Chapter 134 - A LOSER

Hindi masyadong nakatulog si Marble buong magdamag sa kakaisip kung saan nahiga si Vendrick, kaya minabuti na lang niyang bumangon sa higaan at maagang naghilamos para magtungo sa kwartong kinaruruonan ng anak ngunit si Eva ang agad na sumalubong sa kanya para ipaalam na tulog pa ang bata.

Dumiretso na lang siya sa kusina para mag-almusal ngunit tsismis ni Manang Viola ang sumalubong sa kanya pagkabukas lang ng pinto niyon.

"Alam niyo bang kanina pang alas sais si Senyorita Chelsea dito at nakabantay kay Senyorito Vendrick habang nag-jo-jogging ang amo natin at ngayo'y dalawa silang naruon sa swimming pool kasama si Sir Gab na para lang walang nangyaring kasalan kahapon?"

Hindi agad siya pumasok sa loob at hinintay ang sasabihin pa ng matanda.

"Baka naman nag-away sina Marble at senyorito kagabi?" sabad ni Marie.

"Ang hula ko, hindi naka-score si senyorito kaya galit na galit at nagpunta kina Senyorita Chelsea at duon natulog," patuloy ni Manang Viola.

Nanlumo siya bigla sa narinig. Duon pala natulog si Vendrick kina Chelsea? Playboy talaga yun. Pag di maka-score sa isa'y lilipat naman sa isa.

Humaba agad ang nguso niya't salubong ang kilay na idinikit na uli ang tenga sa bahagya lang na nakaawang na pinto upang pakinggan ang sinasabi ni Manang Viola nang may kumalabit sa kanyang braso.

"Ano'ng sinisilip mo?" pabulong na usisa ng kumalabit sa kanya.

Inis na itinaas niya ang kamay para patigilin ito sa pagsasalita. "Wag kang maingay, di ko marinig ang tsismis nila," saway niya sa nasa kanyang likuran ngunit nanlaki rin bigla ang mga mata at awang ang bibig na napaayos nang tindig pagkuwan saka biglang pumihit paharap sa kausap.

Naabutan pa niyang nagkakamot ng noo si Vendrick habang ang isang kamay ay nakapamulsa sa suot nitong jogging pants, pigil ang mapangiti sa kanya.

Namula agad ang kanyang pisngi ngunit pilit iyong ikinubli ng isang pasarkastikong ngiti.

"Papasok ka? Sige pasok ka na," yaya niya't itinabi ang sarili para bigyan ito ng daan makapasok ngunit sa halip na gawin ay hinawakan ang kanyang kamay at hinila rin siya papasok sa loob.

"Alam niyo, narinig ko sina senyor at Chelsea kagabi na umiiyak si Chelsea kasi daw buntis siya at si senyorito ang ama pero---" patuloy pa rin ni Manang Viola sa pagkukwento ngunit bigla itong natigilan nang makita silang pumasok sa kusina.

Napansin agad niya ang pamumutla nito't mabilis na tumalikod sa nagpakatangang mga katulong na nakapokus sa pakikinig dito.

"Ahem!" kunwa'y inubo si Vendrick para ipaalam ang kanilang presensya.

Halos sabay-sabay na nagsipihit paharap sa kanila ang mga katulong na naruon, sabay-sabay ding bumati sa kanila saka nagyukuan ng mga ulo.

Natawa siya sa naging reaksyon ng mga ito subalit nang maalala ang sinabi ni Manang Viola, pakiramdam niya, may biglang dumagan sa kanyang dibdib sabay hila sana nang kamay na hawak ni Vendrick ngunit umakbay naman ito sa kanya.

"Honey, ano'ng gusto mong almusal?" Nilakasan pa ng lalaki ang tinig sabay haplos sa kanyang bibig na awtomatikong tumiim.

"Fruit juice lang, on diet ako eh," tipid niyang sagot sabay sulyap kay Marie na bahagyang iniangat ang ulo para tingnan sila.

"Manang, gawan mo kami ng tuna sandwich," utos ng asawa sa mayordoma ngunit sa kanya nakatitig.

"Fruit juice lang, manang. Magagalit sakin si Erland pag tumaba ako," utos niya sa mayordoma, iniiwas agad ang tingin sa nakaakbay sa kanya.

"Mas takot ka pa kay Erland kesa sa asawa mo?" Inilapit ni Vendrick ang bibig sa kanyang tenga saka siya pasimpleng binulungan ngunit sa boses ay naruon ang di maitagong inis sa kanya.

"Aba, natural! Siya ang may alam kung ano'ng bawal at hindi sa akin," maagap niyang sagot, dahilan upang magdikit ang mga kilay nito.

Sa halip na matakot ay ngumisi pa siya rito't tinapik ang braso nitong nakaakbay sa kanya saka lumapit kay Manang Viola na nanginginig ang mga kamay habang gumagawa ng tuna sandwich.

"Totoo bang buntis si Chelsea?" sa mayordoma naman siya bumulong na sa sobrang hina niyon ay himala't narinig siya nito.

Tumango lang ang huli sabay sulyap sa kanya.

Ayun na naman, may kung ano'ng parte ng kanyang puso ang kumirot sa kumpirmasyong yun. Kaya nga ayaw niyang iparamdam kay Vendrick ang kanyang nararamdaman, mamaya, masaktan lang siya lalo.

Subalit tila yata nananadya ang pagkakataon nang marinig niya sa kanilang likuran ang malamyos na boses ni Chelsea.

"Love, where's my tuna sandwich?" tanong ng dalaga sa lalaking naihimas ang kamay sa baba saka palihim na sumulyap sa kanyang napalingon sa nagsalita.

Di kayang ipaliwanag ang inis na biglang sumaklob sa kanyang dibdib nang mga sandaling yun. Pakiwari niya'y lahat ng kanyang dugo sa buong katawan ay umakyat sa kanyang ulo na gusto niyang manapak ng tao ngayon.

"Love, andito pala ang hilaw mong asawa?" puna ni Chelsea, nakilala siya agad kahit nakatalikod siya rito.

Pero best actress pa rin siya sa pakikipagplastikan, walang kaduda-duda yun nang humarap siya sa dalawa at lumapit kay Vendrick na noo'y napakamot sa batok nang magtama ang kanilang mga mata.

Iniiwas niya agad ang tingin dito, pailalim na pinagmasdan ang katawan ng dalagang tila nang-aakit sa suot na two-piece bikini. Ano pa bang tawag dun, nang-aakit nga!

"Andito rin pala ang kabit mo, hon," aniyang nakangiti nang pagkatamis sa dalagang biglang tumalim ang tingin sa kanya ngunit nang makabawi'y kumapit naman sa kabilang braso ni Vendrick.

"As far as i know, pinakasalan ka lang ni Vendrick para maibalik ang mana ni lolo sa kanila," patuyang sagot ni Chelsea.

Siya naman ang humaba ang nguso sa inis at hinila ang braso ni Vendrick palapit sa kanya saka siya humarap dito.

"Ganun ba? Eh ano pala yung marriage contract na pinirmahan ko kagabi? Don't tell me hon, peke ang mga yun?" maarte niyang sambit pagkuwa'y pinandilatan si Vendrick nang mapasulyap ito sa kanya kasabay ng pag-apak niya sa paa nito.

Hinila naman ni Chelsea pabalik dito ang isang braso ng lalaki.

Hindi makapalag ang lalaki sa kanilang dalawa at mahinang napa- "ouch!" sa kanyang ginawa.

Si Manang Viola nama'y sinenyasan ang mga katulong na magsilabasan na ng kusina ngunit nang makita silang naghihilahan ni Chelsea sa braso ng lalaki'y nanatiling nagsitayo sa kinarururonan ang mga ito.

"Vendrick, love. Ayukong patulan si Marble kahit halatang gusto niya akong awayin. Baka kasi makasama sa ipinagbubuntis ko. Pwede bang paalisin mo na lang siya rito?" sumbong ni Chelsea, as if ito ang inaapi.

"Makakasama pala sa ipinagbubuntis mo, kawawa ka naman. Maselan ka palang magbuntis. Pero bakit flat yang puson mo? May laman ba talaga 'yan?" painosente niyang sambit.

Namula bigla ang pisngi ni Chelsea at hinila na uli ang braso ni Vendrick.

"Love, away niya ako, oh." Parang bata itong nagsumbong.

"Marble, stop it please," awat na ng asawa.

Tiim-bagang na tinitigan niya ang lalaki at inis na tumalikod saka nagmamartsang lumabas sa silid na yun.

Duon lang nagtakbuhan palabas ng kusina ang mga katulong.

Nanagagalaiti na naman sa galit na dumiretso siya sa labas ng bahay hanggang sa di niya namalayang papunta pala sa swimming pool ang daang tinatahak niya.

"Marble!" tawag ni Gab nang makita siyang palabas ng bahay.

Babalik na sana siya sa loob ngunit nakakahiya naman kung basta na lang siyang tatalikod rito't magkunwaring wala siyang nakita gayung nagtama na ang kanilang paningin ng binata.

Minabuti na lang niyang lumapit dito at gumanti ng ngiti sa bisita.

"Good morning!" bati sa kanya nang lumapit siya, tumayo na ito mula sa pagkakasandig sa outdoor lounge chair sa gilid ng pool.

"Good morning po, Sir Gab," alanganin niyang bati rito sabay yakap sa sarili nang mapansin niyang napatitig ito sa kanyang suot na kinapos sa tila, tama lang na natakpan ang kanyang panloob.

"You really are gorgeous in all aspects, Marble," puno ng paghangang wika nito nang sumalubong sa kanya.

Isang nahihiyang ngiti lang ang kanyang iginanti.

Lumapit ito lalo hanggang sa madikit ang braso nito sa kanyang braso dahilan upang mapaatras siya nang bahagya ngunit hinawakan nito ang kanyang magkabilang balikat.

"Marble, I know this is hard for you. Marrying a man who doesn't really love you, it sucks. But if you wish, I can help you," mahina nitong saad sa kanya.

Napayuko siya habang yakap ang sarili. Mas ramdam niya kasi ang tila nakakabastos na titig ng binata sa kanyang katawan na para bang wala siyang damit. Naninibago siya sa paraan ng mga titig nito.

Pakaswal lang ang ginawa niyang pagpiglas at pag-atras saka nakangiting nag-angat ng mukha.

"This is my choice. Wala akong pinagsisisihan sa naging choice ko. I hope you understand," aniya sa paraang hindi ito mao-offend.

Lumapit na uli ito sa kanya at akmang hahawakan na uli ang kanyang balikat nang marinig ang boses ni Vendrick.

"Marble!"