Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 40 - We Need Your Help

Chapter 40 - We Need Your Help

Sarado ang pinto, patay ang mga ilaw at mga basag na gamit. Iyan ang matatagpuan sa silid ni Theo na ngayon ay nakahiga sa kama at nakatalukbong ng kumot. Dalawang araw na itong nagkukulong sa silid, walang kain at iniinom na tubig. Kapag pumapasok naman sina Caridad, Armando, at Dr. Steve ay pagsigaw lamang ni Theo ang bumubungad sa mga ito.

Samantala, habang walang kamalay-malay si Rina sa mga kaganapan sa loob ng mansion, abala naman siya sa pag-aasikaso sa kanyang ina na nasa hospital. Sa kabutihang palad, maayos naman ang ina niya, ang kailangan lamang talaga ay palakasin ang resistensya ng ginang para hindi na ito mabilis na dapuan ng sakit.

"Ma, huwag po ninyong pababayaan ang sarili n'yo. Kaya nga ako nagtatrabaho ay para hindi na kayo mahirapan at makakain kayo ng tama tapos ito ang malalaman ko," wika ni Rina sa kanyang ina na nakahiga pa rin sa kama ng hospital.

"Pasensya na Anak, tinitipid ko lang din kasi ang perang binibigay mo sa amin kasi alam ko naman kung gaano kahirap kumita ng pera."

"Ma, h'wag n'yo na po akong alalahanin, at isa pa, malaki-laki naman ang sinasahod ko kaya please, huwag n'yo na pong intindihin iyon."

"Pero..."

"Basta, Ma. Kapag nagpadala ako ng pera, gusto ko ay bumili ka nang mga pagkain na sasapat para sa inyo. Huwag n'yo pong tipirin ang sarili ninyo lalo na sa mga masusustansyang pagkain dahil kailangan n'yo iyon."

"Okay, nak."

"Promise 'yan, Ma, a. Matulog din nang maaga at huwag magpapagod. Andyan naman sina Jan at Julius. Pwede n'yo po silang utusan hindi 'yong sinasalo n'yo lahat ng gawain."

"E, nag-aaral ang mga kapatid mo."

"Ma, ayos lang 'yon. Mababait at masisipag naman ang mga kapatid ko kaya tiyak na maiintindihan ka nila kung may ipapakisuyo ka."

"Sige nak."

Huminga si Rina nang malalim. Noong nabalitaan niyang nasa hospital ang kanyang ina, hindi talaga siya mapakali subalit nang makita at masiguro niyang okay na ito, doon pa lang din siya nakahinga nang maluwag. Mahal na mahal kasi niya ang kanyang ina, iniwan na nga sila ng kanyang ama kaya hindi siya makapapayag na pati ito ay iwan silang tatlong magkakapatid. Gusto niya pang masaksihan nito ang pagtatapos ng dalawa niyang kapatid at kung papalarin ay ang makita nitong nakapagtapos din siya. Alam kasi niya kung gaano kahalaga at kasaya ang isang magulang kapag nakikita nito ang mga anak na nakapagtapos at nakuha ang diploma.

Panalangin niya na sana mas bigyan pa ng mahabang buhay ang kanyang ina dahil kapag siya ay nakaluwag-luwag o nakapag-ipon, nais niyang manatili nang matagal kapiling ang pamilya o masulit ang panahong kasama ang mga ito. Sa ngayon ay hindi pa niya iyon magagawa dahil mayroon siyang trabaho. Hindi rin naman pwedeng hindi siya magtrabaho dahil hindi sila mabubuhay.

Hihintayin na lamang niya ang panahon na nakaluwag-luwag na sila.

Tatlong katok sa pinto ng silid kung nasaan sila ang nagpabalik kay Rina sa kasalukuyan. Tumayo siya at lumapit sa pinto upang buksan iyon. Gumuhit ang nahihiyang ngiti sa mga labi niya nang mapagkungsino ang naghihintay sa labas ng silid na mapagbuksan. Ang mag-asawang Armando at Caridad.

"Bakit po kayo nandito?" nauutal na tanong niya.

"Gusto lang din namin kumustahin ang mama mo," sagot ni Caridad pagkatapos inangat nito ang hawak na basket na may lamang mga prutas.

"Pasok po kayo."

Magkatabing naupo ang mag-asawa.

"Kumusta ho kayo?" simula ni Caridad sa ina ni Rina na higit na mas matanda rito.

"Ayos lang naman ho." Napuno nang pagtataka ang mukha ng ina ni Rina dahil batid nito kung sino ang dalawang taong kapapasok lamang. Sino ba naman ang hindi? Kilalang-kilala sa lugar nila ang Ledesma at ang malinis nitong pangalan sa lahat. Kaya naman hinahangaan sila ng lahat kahit pa may pagkamisteryoso ang mga ito. Maliit lang naman ang bayan nila kaya kahit sino ay imposibleng hindi sila kilala.

"Mabuti naman. Kami nga pala ang mga amo ni Rina."

Tulad nang panlalaki ng mga mata ng ina ni Rina, nanlaki rin ang mukha niya sapagkat inilihim niya ang tungkol doon sa ina.

"Ma, sorry po kung hindi ko sinabi ang totoo," paumanhin niya na siningitan naman ng pagngiti ni Caridad.

"Hindi mo pala pinagsabi, Rina. Mapagkakatiwalaan ka talaga namin."

Napahawak siya sa leeg. Ang totoo niyan ay kalat na kalat na sa lugar nila na nagtatrabaho siya roon pero wala pang kumukumpirma noon.

"Ayos lang anak, may hinala na rin naman ako at may nakapagsabi rin sa akin na may nakakita sa 'yo na pumasok sa mansion ng Ledesma. May hinala na akong sa kanila ka nagtatrabaho." Nakangiti ang ina ni Rina at hindi makikitaan ng bahid nang pagtatampo.

"Sorry talaga, Ma pero salamat sa pag-unawa."

"Hindi ko masisisi si Rina na itinago niya 'yon dahil mayroon kaming napagkasunduan sa kontrata." Lumingon si Caridad kay Rina. "Pero Rina, wala nang bisa ngayon ang kontrata na 'yon. Hindi na namin kailangang magtago sa lahat dahil hayag na hayag na sa publiko ang tungkol sa pamilya namin."

"Po?" naguguluhang tanong ni Rina. Simula kasi nang dumating siya sa hospital, wala na rin siyang alam sa mga naging kaganapan sa labas.

"Pabagsak na ang hotel sa Manila. Marami na ring nag-alisang mga empleyado. Naging malaki rin ang epekto o feedback noon sa iba pang branch," paliwanag naman ni Armando na noon lamang ding tinangkang sumingit sa usapan dahil kanina pa ito tahimik sa tabi.

"Paano pong nangyari? Parang kailan lang." Puno pa rin ng pagtataka ang boses niya. Hindi kasi talaga siya makapaniwala. Matapos ang successful event sa LED Hotel sa Manila, bigla siyang makakarinig ng ganoong balita.

"Mahabang paliwanag, Rina..." Si Caridad.

"But, we need your help..." singit ni Armando kaya nagtagpo ang mga mata nilang dalawa.

"Ano hong matutulong ko?"

"Gusto kong tulungan mo si Theo, hindi na para sa hotel kundi para sa kanya na mismo."

Nagsalubong ang mga kilay niya. "Bakit? Ano ho bang nangyari?"

Matagal siyang sinagot nang mag-asawa. Nagkatinginan muna ang mga ito bago nagpasyang magsalita si Armando.

"Marami kaming kasalanan sa kanya. Lalong-lalo na ako, na ama niya. Ang dami ko nang kasalanan sa anak ko."

Mahihimigan ang senserong pananalita ni Armando sapagkat sa totoo lang ay matagal na niyang pinagsisihan ang mga ginawa. Nagpadala lamang siya sa takot na baka mawala sa kanya ang lahat ng pinaghirapan, maging ang pamilya kapag nabunyag na lahat. Ngayong humantong na sila sa ganoong sitwasyon o nangyari na nga ang matagal na niyang kinatatakutan, gusto niyang gumawa ng aksyon. Alam niya nang hindi na niya maitatama pa ang pagkakamali niya noon subalit, nangyari na ang nangyari. Ang tanging magagawa na lamang niya ay ang bumawi sa kanyang anak.

Hinawakan ni Caridad ang kamay ni Rina samantalang tinapunan naman siya nang nagmamakaawangg tingin ni Armando.

"Please, Rina. Kailangan namin ang tulong mo kasi alam naming ikaw ang naging dahilan kung bakit nagbago si Theo. Kailangan ka rin niya, Rina." Tuluyan nang bumagsak ang kanina pang namumuong luha sa mga mata ni Armando kaya bago iyon para kay Rina at sa asawa nito na makita si Armando nang ganoon.

Napalunok siya at napatingin sa kanyang ina. Kailangan siya ng ina, kailangan siya ng mag-asawa at kailangan din siya ni Theo. Ayaw niyang iwanan ang kanyang ina dahil alam niyang kailangan din siya nito pero ano ang pipiliin niya? Paano rin naman niya tatanggihan si Armando kung ganoon ito makiusap?

Napalunok si Rina at palipat-lipat ang tingin sa mag-asawa at sa kanyang ina. Tumango naman ang kanyang ina at binigyan siya ng isang ngiti. "Sige na anak, kailangan nila ang tulong mo. Natulungan din nila tayo kaya hindi naman siguro mali na tulungan din natin sila."

"Pero...paano ka ho?"

Ngumiti muli ang ina niya. Ang pagiging maalalahanin at matulungin ni Rina ay namana niya talaga sa kanyang ina.

"Kaya ko na, anak. Pangako, magpapalakas pa ako lalo. Mga kapatid mo na ang bahala sa akin."

"Sigurado po kayo?"

"Hmm," tugon ng kanyang ina kasabay nang isang tango.

"Salamat, Ma." Hinalikan niya ang pisngi nito. "Salamat sa pag-unawa."

"Wala 'yon, o s'ya, umalis na kayo."

Tumayo na rin ang mag-asawang Armando at Caridad. Kapwa nginitian ng dalawa ang ina ni Rina dahil sa pagpayag nitong umalis ang anak.

"Mauna na kami. Kapag naayos na ang lahat, masaya kami kung makakapunta rin kayo sa mansion," wika ni Armando.

"Salamat, at sana maayos n'yo na agad ang problema," sagot naman ng ina ni Rina.