Chapter 8 - Part 8

LUMALAKAS ang tunog ng gutom na tiyan ni Lily. Buong araw na siyang walang kain. Ang huling tinanggap ng tiyan niya ay apple lang. Yes, may apple sa Sauros. Pati ibang prutas ay halos pare-pareho lang din. Hindi na siya nagtanong kung paano at bakit, ang mas mahalaga alam niya na safe ang mga iyon kainin. Kung alam lang sana niya na mag-aadventure sila nang ganoon kasaklap ay naghanda na siya ng baon.

'Ang butiki, hindi pa rin kumakain. May secret chamber ba ang tiyan niya para storage ng pagkain?'

"Juda, nagugutom ako. T'saka uhaw na'ko. Ikaw ba hindi? Break naman tayo."

Katahimikan. Ano pa nga ba? Napaismid siya.

Ilang dipa ang layo ng lalaki sa kanya dahil nga higante at malalaki ang hakbang. Kahit lakad-takbo siyang sumusunod dito ay wa epek, napapagod lang siya kaya hinayaan na niyang malayo ang agwat ng distansya. Hindi pa rin sila nakalabas sa kagubatan.

Tahimik ang paligid at tanging huni ng ibon, ihip ng hangin at tunog ng tuyong dahon na naapakan ang naririnig ni Lily.

'Hindi naman pala nakakatakot ang guba--" hindi na natuloy ng babae ang iniisip dahil naputol iyon nang bigla siyang dumausdos pababa sa isang butas.

Sa bigla ng pangyayari ay hindi niya nagawang sumigaw man lang. Pahiga siyang naglanding sa medyo maputik na lupa.

"Araaay!" Mangiyak-ngiyak niyang hawak sa balakang. "Ano na naman to?! Bakit ba andaming nakakamatay na bagay dito!" Pakiramdam ni Lily ay parang binugbog ang buo niyang katawan. "Judaaa!"

Maririnig kaya siya nun? Eh malayu-layo yun sa kanya.

"Judaaa! Tulong! Nahulog ako!" Tantya niya ay nasa pitong talampakan ang taas ng butas at ang height niya ay five two lamang. 'Kumusta naman kaya iyon?' Pinakiramdaman niya kung ano ang ginagawa nito. "Judaaa!" Nabasa na naman ang mga mata niya dahil sa pinaghalong sakit ng katawan at awa sa sarili. Niyuko niya ang sarili, tadtad ng dumi at putik ang buo niyang katawan. Bakit ba ganoon ang dinanas niya? Ano bang ginawa niyang kalokohan para parusahan nang ganoon? Gusto lang naman niyang tulungan ang pinsan niya sa akala niya ay mapanganib. Okay na sana na nalaman niyang mabait naman pala ang jowa ng pinsan. Bakit pa kasi siya sumama sa byahe? Naghintay nalang sana siya sa mansyon kahit bilangin nalang niya lahat ng peables sa pader. Buhay nga siya ngayon pero kasama naman ang bakulaw na walang paki kung mamatay man siya o hindi. Hihikbi-hikbi si Lily nang dumating si Juda.

"Juda!" may kagalakan niyang usal. "Tulungan mo'ko. Hindi ako makaakyat." saad ni Lily na itinaas ang mga kamay. Walang emosyon ang mukha ng lalaki na tumalikod.

Napanganga si Lily, hindi makapaniwala na ganoon ka walang puso ang kasama.

"Humanda ka, butiki ka! Makalabas lang ako dito, lilitsunin kita!"

MAGTATAKIPSILIM na pero hindi parin nakaalis si Lily, nawawalan na siya ng pag-asa. Baka doon na talaga siya mamamatay. Baka ang butas na iyon ay tinadhana para maging libingan niya.

'Mama, Papa, sorry po. Sorry dahil nauubos ko lagi ang allowance ko sa kakabili ng make ups. Sorry kung nagboyfriend agad ako nung twelve years old palang ako. Sorry kung binibigyan ko kayo ng problema minsan. Elio, sorry kung hindi kita binibigyan ng bili kong ice cream. Sorry kung kinukupit ko ang ipon mo sa alkansya. Sorry kung hindi ako naging best sister. Sorry sa lahat. Hindi ko na kayo makikita.' Ang kaninang pinipigilang luha ay tuluyan nang naglandas sa pisngi niya. Pumalahaw siya nang abot sa kanyang makakaya. Ang lahat ng pagod, pagkalito, gutom, takot at awa sa sarili ay doon niya ibinuhos. Nanatili si Lily ng ganoon hanggang sa gumabi. Mugto ang mga mata at mahihinang hikbi na lamang niya ang maririnig.

Nagtagpo ang mga kilay ni Lily sa naamoy na, 'Grilled fish?' May nag-iihaw ng isda?' Tumayo siya sa kinalalagmakan at mas pinatalas pang-amoy. 'Meron nga! May mga bahay na siguro malapit dito?' Kailangan niyang makaalis sa butas nang sa ganoon ay makahingi siya ng tulong sa mga nakatira doon.

Nag-isip si Lily ng iba pang paraan kung paano makaakyat, tinitigan ang pader na lupa at napangiti nang may maisip. Gamit ang mga kamay, naghukay siya sa gilid niyon, medyo malambot ang lupa kaya hindi siya nahirapan. Naghukay uli siya ng isa pa sa kaliwa, at dalawa din sa itaas. Inapak niya ang mga paa sa butas na nasa ilalim at pinasok ang mga kamay sa butas na nasa itaas. Nagsilbi iyong hawakan at apakan para unti-unti siyang makaakyat. Gumawa ulit siya ng dalawa pang ganoon hanggang sa nahahawakan na niya ang mga damo itaas. Doon siya huling kumuha ng lakas para tuluyang makaahon, hihingal-hingal siyang napahiga sa damohan.

"Oh My God! Nagawa ko! Nagawa ko! Wooo!" Halakhak niya na animo'y baliw.

Naalala ni Lily ang naamoy na Inihaw kaya tumayo siya at sinundan iyon. Hindi kalayuan mula sa kinaroronan niya ay natanaw niya ang isang bon fire. Katabi ng bon fire ay ang damuhong lalaki na nagpabaya sa kanya. Abala itong nilalantakan ang hawak na inihaw na isda.

"Diba nagugutom ka?" anitong tila walang nangyaring kalunos-lunos sa kanya. Magsusuper sayan na sana si Lily pero mas naunang nagreklamo ang sikmura, tumunog iyon nang pagkalakas-lakas. Napapailing at sarkastikong napatawa si Juda.

Lumapit si Lily sa bon fire at sa namimilog na mata'y kinuha ang isa sa mga nakasalang na isda. 'Thank you Lord, You're the best!' "Tubig, may tubig ka?" paismid niyang tanong. Sumenyas naman ito sa kaliwa na ipinagtaka niya. Tumayo siya para tingnan kung ano ang ibig nitong sabihin kaya nakita niya ang isang maliit na lawa. Tutop ang ibig na napasinghap si Lily pero nang maramdamang nakatingin sa kanya ang lalaki ay kaagad niyang binura ang tuwa sa mukha saka pinatirik ang mata at umirap.