Chereads / ISHI / Chapter 5 - Pagsakmal

Chapter 5 - Pagsakmal

Wala pang kalahating oras ay narating na ng grupo ni Cassey ang paanan ng gubat na sinasabing pinuntahan ng mommy niya. Tiningnan niya uli ang mga kuha ng mommy niya sa kaniyang cellphone at kinumpara ang mga ito sa aktwal na nakikita ng kaniyang mga mata. Mas masukal ito ngayon kaysa sa dati. Nakapagtataka sapagkat ang harap nito ay kalbo na dahil sa pagputol ng mga puno para gawing uling.

" Dito na lang po ako." ang sabi ng batang si Panoy. Binunot ni Cassey mula sa kaniyang bag ang halagang ipinangako niya sa bata. Abot tainga ang ngiti ni Panoy ng tanggapin nito ang pera mula dalaga. Agad ito kumaripas ng takbo na para bang nahihiya sa ginawa niya. Napatawa na lang sila sa naging reaksiyon ng bata.

Pumasok na ang grupo sa loob ng gubat habang alerto sa paligid. Nauna sa paglakad ang dalawang dalaga habang ang mga lalaki naman ay sinusundan lang sila kung saan nila ihahakbang ang kanilang mga paa. Paglipas ng ilang minutong lakad ay narinig nila ang mga lagaslas ng tubig mula sa di-kalayuang ilog. Marahang tinahak ng grupo ang mabangin na parte ng gubat na mula roon ay tanaw nila ang ilog na nasa baba. Hinanap nila ang daan pababa ng ilog at balak nilang doon na nila ilalatag ang kanilang mga tent na dala. Sanay na silang umakyat ng bundok kaya kahit mahirap ay marahan at maingat pa rin silang nakababa sa mismong tuyo at mabatong gilid nito. Namangha silang lima sa napakagandang tanawin na tumambad sa kanila. Ilang metro lang ang layo sa kanila ay tanaw ang isa talon na mga apat na metro ang taas. Ilang sandali pa ay hindi na sila maawat sa pagkuha ng magagandang mga larawan.

Sinimulan na nila ang pagtatayo ang kanilang mga tent sa madamong bahagi sa gilid ng ilog.

" Pahinga muna tayo, hindi naman masyadong mainit ang paglalakad natin kasi mapuno." anas ni Bob matapos niyang maipako ang pundasyon ng kaniyang tent.

" Oo nga, kakainin ko na rin ang baon kong kanin." nakangiting sabi naman ni Paul.

" Ang takaw mo talaga, tingnan mo sarili mo, tumataba ka na." biro naman ni Cassey.

" Anong tumataba? Baka iuntog kita sa abs ko." sagot naman ni Paul na tumayo pa para makita ng lahat ang tiyan niyang hindi na lumulubo sa kaniyang damit.

" Huminga ka nga, baka mahimatay ka pa kami pa mahirapan sa pagbuhat sayo." ani Maureen na nakaupo sa bukasan ng kaniyang tent. Narinig ang tawa ng magkakaibigan. Ngunit lingid sa kanilang kaalaman hindi lang sila ang tao sa gubat na iyon, at kanina pa ito nagmamasid sa kanila.

Kinatok ng mag-asawa ang kwarto ng kanilang anak. Papasok na sila sa kanilang trabaho ng umagang iyon at gusto nilang magpaalam sa anak.

" Cassey anak, alis na kami ng daddy mo." anas ni Alissa.

"Anak gising na, malelate ka na sa trabaho mo." tawag ni Victor. Walang Cassey ang sumagot.

" Hayaan mo na, baka napagod yan sa trabaho kagabi kaya tinanghali ng gising." ang nasabi na lamang ni Vic.

" Anak nag-iwan ako ng adobo sa ref ha, kumain ka muna bago ka umalis mamaya. Mauuna na kami ng Daddy." paalam na lang ng ina niya. Pumasok na sa trabaho ang mag-asawa na walang kaide-ideya kung anong trahedya ang malapit ng sapitin ng nag-iisa nilang anak.

Saglit na nagpahinga ang mga kasama ni Cassey sa loob ng kani-kanilang mga tent, habang ang iba ay patuloy pa rin sa walang sawang pagkuha ng larawan sa paligid. Kinuha ni Cassey ang kaniyang cellphone at maliit niyang shoulder bag. Palihim siyang pumasok sa gubat at hinahanap niya ang bangin na marmol na nakita niya sa kuha ng ina. Makapal na ang mga dahon ng puno sa parteng iyon ng gubat kaya hindi na masyadong nakakatagos ang sinag ng araw. Patuloy pa rin sa paglakad ang dalaga ng may narinig siyang kaluskos ng mga dahon mula sa makakapal na mga halamang gubat na nasa paanan ng mga puno.

" Sino ang nandiyan? Maureen ikaw ba yan?" kinakabahan niyang bigkas sa nagtatapang-tapangan na tono.

Hindi pa rin tumigil ang kaluskos ng mga dahon, umiikot ito sa mga punong nasa paligid niya, ngunit dahil sa dilim at kapal ng mga halaman ay hindi niya makita kung sino ang taong iyon na kanina pa nagpapatayo ng kaniyang mga balahibo. Agad niyang binuksan ang kaniyang cellphone para tawagan sana ang mga kaibigan pero walang signal sa gubat na iyon. Patuloy siyang nag-iisip kung ano ang dapat niyang gawin habang sinusundan ng tingin ang pinang-gagalingan ng kaluskos ng mga dahon. Hanggang sa naisipan niyang paganahin ang video recorder ng kaniyang cellphone at itinutok ito sa pinagmumulan ng kaluskos.

" Guys nakita niyo si Cassey?" tanong ni Maureen sa tatlong binatang nakaupo sa mabatong gilid ng ilog.

" Hindi eh..baka nagbawas lang ng timbang." biro ni Paul.  

Ilang segundo pa ay laking gulat niya ng may isang malaking hayop na lumundag mula sa damohan at sinunggaban siya anupa't tumalsik ang hawak niyang cellphone at buong lakas siyang napasigaw. Umalingawngaw sa gubat ang sigaw ni Cassey sapat para marinig iyon ng mga kaibigan niya.

" Si Cassey ba yon?" napatayong bigkas ni Bob.

" Mukhang si Cassey nga." bulalas ni Alfred. Agad na nagtakbohan ang apat papasok sa gubat.

Bumagsak ang dalaga sa lupa at nakapikit habang hinaharangan niya ng kaniyang braso ang kaniyang mukha. Ramdam niya ang hininga ng hayop na iyon sa kaniyang mga braso. Unti-unti niyang binuka ang kaniyang mga mata ng mapansing hindi kumikilos ang ang malaking hayop na iyon sa kaniyang harap. Nakita niya ang isang malaking aso na inaamoy siya mula ulo hanggang paa. Itinukod niya ang kaniyang kamay sa lupa para itayo ang sarili. Sa hindi niya malamang dahilan pakawag-kawag pa ang buntot ng asong iyon na akala niya'y siyang papatay sa kaniya. Umupo pa ang aso sa harap niya habang nakalabas ang dila. Tuluyan ng tumayo si Cassey para lapitan ang aso na mukha namang mabait at hindi siya sasaktan. Pero bago pa siya makalapit isang malakas na hampas sa kaniyang ulo ang siyang nagpatumba sa dalaga. Tuluyan na siyang nawalan ng malay.

" Cassey!!" sigaw ng apat niyang kaibigan habang inikot ng tingin ang buong paligid.

Hanggang sa may nasipang isang bagay si Maureen. Agad niya itong pinulot.

" Ito yong cellphone ni Cassey." naiiyak na sabi ni Maureen.

Nagkatinginan ang tatlong binata. Hindi na nila alam ngayon kung ano ang gagawin. Kapag hindi nila nakita ang kaibigan nila ay baka mapahamak ito. Hindi pa ito naglock screen kaya binuksan ni Maureen ang gallery ng cellphone. Tuluyan na siyang napaiyak ng mapanood niya ang video na nakuhanan ng cellphone. Lumapit ang tatlong binata at sabay nilang pinanood ang video. Kitang-kita nila kung paano sinakmal ng isang malaking aso ang kanilang kaibigan.

" Balikan muna natin ang mga gamit natin saka natin siya hanapin." ang sabi ni Bob.

" Mas lalo tayong hindi makakasurvive sa gubat kapag wala tayong gamit." dugtong pa niya.

Malungkot na binalikan ng apat ang kanilang mga tent taglay ang pag-asang hindi ganon kalala ang sinapit ng kanilang kaibigan. Tahimik nilang pinagmamasdan ang isa't-isa habang tinatanggal nila ang kaniya-kaniyang mga tent. Habang si Maureen naman ay patuloy pa rin ang pagluha. Lumapit sa kaniya si Alfred at inabot nito sa kaniya ang isang panyo. Kinuha niya ito mula sa kamay ni Alfred at nagpasalamat dito.

" Kaya natin to, si Cassey pa, kilala natin yon, hindi yon basta sumusuko. Kaya tayo rin dapat." ani Alfred sabay himas sa balikat ng kaibigan. Napayakap sa kaniya si Maureen habang pinupunasan ang mga luha nito.

" Tulungan na kita,...alin pa ba tatangalin" pakli niya para matapos na sa pagligpit ng tent ang dalaga. Di nagtagal ay lumapit na rin ang dalawang binata para tumulong sa kanila. Sabay nilang pinasok ang gubat na iyon para hanapin ang kanilang minamahal na kaibigan. Ginalugad nila ang gubat para humanap ng mga naiwang bakas ng kanilang kaibigan. Inabot sila ng tanghaling tapat sa paghahanap sa kaibigan pero ni anino nito ay hindi nila makita.

Nagkita sa isang restaurant ang mag-asawang Vasco para kumain ng tanghalian.

" Nagtext na ba sa'yo si Cassey?" usisa agad ni Alyssa pagkaupo niya sa napili nilang mesa.

" Hindi pa eh,...tawagan mo nga. Ako na oorder." ani Vic at sinenyasan na ang waiter para sa menu. Tinawagan ni Alissa ang anak pero hindi man lang nagriring ang cellphone nito. Sinubukan niyang tawagan ang isa pang number ng anak.

Napagpasyahan ng magkakaibigan na ipagbigay-alam na sa Barangay ang nangyari sa kanilang kaibigan bago pa ito tuluyang mapahamak. Pababa na sila pabalik sa kanilang sasakyan ng biglang magring ang cellphone ni Cassey na hawak ni Maureeen. Nagkatinginan sila ng makita kung sino ang tumatawag.

" Ano gagawin natin?" naiyak na namang bigkas ni Maureen.

" Kung meron mang dapat na unang makaaalam nito, sila Tito Vic yun." pasya ni Bob.

" Sagotin mo na, ako na kakausap kay Tita." pagkukusa ni Paul. Inabot sa kaniya ni Maureen ang cellphone.

" Hello anak, bakit di kita makontak sa isa mong number?" bungad agad ni Alissa.

" Hi Tita si Paul po ito." marahang sagot ng binata.

" Oh Paul, bakit ikaw ang sumagot, nasaan si Cassey?" usisa ng ina.

" Tita, may..." di niya matuloy ang gusto niyang sabihin.

" Paul anong nangyari?" Kinakabahan na na tanong ni Alissa.

" Si Cassey po,..."

" Anong nangyari sa anak ko?" naiiyak na bigkas nito.

" Si Cassey po nawawala." sagot ni Paul sa naghalong kaba at takot na tono ng boses.