*Hello! before I post the next chapter. You can find more of my stories in wattpad and dreame. Ito po ang mga account names ko: ♥️
Wattpad: @AuraRued
Dreame: Aura
***
"TAMA na iyan."
Nasa loob sila ng kwarto ni Lily at kasalukuyang ginagamot ni Ara ang sugat niya sa pisngi. Hindi parin siya mahinto sa kaiiyak dahil masyadong siyang nasaktan sa pag-uusap nila ni Juda. Ang alam lang ng pinsan ay nasugatan ang pisngi niya sa tinik ng halaman noong naghahanap siya ng bato. "Masyado ba talagang masakit?" Tumango siya sa gitna ng hikbi. Ang tinatanong nito ay ang sugat pero puso ang dinaramdam niya.
Sinaktan siya ni Juda.
Gustung-gusto na niyang sabihin dito ang totoong problema pero nahihiya siyang isipin ng pinsan na assuming siya. Ayaw niyang ma-judge kahit kajudge-judge naman talaga. Baka din makarating kay Gavin, mas nakakahiya iyon. Dumating ang pinsan niya nang gabi sa parehong araw, at naabutan nga siyang nakatunganga sa kwarto.
"So, kasi nasugatan ka sa kakahanap ng bato, dapat may nakita ka man lang kahit isa." anitong tumuwid ng upo
"Wala." iling niya. Naiwala niya ang bato nang matumba siya sa kwarto ni Juda. Tumilapon iyon sa kung saan at wala na siyang balak pang hanapin at bumalik sa lugar na iyon.
"Ganun ba. Gusto mo sa'yo nalang tong singsing?"
"No, of course not. Sa'yo iyan eh, hindi naman necessary na magkaganyan ako."
"Okay, sige. Hahanapan nalang kita, anyways, uuwi kana sa makalawa!" excited na sabi ni Ara, ngumiti din siya pero hindi umabot sa mata.
"I-kiss mo ako kay Mama at Papa, ha?" anitong namamasa ang mga mata. Kahit siguro masaya ito sa Sauros ay hindi parin nito maiwasang mangulila sa mga magulang.
"Ako nang bahala." tango niya na naluluha na naman.
Niyakap siya ng pinsan na ginantihan naman niya.
UMAGA, araw ng pag-uwi ni Lily sa Earth, nasa lugar sila kung saan parang airport. Napakalapad ng lugar, gawa sa makapal na bakal ang sahig at napapalibutan ng spaceships sa iba't-ibang kulay at laki. May triangle na kulay itim, iyong ginamit sa pagrescue sa kanila sa Rattus, may kagaya noong sinakyan nila galing Earth na silver na bilog at mayroon ding itim na napakalaking sasakyan na sa tantya niya ay kasing laki ng isang mall. May mga manggagawa doon na nakadamit ng gray overall na kahawig nang sa mga engineer, ang iba ay nagkukumpuni ng shuttles ang iba naman ay tila may nilalagay na cargo. Namangha siya sa nakita pero hindi lumarawan iyon sa mukha dahil mas nangibabaw sa kanya ang lungkot. Lungkot dahil malabo nang makita niya ulit ang pinsan at dahil aalis siya nang may malaking sugat ang puso.
Nasa loob si Gavin at hinahanda ang sasakyan. Si Mali at Ara ay nakatayo sa gilid ng nakababang pintuan ng spaceship.
"Mag-iingat kayo sa byahe." saad ni Ara. Mahigpit na kumontra si Gavin na makasama ito dahil masama ang pakiramdam ng babae, madalas itong nagkakaroon ng mababaw na lagnat nitong mga nakaraang araw. Nakaschedule rin sa araw na iyon ang consultation nito sa isang doctor.
Mahigpit niyang pinisil ang kamay ng pinsan. Nalulungkot siya dahil maikli lamang ang panahon na binigay para mas magkakilala sila higit sa pagiging magpinsan. Kung bibigyan siya ng chance ay gusto niyang maging close pa dito at makasama ito nang mas mahabang panahon. Sa kulitan, chikahan, sa hapagkainan at paghahanap ng mga makukulay na bato. Ngayon, lubos niyang naiintindihan ang happiness na sinasabi nito sa piling ng isang hindi taga mundo. Tinuruan siya nitong mamulat na may magagandang lugar maliban sa Earth gayundin ang makihalubilo at maappreciate ang ibang klase ng nilalang. Kasi aaminin niya, noon akala niya ay ang mga aliens ay puro masasama, iyon naman kasi ang nakikita niya sa balita at movies, pero ang totoo minsan, mas nagtataglay pa ang mga ito ng mabubuting loob kumpara sa mga tao.
"Huwag kang mag-alala, kasama ko naman ang jowa mo kaya siguradong safe ang byahe namin, aaand, gaya ng sabi ko, ako nang bahalang magmagic ng lusot sa mga parents mo. Just... be happy, always." aniyang ngumiti.
"Okay." ngiti din ng basa nitong mata.
Sunod niyang nilapitan ay ang katabing si Mali. Naging mabait sa kanya ang babaeng katulong at inalagaan siya nito nang maayos simula nang dumating siya sa Sauros. Mula sa paghanda ng pampaligo, damit at sa paglilinis ng kwarto niyang palaging niyang niraransak. Nilalabas kasi niya halos lahat ng gamit sa closet bago makapagdecide kung ano ang susuotin kahit na nga ba iikot-ikot lang din naman siya sa mansion. Bunga din iyon ng pagkabagot niya.
"Mali, gurl, salamat ng marami. Pag-aaralan ko iyong patwirl-twirl na ginagawa mo sa buhok ko." nasanay na itong tawagin niya nang ganoon, ipinaliwanag naman niya na tawagan iyon sa Earth ng mga babaeng tao na malapit sa isa't-isa, natuwa naman ito.
"Sana ay naging masaya ang pamamalagi mo dito sa Sauros, My lady. Ikinagagalak kong nakapunta ka dito at nakilala." banayad nitong ngiti
"Ako din, masaya ako at nakilala ko ang red mong beauty." aniyang pabirong hinaplos ang braso nito. "Mamimiss kita." niyakap niya ng mahigpit ang babaeng Sauro.
Bumitaw siya at bumaling sa gilid nito, wala nang kasunod. Wala ang kanina pa'y iniisip niya kung darating o hindi, napangiti siya. Sabi na nga ba at hindi ito darating, alam niyang kasinungalingan ang lahat ng binitiwan nitong masasakit na salita. Hindi niya alam kung ano ang dahilan bakit nito nagawa iyon pero ramdam niya na kabaliktaran ang laman ng puso ni Juda. Hiniling niya na makita ito sa pag-alis niya dahil kung mahal siya nito ay masasaktan itong mawala siya. Ang paraan na iyon ang naisip ni Lily para ikompirma ang totoong nararamdaman ng lalaki. Kapag napatunayan niya na mahal siya nito, at least uuwi siyang buo ang puso; malay niya baka maisipan nitong sunduin siya sa Earth gaya ng ginawa ni Gavin kay Ara.
Nabuhay ang tatlong malalaking ilaw sa harap ng bilog na spaceship, pati narin ang maliliit na ilaw na nakapalibot sa gilid nito.
START ENGINE. ang sabi ng voice prompt.
Handa na ang shuttle sa pag-alis, tinatawag na rin siya ni Gavin na kasalukuyang nakatayo sa bunganga ng pintuan.
Tumalikod si Lily para pumasok sa shuttle subalit sa paghakbang ay narinig niya ang mabibigat na yabag sa likod. Pakiramdam niya ay nagsara ang dalawa niyang tainga sa iba at iyon lamang ang tanging naririnig. Nakakabingi at dumadagundong, palakas iyon ng palakas. Nabura ang ngiti sa mga labi at naestatuwa siya, tila ipinako ang mga paa ni Lily sa sahig dahil hindi na niya iyon kayang ihakbang. Kasunod niyon ay ang pagsilip ng kanina'y akala niya'y natuyo nang luha. Nang huminto ang pamilyar na tunog di kalayuan sa pwesto niya ay bimitaw ang mainit na likido na nakalambitin sa kanyang mga talukap, naramdaman na naman niya ang pagsakit ng ilong at pagkabasa sa loob niyon. Pigil ang hiningang dahan-dahan siyang lumingon sa likod.
Tuluyang kumawala ang unang hikbi sa bibig ng dalaga nang makita ang lalaki.
"Dumating ka..." saad niya sa kabila ng baradong ilong.
Diretsong nakakatitig lang si Juda sa umiiyak niyang mukha, tuwid itong nakatayo sa tabi ni Mali. Wala siyang makitang lungkot dito o kahit kasiyahan, hindi niya mabasa kung ano ang laman ng isip. Nililipad ng hangin ang matingkad na kulay pula nitong kapa na naghatid sa kanya ng magagandang alaala. Ala-alang sinapuso at nabigyan ng maling interpretasyon.
"Kagaya ng sinabi ko." sagot nito
Ilang sandali bago mahinang tumango at nagsalita ulit si Lily.
"Tinatanggap ko na... ang lahat... Maraming Salamat."
Hindi malaman nina Ara at Mali kung ano ang ibig sabihin ng salita ni Lily. Tinuyo ng huli ang pisngi saka tumalikod, naglakad paakyat ng Shuttle at tinanggap ang nakalahad na kamay ni Gavin.
THE DOOR IS CLOSING.
Unti-unting tumaas ang pintuan ng sasakyan, ilang segundo nalang ay buo na iyong magsasara. Bago tuluyang matakpan ang tanawin ay lumingon si Lily sa labas at sa huling pagkakataon, mula sa kintatayuan ni Juda, ang hilam sa luhang anyo ng babae ang nakita.
'NAKAALIS na sila.'
Kung hindi lang sana masama ang pakiramdam niya ay gustung-gusto niyang sumama. Namimiss na niya ang Earth, ang bahay nila at mga magulang. Umiyak pa siyang nagpumilit sa nobyo pero hindi parin ito pumayag. Naiintindihan naman niya na nag-aalala lang ito, makakasama kasi ang mahabang pag-byahe sa kalawakan kapag wala sa kondisyon ang katawan lalo na at tao siya, hindi sanay sa ganoon.
Nagpaalam na si Mali kaya kailangan na din niyang sumunod, may appointment pa siya sa doctor maya-maya. Tumalikod si Ara para umalis na ngunit natigilan, si Juda kasi ay hindi parin kumikilos sa kinatatayuan. Nakatitig parin ito sa kalangitan kahit wala nang bakas na naiwan doon ang shuttle. Hahayaan na sana niya ang lalaki pero nakuha ang attention niya sa munting patak ng dugo sa sahig malapit dito. Nagtatakang pinagala niya ang paningin kung saan iyon nanggaling at natagpuan ang dumaloy na pulang likido sa kamao nitong mahigpit na nakakuyom. Malungkot na napabuntong-hininga si Ara at wari ay piniga ang puso niya.
'Naiintindihan ko na.'
ONE WEEK LATER
"LILY, nagkita kami nung barkada mong nag-aaral sa Ateneo. Yung, Marian ba 'yun? Nangungumusta, ilang araw ka na daw nilang hindi nakikita." narinig niyang saad ng Mommy niya na nasa kusina, kagagaling lang nito sa palengke at namili ng gulay.
Yakap niya ang mga binting nakaupo sa sofa, nanonood ng National Geographic sa TV, reptiles ang topic. Maliban doon, magmula noong nakabalik siya sa Earth ay wala na siyang ginawa kundi ang magmukmok. Totoo ang sinabi ni Ara na mas mabilis ang takbo ng oras sa Sauros, sa tantya niya ay naglagi na siya sa kalawakan ng isang buwan pero katumbas noon sa Earth ay limang araw lang. Ang sabi niya ay hinatid niya si Ara sa Davao, nainlove ang pinsan at nakipagtanan, naintindihan niya ang feelings nito kaya sumuporta siya. True diba? Medyo mahigpit din kasi sa ganoon ang mga magulang nito kaya swak ang story telling. Sa Davao ang sinabi niya para masyadong malayo sa Batanes kung saan sila nakatira, edge to edge. Nagkagulo ng kaunti, halos mahimatay si Tita Wendy na mommy nito, naglasing si Tito Rey, pero in the end wala nang nagawa. Ang sabi niya ay masaya si Ara at nasa mabuting kalagayan, hindi makakakontak dahil walang signal sa bundok at bibisita ito pagdating ng tamang panahon. Saka na niya poproblemahin kung paano gagawan ng lusot ang tamang panahon na iyon.
Hiniling niya sa mga magulang na dagdagan ang limang araw na absent ng isa pang linggo dahil masama ang pakiramdam niya, napagod sa byahe. Umani siya ng unlimited boljak pero pinayagan na rin.
"Itetext ko nalang siya, Ma." walang gana niyang sagot
"Lumabas ka naman Lily, namumutla kana sa kakakulong dito sa bahay." Nagsasalansan ito ng mga gulay sa ref.
"Papasok naman na ako sa makalawa, Ma."
Hinawakan ni Lily ang hikaw na nasa tainga, binigay iyon ni Ara bago siya umuwi. Maliban sa memories ay iyon lang ang tanging souvenier niya galing sa Sauros dahil nawala ang cellphone niya noong inambush sila ng kalaban, may mga pictures pa naman sana siya doon. Maliit na stud earring iyon na may nakadikit na batong kapares ng sa singsing ng pinsan. Ang sabi ay binigay iyon ni Gavin para sa kanya, ang bait talaga ng boyfriend nito, kung sana ganoon din ang kapatid. Pilit niyang binubura ang masakit na pinagdaanan pero hindi parin niya maiwasang maiyak lalo kapag gabi, kung kailan tahimik na ang lahat. Makaka move-on din siya, sa ngayon, kakanta nalang siya ng 'Someday' ni Nina.
"MANONG, bayad po." abot ni Lily sa pera sa driver.
Pauwi na s'ya galing sa eskwela. P'wede namang lakarin nalang ang isang kilometrong distansiya ng school at village nila pero tinamad siya at pa-gabi na kaya nagjeep na siya. May mangilan-ngilang dumadaan na de-padyak sa daan.
"Lily, sasakay ka?" yaya ng isang driver, kilala na ng mga driver doon ang pamilya nila dahil sa haba ng panahon nilang nakatira. Nakakatuksong sumakay para mapadali ang pagdating niya sa bahay nang makahiga na rin sa kama pero may kailangan pa siyang daanan.
"Huwag na po, dadaan pa po kasi ako sa tindahan." Bibili siya ng Dolfenal dahil sumasakit ang puson niya simula kanina, siguro ay ovulation na niya. Dalawang linggo na rin kasi simula nang datnan siya.
"O, sige mag-iingat ka, gabi na." tumango siya sa lalaki. Wala namang problema kung gabi na, lagi naman siyang naglalakad ng mag-isa doon at hindi naman masyadong kalayuan ang bahay nila.
Nang mapatapat siya sa bakanteng lote ay tila may narinig siyang bulungan. Luminga si Lily pero wala namang tao sa paligid. May nakatambay na mga binatilyo sa unahang tindahan pero malayo iyon para marinig niya ang mga boses.
"Eius est!" anang matinis na boses
"Ego me dixi vobis." sagot naman ng isa. Medyo mababa ang boses kumpara nung nauna
'Ano 'yun? Creepy!' naisip niya habang hinigpitan ang hawak sa shoulder bag.
Nabigla si Lily nang biglang lumitaw ang isang nilalang sa harap niya, hindi niya klaro ang hitsura nito dahil madilim pero parang ang laki ng ulo. Tanging ang mga mapusyaw na buntot ng ilaw lamang na nanggaling sa pinakamalapit na bahay ang tumutulong para makita ang paligid.
Naglakad palapit sa kanya ang tao kaya nagpanick na siya.
"S-sino ka?!"
Napasinghap si Lily nang sa pag-atras niya ay may mahigpit na humawak sa dalawa niyang kamay mula sa likod. Sisigaw na sana siya para makahingi ng tulong ngunit naunahan siya ng taong nasa harapan para takpan ng tela ang mukha niya. Pilit siyang sumigaw at kumawala ngunit sadyang malalakas ang mga ito. May nalanghap siyang matapang na amoy galing sa tela, masakit iyon sa ilong. Ilang sandali lang ay ramdam na niya ang panghihina, umikot ang buong paligid at tuluyang dumilim ang kanyang paningin.