Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 43 - History of His Condition

Chapter 43 - History of His Condition

Walong taong gulang lamang noon si Theo kasa-kasama ang mga magulang nito na si Armando at Caridad. Habang kinukuhaan ng mag-asawang Caridad at Armando ang batang si Theo, nasa gilid lamang si Eduardo at tahimik na sinasaksihan ang eksena ng pamilya.

'Happy Family,' aniya sa isip. Kung siya ang tatanungin hindi karapat-dapat ang kanyang kapatid sa kasiyahan na natatanggap samantalang siya na mapahangggang sa oras na iyon ay hindi pa rin nakakalimot sa pagkawala ni Luisiana. Pinapahirapan siya ng pagdadalamhati samantalang ang nakababata niyang kapatid ay nagpapakasaya sa tinatawag nitong kumpletong pamilya.

"Dad? Nasaan po si Mommy? Ba't wala akong mommy?"

Napalingon si Eduardo sa batang si Cliff na walong taong gulang din ng mga oras na iyon. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot dito dahil wala na rin siyang balita sa totoo nitong ina. Basta isa lamang ang segurado siya, hindi niya totoong minahal ang ina ni Cliff dahil nananatili kay Luisiana ang kanyang pag-ibig. Kung nabubuhay pa sana ang babae, baka si Luisiana ang pinakilala niyang ina ni Cliff subalit malabong mangyari iyon.

"Umalis anak, pero andito naman ang dad mo. Hindi kita iiwan," aniya kay Cliff.

Lumipas ang maraming araw at oras. Sa tuwing makikita ni Eduardo ang masayang pagsasama nina Caridad, Armando at Theo, hindi niya maiwasang hindi mainggit at magalit lalong-lalo na sa kapatid kaya naman isang araw ay naisipan na lamang niya na gumawa ng paraan para masira ang mga ito.

Kinuha ni Eduardo ang kanyang phone at may tinawagan. "Nasa'n ka? May ipapagawa ako sa 'yo. Magkita tayo," bungad niya sa kausap sa kabilang linya na agad namang sumagot.

"Saan ho tayo magkikita?"

"I me-message ko na lang sa 'yo."

"Sige ho."

Kausap ni Eduardo ang ama ni Dr. Steve na si Dominador na sunod-sunuran sa kanya noon pa man. Malaki kasi ang utang na loob nito sa kanya lalo pa't siya ang nagpapalamon sa pamilya nito. Bukod pa ro'n, siya rin ang nagpapaaral sa mga anak nito kaya wala itong magagawa kundi ang sumunod sa kanya.

Nagkita sila ng ama ni Dr. Steve sa isang restaurant na malapit-lapit sa Hotel na mina-manage ni Eduardo sa Cebu. Nang makarating siya sa restaurant ay nandoon na agad si Dominador na mukhang matagal nang naghihintay sa pagdating niya. Hindi pa man siya nakakaupo ay nilapag na niya ang larawan ng batang si Theo na may hawak na story book. Nagtataka namang kinuha iyon ni Dominador at tiningnang mabuti.

"Kuhain mo ang batang 'yan."

"Ki-kidnap-in ko? Pe-pero...pero sa'n ko siya dadalhin?"

"Kahit saan. Wala akong pakiaalam. Kahit ibenta mo pa, wala akong pakialam."

Kinuha ni Eduardo ang sobre sa bulsa na naglalaman lang naman ng higit sa sampung libo. "Alam ko kailangan mo ng pera, madadagdagan pa 'yan kapag malinis ang trabaho mo."

Binulsa ni Dominador ang sobre pagkatapos sinuksok niya rin sa kabilang bulsa ang larawan ng batang si Theo.

"Hindi na ako magtatagal. Balitaan mo na lang ako." Pagkatapos sabihin niyon ay nagmadali na rin lumabas si Eduardo at nagpalinga-linga sa paligid kung wala bang taong nakakita sa kanya. Nang nakasigurong walang nakakakilala sa kanya, agad siyang pumasok sa kanyang kotse at nagmaniobra na palayo sa lugar.

Isang araw ang lumipas bago narinig ni Eduardo ang balita tungkol sa pagkakawala ni Theo, ganoon na lamang ang pagsilay ng ngiti sa kanyang labi nang magtagumpay siyang guluhin ang pamilya. Matapos iyon ay natanggap din niya ang message ni Dominador na 'mission accomplished'. Lalo siyang napangiti dahil malinis ang paggawa nito sa trabaho.

Isang araw pa muli ang lumipas. Nakita na ni ni Eduardo ang mga luha sa mga mata ng manyang kapatid na si Armando gayon din ang asawa nitong si Caridad na walang ibang sinisisi kundi ang sarili sapagkat ito lang naman ang kumuha ng mga kasambahay at yaya ni Theo. Naisip ng babae na kung mas mabusisi pa sana siya sa pagpili ng yaya ni Theo, marahil hindi mawawala ang anak subalit sadyang pabaya ang yaya na nakuha niya.

Naging magulo sa loob ng mansion at humantong nga iyon sa pagpapalayas o pagtanggal sa mga kasambahay at mga bantay ni Theo noong oras na iyon. Pinagbuntungan lang naman ng galit ni Armando ang lahat ng tauhan. At sa pinaghalo-halong emosyon, kulang na lamang ay patayin niya ang mga kasambahay nila ng oras na iyon.

"Sorry po...pinagbawalan naman po namin siyang lumabas pero may pagkamaku—"

Hindi na natapos ng isang kasambahay ang sasabihin dahil pinutol na iyon ng nagngangalit na boses ni Armando.

"At ang bata pa ngayon ang may kasalanan? Sino'ng mas may utak sa inyong lahat? Bata 'yon kaya hindi maiiwasan na lalabas siya ng mansion!" sigaw ni Armando sa mga kasambahay at mga yaya ni Theo bago nilingon ang mga guwardiya. "At kayo naman! Ano'ng ginagawa ninyo sa buhay ninyo? Hindi n'yo man lang nalaman na nakalabas na ang anak ko!"

"Sorry, Sir Armando pero wala talaga kaming napansin na lumabas na bata."

"Mga walang kwenta! Sigurado rin ba kayo na walang nakapasok na kahit sino sa loob ng mansion? Baka natutulog kayo sa oras ng trabaho!"

"Sorry, Sir!"

"Hindi ko kailangan ng sorry ninyo! Hindi niyan maibabalik ang anak ko! Magsilayas kayong lahat! Lahat kayo ay tanggal na sa trabaho!"

Tanging lihim na ngisi na lamang ang nagawa ni Eduardo habang pinapanood ang problemadong mukha ng kapatid. Maging si Caridad nga na nag-aalala sa kalagayan ni Theo ay napagbuntunan na rin ng galit ni Armando.

"Armando, kumalma ka," aniya habang nagkukunwaring tinatapik-tapik ang likod ng kapatid. Hindi siya pinansin ni Armando dahil naka-focus ang atensyon nito sa mga papalabas na tauhan ng mansion bitbit ang kanya-kanyang maleta. Hindi na tinablan pa ng awa si Armando sa mga nawalan ng trabaho na tauhan dahil nilamon na ito ng galit na ikinatutuwa naman ni Eduardo nang sobra.

Isang araw pa ang lumipas matapos tangayin ang batang si Theo ay nagsimula na ring bagabagin ng konsensya si Eduardo. Hindi niya maintindihan ang sarili dahil hindi niya magawang magdiwang nang tuluyan sa nangyari. Dinadalaw siya ni Luisiana sa kanyang panaginip kung saan ay paulit-ulit nitong binabanggit ang pangalan ng anak na si Theo. Ibalik mo sa 'kin ang anak ko. Iyon ang paulit-ulit na binabanggit ng babae sa panaginip niya.

Isang gabi ay nagising siya ng alas tres ng madaling-araw. Bumangon si Eduardo sa kama, bumaba upang kumuha ng maiinom na tubig.

Nang nakainom na siya ay unti-unti ring nawala ang paninikip sa kanyang dibdib. Theo, kumusta ka kaya ngayon?

Naisip niya na malaking pagkakamali na ginamit niya si Theo upang guluhin o sirain ang kasiyahan ng kapatid. Bata pa ito at inosente pa sa lahat ng nangyari kaya hindi niya dapat ito idamay sa galit niya sa kapatid.

Tumingin siya sa pader ng mansion kung saan nakita niya pa ang malaking frame kung nasaan ang larawan ni Theo hawak-hawak ang isang story book. Naalala niya noong minsan siyang tawagin ng bata.

"Tito, Tito, Tito, Tito," pangungulit sa kanya ng batang si Theo habang hinihila ang laylayan ng kanyang polo.

"Ano 'yon, Theo?"

Umupo si Eduardo sa sofa na nagulat nang biglang umupo sa kanyang hita ang batang si Theo pagkatapos tinapat nito sa kanyang mukha ang hawak na story book.

"Tito, basahan n'yo po ako nito."

Natawa siya nang lihim sapagkat hindi niya akalain na ang katulad ni Theo ay magkakainteres sa ganoong uri ng babasahin.

"Bakit ba gustong-gusto mo 'to?" tanong niya sa bata.

Ngumisi ang bata sa kanya. Napakainosente na ngiti nito at maging ang sagot nito ay nakakawala rin ng galit. "Kasi po kahit beast po pala, pwede ring maging tao."

Nagkaroon siya ng malalim na interpretasyon sa sinabi ng bata. Sigurado siyang mababaw lamang ang pagkakaintindi ni Theo sa winika subalit iba ang pumasok sa kanyang isip. Ang nabuong kahulugan lang naman sa utak niya sa sinabi nito ay maging ang isang masamang tao, may pag-asa pa ring maging mabuti sa pagdating ng panahon. Kahit demonyo pa ito kung ituring ng karamihan o ng ilan, may pag-asa pa upang magbago ito kung saan ay tatahakin na nito ang tamang landas kumpara sa likong daan.

"Ganoon ba? Sige, akin na, babasahin ko para sa 'yo."

Kinuha niya ang story book na hawak ng bata at nagsimula nang basahin iyon.

Sinubukang tawagan ni Armando si Dominador at itanong kung nasaan na si Theo subalit wala na rin itong ideya. Inutusan niya pa ito na hanapin muli si Theo at kahit magkano ay handa siyang bayaran ito muli. Sinunod naman siya ng lalaki subalit nang sumunod pang araw, nakatanggap sila ng tawag, buong akala niya ay magandang balita iyon subalit kabaliktaran niyon ang kanyang inaasahan.

Tumawag sa mansion ang lalaking nagpakilala na hawak nila si Theo at nanghihingi ito nang pang-ransom sa bata. Noong una ay nagulat pa si Armando sa perang hinihingi ng lalaki dahil nagkakahalaga lang naman iyon ng tatlumpung million. Hindi pa ganoon kalaki ang kinikita ng hotel kaya malaking pagwawaldas iyon o kawalan sa negosyo.

Sa huli ay wala nang nagawa pa si Armando kung hindi ay pumayag sa negosasyon. Ibibigay nito ang halagang hinihingi kapalit ng anak na si Theo.

Matapos iyon ay napagkasunduan na ipapasa bank account ang pera pagkatapos i-me-message na lang ang lugar kung saan iiwan si Theo. Noong una nagdalawang-isip din si Eduardo at tinutulan pa ang kapatid na si Armando dahil baka niloloko lang sila ng mga nakausap kung saan pagkatapos makuha ang pera, biglang hindi magpaparamdam ang mga ito at hindi pa rin maibalik si Theo. Subalit hindi paawat si Armando, kahit malugi pa ang hotel o kahit malaki pa ang mawala sa kanila ay isasakripisyo nito kapalit ang pagbalik ng anak na si Theo.

Pagsapit ng hapon ay may nag-message na kay Armando kung saan makikita si Theo. Sumama si Eduardo kay Armando sa pagsundo kay Theo dahil nag-aalala siya sa bata bukod pa roon, nilalamon pa rin siya ng konsensya niya.

"Sama ako," aniya.

"Tara na."

Nagtagumpay silang maibalik si Theo kung saan ay natagpuan nila ito sa isang lugar na puno ng galos at pasa sa katawan. Nakaramdam ng awa si Eduardo sa sinapit ng pamangkin ngunit kahit nagsisisi sa nagawa sa pamangkin, hindi niya pinahalata ang tensyon na nadarama.

Simula nang bumalik si Theo sa mansion, naging mailap na ito sa lahat. Natatakot na itong lumapit kay Armando at kay Caridad lalong higit naman kay Eduardo at Cliff dahil bibihira lamang sila makita ng bata. Simula rin noon, napagpasyahan na lamang ni Eduardo na umalis ng mansion kasama ang anak na si Cilff dahil sa tuwing makikita niya ang kalagayan ni Theo, hindi niya maiwasang lamunin ng konsensya niya.

Simula rin ng araw na iyon, naging istrikto na si Armando sa kung sino man ang papasok at lalabas ng mansion. Mga pinagkakatiwalaang tao na lamang nila ang nakakatuntong sa sahig ng mansion dahil natatakot na silang maulit ang nangyari kay Theo. Bukod pa roon, ayaw na nilang madagdagan pa ang takot ng bata dahil psychiatrist pa nga lamang nito ay kinatatakutan na ng bata, paano pa kaya ang ibang tao? Iyon din ang simula ng araw na dumistansya sila sa bata upang hindi na iyon mag-cause pa ng takot dito na buong akala nila sa umpisa ay mas makabubuti sa batang si Theo subalit pagmumulat pala iyon ng galit o hinanakit sa kanilang lahat.