Chereads / The Founder of Diabolism (Filipino) / Chapter 7 - Kabanata VI: Kayabangan — Unang Parte (1)

Chapter 7 - Kabanata VI: Kayabangan — Unang Parte (1)

Mahalagang Pagwawasto:

Ang GusuLan ay isang sekta — organisyong nakatuon sa kultibasyon kung saan ang mga miyembro ay maaaring magkakadugo o hindi. Ilan pang mga prominenteng sekta na nabanggit sa nobela ay YunmengJiang, QingheNie, at LanlingJin.

Samantala, ang angkan— tulad ng Lan, Jiang, Nie, at Jin— ay ang mga pamilyang namumuno sa sekta.

Sa nobelang ito, nabuo ang pangalan ng mga sekta mula sa lugar na pinagtayuan (hal. Gusu) at ang angkan na nagtayo nito (hal. Lan).

+++

Ilang araw ang lumipas bago napagtanto ni Wei WuXian na maaaring maling desisyon ang nagawa niya.

Paano ba naman, napaka hirap pakiusapan ng asnong ninakaw niya.

Kahit isa lamang itong asno, mga sariwa at mamasang-masang damo lamang ang kinakain nito at hindi pinapansin ang ibang may bahid ng pagkadilaw. Nang may madaanan silang kubo, nagnakaw nang kaunting tangkay ng trigo¹ si Wei WuXian at pinakain sa asno. Dalawang beses pa lamang itong ngumuya nang —"pfeih!"— mas malakas pa sa sigaw ng tao na niluwa nito. Kung hindi ito nakakakain ng may-kalidad na pagkain, hindi ito kikilos. Kung pipilitin naman ito ni Wei WuXian, magdadabog ito at maninipa. Maraming beses na nitong muntikang masipa si Wei WuXian. Bukod pa roon, nakakarindi pa sa tainga ang mga ungal nito.

(trigo¹— wheat)

Wala itong kuwenta bilang sasakyan o alaga!

Hindi mapigilang isipin ni Wei WuXian ang kaniyang mahal na espada. Kasalukuyan na siguro itong nakasabit sa dingding ng isang prominenteng angkan at pinagmamalaki ng pinuno sa mga tao bilang tropeo mula sa gera.

Matapos makipaghilahan sa asno, ilang distansya rin ang nalakbay ni Wei WuXian patungo sa malawak na sakahang pagmamay-ari ng isang nayon. Sa ilalim ng tirik ng araw, sumilong siya sa ilalim ng malaking puno. Bukod sa proteksyon ng luntiang mga dahon at preskong pakiramdam dulot nito, may katabi rin itong lumang balon. Naglagay rin ng sandok at timba ang mga kalapit na mga taga-nayon upang matulungan ang mga nauuhaw na manlalakbay. Lumapit doon ang asno at tumangging umalis. Bumaba si Wei WuXian at pinalo ang marangal nitong puwet, "Isa ka sigurong mayaman at kahanga-hangang nilalang. Mas maarte ka pa kaysa sa 'kin."

Inirapan lamang siya ng asno.

Habang naglolokohan ang tao at ang asno, may grupo ng mga tao ang lumapit mula sa palayan. Kabilang sa grupong dumating ay isang dalaga, bilugan ang kaniyang mukha at may nakakabighaning anyo. Siguro'y nauhaw siya matapos ang mahabang lakaran sa ilalim ng nakakapasong sikat ng araw. Gayunpaman, nag-alangan siya nang makita ang nagdadabog na asno at ang baliw na may kolorete sa mukha at magulong buhok.

Dati pa man, itinuturing na ni Wei WuXian ang sarili bilang maginoo. Kaya nang makita niya ang estado ng dalaga, umusog siya sa bakanteng puwesto kasama ang asno at patuloy na nakipag-away rito. Matapos siyang makompirmang hindi mapanganib ng grupo, maalwan na silang lumapit sa balon. Pawisan silang lahat; ang iba'y pinapaypayan ang sarili habang kumukuha ng tubig ang iba. Umupo katabi ng balon ang dalaga at binigyan siya ng ngiti, nagpapasalamat sa pagbigay niya ng puwesto para sa kanila.

May hawak na bruhula¹ ang isang lalaki sa grupo, malayo ang tingin. Yumuko siya at naguguluhang sinabing, "Nasa paanan na tayo ng Bundok Dafan, kaya bakit hindi pa rin gumagalaw 'tong puntero²?"

(bruhula¹— brújula [Español], compass

puntero² [Español]— pointer, refers to the needle of the compass)

Kakaiba ang disenyo at puntero ng bruhula, senyales lamang ito na hindi ito ordinaryo. Hindi ginagamit ang bruhulang ito sa paglalakbay, bagkus, ang gamit nito'y upang ipakita ang direksyon ng mga malisyosong nilalang. Dahil sa gamit nito, tinawag itong Bruhula ng Kasamaan¹. Napagtanto ni Wei WuXian na galing siguro sa ordinaryo at mahirap na kultibasyong angkan mula sa kanayunan ang grupong ito. Bukod sa kilala, tradisyonal, at mayamang mga angkan, may mga angkan ding tulad nito na piniling magsarili at linangin ang sariling lakas. Para kay Wei WuXian, lumuwas siguro ang mga ito mula sa kanilang mga nayon upang mapasali sa mas malaking angkan kung saan sila may ugnayang pamilya, o para mag-gabing monterya².

(Bruhula ng Kasamaan¹— Evil-Wind Compass

monterya²— montería [Spanish]; hunting)

Inanyayahan ng may-edad na lalaking lider ng grupo na saluhan siya sa balon at sumagot, "Sira na siguro 'yang bruhula mo. Palitan ko sa susunod. Hindi tayo pwedeng magtagal dito lalo na't sampung milya na lang ang layo natin sa Bundok Dafan. Nakarating na rin naman tayo rito, pagpatuloy na natin. Kaysa naman magpahinga tayo 'tapos ay maunahan pa tayo ng ibang tao, sayang naman kung gan'on."

Tulad ng inaasahan, nandito sila para sa gabing monterya. Maraming repinadong angkan ang tawag sa pagpunta sa iba't ibang lugar at pagpapalayas sa mga masasamang nilalang bilang "lakbay-monterya." Sapagkat ang mga nilalang na ito ay kadalasang sa gabi nagpapakita, tinatawag din itong "gabing monterya."

Hindi mabilang ang mga kultibasyong angkan, ngunit iilan lamang ang tanyag at kilala. Kung walang minanang pagkakakilanlan, kailangang magpursigido ng isang ordinaryong angkan upang maging makapangyarihan at makilala tulad ng mga prominenteng angkan. Kung kaya't kailangan nilang makahuli ng mabangis na halimaw o kasindak-sindak na nilalang upang mapalawig ang kanilang reputasyon.

Talentado sa larangan ng gabing monterya si Wei WuXian. Sa kasamaang palad, nakahanap lamang siya ng mga mahihinang multo nitong mga nakaraang araw niyang paglalakbay sa ilang libingan. Nagkataong nangangailangan siya ngayon ng multong sundalo na susundin lahat ng utos niya, at napagdesisyunang magtungo sa Bundok 'Palay'¹ para malaman kung su-suwertihin ba siya. Kung makahanap siya ng angkop na nilalang, huhuliin niya ito para gamitin.

(Bundok 'Palay'¹—"Dafan" ay tumutukoy sa Budhismo samantalang ang "fan" ay katunog ng 'Bigas/Palay' sa Intsik, kaya akala ni Wei WuXian na malaking Bundok 'Palay/Bigas' ito)

Matapos makapagpahinga ng grupo, naghanda na silang ipagpatuloy ang paglalakbay. Bago umalis, kumuha ng maliit at medyo hinog na mansanas ang babaeng may bilugang mukha at binigay sa kaniya, "Para sa 'yo 'to."

Masayang inabot ni Wei WuXian ang mansanas na may malaking ngiti sa mukha, ngunit agarang tumingala ang asno at kumagat dito. Agad inilayo ni Wei WuXian ang mansanas. Nakaisip siya ng magandang idea matapos makita ang naglalaway na asno. Naghanap siya ng mahabang sanga at pansing¹, itinali sa dulo ang mansanas, at pagkatapos ay binitin sa harapan ng asno. Nang maamoy ng asno ang nakakatakam na bango ng mansanas, nagsimula itong habulin ang prutas na tila'y laging isang sentimetro ang layo. Hindi makapaniwala si Wei WuXian sa bilis ng asno. Mas mabilis pa ito kumpara sa pinaka matulin na kabayo!

(pansing¹— fishing line)

Dahilsa tuloy-tuloy na takbo ng asno, nakarating si Wei WuXian sa Bundok Dafan bago pa man mag-gabi. Sa paanan ng bundok, napagtanto niyang hindi "palay" ang ibig sabihin ng "fan." Kung titingnan mula sa malayo, mukhang matabang rebulto ni Buddha ang bundok, kaya tinawag itong "Dafan." May maliit na bayan sa paanan ng bundok, na pinangalanang "Paanan ni Buddha."

Mas marami pa sa inaasahan niya ang bilang ng mga kultibador na pumunta rito. Nanggaling ang mga ito sa iba't ibang siyudad mula sa iba't ibang sekta at angkan, suot ang kanilang mga respektibong uniporme; tila nagmukhang bahag-hari ang bayan dahil sa iba't ibang kulay ng mga uniporme. Samantala, nababalot ng tensyon ang lugar at walang nagtangkang pagtawanan si Wei WuXian sa kabila ng kaniyang kakaibang anyo.

Sa kalagitnaan ng mahabang lansangan, may grupo ng mga kultibador ang nagtipon habang seryosong nagdi-diskurso. Mukhang may ilan silang hindi pagkakasunduan. Tahimik silang pinakinggan ni Wei WuXian mula sa malayo. Sa umpisa, seryoso lamang silang nag-uusap-usap hanggang ang ilan ay hindi mapigilang mabalisa.

"...Sa palagay ko, walang lumalamon ng kaluluwang halimaw o espirito sa lugar na 'to. Ni wala man lang reaksyon ang Bruhula ng Kasamaan!"

"Kung wala, bakit nawalan ng kaluluwa 'yong pitong taga-bayan? Imposibleng dahil lang 'yon sa isang sakit! Hindi pa 'ko nakarinig ng gan'yang uri ng karamdaman!"

"Hindi porke't walang pinapakita ang Bruhula ng Kasamaan, ibig sabihin ba n'on ay wala nang kababalaghan? Tinuturo lang nito ang pangkalahatang direksyon kaya kahina-hinala ang kawastuhan nito. Siguro'y may humahadlang dito."

"Wala pa 'kong narinig na kahit anong kayang humadlang sa kapangyarihan nito. Pagkatapos ng lahat, kilala natin kung sino ang nag-imbento nito!"

"Anong sinasabi mo? Anong gusto mong sabihin gamit 'yang tono mo? Syempre, alam kong si Wei Ying* ang nag-imbento ng Bruhula ng Kasamaan. Pero hindi lahat ng gawa niya ay perpekto. Wala na ba tayong karapatang manghinala?"

"'Di ko sinabing bawal kang manghinala, ni hindi ko rin sinabing perpekto ang mga imbensyon niya. Bakit mo 'ko sinisiraan, ha?"

Mula roon, nag-iba na ng direksyon ang argumento nila. Tumatawang dinaanan sila ni Wei WuXian sakay ng kaniyang asno. Hindi niya inakalang pagkatapos ng maraming taon, kasama pa rin siya sa usapan ng mga kultibador. Ito siguro ang tinatawag nilang "hindi maiiwasan ang away kapag nabanggit ang pangalang 'Wei'." Kung magkakaroon siguro ng botohan kung sino ang pinaka sikat at may pinaka malawig na impluwensya sa mundo ng kultibasyon, siguradong walang iba kundi si Wei WuXian ang mananalo.

+++

Panuto mula sa tagasaling Ingles:

Wei Ying*— Wei WuXian's birth name. In this case, by referring to Wei WuXian by his birth name, the speaker is showing his disrespect towards him.

In Ancient China, people usually don't call others by their birth names, unless they were of the same age and close acquaintances with each other. It was considered disrespectful to even mention an elder's birth name. The common name, or the "zi," was another name given to the person by their parents, which other people can freely mention (i. e. Wei WuXian, Lan WangJi).