Alas kuwatro ng hapon nang makarating sa mansion si Rina kasama ang mag-asawang Armando at Caridad. Pagkapasok pa lang niya sa loob ng mansion ay bumungad agad sa kanya ang pagbabago roon. Magulo at madilim sa sala. Ang lalo pang nagpagulat kay Rina ay ang makita ang basag-basag na bote ng alak sa silid kung saan iniipon ni Theo ang koleksyon. Ilang araw na ang lumipas subalit wala man lang nag-abala na linisin iyon patunay sa sobrang abala ng mga nakatira doon.
Ang nakatutuwa lamang sa nangyari, kahit abala ang mag-asawang Ledesma sa pagpapatakbo ng hotel, nagbigay pa rin ang mga ito ng panahon na mapuntahan siya sa hospital para sa kapakanan ni Theo.
"Nasa kuwarto pa rin siya. Tumatanggi siyang kumain. Ni hindi na nga ako nakapaglinis dahil bukod sa abala ako sa pagtulong sa pagpatakbo sa hotel sa Baguio at Manila, inaasikaso ko rin ang makakain ni Theo. Kapag pumapasok naman kami sa kuwarto niya, sigaw lamang ang matatanggap namin dito," mahabang pagkukwento ni Caridad.
Alam na rin ni Rina ang buong pangyayari dahil habang nasa sasakyan sila, wala rin patid si Caridad sa pagkukwento sa kanya at pagpapaliwanag. Naunawaan naman niya ang concern ng mga ito at masasabi niyang ginawa lamang ng lahat ang bagay na sa tingin nila ay makakatulong kay Theo.
"Hindi na namin alam kung ano ang gagawin," wika naman ni Armando.
Base sa pagkakuwento sa kanya, aminado naman ang mag-asawa na isa sa dahilan kung bakit gusto nilang maging okay si Theo ay para makatulong ito sa hotel at iyon ang pinagsisisihan nilang dalawa.
"Nasaktan lang ho nang sobra si Theo kaya ganoon kasi alam kong unti-unti niya nang binubuksan ang sarili mula sa ibang tao dahil noong una, alam kong takot pa siyang magtiwala. Kaya nang nalaman niya ang lahat ng nangyari, sigurado akong malaki na naman ngayon ang takot niyang magtiwala sa tao."
"Rina, sana matulungan mo ang anak ko..." ani ni Armando. "Anak namin," pag-uulit nito sabay tingin kay Caridad na tinanggap na rin bilang tunay na anak si Theo.
"Oho, gagawin ko ang makakaya ko. Bigyan n'yo lang din ho sana ng panahon si Theo na makapag-isip-isip."
"Salamat, Rina." Nilapat ni Armando ang palad sa balikat ni Rina at ngumiti rito.
"Wala ho 'yon, binabalik ko lang ho ang naitulong ninyo sa akin...sa amin."
Hindi na nagtagal sina Armando at Caridad sa mansion dahil may tumawag sa mga ito na nangangailangan ng tulong sa hotel sa Manila at sa Baguio. Dahil walang choice, si Caridad muna ang sumadya sa hotel branch sa Baguio samantalang si Armando naman ang nagpupunta sa Manila upang sikapin na ayusin ang issue na namumuo roon.
Kahit nalaman na ni Rina ang isa sa dahilan kung bakit gusto ng mag-asawa na umayos na ang kondisyon ni Theo, hindi niya makuha ang magalit sa mga ito, sa halip ay puro pang-unawa ang lagi niyang tugon. Siya kasi ang uri ng tao na minsan lang makitaang humusga. Mas nangingibabaw kasi sa kanya ang pag-intindi sa lahat. Kung hindi nga niya nakuha ang ganoong pag-uugali ng kanyang ina, marahil hindi siya papayag na huminto sa pag-aaral para lang magtrabaho at pagtapusin ang mga kapatid. Marahil kung hindi siya maunawain, baka hindi siya nagtatrabaho ngayon sa mansion at baka nakapagtapos na siya ng kanyang pag-aaral. Subalit dahil alam niya kung gaano kahirap ang buhay, at dahil saksi siya sa pagod ng kanyang ina, pinili niya na lamang na tumulong dito.
"Theo, sana dumating ang araw na maunawaan mo rin ang mga magulang mo. Sana dumating araw na maging bukas ang puso mo sa lahat," sambit niya sa mahinang boses bago nagpakawala nang malalim na paghinga.
Kumatok siya sa pinto ng silid ni Theo.
"Theo?" tawag niya. Nakatatlong banggit din siya sa pangalan ng lalaki bago niya narinig ang boses nito.
"Umalis na kayo!" anito mula sa loob.
"Si Rina 'to."
Matapos niyang magpakilala, wala na siyang narinig na sagot mula rito. Ilang segundo rin siyang naghintay na magsalita ito subalit nang mabigo siyang marinig ang boses nito, napagpasyahan na lamang niyang marahang pihitin ang siradura. Laking pasasalamat niya na hindi iyon naka-lock.
Napatakip na lamang si Rina ng bibig dahil sa kalagayan ni Theo sa loob. Pamilyar na sa kanya ang tagpong iyon o ang kaguluhan sa loob ng silid nito dahil minsan na ring nagwala ang lalaki noong nakita niya ito kasama ang ina sa kama. Kaya nga lang, mas higit na magulo ang silid nito kumpara sa una. Nagkalat sa sahig ang mga sapatos nito na nakalagay at maayos na nakasalansan sa cabinet dati, nagkalat din ang basag na bubog mula sa frame ng mga paintings, salamin at pigurin. Ang mga kumot ay nasa sahig din at ang mga unan ay nawalan na ng punda.
"Theo..."
Nilingon ni Rina si Theo na nakaupo sa pinakasulok. Nakayukyok at nakasabunot sa buhok. Unti-unti niya itong nilapitan, nagbabakasakali na hindi siya nito ipagtabuyan.
"Theo, kumusta?" nauutal niyang tanong.
"Bakit ngayon ka lang?" Garalgal ang boses ni Theo. Nanatili itong nakayukyok na parang isang batang naghihintay ng aruga.
"Sorry."
"Kasama ka rin ba nila?"
Umiling-iling si Rina kahit alam niyang hindi iyon makikita ni Theo.
"Kasamahan ka nila?" ulit muli ng lalaki nang hindi narinig ang sagot niya.
"Hindi," agad niyang sagot dahil natatakot siyang baka kamuhian din siya ng lalaki.
Umupo si Rina upang mapantayan ang lalaki pagkatapos hinawakan ito sa balikat. Gusto niya itong yakapin dahil tulad ng lalaki, na-miss niya rin ito. Hindi niya itatanggi na habang nasa hospital siya ay madalas na pumapasok si Theo sa isipan niya. Bukod sa nag-aalala siya rito, kinukutuban na rin siya dahil noong umalis siya sa mansion, narinig niya pa ang meeting na pinag-uusapan ng pamilya nito na dadaluhan ni Theo. Subalit dahil maligalig siya nang araw na iyon, hindi na niya iyon binigyang pansin.
Mahal niya si Theo kaya ayaw niyang makita ito sa ganoong sitwasyon. Kung maaari niya nga lamang hatiin ang katawan ay gagawin niya para hindi na nito mag-isang hinarap ang kahihiyan sa hotel at ang sakit nang pagtatraydor ng sariling pamilya.
"Theo, alam mo namang mahal kita..." Sa pagkakataong iyon ay tuluyan niya nang niyakap ang lalaki. "Sorry kung wala ako sa panahon kailangan mo ng kasama. Mahal kita, Theo at ayaw kong nakikita ka sa ganitong kalagayan."
Nangingilid na ang luha ni Rina dahil iyon ang unang pagkakataon na magiging tapat siya sa sasabihin sa lalaki. Hindi niya na ikakaila ang nararamdaman niya rito. Ipagsisigawan niya na sa lalaki kung gaano niya ito kamahal at kung gaano ito kahalaga para sa kanya.
"Theo, mahal kita...andito lang ako sa tabi mo."
Mayamaya pa ay unti-unti niyang naramdaman ang pagyakap pabalik ng lalaki sa kanya kasabay ng paghagulgol nito. Napangiti siya kasi madalas nakikita ng iba ang Theo na malakas, nakakatakot, masungit at mainitin ang ulo subalit hindi nakikita ng ilan ang weakness nito kaya nga madalas nakakatanggap ng panghuhusga ang lalaki dahil hindi sinisikap ng ilan na intindihin ito.
Napangiti siya nang lihim. Para sa kanya, hindi kahihiyan para sa isang lalaki ang pag-iyak. Para sa kanya ay isa rin itong pagpapakita ng katapangan. Sign ito na nang pag-amin na kahit lalaki ka pa ay mayroon kang itinatagong kahinaan.
"Rina, kailangan kita..."
"Andito na ako, Theo."
"Rina, mahal kita..."
"Mahal din kita, Theo."
"Huwag mo akong iiwan...iniwan na ako ng lahat..."
"Hindi kita iiwan...pangako..."
Hinayaan niya lamang si Theo na ilabas nito ang kinikimkim na sama ng loob dahil iyon ang sa tingin niya na makabubuti rito sa oras na iyon. Gusto niya lamang iparamdam muna sa lalaki na may karamay ito o kakampi ito. Gusto niyang isipin nito na nandoon pa rin siya kahit na sa tingin nito ay iniwan na ito ng iba. Kung umayos-ayos na ang pakiramdam ni Theo, doon niya uunti-untiin na paliwanagan ito tungkol sa ginawa ng pamilya nito.
Hindi sa kinakampihan niya ang mga magulang nito at ang iba pa, ang nais niya lang talaga ay magkasundo-sundo ang lahat dahil kapag nangyari iyon, sa tingin niya ay mas lalong bubuti ang kalagayan ni Theo.
'Tutulong ako na magkaayos-ayos kayong lahat,' ani ni Rina sa isip habang hinihimas ang likod ng lalaki na patuloy pa rin sa pag-iyak.