"Ako, si Mo XuanYu, ay nag-iisa na lamang…
Nakiki-usap ako sa masamang espirito na dinggin ang matagal ko nang hiling.
Gamit ang katawan ko bilang pain, isang sakripisyo para sa iyong espirito, gamit ang kaluluwa ko bilang kapalit para sa pagbalik mo sa mundo.
Ngayon, tinatawag ko ang masamang kaluluwa, Yiling Grandmaster – Wei WuXian!"
-+-
Nakatanggap ng sipa si Wei WuXian pagkabukas pa lamang ng kaniyang mga mata.
"'Wag ka ngang magpatay-patayan d'yan!" Sigaw ng isang boses sa kaniya.
Tumilapon siya dahil sa natanggap na sipa at nauntog. Habang pinipigilan ang kagustuhang sumuka ng dugo, naisip niya — 'Ang lakas naman ng loob mo para sipain ako, ang Patriyarka.'
Ito ang unang beses na nakarinig siya ng boses ng tao sa loob ng maraming taon, at sa kasamaang palad ay matinis at nakakairita pa ito. Umiikot ang paningin at nagha-haging ang mga tainga, paulit-ulit siyang sinigawan.
"Kaninong lupain ka nakatira? Kaninong bigas ang kinakain mo? Kaninong salapi ang ginagastos mo? Ano ngayon kung kumuha ako ng ilang gamit mo? Dapat lang sa 'kin ang mga gamit mo, sa umpisa pa lang!"
Sumunod ay tunog ng mga sinisirang muwebles at mga binabasag na kasangkapan. Dahan-dahang luminaw ang paningin ni Wei WuXian.
Bumungad sa kaniya ang may kadilimang kuwarto. Sa harapan niya ay isang binatang pinanlilisikan siya ng mga mata at pinapaliguan ng laway, "Anong karapatan mong isumbong ako kanila Ama't Ina?Akala mo yata'y natatakot ako sa 'yo! Sa palagay mo ba ay may magtatanggol sa 'yo sa pamilyang 'to?"
Dalawang maskuladong mga tagapagsilbi ang lumapit, "Ginoo, sinira na po namin ang lahat!"
Tanong ng ginoo, "Agad-agad?"
Isang tagapagsilbi ang sumagot, "Wala naman pong masyadong kagamitan dito, e."
Tila nakuntento ang ginoo at dumuldol sa mukha ni Wei WuXian, "Subukan mo pa 'kong isumbong at makikita mo! Tingnan mo nga 'yang sarili mo, nagpapatay-patayan ka pa d'yan! Para kanino? Wala namang may gusto nitong mga basura mo! Ngayong sinira ko na lahat, tingnan lang natin kung isusumbong mo pa 'ko. Nagmamataas ka na ba dahil nag-aral ka ng kultibasyon ng ilang taon? Ha! Sa huli, sinipa ka lang nila pabalik dito na parang asong kalye!"
Pagod na napaisip si Wei WuXian, 'Hindi ako nagpapanggap na patay, sa totoo lang, maraming taon naman na talaga akong patay.'
'Sino ba 'to?'
'Nasa'n na 'ko?'
'Kailan ako naging imoral para magnakaw ng katawan ng iba?'
Matapos sipain ang binatang nasa sahig at sirain ang lahat ng gamit sa silid, halos nailabas na ng ginoo ang lahat ng galit niya. Padabog niyang sinara ang pinto at inutos, "Bantayan n'yong mabuti 'yan. Huwag niyong palabasin 'yan ng isang buwan at baka ipahiya na naman tayo!"
Sumagot ng "opo" ang dalawang tagapagsilbi. Sa wakas, niyakap ng katahimikan ang silid. Sinubukang bumangon ni Wei WuXian. Sa kasamaang palad, agad bumigay ang kaniyang mga tuhod— hindi kayang suportahan ang kaniyang katawan. Muli siyang nahiga at nahihilong nilibot ang tingin sa hindi pamilyar na kapaligiran at magulong tambak ng mga gamit na nakapaligid sa kaniya.
May tansong salamin ang nakakalat sa sahig, maaaring tinapon kanina. Kinuha ito ni Wei WuXian at tiningnan ang sarili. Bumungad sa salamin ang isang napaka putlang mukha, na may bilugang pula sa magkabilang pisngi. Magdagdag na lamang ng madugong dila at maaari na siyang magmukhang binitay na multo. Isinantabi niya ang salamin at doon niya nadiskubre na nabalot ng puting pulbos ang kaniyang kamay nang pinunasan niya ang kaniyang mukha.
Mabuti na lamang at hindi siya isinilang na may kakaibang pagmumukha — isa lamang ito sa mga natatanging hilig ng orihinal na may-ari ng kaniyang katawan. Halatang lalaki ang katawang ito, pero nababalot ng nakaka-asiwang kolorete ang mukha ng lalaking ito. Ah, hindi ito nakakatuwa!
Dahil sa gulat at dismaya, may kaunting lakas na ang unti-unting bumalik sa kaniya. Sa kaniyang pag-upo, napansin niya ang bilugang martis¹ sa sahig.
(martis¹— martiz [Español]; isang mahiwagang pormasyon, kadalasang ginuguhit sa sahig, na ginagamit sa mahika; magical array)
Hindi perpektong bilog at kulay pula ang martis, napaghahalataang ginuhit gawa ng palad, gamit ang dugo bilang kasangkapan — basa at humahalimuyak pa ang masangsang na amoy. Napupuno ng mga inkantasyon ang martis, kung saan ang ilan ay nagulo na ng kaniyang katawan, ngunit nakakapangilabot pa rin kung titingnan.
Sa katunayan, si Wei WuXian ay kilala bilang katas-taasang pinuno at tagapagtatag ng demonikong kultibasyon, kaya hindi nakapagtatakang sanay na siya sa mga kasuklam-suklam na martis tulad nito.
Base sa kaniyang pagsusuri, hindi siya umagaw ng katawan ng iba, bagkus, may nag-alay sa kaniya nito!
Isa itong makaluma at pinagbabawal na pamamaraan. Kumpara sa isang martis, mas mukha pa itong sumpa. Ang kastor nito ay kailangang sugatan ang sarili, gamit ang sariling dugo ay guguhit ng martis at mga inkantasyon, at pagkatapos ay uupo sa gitna upang ialay ang sarili. Sa pamamagitan nito ay maaari nang tumawag ng napaka samang espirito ang kastor para tuparin ang kaniyang kahilingan. Ang kapalit nito ay ang sarili niyang katawan, at ang kaluluwang tinawag ay babalik sa mundo.
Isa itong pinagbabawal na pamamaraan kasalungat ng pagnanakaw ng katawan – ang pag-aalay ng sariling katawan.
Dahil sa malaking sakripisyo, kakaunting tao lamang ang may sapat na lakas ng loob para gawin ito. Kung susumahin, mabibilang lamang sa isang kamay ang mga malalagim na hiling – sapat na upang puwersahang isakripisyo ng isang tao ang kaniyang katawan. Sa nakalipas na libo-libong taon, tatlo o apat na tao lamang ang tunay na gumawa nito at naitala sa kasaysayan. Sa partikular, lahat ng tatlo o apat na taong iyon ay pare-pareho ang kahilingan – ang maghiganti.
Hindi ito matanggap ni Wei WuXian.
Kailan pa siya naging parte ng kategoryang 'napaka samang espirito'?
Kahit hindi maganda ang kaniyang reputasyon at namatay siya sa nakakapangilabot na paraan, hindi siya kailanman gumanti o nanakit ng mga nabubuhay. Kaya niyang manumpang siya ang pinaka mabait at tahimik na multo sa lahat.
Ang pinaka mahirap na parte rito ay, kapag napunta na sa masamang kaluluwa ang katawan ng kastor, may kontranta itong kaakibat. Kailangang tuparin ng kaluluwa ang kahilingan ng kastor, kung hindi ay may napaka masamang mangyayari. Tuluyang maglalaho ang kaluluwa at hinding-hindi na muling mabubuhay pa.
Inangat ni Wei WuXian ang kaniyang mga kamay at napagtantong napupuno ng mga hiwa ang kaniyang mga braso, nakatakda na ang kontranta.
Hinubad niya ang kaniyang damit. Sa ilalim ng kaniyang itim na kasuotan, puno ng hiwa at sugat mula sa matulis na bagay ang kaniyang dibdib at tiyan. Kahit tumigil na ang pagdurugo, halata pa ring hindi normal ang mga sugat na nasa kaniyang katawan. Kung hindi niya tutuparin ang kahilingan ng kastor, hindi kailanman gagaling ang mga sugat na 'to. Sa paglipas ng panahon, lalong lalala ang mga sugat at pagdating ng takdang oras, ang kaniyang kaluluwa at katawan ay kusang mawawasak.
Ilang beses siniguro ni Wei WuXian ang kaniyang sitwasyon. Paulit-ulit niyang tinanong ang sarili, "Paano nangyari sa 'kin 'to?"
Dahan-dahan siyang tumayo at sumandal sa pader.
Hindi maipagkakailang malaki ang silid, ngunit marumi ito at walang laman. Kahit ang mga kumot ay parang matagal nang hindi nalabhan. Ang kawayang basket sa gilid na tapunan ng basura ay sinipa kanina, ang laman ay nakakalat sa sahig. Inobserbahan ni Wei WuXian ang paligid at pumulot ng gusot-gusot na papel mula sa sahig. Niladlad niya ang papel at napagtantong napupuno ito ng mga salita. Dali-dali niyang tinipon ang lahat ng papel na nakakalat sa sahig.
Mukhang sinulat ng orihinal na may-ari ng katawang ito ang mga salitang nasa papel. Ang ilang mga pangungusap ay magulo at hindi maintindihan — halatang balisa ang sumulat. Binasa lahat ni Wei WuXian ang bawat isang papel. Unti-unti na niyang naintindihan ang hindi tama sa sitwasyon.
May ilang haka-haka nang nabubuo sa kaniyang isipan tungkol sa sitwasyong kaniyang kinalalagyan.
Base sa impormasiyong kaniyang nakalap, Mo XuanYu ang pangalan ng may-ari ng katawang ito. Kasalukuyan siyang nasa baryo na kung tawagin ay Nayon ng Mo.
Mayaman ang pamilya ng lolo ni Mo XuanYu. Kakaunti lamang ang miyembro ng pamilya at mayroon lang dalawang anak na babae. Ang nakatatanda ay anak sa legal na asawa na naghahanap ng mapapangasawa, samantalang ang ikalawa ay anak sa isang tagapagsilbi. Planong ipakasal na lamang kahit kanino ang anak ng tagapagsilbi, pero may ibang plano ang tadhana para rito. Nang tumuntong ng labing-anim na taong gulang ang dalaga, isang kilalang pinuno ng sikat na kultibasyong angkan ang dumating at agad na nahulog ang loob para sa kaniya.
Lahat ng mortal ay hinahangaan ang mga kultibator. Sa mga mata ng ordinaryong tao, ang mga angkan ng mga kultibador ay kinababalutan ng misteryo ngunit napaka dakila, pinapaboran ng Maykapal.
Sa simula, hindi nagustuhan ng pamilyang Mo ang relasyon sa pagitan ng dalawa. Ngunit dahil sa mga pabor na binibigay ng Sekt Lider [1], lalong naging maganda ang buhay ng pamilya. Naging mapagmataas ang mga Mo at naging sentro ng inggit ng mga tao. Hanggang ang Ikalawang Binibini ay nagsilang ng sanggol — si Mo XuanYu.
Ngunit hindi nagtagal, nagsawa ang Sekt Lider. Nang apat na taong gulang na si Mo XuanYu, hindi na muling bumalik pa ang kaniyang ama.
Paglipas ng panahon, muling nagbago ang opinyon ng mga tao. Bumalik ang kanilang panlalait at pang-uuyam sa pamilyang Mo, kasama na ng mapangmatang awa.
Hindi ito matanggap ng Ikalawang Binibining Mo, labis siyang naniniwala na babalik ang Sekt Lider para sa sarili nitong anak. Hindi siya nagkamali, nang labing-apat na taong gulang na si Mo XuanYu, binalikan ito ng Sekt Lider para mag-aral ng kultibasyon.
Muling naging banidoso ang Ikalawang Binibini at sinabihan ang lahat na siguradong mabilis magiging Imortal [2] ang kaniyang anak, at magiging karangalan ng kanilang mga ninuno.
Samantala, bago pa man maging matagumpay ang binata at manahin ang posisyon ng kaniyang ama, muling pina-uwi si Mo XuanYu.
Hindi lamang iyon, isang malaking kahihiyan ang dahilan ng kaniyang pag-uwi.
Homosekswal si Mo XuanYu at may lakas ng loob na mangmolestya ng kapwa niya disipulo. Kumalat ang iskandalo sa publiko at dahil sa kakaunti lamang ang kakayahan niya sa kultibasyon, walang dahilan para siya'y manatili sa angkan.
Tulad ng panggagatong sa apoy, bukod pa sa nakakahiyang pangyayari, pagka-uwi ay parang nasiraan na ng ulo — pawang sa takot— si Mo XuanYu kung kumilos.
Masyadong kumplikado ang istorya para ikuwento. Napakunot na lamang ng noo si Wei WuXian.
Hindi lamang baliw, kung hindi baliw na homosekswal pa.
Kaya pala may mga kolorete at pulbos sa kaniyang mukha na parang nagpatiwakal na multo, at kung bakit walang nagulat sa kaniyang kakaibang anyo o sa madugong martis na nasa sahig. Kahit kasi pinturahan niya ng dugo ang buong silid, walang sinuman ang mabibigla o magugulat. Dahil matapos ang lahat, lahat ng nakakakilala sa kaniya ay alam nang maluwag na ang turnilyo niya sa ulo!
Matapos malumbay na umuwi, sinalubong si Mo XuanYu ng mga panlalait at pangungutya. Dahil sa sitwasyon na mukhang wala nang pag-asang maisalba, hindi na nakayanan ng Ikalawang Binibing Mo ang kahihiyan at pinatay ang sarili.
Sa mga panahong nangyari ito, pumanaw na ang lolo ni Mo XuanYu. Ang Unang Binibining Mo —o mas tamang tawaging Unang Ginang Mo— ang naging pinuno ng pamilya. Sa kasamaang palad, dati pa man ay wala na siyang kahit anong amor na nararamdaman para sa nakababatang kapatid, lalo na sa anak nito. Mayroon siyang nag-iisang anak, si Mo ZiYuan— ang binatang nanggulo sa lugar kanina.
Ang galit ng mag-ina ay maaaring nag-ugat nang si Mo XuanYu ay binalikan ng kaniyang ama. Nagkaroon ng inggit ang Unang Ginang Mo dahil nais niyang mapalapit sa isang kultibasyong sekta. Hiniling niyang dalhin din ng legado si Mo ZiYuan upang mag-aral din sana ng kultibasyon.
Hindi pumayag ang legado — o sa ibang salita, hindi pinansin ang kahilingan ng ginang.
Hindi bentahan ng repolyo ang pagkuha ng disipulo para mag-aral ng kultibasyon. Walang tawaran na maaaring mangyari, lalong hindi ito kaso kung saan kapag bumili ng isa, ay may kasama pang libreng isa.
May kakaibang pananalig ang pamilya na may potensyal at talino si Mo ZiYuan. Naniniwala sila na kung si Mo ZiYuan ang naipadala noon imbes ang kaniyang nakakadismayang pinsan, siguradong siya ay kikilalanin sa Sekta. Kahit bata pa si Mo ZiYuan nang umalis si Mo XuanYu, paulit-ulit tinanim sa kaniyang kukote ang mga maaari sanang mangyari tulad nito, at buong puso namang pinaniwalaan ni Mo ZiYuan ang mga walang basehang bagay na sinabi sa kaniya.
Kada dalawa o tatlong araw, hahanapin ni Mo ZiYuan si Mo XuanYu at ipapahiya, isusumpa ito sa pagnakaw sa oportunidad niya sana sa landas ng kultibasyon. Nagkaroon din siya ng interes sa mga talisman, eliksir, at mga mahiwagang kasangkapan — inaangkin niya ang mga ito at ginagawa ang kahit anong nais niya gamit ang mga ito.
Madalas mang wala sa katinuan, naiintindihan ni Mo XuanYu na minamaliit siya ng ibang tao. Tiniis niya ito, ngunit lalo pang lumala ang asal ni Mo ZiYuan, na halos ubusin na lahat ng gamit sa kaniyang silid. Sa wakas, naubos na ang kaniyang pasensya at sinumbong sa kaniyang tita at tito ang masamang asal ng kaniyang pinsan — na naging dahilan ng paninira ni Mo ZiYuan kaninang umaga.
Ang mga nakasulat na salita sa papel ay maliliit at siksik, na naging dahilan ng pananakit ng mga mata ni Wei WuXian. Natanong niya sa sarili, "Gaano ka-letse ang buhay ng taong 'to?" Hindi nakapagtatakang nagawa ni Mo XuanYu na isakripisyo ang kaniyang katawan at humiling sa masamang espirito na dinggin ang kaniyang kahilingan.
Ang pananakit sa kaniyang mga mata ay gumapang papunta sa kaniyang ulo. Ang tamang paraan sa paggamit ng pinagbabawal na teknik na ito ay kailangang taimtim na sabihin ang mithiin. Habang tinatawag ang kaniyang espirito, dapat ay narinig ni Wei WuXian ang mga espisipikong kagustuhan ni Mo XuanYu.
Gayunman, mukhang kinopya lamang ni Mo XuanYu ang pira-pirasong sipi ng pamamaraan na ito mula saan, at nilampasan ang napaka importanteng hakbang na ito. Kahit may palagay na si Wei WuXian na nais niyang maghiganti sa pamilyang Mo, ngunit sa paanong paraan? Hanggang saan? Para maibalik ang mga bagay na ninakaw sa kaniya? O para gulpihin ang lahat ng miyembro ng pamilya?
O... para puksain ang buong pamilya?
Ang pinaka malaking probabilidad ay para puksain ang buong pamilya. Matapos ang mga pangyayari, lahat ng nasa mundo ng kultibasyon ay madalas ilarawan si Wei WuXian bilang walang utang na loob, sintu-sinto, hindi kinikilala ang sariling pamilya, hindi matiis ng Langit, at iba pang kakaibang mga termino. Mayroon pa bang mas "tampalasan" bukod sa kaniya? Kung nangahas si Mo XuanYu na tawagin siya, siguradong hindi madali ang kaniyang kahilingan.
Hindi mapigilan ni Wei WuXian na sabihing, "Maling tao ang tinawag mo..."
…
[1] Sekt Lider (Sect Leader) – pinuno ng isang organisasyong dedikado sa pagsasanay ng kultibasyon.
[2] Imortal (Immortal) – mga nilalang na nagkaroon ng imortalidad na abilidad dahil sa kultibismo.