marahan. Kita ko kung paanong mamula ang kanyang pisngi.
Ang isa pang babae ay may hawak din na libro at nilapag iyon sa mesang kaharap ko. Inilahad niya ang kanyang kamay.
"Ako si Haven, magkakalaro tayo. Remember? Pero mas matagal na kayong magkakilala ni Ciara", at nakipagkamay ako sa kanya habang tinitigan siyang maigi.
"Sa totoo lang Kuya itong dalawang ito...", ngunit bago masabi ng pinsan ko ang gusto niyang sabihin ay hindi niya na naituloy. Dahil sa dalawang babaeng tinakluban ng panyo ang kanyang kamay.
"Ang daldal mo, Demi! Akala ko ba nangako ka!", lumabi si Ciara pagkatapos sabihin iyon.
"Naalala mo ba yun Kuya? Kayong apat yung magkakalaro", sabi niya sa akin. Lumapit siya sa bintana at inayos ang kurtinang sumasayaw sa ihip ng hangin.
"Bago ko pala Kuya malimutan, Dela ang pangalan ko. Akala ko kasi nakakaalala ka na pero sabi ng Inay hindi ka pa nakakarecover kaya tutulungan kita", mas lalong na depina ang ngiti niya dahil sa liwanag ng buwan.
"Alam mo Kuya marami ka pang hindi alam na dapat mong malaman. Wag ka muna sanang aalis dito. Kasi alam kong ikaw lang makakatulong sa amin para mapagbayad kung sino ang pumatay kay Ate", mistulang kinabahan ako sa sinabi niya. Pakiramdam ko hindi lang sinabi niya ang nakakapagpakaba sa nararamdaman ko kundi ang mismong bahay na ito.
Pinagmasdan ko kung paano niya ginala ang mata niya sa aking kwarto. "Kuya maiwan na kita mukhang ayos ka naman dito sa kwarto. Basta kung may kailangan ka pumunta ka lang sa dulong kwarto"
Gusto ko sanang sabihin na hindi ayos ang pakiramdam ko pero mukhang hindi niya naman ako maiintindihan. Siguro namamahay lang ako.
Tumayo ako saka sinundan siya ng tingin. Hindi na siya lumingon. Itatanong ko sana kung saan ang comfort room ngunit huwag na lang.