Umuwi si Cassey sa bahay nila at agad na tinawagan ang contact number na nakuha niya galing sa ina. Pero hindi niya ito makontak. Sinubukan niya itong tawagan ulit paglipas ng dalawang oras pero wala pa ring nangyayari. Hindi man lang nagri-ring ang cellphone number na iyon. Napaupo ang dalaga sa kama niya at nag-isip ng pwede pang gawin. Hindi niya hahayaang maudlot ang matagal na niyang gustong masagot na misteryo. Tumayo siya at ipinasok ang lahat ng inihanda niyang gamit sa loob ng kaniyang bag. Isa mang malaking pagkakamali ang gagawin niyang kasinungalingan pero yon lang ang tanging naiisip niyang paraan para matuloy ang plano niya. Kinuha niya ang ang kaniyang cellphone at pumunta sa group chat nilang magbabarkada.
" Nacontact ko na guide natin. Alis tayo mga 5 ng umaga." type niya at marahang pinindot ang send button matapos ang pagdadalawang-isip.
Binuksan niya ang kaniyang computer at agad na kinopya papunta sa kaniyang cellphone ang mga kailangan niyang larawan na kuha ng mommy niya noong umakyat ito. Kailangan niya ang mga ito para makombinse si Elmer Sereno na malinis ang pakay niya.
Kinabukasan...
4:30 ng umaga...palihim na tumakas mula sa kaniyang mga magulang ang dalaga. Pumunta siya sa napagkasunduan nilang meeting place na isang gasoline station.
" Gusto kong matutong magdrive...🎶..." sabay-sabay nilang kanta sa saliw ng tugtog ng kantang Overdrive ng Eraserheads. Tinahak na ng maliit nilang sasakyan ang mabatong daanan patungo sa bundok.
Pagkaraan ng isa at kalahating oras na na ahon at baba, narating nila ang baryo ng Puting Bato. Huminto ang kanilang sasakyan sa harap ng isang elementary school. Naririnig pa nila ang mga estudyanteng sabay-sabay na binabasa ang nakasulat sa pisara mula sa gate ng paaralan. Pagkababa ay saglit na iniwan ni Cassey ang mga kasama at lumapit siya sa mga tindahang nasa harap ng paaralan.
" Magandang umaga po, pwede po bang magtanong?" bungad niya sa isang tindera. Napatitig saglit sa kaniya ang tindera at sinulyapan ang mga kasama nito sa sasakyan.
" May kilala po kayong Elmer Serino?" dugtong niya kahit hindi umiimik ang tinatanong niya. Lalong napatitig sa kaniya ang tindera.
" Anong kailangan mo sa kapatid ko?" mahinang tugon ng tindera habang inaayos ang mga paninda niyang kakanin. Napangiti si Cassey.
" Ah kasi gusto po naming magpunta sa Puting Bato Forest Reserve at siya po ang binigay ng mommy ko na contact dito po sa inyong lugar." paliwanag ni Cassey.
" Sino ba yong ina mo?" usisa ulit nito.
" Siya po nagpunta po dito mga 6 years na nakalipas para magcollect ng data sa mga wild orchids sa kagubatan po." magalang niyang sagot. Nilingon ng tindera ang batang nasa loob ng tindahan.
" Panoy, samahan mo nga ang mga ito sa bahay, sabihin mo kay tiyo mo may kailangan raw sa kaniya ang mga kabataang ito." utos ng tindera sa anak niya. Lumabas ang isang batang nasa dose ang edad mula sa maliit na kwarto ng tindahan.
" Tara po ate, dito po ang daan." anang bata pagkakita sa kaniya. Agad na tinawag ni Cassey ang mga kaibigan at sinundan nila ang bata hanggang sa makarating ito sa isang sapa na hindi kalaliman. Tumawid sila at umahon papunta sa isang malawak na palayan. Tumawid sila sa pilapil hanggang sa isang maliit na kubong gawa sa kawayan ang natanaw nila sa di kalayuan. Ito na ang bahay ng hinahanap nilang Elmer Serino.
Paglapat ng mga paa nila sa bakuran ay nakita nila ang siya ring pagdating ni Elmer na may pasan na mga kahoy panggatong. Narinig ang malakas na paghampas ng mga tuyong sanga sa lupa ng ilapag ito ni Elmer. Kaagad na lumapit sa kaniya ang pamangkin at sumunod din si Cassey.
" Tito, may kailangan raw po sila sa inyo." bati ng bata sa tiyohin pero hindi ito nagsalita.
Tumitig lang sa mga mata ng mga kabataan ang konsehal. Pinipilit niyang inaalam kung ano ang sadya ng mga ito.
" Ahmmm..." nahihiyang bigkas ng dalaga.
" Kayo po pala si Konsehal Elmer. Ako po pala si Cassey, ahm...anak po ako ng isa po sa pumunta rito noon para mag-gather ng data about wild orchids po." aniya.
Binuksan ni Cassey ang kaniyang smartphone at agad na hinanap ang group photo ng mama niya kasama ang mga guide nila noon. Balak niya itong ipakita kay Elmer. Lumapit siya para ipakita ito sa konsehal. Itinuro ni Cassey ang mommy niya sa larawan. Bumalik sa alaala ni Elmer ang mga pangyayari noong araw na iyon. Napaiwas siya ng tingin at yumuko para tanggalan ng tali ang mga tuyong sanga.
"Kung pwede po sanang kunin namin kayong guide para sa pag-akyat don sa site na pinuntahan nila ni..." salaysay ni Cassey sa pakay niya na agad na pinutol ni Elmer.
" Umuwi na kayo." tugon nito sabay tapon ng tingin sa kaniya.
" Pero...malayo pa po ang biniyahe namin makarating lang dito sa inyo." katwiran ni Cassey.
Tumayo na ang konsehal at hinarap siya.
" Wala akong pakialam kung saang lupalop kayo galing, ang pakiusap ko lang, umuwi na kayo. Delikado ang lugar na iyon, di ba nabanggit sayo ng mama mo?" mariing bigkas nito. Napaisip si Cassey..
" Ano pong ibig niyong sabihin? Si mommy pa nga po yong nagbigay sakin ng pangalan po ninyo." nagtataka niyang tugon.
" Itanong mo na lang sa kaniya." tanging sagot nito at tumalikod na nga ang konsehal paaakyat ng bahay niya.
Agad na nagsilapitan ang mga kaibigan ni Cassey.
" Ano bes, aalis na ba tayo? Mahirap pag abotan tayo ng kainitan ng araw habang paakyat. " tanong ni Maureen. Nag-iba ang reaksiyon ng kanilang mukha ng makitang malungkot ang mukha ng kanilang kaibigan.
" Anong nangyari, akala ko ba ayos na?" usisa ni Bob. Hinimas ni Maureen ang balikat ng kaibigan.
" Sorry guys, hindi na natin makakasama si Kuya Elmer. Pinapatawag daw siya ng Baranggay Captain nila." katwiran niya.
" Ha??" halos sabay nilang reaksiyon.
" Paano na yan?" alma ni Paul.
" Wag kayong mag-alala, may naisip na akong ibang paraan." aniya at idinako ang tingin sa batang si Panoy.
" Panoy, halika." tawag niya sa batang nakaupo sa hagdanang gawa sa kawayan. Agad naman itong tumayo at lumapit.
" Alam mo ba ang daan paakyat ng bundok? Doon sa may Puting Bato Forest Reserve?" nakangiting tanong ni Cassey.
" Opo, lagi po kami doon sa may paanan ni Tito. Pero sa mismong gubat po, hindi na ako pinapayagan ni Tito na pumasok doon." sagot ng bata.
" Sige basta ituro mo lang sa amin kung saan daan papasok sa gubat. Bibigyan kita ng 200 pesos." paniniguro ni Cassey. Napangiti ang bata. Ni hindi pa siya nakahawak ng isang daan sa buhay niya sapagkat sanay siya sa limang pisong baon na kung minsan ay wala pa kapag pumapasok sa eskwela.
" Tara po." bibong sagot nito.
" Bes sandali. Sigurado ka ba dito sa gagawin natin? Baka mapahamak tayo." pabulong na sabi ni Maureen.
" Andito na lang din tayo, ituloy na natin. Kung ayaw niyo pwede naman kayong maunang umuwi. Basta ako, itutuloy ko to." pagmamatigas niya. Napakamot ng kanilang mga ulo ang mga kaibigan niya. Hindi naman nila pwedeng iwanang mag-isa ang kaibigan. Tahimik na lang silang sumunod.
Sinilip ni Elmer ang pag-alis ng mga bisita niya mula sa kaniyang bintana. Hindi niya mabasa ang totoong pakay ng mga ito sa gubat. Ang alam niya lang, hindi iyon isang ligtas na dako para puntahan. Hindi niya tatangkain pang ipahamak ang buhay niya lalo na ang iba sa gubat na muntikan ng kumitil sa kaniyang buhay. Umupo siya sa upoang kawayan na siya mismo ang gumawa. Bigla na lamang pumasok sa kaniyang isip na para bang minsan ay nakita na niya ang batang iyon. Hindi niya alam kung kailan o saan, pero pamilyar ang mukha at mata nito, pati na rin ang maamo nitong ngiti. Hinahabol niya ng tingin ang mga kabataan na maingat na tumatawid ng pilapil. Pilit pinapaalala sa sarili ang kaniyang kahapon.