"Magandang balita! Pumanaw na si Wei Wuxian!"
Wala pang isang araw ang nakalipas nang sinugod ang burol ng LuanZang, at mabilis na kumalat ang balitang animo'y may pakpak sa mundo ng kultibasyon.
"Pumanaw na ang YiLing Grandmaster? Sino naman ang pumaslang sa kan'ya?"
"Sino pa ba kung hindi ang kan'yang shidi¹, si Jiang Cheng! Ginawa niya 'yon para sa ikabubuti ng lahat. Pinangunahan niya rin ang mga angkan ng YunmengJiang, LanlingJin, GusuLan, at QingheNie sa pagsugod sa lungga ng YiLing Grandmaster– burol ng LuanZang— sa ngalan ng hustisya."
(shidi¹ – junior martial brother; nakababatang disipulo)
"Mabuti nga. Namatay na rin ang salot na 'yon."
Bigla, may sumingit, "Buti ngang nangyari 'yon sa kan'ya! Kung hindi lang sa pag-ampon ng angkan ng YunmengJiang, naging palaboy-laboy lang sana si Wei WuXian sa kalye. Parang anak na ang turing sa kan'ya ng pinuno ng angkan ng Jiang, pero naging kalaban siya ng mundo at naghatid ng kahihiyan sa angkang kumupkop sa kan'ya. Wala siyang utang na loob."
"Hinayaan pa kasing mabuhay nang gan'on katagal ni Jiang Cheng ang taong 'yun. Kung ako sa kan'ya, hindi ko lang sinaksak ang taksil na 'yun, masusi ko ring susuriin lahat ng disipulo para makasigurong walang nang kagaguhan pa ang mangyayari. Sinong may pakielam sa 'konsiderasyon' na binigay ni Jiang Cheng sa kababata niya."
"Hindi 'yan ang naikuwento sa 'kin. Dahil sa pagtahak ni Wei Wuxian sa landas ng diyabolismo, bumalik sa kan'ya lahat ng malagim niyang kapangyarihan at nagkapira-piraso ang katawan niya. Base sa narinig ko, 'yong mga mismong demonyong kinonkontrol niya ang kumain at tumapos sa kan'ya hanggang wala nang natira."
"Hahaha! Karma nga naman! Parang mababangis na aso ang mga nilikha niyang sundalo. Sa huli, mismong mga ito ang pumatay sa kan'ya. Tama lang na nilamon siya ng mga 'to sa kamatayan!"
"Pero kung hindi lang dahil sa plano ni Jiang Cheng na tamaan ang kahinaan ni Wei WuXian, maaaring hindi naging matagumpay ang paglusob. Naalala niyo ba ang bagay na nasa kamay ni Wei WuXian? Nakalimutan niyo ba kung paano niya pinatay lahat ng tatlong libong kultibador sa isang gabi lang?"
"Base sa narinig ko, limang libo."
"Ang nakakasiguro ay wala na siya sa tamang pag-iisip."
"Buti na lang at winasak niya ang mapanganib na Yinhu Fu¹ na 'yun bago siya mamatay. Naku! Kung naiwan 'yun sa mundong 'to, baka kung ano nang mangyari sa sangkatauhan."
(Yinhu Fu¹— Yin Tiger Tally)
Sandaling katahimikan ang bumalot sa lugar nang marinig nila ang tatlong salitang 'Yinhu Fu.'
Sa wakas, may nagsalita, "Buweno, alam mo ba, dati ay isa sa mga nangungunang kultibador 'yang si Wei WuXian. Nanggaling ba naman sa kilalang angkan at naging sikat sa napaka batang edad… Paano kaya naging gan'to ang taong 'yon?"
Ngayong nagbago na ang paksa, isa na namang masiglang diskurso ang naganap.
"Patunay lang 'to na ang pagtahak lamang sa tamang landas ng kultibasyon ang tamang paraan. 'Yang mga salanggapang na pamamaraan na 'yan, maganda lang 'yan sa unang tingin. Pero anong nangyari sa huli?"
Sabay-sabay na sumagot ang mga tagapakinig, "Madugong kamatayan, na wala man lang bangkay na naiwan!"
"Buweno, hindi lang naman ang pamamaraan niya ang dahilan. Kahit ang personalidad ni Wei WuXian ay hindi tama. Lahat ng pagkakamali ay kailangang bayaran. Kung ano ang ginawa mo, 'yan din ang babalik sa 'yo."
…
Matagal naging usap-usapan ang kamatayan ni Wei WuXian. Halos pare-pareho ang talakayan ng mga tao, kasama na ang kanilang mga opinyon tungkol sa nangyari.
Samantala, nanatili pa rin ang pangamba ng lahat.
Hindi matawag ang kaluluwa ni Wei WuXian, na maaaring nangagahulugang tunay ngang naglaho ang kan'yang kaluluwa.
O maaari ring pinagpira-piraso na 'to ng milyong-milyong halimaw na lumamon sa kan'ya.
O, maaaring nakatakas 'to.
Kung tama ang una, kung gayon ay maayos ang lahat. Sa katunayan, naniniwala ang lahat na kaya ng YiLing Grandmaster na pabagsakin ang langit at patuyuin ang dagat. Kung nangyari ang huli, malaki ang tiyansang babalik ang kaluluwa niya para muling maghasik ng lagim. Kapag nangyari 'yon, hindi lamang ang mundo ng kultibasyon, ngunit pati na rin ang mundo ng mga mortal ang manganganib at malalagay sa kaguluhan.
Bilang pag-iingat, naghanda ang iba't ibang angkan ng isang daan at dalawampung halimaw na rebulto sa tuktok ng burol ng LuanZang at nagsagawa ng mga rituwal. Naging maagap din ang lahat sa mga kakatwang pangyayari sa buong mundo.
Sa unang taon na lumipas, mapayapa ang mundo.
Sa ikalawang taon, nanatiling payapa ang mundo.
Sa ikatlong taon, nanatiling payapa ang mundo.
…
Sa ikalabing-tatlong taon, tulad ng dati, nanatiling payapa ang mundo.
Parami na nang parami ang naniwala na, siguro, tunay ngang naglaho na ang YiLing Grandmaster.
Kahit kaya niyang baliktarin ang mundo, panahon na para madapa siya.
Walang sinuman ang mananatiling laging nasa itaas – ang alamat ay isang kuwento lamang.