Chereads / ISHI / Chapter 3 - Plan B

Chapter 3 - Plan B

5 taon ang lumipas...

Parang may piyesta sa tahanan ng mga Vasco, nagtapos na sa kursong Mass Communication si Cassey na isang Magna Cum Laude. Maraming handang pagkain at mga bisita ang dumating. Hindi akalain ng dalaga na makakamit niya ang ganito kataas na karangalan. Sa wakas ay malapit na niyang makamit ang pangarap niyang maging isang journalist. Limang taon na ang nakalipas pero hindi pa rin niya maalis sa isipan ang kuha ng mommy niya. Ngayong malaki na siya at kaya na niyang umakyat ng bundok ay gusto niyang alamin ito ng peronal. Habang nasa college ay naging kasapi ng isang mountain hiking group si Cassey. Nakalimang bundok na siya at balak niya ngayong akyatin ang mismong bundok na pinagmulan ng larawan na iyon. Nang makapagtrabaho na sa isang local newspaper bilang article writer kasama sa mga niresearch niya ang tungkol sa bundok na iyon at napag-alaman niyang isa itong minahan noon. Na lalo pang nagpaningas sa curiosity niya na alamin ang tungkol sa lugar at makita ito mismo.

Nagpunta sa napagkasunduang tagpuan si Cassey kasama ang dad niya. Huminto ang kotse sa tapat ng isang coffee shop. Nilingon ni Victor ang anak sa likod niya.

" Anak ha, usapan natin, anuman mapag-usapan niyo ng mga kaibigan mo,..." paa-alala ni Victor na hindi na pinatapos ng kaniyang anak.

" Ok na dad, gets ko na po. Huwag agad pumayag, kasi dapat alam niyo po muna bago ako magdecide, kasi baka mapahamak po ako. " sabat ni Cassey habang nakangiti sa harap ng daddy niya.

" Ok tayo dun ha." hirit pa ng dad niya at nakipag fist bump sa anak. Tuluyan ng bumaba ang dalaga sa sasakyan nila at kumakaway habang naglalakad palayo. Umalis na rin ang ama niya ng makitang pumasok na sa shop ang anak.

Umupo si Cassey sa upuang nireserba ng mga kaibigan niya para sa kaniya. Naroon na at naghihintay ang apat niyang kaibigan. Si Bob, Alfred, Paul at Maureen na kaniyang bestfriend. Nabuo ang pagkakaibigan nila mula pa highschool at bagaman magkaiba ng hilig at career na tinahak ay nanatili pa ring malapit sa isat-isa. Isa sa mga bonding nila ay ang pag-akyat ng mga bundok na ang may pasimuno ay ang pinsan niyang si Caloy. Simula nga nag-asawa na si Caloy ay hindi na nila ito nakakasama pa sa mga akyat nila.

" Nasaan na si kuya Caloy? " bungad agad ni Cassey sabay upo. Hinahanap niya ang pinakamature sa kanilang grupo na tumatayong tatay at kuya ng lahat.

" Nag message sa akin, di raw siya makaalis ng bahay, may sakit ang baby niya." sagot ng isang kasama nilang si Alfred.

" Sabi na nga ba, mawawalan na tayo ng kuya nito, bakit pa kasi nag-asawa eh. " pabirong sabi ng kaharap niyang si Maureen.

" Hayaan niyo na, buti nga naging responsable eh, malungkot kayo kapag hindi niya inalagaan ang baby niya." ang sambit ni Cassey.

" Ilan na ba tayo," pabulong na sabi ni Bob na binibilang na sila, " Ok na yan kahit lima lang tayo." dugtong niya.

" Saan ba tayo? Yon bang nasa group chat ang aakyatin natin? " tanong ni Alfred.

" Mahihirapan tayo dun, wala si kuya Caloy eh, may naisip ako. " nakangiting suhestiyon ni Cassey.

" Saan? " halos sabay nilang usisa.

" Basta, wala kasi akong mahanap na information tungkol sa bundok o travel Itinerary eh. " tugon niya.

" Sis ha, baka mapahamak naman tayo niyan, " pag-aalala ni Maureen.

"Oo nga, mahirap yang basta na lang tayo pupunta, mamaya wala tayong makuhang guide." ang sabi naman ni Paul, ang pinakakulot sa grupo.

" May tiwala ba kayo sa akin? " tanong ni Cassey. Nagkatinginan ang lahat ng mga kasama niya.

" Meron siyempre, pero paano mo masisiguro ang kaligtasan natin doon? " nag-aalalang sambit ni Alfred.

" May kilala si Mommy dun na pwede nating makasama." . pawi niya sa pangamba nila.

" Siya sige, pag-usapan na natin kung kailan. " payag ni Bob.

Pag-uwi ay agad na sinabi na Cassey sa Mom at Dad niya ang lahat ng pinag-usapan sa meeting nila.

" What?! " bulalas ng mom niya. "At talagang dinamay mo pa ako, matagal na mula ng pumunta kami doon. Kaya baka wala na akong makuhang contact pa sa mga Brgy. Officials doon. Posible din na iba na ang mga officials doon at ipinagbawal na ang ang pagpasok sa bundok." dagdag ng mom niya.

" Mom, sige na gawan niyo ng paraan, dapat matuloy yon, isa pa kailangan ko sa work ko." pakiusap niya. Tahimik lang na nakikinig and dad niya sa usapan nilang mag-ina.

" Sige susubukan ko na magtanong-tanong sa mga kakilala ko. " may buntong hininga na nausal ni Alissa.

" Anak," mahinahong bigkas ng dad niya. Sabay na sumentro ang tingin ng mag-ina kay Victor.

" Wag mo sanang mamasamain pero delikado kasi yang gagawin niyo. Unang-una hindi kayo pamilyar sa lugar,wala kayong kakilala doon." ani Victor.

" Dad akala ko ba payag ka na? " reklamo ni Cassey.

" Oo nga, eh delikado kasi talaga yan anak eh, lalo pa ngayon, hindi makakasama ang kuya Caloy mo." paliwanag ni Victor.

" Ito na lang dad, kapag sumama si kuya papayagan niyo na ba kaming umakyat? " paniniguro niya.

Saglit na natahimik si Victor. Kailangan niyang manindigan sa desisyon niya pero hindi niya madiretso ang anak.

" Sige,pero sa isang kondisyon."

" Dad naman eh, sige na sabihin niyo na."

"Ako magiging driver niyo, sa kotse lang ako hanggang makababa kayo. Deal?" nakangiting turan niya.

" Ok po, Deal." matamlay na sagot ng anak.

" Ayan nagkasundo rin kayo, oh sige na, gawan mo na ng paraan na makombinse yang asawa ni Caloy na payagan siyang sumama sa inyo kahit may sakit ang baby niya. " dugtong naman ni Alissa.

Sinilip ni Caloy mula sa kaniyang bintana kung sino ang bisita niya na kumakatok sa kaniyang pinto. Nang makita kung sino ito ay agad niyang binuksan ang pinto at pinatuloy na si Cassey.

" Maupo ka, anong atin? " ani Caloy na may iniisip ng dahilan ng pagpunta ni Cassey. Umupo si Cassey at inikot ng tingin ang paligid ng bahay ng kuya Caloy niya.

" Saan na baby mo kuya?" usisa niya.

" Nasa kwarto, buti nga nakatulog na eh, napuyat na naman kami kagabi dahil iyak ng iyak." sagot nito.

" Eh,..nabasa niyo po ba yong nasa group chat?" pakli ng Cassey sa totoo niyang pakay.

" Sa busy kong to, wala na nga akong time maligo, magcheck pa kaya ng messenger." napangiting sagot ni Caloy.

" Ano ba napag-usapan niyo? " dugsong ni Caloy.

" Doon sana kami aakyat sa Puting Bato Forest Reserve. Kaso,..."

" Kaso ano? "

" Gusto ni Dad kasama ka,.."

" Ha? Akala ko ba ok na tayo don sa sinabi kong dahilan." bulalas ni Caloy.

" Sige na kuya, hindi talaga ako papayagan ni Dad kung hindi ka kasama." pakiusap ni Cassey.

" Ito talagang si Tito kahit kailan,...oh paano yan, hindi ko pwedeng iwan mag-ina ko dito lalo na may sakit si Baby Ica." napangiti na lang na turan ng pinsan niya.

Nalungkot ang maamong mukha ng dalaga. Mukhang hindi na talaga matutuloy pa ang matagal na niyang pinaplanong akyat. Tumayo siya at nagpaalam na sa pinsan niya. Matamlay niyang nilisan ang bahay nito.

Nakasakay siya sa trisikel papunta sa meeting place nilang barkada para ipaalam sa kanila na hindi na matutuloy ang akyat nila, nang may natanggap siyang text mula sa kaniyang mommy. Naglalaman ito ng contact number ng kagawad ng baranggay na nakakasakop sa Puting Bato Forest Reserve.

" Kumusta anak, ano sabi ng kuya Caloy mo? " usisa pa ng ina sa kasunod na text.

Wala siyang balak replyan ang ina dahil may nabubuong Plan B sa kaniyang utak. At ito na lamang ang ipapaalam niya sa barkada.

Pumasok si Cassey sa isang Donut Shop. Nakatitig ang apat niyang kaibigan sa kaniya habang papalapit siya sa mesa nila.

" Ano na girl? " bungad na tanong ni Maureen. Ngiti lang ang tugon ni Cassey. Sumentro ang tingin niya kay Bob.

" Bob, di ba may owner type jeep ka?" tanong niya.

" Oo, bakit?" nanghuhulang tanong ni Bob.

" Kanina galing ako kay kuya, eh wala eh, hindi niya talaga pwedeng iwan si Baby Ica." simulang salaysay ni Cassey ng bigla siyang putulin ni Bob.

" Wait lang. Ang gusto mo bang sabihin ay dahil hindi makakasama si Kuya at siguradong hindi tayo papayagan ng parents mo, eh gagamitin natin yong sasakyan ko para pumunta doon sa bundok,....nang hindi nila alam?" alma ni Bob. Tumango si Cassey.

" Pambihira ka naman, hindi ko gusto yang pinaplano mo, baka mapahamak tayo." sang-ayon ni Alfred.

" Alam niyo guys, yan ang hindi mangyayari. May contact ako doon at magpapasama tayo sa kaniya sa pag-akyat." katwiran niya.

" Sino naman nakuha mong kontak?" tanong ni Bob.

" Si Kagawad Elmer Serino." mabilis niyang sagot.

" So, ano Bob, payag ka bang dalhin natin yong sasakyan mo?" tanong pa niya.  Saglit na tumahimik ang lahat. Nag-aabang sa sagot ni Bob.

" Oo na sige na." anito na labis ba ikinatuwa ni Cassey.

" Tawagan mo na yong kontak mo, para makuha ko na yong sasakyan sa garahe." dugtong ni Bob.

" Oo pag-uwi ko tatawagan ko siya agad, wala kasi akong load. Makikitawag ako kay Mommy. Salamat talaga Bobsy ha, the best ka talaga." tuwang-tuwa niyang sagot.

" As always." biro na lang nito sabay kibit-balikat.

" Pero hindi ako ang magdadrive ha, panghighway lang driving skills ko." dugtong ni Bob. Tumingin ang lahat sa tahimik lang na si Paul. Humihigop ito ng kape ng mapansin niyang sa kaniya nakatitig ang mga kaibigan.

" Ok, sige ako na. Pero abswelto na ko sa ambagan ng gas ha." pabirong tugon ni Paul.

" Wag kang mag-alala, full tank palagi ang sasakyan ko. Nakakahiya sayo eh." sagot naman ni Bob. Nagtawanan sila.