Chapter 7 - Part 7

NAABUTAN ng pagsabog ng control room ang emergency shuttle nila Juda kaya nadaplisan ang bandang likuran.

"Shit!" malutong nitong mura

"Hoy Juda! Tulungan mo'ko dito!" kung kaninay nakasubsob siya sa upuan, ngayon nama'y tabingi siyang nakadikit sa gilid ng shuttle kasi hindi man lang siya nabigyan ng chance na ayusin ang sarili. Bigla nalang bumulusok pababa ang pambihirang mini spaceship.

Pero kahit na siguro mawasak ang vocal cords niya sa kasisigaw, mukhang pumutok na din siguro ang eardrums ng kasama kasi parang wala itong naririnig.

Sa halip, pinindot ng hinayupak na butiki ang communication device sa braso nito at tinawagan ang headquarters. Ilang ring lang ay mayroon nang sumagot. Lumitaw ang hitsura ng kalahi nito.

"Commander."

"Inambush kami ng Anguis. Nakatakas na sila Gavin pero ang shuttle ko nadaplisan sa likod. Mukhang hindi na ito makakarating sa Sauros kaya mag I-emergency landing ako sa pinakamalapit na planeta ng Piscis."

Habang busy sa pakikipag-usap ang lalaki nagsariling sikap na lamang si Lily na saklolohin ang sarili. May nakita siyang malapad na tali sa tabi ng upuan na sa pagkakaintindi niya ay seatbelt. Pilit inabot ng maikli niyang kamay iyon at hinila hanggang sa makapwesto siya sa upuan ng maayos.

'Bwisit talaga ang butiking 'to!'

Itinali niya iyon sa katawan at ikinabit ang dulo sa kabilang side ng upuan.

"Copy commander, agad n'yo pong ipaalam sa amin kung saang planeta kayo tutungo. Maghahanda po agad kami ng rescue operation."

"Hindi mo na kailangang sabihin sa akin iyan." puno ng angas nitong sagot sa kausap. "Over and out."

'Nakakarinig naman pala, eh, dinedma lang talaga ako ng halimaw!'

"S-saan tayo pupunta, Juda?" tanong ni Lily sa mahinahon nang tono pero hindi parin sinasagot ng lalaki.

TININGNAN ni Juda ang mapa sa monitor. May tatlong karatig na planeta ang Piscis. Ang pinakamalapit ay ang maliit na lugar ng mga alakdan, ang Scolopendra. Pero sa pagkakaalam niya ay wala iyong matinong koneksiyon sa Sauro, nahuhuli din ang teknolohiya na ginagamit. Baka mahirapan siyang makahanap ng matinong tulong. Ang sumunod ay ang isa din sa makapangyarihang planeta sa kalawakan, ang Simia o kaharian ng mga Unggoy. Kung kagamitan ang pag-uusapan, maihahalintulad sa Sauro ang kakayahan pero diskumpyado siya na makakahingi siya ng tulong dahil kamakailan lang ay nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang lahi nila sa mga ito tungkol sa pinansyal.

Damn. Ngayon n'ya mas napagtanto ang malaking kahalagahan ng koneksyon.

May isap pa namang naiwang pagpilian, ang Rattus, planeta ng mga daga. Maganda ang relasyon ng pamahalaan nito at ng Sauro, may makabago ding kagamitan lalo sa komunikasyon, perpektong mahihingan ng tulong sa panahong iyon. Ang kaso, hindi siya sigurado kung makakaabot ang shuttle nila sa lugar na iyon dahil ngayon palang ay hindi na niya makontrol ng maayos ang bilis. Nagloloko na ang makina.

Pinindot niya ulit ang device pero static ang unang sumagot.

"Co-krrrsshhzzt...kkrrszt..."

Bahagyang pinukpok ni Juda ang device.

"Sa Rattus ako tutungo. Naririnig n'yo ba ako?"

"Kkrrsshzt...krshzzzt..."

"Nequam!" inis niyang pinukpok ulit ang suot na aparato. Nanlilisik ang mga matang pinagtuunan ang manibela. May pinindot na ilang buton sa kanan saka hinila sagad pababa ang isang bakal na korteng baliktad na L.

"Juice ko, roller coaster na naman ito!"

Narinig niyang usal ng babae saka kumapit ng mahigpit sa magkabilang gilid ng upuan.

NAGHANDA ang dalawa para sa paglanding. Unti-unting lumalapit ang shuttle sa kulay pinaghalong brown at green na planeta, nakikita na ang mga bundok. Plano ng lalaki na huminto sa lugar kung saan may makikitang mga gusali nang sa gayun ay hindi sila mahirapan sa paghanap ng maayos na komunikasyon sa pamahalaan nito. Pero malayo pa lang sila ay pumutok na ang likuran ng sasakyan at gumawa iyon ng malaking usok. Nagloko ang buong system ng dahilan ng agarang paglanding sa kabundukan.

"Hala ka! Ano na naman iyon?!" sigaw ni Lily

Umarangkada sila pababa sa kakahuyan kaya mas lalong nabugbog ang mga parte nito. Kung hindi naikabit ni Lily nang maaga ang seatbelt ay sigurado siyang nagpatumbling-tumbling na siya sa loob niyon. Ngayon nga ay halos mapugto ang hininga niya sa impact ng sasakyan sa mga punong nasagasaan.

Huminto sila sa gitna ng gubat, nilalamon pa rin ng usok ang sasakyan. Bumukas ang shuttle at bumaba si Juda, si Lily naman ay hindi pa nakarecover sa karumal-dumal nilang paglanding. Sabog ang brown niyang curly hair sa buong mukha.

"Pesteng buhay to!" mura ni Juda na sinipa ang shuttle

'Ay, formal tagalog pero may peste?'

Tumalikod ang lalaki at naglakad palayo na para bang wala itong kasama.

'Hala, iniwan ako?' Dali-dali niyang kinalas ang seatbelt sa katawan at padausdos na bumaba ng sasakyan. Lakad-takbo siyang sumunod sa malalaking hakbang ni Juda.

"T-teka lang! khughhh! Khughhh! Saan tayo pupunta? Puro puno lang ang nandito. S-saan tayo hihingi ng tulong?" tanong ni Lily sa habol na hininga dahil napopoison na ang lungs niya ang nalanghap na itim na usok.

Diretso lang sa paglalakad ang lalaki na parang walang narinig.

"At saka, naiihi ako. Hintayin mo'ko, gusto kong umihi muna. Brrrr!" wala paring sagot ang lalaki. Nagbabadya na sa exit ng perlas n'ya ang isang litrong wiwi. "Juda!" Napatigil si Lily nang marahas na lumingon ang lalaki at inilang hakbang na nilapitan siya.

"Itikom mo iyang bibig mo kung ayaw mong gilitan kita ng leeg!" duro nito sa mukha niya

Literal naman na nagbackward ang dila ni Lily sa sinabi nito.

'Ang harsh talaga ng butiki na'to! Hindi ba naimbemto ang G.M.R.C sa eskwela nila?'

Nagkasya na lang siya sa pamimilipit habang patuloy na sumusunod dito.

NAKATAGPO ng timing si Lily para pumuslit dahil tumigil si Juda sa paglalakad. Panaka-naka nitong tinataas ang hawak na device habang pabalik-balik sa lugar na iyon, tila naghahanap ng signal. Nakahanap siya ng perpektong kumpol ng malalabong halaman kay sumiksik siya doon at isinagawa ang matagal nang balak.

"Thank you, Looord!" para siyang napunta sa langit nang mailabas ang kanina pa ay pinipigilan. Nanginginig-nginig pa siyang napangiti. "This is life."

Natigil ang paghila ni Lily sa panty pataas at napakunot ang noo nang makaramdam siya ng tila magaspang na dumikit sa kanyang puwet, wala naman iyon kanina. Nagtataka niyang nilingon ang kung anumang nasa likuran para lamang mapatili nang malakas.

Isa iyong nilalang na sa tingin niya ay parang ahas pero mas pangit ang hitsura. Color gray na may malalaking magaspang na bilug-bilog ang balat. May kalakihan ang mukha nito at may tusuk-tusok ang leeg. Siguro ay nabigla din ito sa pagsigaw niya kaya nagalit at ngumanga, nagpakawala ng nakakatakot na hagishis at pinagmalaki ang maliliit ngunit matutulis na mga ngipin.

"Ahas! Ahas!"

Pagapang siyang lumayo, nahirapan na siyang tumayo dahil sa panty niyang nakatengga sa tuhod, idagdag pa na ang lapit ng pambihirang nilalang sa p'wet niya. Mangiyak-ngiyak siyang sumigaw ulit nang gumalaw ang pangit na ahas pasunod sa kanya.

"Huwag kang lumapit! Tulong! Tulooong!" Halos mabaliw na siya sa kakasigaw, wala siyang pakialam kung sumabog man ang lalamunan niya. Sa kakaatras ay nacorner siya sa isang puno, ilang dipa nalang ang ahas at wala siyang maisip kung paano tumakas dahil sa kaawa-awa niyang posisyon.

Nakabuka parin ang bunganga nito at handa na siyang tuklawin. Nauubusan na siya ng pag-asa sa katawan kaya mariin na lamang siyang pumikit at pigil ang hiningang hinintay ang katapusan.

'Goodbye Philippines! Goodbye Mama! Goodbye Pap--'

Thwak!

Ang tunog na narinig ni Lily, nakapikit paring nakiramdam.

'Walang masakit sa katawan ko, wala bang kumagat?'

Narealize ng dalaga na wala na pala ang ungol ng ahas kaya dahan-dahan niyang binuka ang isang mata, kasunod ang isa pa.

Itim na boots at pulang tela ang nakita ni Lily. Sa ilalim ng sapatos ay ang pitpit nang ahas. Nakatayo si Juda sa harap niya sa amused na mukha. Napalunok siya.

'Muntik na yun ah. Akala ko matitegi na'ko."

"Salamat." As expected, hindi na naman sumagot pero hindi parin nagbawi ng tingin.

Naconscious tuloy siya at inayos ang sarili, doon niya narealize ang kalunus-lunos na hitsura. Nakabukaka ang mga binti niya sanhi ng paggapang at nakababa ang panty. At dahil suot niya ang favorite at nag-iisa niyang mini skirt na floral kaya kita lahat ang hindi dapat mahantad. Napalunok ulit siya at nanlaki ang butas ng ilong. Ramdam ni Lily ang pag-init ng buo niyang mukha pati katawan.

"Bastos! Huwag kang tumingin!" sigaw niyang kumuha ng mga tuyong dahon at tinapon sa lalaki. Dali-dali siyang tumayo at inayos ang damit. "Hindi ko alam na maliban sa wala kang modo, bastos ka rin pala!" nag evaporate na lahat ang takot niya sa lalaki dahil sa matinding pagkapahiya.

"Hmf, kunwari ka pa. Sinasadya mo naman." bulong nitong tumalikod. Bulong lamang dapat iyon pero dinig na dinig niya dahil malaki ang boses nito

"Anong sabi mo? Excuse me, bakit ko naman gagawin iyon? Wala akong gusto sa iyo at lalong never akong magkakagusto sa tulad mo! Mukha nito." aniyang pinagpag ang puwet.

"The pleasure is mine dahil ayoko din sa mga nilalang na katulad mo." sagot nito

'Aba! Taglish at sumasagot na!'

Aarangkada pa sana ang bunganga ni Lily nang maalala ang sitwasyon. 'Naliligaw nga pala kami at ang kumag na 'to lang ang kasama ko. Baka iwanan ako pag nagalit. Nakow! Pagbalik natin sa Sauros, humanda ka talaga!'

No choice, nagkuha na lamang siya sa kabubuntot dito.