Chereads / ISHI / Chapter 6 - Ang Pagtatagpo

Chapter 6 - Ang Pagtatagpo

Nagising si Cassey sa naramdaman niyang pagdila ng aso sa kaniyang mukha. Hindi niya maigalaw ang kaniyang katawan sa higpit ng pagkakatali sa kaniya. Nakatali siya sa isang ugat na pumasok sa kweba. Nakatali rin pati ang kaniyang kamay sa kaniyang harapan at kahit papaano ay kaya niya pa itong igalaw. Inikot niya ng tingin ang kaniyang paligid. Nasa loob siya ng isang kweba na tanging maliit na sinag mula sa isang maliit na butas sa itaas ang nagbibigay ng liwanag sa loob nito. Nakita niya ang asong nakaupo sa harap niya. Hindi ito mapakali na tila ba gusto nitong magpahimas at makipaglaro sa kaniya. Ilang segundo lang at nakarinig siya ng yabag ng mga paa mula sa di kalayuan. Pinikit niya ang kaniyang mga mata pero bahagya itong bukas sapat para makita niya ang pagdating ng taong nagtali sa kaniya. Nakita niya ang ulo ng isang lalaking gumagapang sa maliit na pasukan ng kweba. Tumindig ito at nakita niyang nakasuot ito ng coverall suit na kulay dilaw. May bitbit itong mangkok na may lamang mga nilagang saging. Lumapit sa harap niya at inilapag sa kaniyang paanan ang mangkok na dala nito. Tumayo ito para kunin ang galon ng tubig na nakasabit sa ugat ng puno na dumikit sa kweba. Inilapag din nito ang tubig sa harap niya.

Pinagmasdan ni Ishi ang dalaga na nakasandal sa pader ng kweba. Sa hindi niya malamang dahilan ay bigla siyang napangiti ng makita ng malapitan ang mukha nito na bahagyang natatakpan ng mahaba nitong buhok.

" Ang ganda niya..." naibulong niya sa sarili. Naisipan niyang subukan itong gisingin sa pamamagitan ng pagtapik sa paa nito. Pero hindi man lang ito gumagalaw. Nag-alala bigla si Ishi, naisip niyang baka napurohan niya ito sa ulo. Iisa na lang ang naisip niyang paraan. Naisipan niyang ilapit ang kaniyang kamay sa bibig at ilong nito para matiyak kung humihinga pa ba ito.

Nakita ni Cassey ang paglapit nito sa kaniya. Hindi na niya hahayaan pang may gawin ito sa kaniya ulit. Kaya nang akmang ilalapit na ng binata ang kamay nito sa kaniyang mukha ay agad niya itong sinipa sa dibdib ng malakas. Nabuwal ang binata at natumba ito. Nagtaka si Cassey ng makitang nakangiti pa ito matapos niyang sipain. Kaagad na nagpagpag ng dumi si Ishi at tumayo.

" Buti naman at gising ka na pala. Kinabahan ako, baka kasi napalakas ang palo ko." nakangising bigkas ni Ishi.

" Pakawalan mo ako,...bakit mo ba ako dinala dito? Sino ka ba?" nagpupumiglas na sagot ng dalaga. Umupo si Ishi sa isang upoang gawa sa putol na puno ng kahoy.

" Alam mo, yan din ang tanong ko sa sarili ko, bakit ako nandito? Sino ako?" Nakatitig sa kaniya na tugon ng binata. Natahimik sa Cassey. Ngayon lang siya nakakita ng ganoon ka lungkot na mga mata. Ang galit niya ay napalitan ng awa at pagnanais na makilala ang taong ito- ang taong matagal na niyang hinahanap.

"Please wag mo akong saktan,...ang totoo niyan,..." pakiusap ni Cassey.

"Nandito ako para hanapin ka" dugtong niya. Napatitig sa kaniya si Ishi.

" Ibig sabihin kilala mo ako?"tugon nito.

" Sasagotin ko yan kung papakawalan mo ako."sagot naman ng dalaga.

"Pasensiya ka na, di kita kayang pakawalan, ikaw na lang ang natitirang pag-asa na mayroon ako."tanggi ni Ishi sa alok niya.

"Kung ako na lang ang natitira mong pag-asa, pagkatiwalaan mo ako."katwiran niya.

Tinitigan ni Ishi ang mukha ng dalaga. Gusto niyang masiguro na nagsasabi ito ng totoo. Paglipas ng ilang minutong katahimikan ay tumayo si Ishi. Hinugot nito ang nakatarak na itak sa malupang bahagi ng kweba. Bumaling siya kay Cassey at lumapit dito. Umupo siya sa harap ng dalaga.

" Anong pwede kong gawin para pagkatiwalaan mo ako?"tanong pa ni Cassey na kinakabahan na sa kinikilos ng binata. Nanginginig ang kaniyang mga tuhod sa takot. Sa pagtataka niya ay tumayo ito uli at muling ibinaon ang itak sa pinagkuhanan nito.

" Hindi pa ito ang panahon para pakawalan kita."ang sabi ni Ishi na muling umupo sa pwesto niya.

" Bakit? Di ako tatakas, promise..." pakiusap niya.

Muling tumayo sa kaniyang kinauupoan si Ishi at dinampot ang mangkok na may lamang saging at binalatan ito sa harap ni Cassey. Inilapit nito ang nilagang saging sa bibig ng dalaga. Umiwas ang ulo ni Cassey.

" Paano kita pagkakatiwalaan, kung di mo ako kayang pagkatiwalaan."bigkas ni Ishi at muling inilapit sa bibig ni Cassey ang saging.

Unti-unting ibinuka ni Cassey ang kaniyang bibig at napilitang kainin ang saging sa pag-asang wala sana itong nakalagay na pampatulog o anumang makakalason sa kaniya. Muling kumuha ng isa pang piraso si Ishi mula sa mangkok. Pagkatapos balatan ay muli niya itong isinubo kay Cassey.

"Tama na yong dalawa,...baka kung ano pang mangyari sa'yo."biro ni Ishi. Pagtitig ni Ishi sa kaniyang mukha ay natigilan ito ng makita siyang nakangiti.

" Isa pa, gutom pa ako eh."sagot ni Cassey. Napangiti na lang ding dinampot ni Ishi ang isa pang saging at patuloy na ipinagbalat ang dalaga.

"Ishi."bigkas ng binata.

"Ishi ang pangalan ko."dugtong nito at isinubo ang isa pang saging sa kaniya.

Samantala nakarating na sa pinagparkingan nila ng kanilang sasakyan ang mag-asawang Vasco. Agad na bumaba ng sasakyan ang mag-asawa. Tinawag nila ulit ang cellphone ng kanilang anak.

" Hello Paul, nandito na kami sa pinag-iwanan niyo ng sasakyan. Nasaan na kayo?"natatarantang bigkas ni Alissa.

"Anong sabi?"tanong ni Vic.

"Pabalik na raw sila, hintayin na lang natin dito."naluluhang sagot ni Alissa.

"Victor Vasco!!"malakas na sigaw na tawag mula sa kanilang likuran. Nagulat ang mag-asawa at bigla silang napalingon sa pinang-gagalingan ng boses.

"Sino ka?"matatag na bigkas ni Vic at pinapunta sa likod niya ang kaniyang asawa.

"Hahaha!"malutong na tawa lang ang tugon nito.

"Akalain mong hindi mo na ako kilala. Ganon ka ba talaga kabilis makalimot?"dugtong nito.

Napaatras si Vic ng makilala niya ang taong ito na may nakasukbit na itak sa baywang. Sininyasan niya ang asawa na pumasok sa kotse. Sumunod naman kaagad si Alissa. Binuksan nito ang pinto ng kanilang kotse. Pero bago pa siya makapasok ay nakilala na rin niya ang mukha ng taong tumawag sa pangalan ng asawa niya.

" Konsehal Elmer? Ikaw nga...ako to si Alissa, ang sinamahan niyo noon sa bundok para sa research namin sa mga wild orchids..." pagpapakilala niya. Biglang pumasok sa isip ni Elmer ang dalagang lumapit sa kaniya kaninang umaga lang at ipinakita pa ang picture ng ina.

"Wag mong sabihing asawa mo tong traidor na to?"galit ang tono na tanong nito na dinuro pa si Vic.

"Hon,...magsalita ka anong nangyayari?"naguguluhang sabi ni Alissa.

"Wag mong idamay ang asawa ko rito Elmer. Labas siya sa anumang di natin pagkakaintindihan."salita ni Vic.

"Di pagkakaintindihan. Tinatawag mong di pagkakaintindihan yon,...samantalang muntikan na akong mamatay?"ang sagot naman nito.

"Isa kang kriminal Victor. Sinabi ko na sa'yo wag na wag magkokrus ang landas nating dalawa ulit,...kundi isa sa atin ang mamamatay."anito sabay bunot ng itak niya. Nagsidatingan ang mga tao at nakiusyoso sa gulong iyon. Patakbo namang nilapitan ni Aling Ising ang kapatid para awatin at agawin mula rito ang itak na hawak.

"Ano ba Elmer, bakit ka ba naghahanap ng away. Umuwi na tayo."saway niya sa kapatid.

"Ate tumabi ka, wag mo akong hawakan, ikaw tatagain ko kapag tinangka mo pa akong pigilan."babala ni Elmer. Agad na lumapat sa mukha ni Elmer ang palad ni Ising.

"Sige tagain mo ako. Kung yan ang magpapahupa diyan sa galit mo, gawin mo."puno ng hinanakit na bigkas ng ate niya. Napatitig sa mukha niyang lumuluha ang galit na konsehal. Mayamaya pa ay hinayaan na nitong kunin ng mga tanod mula sa kamay nito ang itak na hawak.

"Hindi pa ito ang huli nating pagkikita Victor,...wag ka ng bumalik pa ulit dito sa lugar ko kung ayaw mong dumanak ang dugo rito."banta ni Elmer at sumunod sa bawat tulak at hatak ng kaniyang kapatid papalayo sa mag-asawa. Hinarap ni Alissa ang asawa niya. Tinitigan niya nag mga mata nito sa paghahanap ng kasagotan.

" Sabihin mo sa akin ang totoo,..." aniya habang hawak sa magkabilang balikat si Victor. Ngunit nanatili itong tahimik at hindi kumikibo. Pilit itong umiiwas ng tingin sa kaniya.

" Tita!"isang tawag mula sa likuran nila ang kanilang narinig. Pglingon nila ay nakita nila si Maureen na patakbong umiiyak. Agad nitong niyakap si Alissa habang kasunod nito ang mga kaibigan.

"Tita I'm sorry.."iyak ni Maureen. Pinahiran ni Alissa ang luha ng dalaga.

"Shhh,...tahan na. Everything will be fine. Walang dapat masisi sa nangyari. Hihingi tayo ng tulong sa awtoridad ok."malumanay na tugon ni Alyssa na pagkatapos magsalita ay sinulyapan ng tingin si Victor na nakasandal sa kotse nila.