Maingat na nag-abang sa gilid ng ilog si Elmer. Nakikita niya ang mga flashlight ng mga sundalong dumaraan. Armado ang mga ito ng matataas na kalibre ng baril. Naisip niyang unahan ang mga ito sa balak nilang puntahan na bahagi ng kagubatan.
Pagkalipas ng ilang minuto natanaw niya sa di kalayuan ang maingat na paghakbang ng isang dalaga. Nakahawak ito sa bawat halamang madadaan niya para hindi matumba. Tahimik na napangiti si Elmer, pagkakataon na niya ito.
Maingat niyang nilapitan ang kinaroroonan ng dalaga para hampasin ito. Habang naglalakad ay naghahanap siya ng sanga na pwede niyang ihampas sa ulo nito. Nadaanan niya ang isang sanga ng mga kahoy na ginamit sa pag-uuling. Dinampot niya ang isa at buong ingat na humakbang papalapit sa biktima niya.
Nagtago siya sa likod ng isang puno para abangan ang pagdaan ni Cassey. Hinawakan ng mahigpit ni Elmer ang sanga na nababalot ng abo at maitim na mantsa mula sa pagkakasalang nito sa ulingan. Dinig niya ang hakbang ng paa ng dalaga sa mga tuyong dahon nang may ibang tunog siyang narinig.
May naririnig siyang tinig ng asong nagngangalit kaya napalingon siya sa kaliwa niya. Nanigas ang katawan ni Elmer ng makita muli ang halimaw na muntikan ng pumatay sa kaniya. Nanginginig ang mga panga nito at nagbabaga ang mga mata na handa siyang lapain sa isang maling galaw lang niya. Nabitawan ni Elmer ang sanga. Huminga siya ng malalim at buong bilis na kumaripas ng takbo.
Napatigil si Cassey sa paglalakad ng makitang tumatakbo papalayo ang isang lalaki at naglaho sa dilim. Lumabas mula sa isang puno ang aso ni Ishi.
"Hi. Gusto mong magpaalam sa akin?" Aniya habang papalapit ito sa kaniya. Hinimas niya ito at hinawakan sa pisngi.
Napansin ni Cassey ang pendant sa collar nito. Binasa niya ang nakalagay.
"Az... Bye Az. Ingat ka dito ha." bulong niya rito. Biglang tumayo ang mga tenga nito ng may narinig na kaluskos. Dinilaan ng aso ang kamay ni Cassey at agad na tumakbo papalayo sa kaniya. Paglingon niya ay nakita niya ang isang sundalo na iniilawan siya ng Flashlight. Nasilaw siya kaya tinakpan niya ng bahagya ang kaniyang mga mata.
"Ikaw ba si Ma'am Cassey?" bungad ng sundalo.
"Opo sir. Salamat po sa paghahanap niyo sakin." sagot niya.
"Halika na ma'am, naghihintay sayo ang Mommy at Daddy mo sa baba ng bundok." anito at inalalayan si Cassey.
Pagkakita sa anak ay agad na sinalubong ng yakap ni Alyssa si Cassey.
"Diyos ko salamat." naibulong ni Alissa.
"Mommy." naiiyak na anas ng dalaga. Hinawi ng ina niya ang buhok na napunta sa kaniyang pisngi.
"Sa bahay na lang tayo mag-usap ok. Ang importante ngayon ligtas ka na." anang ina habang pinupunasan ng kaniyang palad ang noo ng anak.
Lumapit sa kaniya ang daddy niya.
"Dad."
Niyakap siya ni Victor.
"Let's go home." anang dad niya.
Habang pauwi ay naiwan ang isip ni Cassey sa kalagayan ng binata. Nag-aalala siya sa maa-aring mangyari ngayong sisimulan na niyang hanapin ang pamilya nito. Dalangin niya na sana magiging maaayos ang lahat sa kaniyang paghahanap.
Nasa hapag-kainan ang pamilyang Vasco ng magsimulang magkwento ang dalaga sa nangyari sa kaniya sa bundok.
"Naghanap po kasi ako ng signal pero nawala ako tapos bigla akong hinabol ng isang wild boar kaya napatakbo po ako at naiwan ko yong cellphone ko." pagkikwento niya.
Nagkatinginan ang mag-asawa sa isa't-isa.
"Anak, wag mong mamasamain pero, bakit ka ba nagpilit na umakyat doon?" tanong ng ama.
"Para po sana sa research ko about sa project na binigay sa akin. Nakuha ko naman mga kailangan sa research ko tungkol sa bundok. Isa pa po, kasama kasi yon sa mga bucket list ko. Mula ng makita ko yong mga picture ni Mom ng lugar sabi ko sa sarili ko balang araw aakyat din ako doon." sagot niya.
" Hindi kami galit sayo ng mommy mo, pero sana hindi na to mauulit pa. Hindi namin alam ang gagawin namin kapag nawala ka pa ulit." payo sa kaniya ni Victor.
" Yes dad. Promise ko po, hindi na ako aalis ng hindi ninyo pinapayagan."
Natapos ang haponan ng pamilya na masaya ang kanilang kalooban dahil ligtas na nakauwi ang kanilang anak. Pero naghahanap pa rin ng sagot si Alyssa sa mga pangyayari kanina mula sa asawa niya.
"Hon, pwede ba tayo mag-usap?" tanong ni Alyssa habang nakahiga sila sa kanilang kama. Inilapag ni Victor kaniyang smartphone sa mesa ng lampshade at nilingon ang asawa niya.
"Tungkol ba to sa nangyari kanina?" tugon niya. Tumango si Alyssa.
"Pano kayo nagkakilala ni Elmer at bakit galit na galit siya sa'yo." usisa niya.
Natahimik saglit si Victor. Tumitig ito sa kisame na para bang nandoon nakasulat ang inihanda niyang kasagotan.
"Nagkakilala kami sa minahan na pagmamay-ari ni Sid. Hindi siya nabayaran ng ayon sa kontrata namin at...muntikan pa siyang mamatay sa pagsabog ng minahan kaya sa akin niya ibinunton lahat ng galit niya." Bakas sa mukha ni Alyssa ang pag-aalala.
"Pero maniwala ka, wala akong ginawa sa kaniyang masama. Hindi lang talaga niya nagawang singilin si Pareng Sid dahil sa pagkamatay ng anak nito sa pagsabog. Hindi ko alam kung bakit hindi niya maintindihan na parehas lang kaming biktima dito ng mga pangyayari." dagdag ni Victor.
" I trust you. Alam ko na wala kang ginawang masama. Sana lang darating ang panahon na maunawaan ng Konsehal ang lahat." tugon ni Alyssa at sinalat ang pisngi ng asawa niya.
Kinabukasan, nagpunta sa bahay ng pamilya Vasco ang mga kaibigan ni Cassey para kumustahin siya. Nagdala na rin sila ng pagkain dahil balak nilang manood ng Korean Drama Series maghapon.
"Guys kailangan ko tulong niyo." basag ni Cassey sa ingay ng mga kaibigan niya. Napalingon lahat sa kaniya ang buong barkada.
"Cassey, sinasabi ko sa'yo." reaksiyon ni Alfred.
"Oo nga, ayan na naman tayo sa mga plano mo." sang-ayon ni Bob.
"Oo na, nagkamali ako. Promise di ko na kayo ilalagay pa sa mga alanganing sitwasyon. Kailangan ko lang talaga tulong niyo." katwiran niya.
" Go ahead bes." ang sabi ni Maureen na nakangiti.
"Narinig niyo na ba yong RTW trademark ng mga kids apparel na ISHI?" tanong niya.
Nagkatinginan silang lahat.
"International ba yan o..local?" usisa ni Paul habang pinupunasan ang kaniyang salamin.
" Di ko alam eh. Pero malamang Local yon."
" Bakit mo naman naitanong?" ani Alfred. Natahimik saglit ang dalaga,
" May nabasa kasi akong article online na ang sabi bigla na lang itong nawala sa Market." aniya. Niresearch na niya ito kagabi pa pero talagang hanggang doon lang ang nakuha niyang impormasyon.
"Biglang nawala sa market....hindi kaya nalugi lang?" sagot naman ni Paul.
"Possible. Pero kung nalugi, di ba dapat nagfile sila ng bankruptcy? Bakit naman biglaan ang pagtigil ng operation nila? Yan ang gusto kong content sa future article na isusulat ko. Kaya please....patulong naman." pakiusap niya.
"Bes support ka namin diyan. Magtatanong-tanong kami sa mga kakilala namin. Inform agad kita pag may nalaman ako." pangako ni Maureen.
" Sige, ako rin. Pero nasubukan mo na bang magtanong sa Mom at Dad mo? Tingin ko mas marami silang kilala na baka may info tungkol sa ISHI na yan." tanong ni Alfred.
Sa totoo lang walang balak si Cassey na ipaalam sa mga magulang niya ang tungkol dito. Baka kasi maging hadlang lang ang mga ito sa plano niya.
" Ahhh, naitanong ko na rin. Pero wala daw silang idea." tanging naisagot niya.