Chapter 91 - PARTING TIME

"Bakit kasi sumagot ka pa? Ama mo 'yun, 'di mo dapat sinasagot," sermon niya sa binata habang nakaupo ito sa gilid ng kama at pinapahiran niya ng ointment ang pumutok nitong dahil sa suntok ng ama.

"Lalo ka talagang pumapangit pag umiiyak." Pag-iiba nito ng usapan. Isang matalim lang na sulyap ang kanyang iginanti rito sabay diin ng daliri sa nasugatan nitong labi.

Napangiwi ito sa sakit.

Nakatingin lang ang guard sa kanila habang nakatayo sa di-kalayuan.

Ang matanda nama'y wala pa ring kibo.

"Sa sunod, ikaw na lang ang umiwas sa papa mo. Kaya ko naman ang sarili ko eh. 'Pag 'di ko nakaya, eh 'di aalis ako dito," bilin niya sabay singhot at pahid ng luhang dumaloy sa kanyang pisngi.

"Tahan na," saway din nito sa kanya, pagkuwa'y lumingon sa matandang wala pa ring kibo. Sabagay, 'di nga raw ito makapagsalita sabi ng doktor.

"Okay ka lang bang mag-isang nag-aalaga kay Lolo? Baka mahirapan ka lalo na 'di na siya makalakad ngayon," nag-aalalang usisa ng binata.

Mabilis siyang tumango.

"Oo okay lang ako. Magaan lang naman siya eh tsaka sanay na akong mag-isa siyang inaalagaan," sagot niya.

"Marble..." Yumuko ito.

"Hmm?"

"Aalis na ako sa sunod araw."

Natahimik siya, biglang suminghot.

"Kelan ka babalik?" Garalgal na ang kanyang boses.

"After 4 years. Nangako ako kay mama, hindi ako babalik hanggat 'di nakakatapos ng pag-aaral," sagot nitong nakayuko.

Gusto na niyang humagulhol ng iyak. Bakit biglang bumigat ang kanyang pakiramdam?

Pero ayaw niyang mag-alala ang binata kaya pinahid niya agad ang luha sa mga mata at napilitang ngumiti nang mag-angat ito ng mukha saka tumitig sa kanya.

"Mas maganda nga 'yon. Para pagbalik mo at nakita mo ako, magugulat ka na lang, ang ganda ko na," pabiro niyang sagot sabay hagikhik.

"Walang silbi 'yon kung bobo ka pa rin pagbalik ko," biro din nito.

Bigla niya itong hinampas sa balikat.

Tumawa ito nang malakas.

Napangiti na rin si Gani na nakikinig sa kanila.

"Marble..." Sumeryoso na uli ito, sabay hawak sa kanyang kamay.

"'Wag mo akong kalilimutan," saad nito.

"Natural! Pa'no ko ba makakalimutan 'yang pagmumukha mong 'yan? Ikaw lang naman 'yong lalaking nambu-bully sa'kin nang matindi," sagot niya, nakataas pa ang isang kilay sabay irap dito. Pero sa totoo lang gusto na talaga niyang bumulyahaw ng iyak kanina pa. Pwede bang sabihin niya ritong wag na itong umalis kasi mami-miss niya ito?

"Marble..."tawag na uli sa kanya.

"Hmm?"

"Pag-uwi ko, magbayad ka ng utang ha? Anlaki pa nun eh," sambit nito, walang halong biro sa sinabi.

Bigla niya itong binatukan sa inis niya.

"Giatay ka talaga. Aalis ka na nga lang, ang utang ko pa ang iniisip mo. 'Wag kang mag-alala, babayaran ko yun, may tubo pa!"

"'Di nga, seryoso. Magbayad ka ng utang mo. Hindi libre 'yon. Wala nang libre ngayon," giit nito, nakataas pa ang isang kilay.

"Oo na!" singhal niya, nawala ang lungkot sa mukha, napalitan ng inis.

"Umalis ka na nga!" pagtataboy niya.

Humalakhak ito aa tuwa sabay tayo.

"Sige na nga. Makaalis na nga!" tila inis na rin nitong sambit saka nagmamadaling humakbang palapit sa may pinto.

Napakagat-labi siya, para talagang tinutusok ang kanyang dibdib sa sakit.

"Binbin..."garalgal ang boses niyang tawag, nagbabadya na namang pumatak ng kanyang luha. Pakiramdam niya iyon ang huling araw na makikita niya ang binata.

Kabubukas lang ni Vendrick ng pinto nang tumawag siya kung bakit bigla itong pumihit paharap sa kanya at tumakbo nang lumapit saka siya siniil ng halik sa mga labi.

Nagulat siya sa ginawa nito ngunit 'di siya pumalag, sa halip ay inilagay niya ang mga kamay sa likod nito. Pa'no bang gumanti ng halik? Wala siyang alam, basta pinakiramdaman lang ang paninindig ng kanyang balahibo habang hinahayaang magkalapat ang kanilang mga labi. Kahit ang binata, hanggang duon lang din seguro ang alam nito, o ayaw siyang ipahiya sa mga taong nakamasid sa kanila ngayon.

Ahh, wala siyang pakialam. Ang mahalaga nakayakap siya sa binatang sa mura niyang edad ay nagparamdam sa kanya kung ano ang pag-ibig at gusto niya iyong suklian ng katapatan.

Kung 'di nila naramdamang kapwa mapupugto ng kanilang mga hininga ay di pa sila maghihiwalay at sasagap ng hangin. Mabilis siya nitong niyakap.

"Promise me, you'll wait for me. Promise me." garalgal na rin ang boses nito.

"I will. I promise."

Natawa sa saya ang binata. Kahit papano'y alam na niya sumagot ng English.

Kung 'di pa tumikhim ang guard, 'di pa sila tuluyang maghihiwalay at 'di pa aalis si Vendrick sa silid na 'yon.

*************

Seninyasan ng matanda ang guard na umalis na saka siya nito tinawag.

"Itayo mo ako," utos sa kanya, pero hindi na siya nagtaka sa sinabi nito.

"Sabi ko na po, wala ka namang sakit eh."

Nagulat siya nang bigla ba naman siya nitong batukan.

"Kung makapayo ka sa apo kong 'wag sasagot sa ama, daig mo pa ang nanay niya. Pero kung makasagot ka sa'kin, parang kaedad mo lang ako. 'Di hamak na mas matanda pa ako sa lolo't lola mo!" sermon nito sa kanya.

Nakanguso siyang hinihimas ang nasaktang batok.

"Magpapaalam naman po kayo kung babatukan niyo ako. Ang sakit eh, 'di ako makapalag," angal niya habang inaalalayan itong makatayo at makaupo sa wheelchair.

"May nananakit bang nagpapaalam?" singhal nito, tila ngayon lang naging kumportable sa kanya.

Hindi na siya magtataka kung kanino nagmana si Vendrick.

"Get those books," utos na uli sa kanya nang makaupo sa wheelchair at mahagip ng tingin ang kanyang mga libro sa ibabaw ng center table.

Sumunod naman siya, ibinigay niya rito ang isang aklat, saka binuklat pagkuwa'y dismayadong nagpalipat-lipat ng tingin sa kanya at sa libro.

Nang usisain niya kung anong binabasa nito, ang mga sagot pala niya, isang buwan na ang nakakalipas.

"Hindi mo masagutan 'to, samantalang pang grade four lang ang mga tanong na 'yan?"

Nanlaki ang kanyang mata sa pagkagulat.

"Pa'no niyo po nalamang ako ang sumagot ng mga 'yan?" gulat pa niyang tanong.

Inihagis nito sa kanya ang libro.

"Idiot! 'Di ba't ikaw mismo ang nagsabing matagal mo na akong inaalagaan. Alangang nasa kabilang bahay ang may-ari niyan!" singhal na uli sa kanya.

"Kung maka-idiot naman kayo, wagas. 'Di ba pwedeng engot lang?" nagtatampo na niyang wika sabay irap.

Lihim itong napangiti. Sa tanang buhay nito at sa ganung edad, ngayon lang ito nakakita ng taong walang pakialam kung sino ang kausap, basta sasabihin ang gustong sabihin.

"Basahin mo ang bawat pangungusap at sagutan mo ng tama. Hindi ka kakain ngayon hanggat 'di tama ang sagot mo," utos sa kanya.

Napahikbi na siya.

"'Di ko nga po alam ang sagot. Turuan niyo na lang kaya ako."

"'Wag ka ngang umiyak. Lalo kang pumapangit!"

'Di sinasadyang tumalim ang tingin niya rito.

Subalit seryoso ang matanda. Hindi siya pinakain hanggat 'di niya nasasagutan ng tama ang bawat bilang ng mga tests sa libro.

Pero tinuruan siya nitong magbasa ng tama. Ito ang nagsilbi niyang guro kahit sa loob lang ng ilang oras.

Magaling magturo ang kanyang alag, bawat pangungusap ipinapaliwanag sa kanya, bawat salita binibigkas ng tama hanggang sa nakukuha niya ang ibig sabihin nun.

Sa maikling oras lang na dilat ang mga mata nito, marami na agad siyang natutunan dito, ilang tests din ang naperfect niya.

'Yun nga lang, halos maghahatinggabi na nang makakain siya ng hapunan. Buti hindi sumakit ang kanyang tyan.

Saka lang din ito natulog pagkatapos niyang mag-aral.