Chapter 12 - Part 11

***Warning!!! This chapter contains MATURE content. Parental guidance is highly encouraged.

"Hi! Ako nga pala si Lily, anong pangalan n'yo?" nakangiting tanong niya sa dalawang bata. Tahimik ang mga itong nakatingin sa kanya, bahagyang nakatiklop ang mga cute nitong tainga, nahihiya pa siguro. "Huwag kayong matakot, mabait ako."

"Pagpasensiyahan mo na ang mga batang iyan, Lily. Bihira lang kasi kami nagkakaroon ng panauhin kaya medyo nangingilag pa sila. Ako nga pala si Amica." pagpapakilala ng babae kay Lily, mukhang nice ito.

"Nice meeting you, Amica. Sabi nga pala ni manong Balbo dito daw ako pansamantalang tutuloy sa bahay n'yo." Si manong Balbo ang head ng village na iyon. Iyon din ang nakausap nila kanina.

"Oo, napag-usapan na namin iyan. Halika, ihahatid kita sa magiging kwarto mo." Napag-alaman ni Lily na share sila ng higaan ni Amica kasi walang ibang extra na bakanteng kwarto. Medyo malaki naman ang kama kaya keri lang din. Si Juda naman ay sa bahay ni Manong Balbo nakituloy. "Heto, mga damit ko iyan, p'wede mong hiramin hanggat narito ka. Para naman malabhan mo nang maayos ang damit mo."

"Ay, maraming Salamat, Amica. Gustong-gusto ko na talaga maligo at makapagpalit ng malinis na damit. Nangangamoy fera bestia na'ko." aniyang inamoy ang kili-kili at napangiwi.

"Sige, ihahanda ko ang tubig para sayo. Sasamahan nalang din kita sa likod bahay."

"Salamat ha." naiwan si Lily sa loob ng kwarto kaya nagka-oras siyang tingnan ang mga nandoon.

Hindi kalakihan ang kwarto, sakto lang para sa dalawang tao, konti lang din ang gamit doon. May mga libro na nasa lamesang may nakapatong din na lampshade, nasa paanan iyon ng kama. May cabinet para sa mga damit, salamin sa gilid niyon at halamang mahahaba ang dahon nakaflower pot sa gilid ng pintuan. Homey, naisip ni Lily, parang sa Pilipinas lang din, namiss tuloy niya ang bahay nila pati ang pamilya niya. Mag-eemote pa sana si Lily nang bumukas ang pinto at sumilip si Amica.

"Lily, handa na ang pampaligo mo, halika na." Ang bait ng dalaga sa kanya, magaan na tuloy ang loob niya dito.

Nang gabing iyon ay mahimbing ang tulog ni Lily dahil sa preskong dala ng pagligo at malinis na gamit.

NAGISING si Lily Rose sa maiingay na hiyawan ng mga batang naglalaro. Malapit nga pala sa bintana ang kama kaya dinig na dinig niya ang mga iyon. Nag-inat siya at naghikab, iba talaga kapag may maayos na gamit at higaan, nakakabalik ng beauty.

'Rise and shine, Lily Rose! Ano bang pinagkaguluhan ng mga bata?'

Tumayo siya at sinilip ang labas ng bintanang walang kurtina. Sumalubong sa inaantok pa niyang mga mata ang sikat ng araw na pumapasok doon. Pati ang may kalamigang ihip ng pang-umagang hangin ay naghatid ng magaan na pakiramdam sa balat niya.

'Hmmn, fresh air.'

Bahagya niyang ipinikit ang mga mata para hindi mabigla sa liwanag. Nang medyo nasanay na ay dahan-dahan niyang binuka. Sa di kalayuan mula sa village ay ang malapad na berdeng kakahuyan at unahan niyon ay ilang malalaking bundok.

"Ang ganda."

Napataas ang kilay ni Lily dahil sumisigaw na naman ang mga batang daga, pinagkaguluhan si Juda. Nakapagtataka na hindi umiinit ang ulo ng lalaki sa kaguluhan at ingay. Nagsisibak ito ng malalaking kahoy gamit ang glaive, tanging pantalon lang ang suot ng lalaki. Wala ang mabigat na armor at kapa.

'Marunong din palang makibagay. Ang weird naman ng taste ng mga bata dito. Ayaw makipagkaibigan sa akin na maganda at mukhang angel pero aliw na aliw sa nakakatakot na halimaw .'

Bakit ba pangit ang pagtrato ng lalaki sa kanilang mga tao? Bakit ang bigat nalang talaga ng dugo nito? Kagaya na lang kahapon, kung paano siya pandirihan nito, napatakip pa ng ilong at garapalan pa talaga siyang iwasan!

Bumukas ang pintuan ng kwarto at iniluwa si Amica. "Gising kana pala, Lily. Magandang umaga!" nakangiting bati ng dalaga sa kanya. "Nadistorbo ka siguro sa ingay sa labas. Wiling-wili kasi ang mga bata kay Juda."

"Anong nakita ng mga bata sa kanya?" nakangiwing tanong ni Lily

"Pangarap kasi ng mga bata dito ang maging malakas kagaya kay Juda. Noong nalaman nila na nagapi ni Juda ang mga fera bestia ay naging idolo na nila ang lalaki."

"Ahh, ganun ba?" nakalabi niyang tugon, nilingon ulit ang mga batang kasalukuyang pinaglalaruan ang glaive.

"Halika na sa baba, nakahanda na ang agahan, baka nagugutom kana."

Noon narealize ni Lily ang kalam ng sikmura kaya hindi na siya nagpacute pa. "'Yan ang magandang balita sa umaga!"

TINUTULUNGAN ni Lily si Amica na magsampay ng mga damit, mataas ang araw kaya naglaba sila. Habang nilalagyan ng clip ang mga nalabhang kumot ay nakita ng dalaga ang isang babaeng... rabbit? Kulay puti ito na may gray na linya ang balahibo sa buntot. Nakasuot ng brown crop top na blouse at mini skirt na puti. Kumembot-kembot itong naglakad palapit kay Juda.

"Friendship," siko niya kay Amica. "Sino 'yan?" nguso niya sa rabbit

"Ah, si Elysia. Anak ni manong Balbo."

"Manong Balbo? Di ba daga din yun? Bakit rabbit si Elysia?"

"Daga din siya," anitong bahagyang natawa. "Mahilig kasi sa pampaganda iyan. Pati kagamitan yata na binili niya sa lungsod, eh nanggaling sa Lepus."

"Anong Lepus? Di ba sakit yon?"

"Anong sakit ang ibig mong sabihin, Lily? Ang Lepus ang lugar ng mga koneho."

"Ahhh..."

'Oh, mahilig sa imported, parang ako lang. Kaya pala nagmukhang rabbit. Mas cute nga naman ang rabbit kaysa daga.'

Ang karaniwang hitsura ng mga nakikita niyang mamamayan sa village ay kulay gray o brown, may patulis na tainga at nguso. Si Elysia, mas fluffy tingnan, at maputi, mas cute.

Halata ang lamlam ng mga mata ni Elysia habang nakikipag-usap kay Juda na tumutulong sa pagkatay ng hayop para gawing karne, may nalalaman pa-tilt tilt pa ng ulo. May bitbit itong puting tela at binigay sa lalaki, tinanggap naman iyon ng huli.

'Hmmn, smells fishy.' Hindi siya magtataka kung bakit pinaghiwalay sila ni Juda ng bahay.

"Lily, kaanu-ano mo pala si Juda?" pagkuway tanong ni Amica

Talagang struggle sa kanya ang tanong na iyon. "Bale, iyong kapamilya ko kasi, nainlove sa kapatid ni Juda kaya nagsasama sila ngayon. Napasama ako nang pumunta ng Sauro ang kapamilya ko kaya nakilala ko si Juda.

"Ah, akala ko kasi magkatipan kayo. Dito kasi sa Rattus, bihira lang magkasama ang babae at lalaki na hindi kasal."

"Ah, hindi, hindi kami ganun." aniyang exagge na umiling.

"Hmn... may asawa na ba si Juda?" pagkuway tanong ni Amica

"Hin--di ko sure pero parang wala. Bakit, type mo?" nagbibiro lamang si Lily pero hindi makapaniwala nang napakagat-labi si Amica na nagpacute. Napangiwi siya.

'Ahay! Parang si Ara lang! Ano bang nakita ng mga nilalang na ito sa butiking iyon?'

"Malakas si Juda, matapang at lalaking-lalaki, pakiramdam ko kapag siya ang kasama ko, ligtas ako palagi sa kapahamakan. Sino bang hindi magkakagusto sa ganoon, hindi ba?" anang babae na hawak ang dalawang pisngi.

'Pinagpapantasyahan pala ng mga babae dito si Juda?' hindi makapaniwalang nilingon niya ang hot topic nila. Ngayon ay nasa gilid na ito ng balon at... naliligo? Hindi, dahil pagkatapos nitong sabuyan ang sarili ng isang baldeng tubig ay nagmartsa nang pumasok sa bahay.

"Weird." Iiling-iling na tinapos ni Lily ang pagsampay sa naiwang basang damit.