Gustong maghilamos ni Wei WuXian para makita ang 'itsura ng kasalukuyan niyang katawan matapos niyang muling mabuhay, pero walang malinis na tubig panghilamos o kahit inumin man lang sa kuwarto.
Ang parang palangganang lalagyanan ay sa palagay niya ay ginagamit panlabatoryo imbes na panlinis.
Tinulak niya ang pinto ngunit nakandado ito, siguro'y para pigilan siyang makalabas.
Ni hindi man lang siya makaramdam ng saya sa muli niyang pagkabuhay dahil sa mga bagay na 'to!
Napagdesisyunan niyang umupo na lamang sa puwestong lotus¹ at sanayin ang sarili sa kaniyang kapaligiran.
(puwestong lotus¹ — lotus position; cross-legged position para sa meditasyon)
Lumipas ang isang araw, tumatagos na mula sa siwang ng bintana at pinto ang sikat ng araw nang muling binuksan ni Wei WuXian ang kaniyang mga mata. Kahit kaya na niyang tumayo at maglakad-lakad, hanggang ngayon ay parang hindi pa siya lubos na bumabalik sa realidad.
Naguluhan si Wei Wuxian, ang espiritwal na kapangyarihan ni Mo XuanYu ay kaunti lamang sapat na upang hindi mapansin, kung ganoon ay bakit hindi niya makontrol nang maayos ang katawang ito?
Kapagdaka ay may tunog na nanggaling sa kaniyang tiyan, doon niya napagtanto na wala itong kinalaman sa espiritwal nitong kapangyarihan. Sa katunayan, ito ay dahil hindi pa nagsasanay ng inedya¹ ang katawang ito kaya nakakaramdam ito ng gutom. Kung hindi siya makakakain, baka siya ang unang tampalasang multo na agad mamamatay pagkabuhay.
(inedya¹ — inedia; fasting; abilidad na mabuhay nang hindi kumakain)
Inangat ni Wei Wuxian ang kaniyang paa para sipain ang pinto nang bigla siyang nakarinig ng paparating na mga yabag. May kumalabog sa pinto at sumigaw, "Oras na para kumain!"
Subalit walang senyales ng pagbukas ng pinto. Tumingin siya sa baba at nakita ang maliit na pintuan sa ilalim na may nakahanda nang maliit na mangkok sa harap nito.
Muling sumigaw ang tagapagsilbi, "Bilis, bilis! Ano pang hinihintay mo? Ilabas mo 'yung mangkok pagkatapos mo!"
Mas maliit ang pinto kumpara sa madalas daanan ng mga aso— hindi kasya ang isang tao pero maaaring daanan ng mga lalagyanan ng pagkain. May dalawang ulam at isang mangkok ng kanin— na hindi mukhang masarap.
Dismayadong pinaglaruan ni Wei WuXian ang pares ng chopsticks na nasa kanin.
Kakabalik lang sa mortal na mundo ng YiLing Patriarch, pero ang unang sumalubong sa kaniya ay sipa at sermon, isama pa ang tira-tirang pagkain bilang pambungad. Nasaan na ang lawa ng dugo at mga bangkay? Ang malaking destruksyon? Sinong maniniwala sa kaniya? Para siyang tigre sa kapatagan, dragon sa mababaw na tubig, at piniks na walang pakpak — wala na ang dala niyang takot at minamaliit pa ng mga mas mahina sa kaniya.
Pagdaka ay sumigaw ng may halong tuwa ang tagapagsilbi sa labas, "A¹-Ding! Dito!"
(A¹ – a prefix pronounced as /ah/; maaaring gamitin bago ang pangalan ng taong malapit o sa isang tagapagsilbi)
Sumagot ang isang babaeng may matamis na boses mula sa malayo, "Naghahatid ka na naman ba ng pagkain para sa taong nand'yan, A-Tong?"
Napalagitik ng dila si A-Tong, "Ano pa bang dahilan kung bakit ako pupunta sa nakakabahalang bakuran na 'to?"
Lumapit ang boses ni A-Ding na parang nasa harap lamang siya ng pintuan, "Naghahatid ka lang naman ng isang beses kada araw at walang may pakielam kung tamad ka. Napaka dali nga lang ng trabaho mo pero sa palagay mo pa ay napaka bigat nito. Tingnan mo nga 'ko. Sa sobrang dami kong kailangang gawin, hindi na ako makapaglibang sa labas."
Nagreklamo si A-Tong, "Hindi lang naman paghahatid ng pagkain ang trabaho ko! At may plano ka pa yatang lumabas sa panahon ngayon? Sa dami ng mga naglalakad na bangkay sa labas, lahat ay nagtatago sa sari-sarili nilang bahay.
Umupo sa tabi ng pinto si Wei WuXian at nakinig sa kanilang usapan habang kumakain.
Mukhang kamakailan lang ay may gumambala sa katahimikan ng Mo Village. Tulad nga ng tawag sa mga naglalakad na bangkay, ito ay mga patay na tao na nakakagalaw, isang mababang uri ng binagong bangkay¹. Maliban kung may malalim na galit o poot ang namatay na tao, ang mga ito ay madalas na malamya at mabagal lamang kung kumilos. Hindi masyadong delikado ang mga nilalang na 'to, pero sapat na ang ang kanilang naaagnas na anyo at nabububulok na amoy para maka-alarma ng karaniwang tao.
(binagong bangkay¹ – patay na muling nabuhay dahil sa kagagawan ng tao)
Samantala, ang mga ito ang pinaka masunuring tauhan para kay Wei WuXian. Nang marinig niyang nabanggit ang mga ito, nakaramdam siya ng pamilyaridad.
Mukhang napasimangot si A-Tong, "Kung gusto mong lumabas, kailangan mo 'kong isama para maprotektahan kita..."
Sumagot si A-Ding, "Ikaw? Po-protektahan ako? 'Wag ka ngang mayabang. Sigurado ka bang kaya mong matalo 'yung mga nilalang na 'yun?"
May pait na sinabi ni A-Tong, "Kung hindi ko kayang talunin ang mga 'yun, hindi rin kaya ng ibang tao."
Natawa si A-Ding, "Paano mo nalaman na hindi kayang talunin sila ng ibang tao? Masabi ko nga sa 'yo— ngayong araw ay may dumating na ilang kultibador dito sa nayon. Narinig ko pa ngang galing sila sa prominenteng angkan! Ngayon ay nakikipag-usap sa kanila si madam sa pangunahing pasilyo at lahat ng taganayon ay nanonood. Hindi mo ba naririnig 'yong ingay? Wala akong oras para makipaglokohan sa 'yo, marami pa silang ipapagawa sa akin mamaya."
Nakinig nang mabuti si Wei WuXian. Tama nga, may mga mahihinang pag-uusap ng mga tao na nanggagaling sa silangan. Sandali siyang nag-isip, tumayo, at sinipa ang pinto. Kumalantong ito nang nasira.
Habang ang dalawang tagasilbi, sina A-Ding at A-Tong na naglalandian kanina, ay biglang napasigaw nang lumipad pabukas ang pinto. Tinapon ni Wei WuXian ang kaniyang mangkok at naglakad palabas, napa-urong siya sa nakakasilaw na sikat ng araw. Napahawak siya dulo ng kaniyang kilay at sandaling napapikit.
Mas malakas ang naging sigaw ni A-Tong kumpara kay A-Ding, pero nang malapitan niyang nakita at napagtantong si Mo XuanYu lang pala ito, bumalik ang kaniyang tapang. Naisip niyang napahiya siya kay A-Ding kaya't lumundag siya palapit at kumaway na parang aso, "Shoo! Shoo! Alis! Bakit ka lumabas?"
Tinatro siya ni A-Tong nang mas malala pa kumpara sa pulubi o langaw. Madalas, lahat ng tagasilbi ng pamilyang Mo ay tinatrato si Mo XuanYu na parang multo.
Binigyan ni Wei WuXian ng magaan na sipa si A-Tong na agad natumba, at tumawa, "Ang lakas naman ng loob ng batang utusan na 'to para ipahiya ang ibang tao."
At pagkatapos n'on, naglakad siya papunta sa komosyon sa silangan.
Maraming mga tao ang nakapalibot sa Silangang Bulwagan. Pagkatapak pa lamang niya sa bakuran ay narinig na niya ang matinis na boses ng isang babae, "May dati ring kultibador sa aming pamilya..."
Si Madam Mo siguro ito na gusto muling magkaroon ng koneksyon sa pamilya ng mga kultibador. Hindi na siya hinintay pang matapos magsalita ni Wei WuXian, at mabilis na sumingit sa umpukan ng mga tao papasok sa bulwagan at ngumisi, "Papunta na 'ko, papunta na 'ko. Nandito na!"
Isang may katandaan at malusog na ginang — na may magandang kasuotan— ang nakaupo sa bulwagan. Siya si Madam Mo. Nakaupo sa ibabang plataporma ang kaniyang asawa at sa harap nila ay nakaputing kasuotang mga binata*.
(*Sa kontekstong ito, ang "binata" ay tumutukoy sa mga kabataan— basically, teenagers.)
Tumahimik ang mga tao nang biglang may sumulpot na gusgusing nilalang. Walang hiyang nagsalita si Wei WuXian, na parang hindi napansin ang tahimik na kapaligiran, "Sinong tumawag sa 'kin kanina? Ako lang naman 'yong dating kultibador dito!"
Puno ng pulbos ang kaniyang mukha, at nang siya'y ngumiti, kumalat ito.
May nagpakawala ng "Pfft..."— isang binatang kultibador ang nasa bingit na ng pagtawa. Muli lamang itong naging seryoso nang tinapunan ito ng masamang tingin ng isa pang binata na parang lider ng grupo.
Sinundan ni Wei WuXian ang tunog at sinuri ang paligid. Akala niya'y ignorante at nagmalabis lang ang mga tagasilbi sa sitwasyon, hindi niya akalain na galing talaga ang mga ito sa "prominenteng angkan."
Nakasuot ng maluluwag na manggas at mahahabang damit ang mga binata, tunay na kanais-nais at masarap pagmasdan. Base sa kanilang uniporme, halatang galing sila sa Sektang GusuLan. Siguradong kabilang din ang mga ito sa nakababatang henerasyon ng pamilyang Lan, dahil lahat sila'y may puting laso sa kanilang noo, na may kapal ng isang daliri at may nakatahing disenyo ng mga ulap.
Ang kasabihan ng Sektang GusuLan ay "makatuwiran." Ang ibig sabihin ng laso sa noo ay "tamang asal" at ang mga disenyong ulap ang opisyal na simbolo ng pamilyang Lan, kung saan ang ibang kultibador mula sa ibang pamilya ay walang karapatang suotin. Sumasakit ang ngipin ni Wei WuXian kapag nakakakita ng miyembro mula sa angkan ng Lan. Sa dati niyang buhay, may impresyon siyang "panluksang damit" ang uniporme ng angkan na 'to kaya hindi siya kailanman magkakamali tungkol dito.
Matagal nang hindi nakita ni Ginang Mo ang pamangkin, at matagal bago niya makilala ang taong natatakpan ng makapal na kolorete. Nanggigigil na siya sa galit subalit kailangan niyang manatiling kalmado at pigilan ang init ng ulo. Bumulong siya sa asawa, "Sino nagpalabas d'yan? Ikulong niyo ulit d'on!"
Nginitian lamang siya ng asawa para pakalmahin, at naglakad ito palapit kay Wei WuXian para hilain palabas. Samantala, biglang dumapa at mahigpit na kumapit sa sahig si Wei WuXian. Walang sinuman ang makapagpatayo sa kaniya kahit ilang tagasilbi na ang tinawag para tumulong. Padilim na nang padilim ang mukha ni Ginang Mo, kahit ang kaniyang asawa ay nagsimula nang pawisan. Sinigawan siya nito, "...Ikaw... Hamak na baliw! Kung hindi ka babalik ngayon, hintayin mo lang kung paano kita paparusahan!"
Kahit alam ng lahat ng taganayon na mayroong miyembro ng pamilyang Mo ang nasiraan ng ulo, nagtago ng dalawang taon sa dilim si Mo XuanYu at takot lumabas. Matapos makita ang kaniyang mukha at malahalimaw na kilos, nagbulong-bulongan ang mga tao — natutuwa sa magandang palabas.
Nagsalita si Wei WuXian, "Pwede naman akong bumalik kung gusto niyo," tinuro niya si Mo ZiYuan, "Pero sabihan niyo muna siyang ibalik lahat ng gamit ko na ninakaw niya."
Hindi akalain ni Mo ZiYuan na ang walang kuwentang baliw na 'to ay may tapang para manggulo rito matapos ang kaniyang pagdi-disiplina kahapon. Namutla siya, "Hindi 'yan totoo! Kailan ako nagnakaw ng gamit mo? Bakit, bakit ko naman kailangang magnakaw ng kahit ano galing sa 'yo?"
Sagot ni Wei WuXian, "Oo na, oo na. Hindi ka nagnakaw, nanloob ka!"
Wala pang sinasabi si Madam Mo, pero galit na galit na si Mo ZiYuan— inangat nito ang paa para sipain siya. Ngunit bahagyang gumalaw ang daliri ng isang bisitang may bitbit na espada, at ang paa ni Mo ZiYuan ay nadulas, bahagyang nadaplisan lamang si Wei WuXian. Kahit gan'on lang, gumulong siya sa sahig — na parang nasipa talaga — at binuksan ang damit at pinakita ang bakas ng sapatos gawa ni Mo ZiYuan kahapon.
Halata namang hindi sinipa ni Mo XuanYu ang kaniyang sarili. Totoo namang arogante at malupit ang binatang si Mo ZiYuan, sino pa ba ang may lakas ng loob para gawin 'to? Kahit anuman, masyadong malupit ang pamilyang Mo sa sarili nilang kadugo. Noong bumalik si Mo XuanYu, hindi naman gaanong maluwag ang turnilyo niya sa ulo, lumala lang ang kaniyang kalagayan dahil sa kaniyang pamilya. Gayon pa man, ang mabuti ay may magandang palabas na puwedeng panoorin. Mas interesante pa 'to kaysa sa mga kultibador!
Bago ang pangyayaring ito, walang pakielam si Madam Mo sa kaniya dahil wala itong panahon makipag-argumento sa taong may saltik. Inutusan nito ang ibang tagasilbi na ilabas siya. Ngayon, alam na niyang preparado si Mo XuanYu. Alam nitong malinaw ang kaniyang isipan at sinasadya niyang iphaya ang pamilya nito. Gulat at galit ang nararamdaman nito, "Sinasadya mong gumawa ng eskandalo, ano?"
Walang-bahalang sumagot si Wei WuXian, "Ninakaw niya 'yong mga gamit ko, at nandito ako para bawiin sila. Paggawa na ba ng eskandalo ang tawag d'on?"
Dahil sa maraming pares ng mata ang nakatingin, hindi magawang saktan o itapon palabas ni Madam Mo ang pamangkin. Unti-unting umusbong ang matinding galit sa dibdib niya. Ang maaari niya lamang gawin ay pagkasundoin ang dalawang panig, "Pagnanakaw? Panloloob? Medyo wala 'yong respeto, kung ako ang tatanungin. Parte tayong lahat ng isang pamilya, at gusto lang naman ni A-Yuan¹ na tingnan sila. Nakakabata mo naman siyang kapatid, kaya anong mali ng pagkuha ng ilan sa mga gamit mo? Bilang nakatatanda, hindi ka dapat maging madamot sa pagpapahiram ng isa o dalawang laruan, hindi ba? Para naman hindi niya ibabalik."
(A-Yuan¹ — tinutukoy si Mo ZiYuan)
Tahimik na nagkatinginan ang mga binata galing sa angkan ng Lan. Lumaki ang mga ito sa kultibasyong angkan, namulat sila sa karangyaan at wala nang iba. Wala pa silang nasaksihang ganitong klase ng away, o kahit ganitong klase ng lohika.
Histerikal na natawa sa kaniyang isipan si Wei WuXian at inilahad ang palad, "Kung gan'on, pakibalik."
Siyempre, imposible para kay Mo ZiYuan na may maibalik pa lalo na't naitapon o pinagpira-piraso na niya ang mga ito. At kahit maaari niya pang ibalik ang mga ito, hindi ito kakayanin ng kaniyang kahihiyan. Nagkulay-ube ang kaniyang mukha sa galit at sumigaw, "...Ina!" Sumama ang tingin niya, hahayaan mo lang ba itong ipahiya siya?
Galit siyang tinitigan ng ginang, pinapahiwatig na huwag na niyang palalain ang sitwasyon. Samantala, muling nagsalita si Wei WuXian, "Bukod sa hindi niya dapat ninakaw ang mga gamit ko, hindi niya rin dapat ninakaw ang mga 'yon sa kalagitnaan ng gabi. Alam naman ng lahat na may gusto ako sa mga lalake. Kahit hindi siya nahihiya, alam ko naman hindi magmukhang kahina-hinala."
Napasinghap at napasigaw si Ginang Mo, "Anong pinagsasabi mo sa harap ng mga taganayon? Wala kang hiya — pinsan mo si A-Yuan!"
Pagdating sa paggawa ng kalokohan, isa siyang dalubhasa. Dati, kahit gusto niyang maghasik ng kalokohan, kailangan niya pa ring isaisip ang kaniyang estado. Ngunit ngayon, alam ng lahat na baliw siya— ang ibig sabihin nito ay maaari na niyang gawi ang kahit anong nais niya. Nagmatigas siya, "Kahit alam niyang pinsan ko siya, pinili niyang 'wag akong iwasan, kaya sino sa amin ang mas walang-hiya? Wala akong pakielam sa reputasyon niyo pero 'wag niyong sirain ang kamusmusan ko! Gusto ko pa ring makahanap ng mabuting lalaki!"
Nagpakawala ng isang sigaw si Mo ZiYuan at naghagis ng silya sa direksyon niya. Nang makita ni Wei WuXian na nawalan na ito ng kontrol sa sarili dahil sa galit, gumulong at agad siyang tumayo para maka-iwas— tumama lamang sa sahig at nasira sa proseso ang silya.
Noong una ay natutuwa pa ang kumpol ng mga tao sa Silangang Bulwagan, ngunit nang mag-umpisa na ang away, dali-dali silang nagsi-alisan.
Lumapit si Wei WuXian sa grupo ng mga binata galing sa angkan ng Lan —na napanganga sa pangyayari, "Nakita niyo 'yon? Nakita niyo? Nambubugbog pa ang magnanakaw! Walang awa!"
Hinabol siya ni Mo ZiYuan at halos dambahin na siya nang mabilis itong pinigilan ng lider ng grupo, "Huminahon kayo, pakiusap. Mas makapangyarihan ang salita kaysa sa sandata."
Nakita ni Madam Mo na sadyang pinoprotektahan ng binata ang baliw, at matabang na ngumiti, "Anak siya ng kapatid ko. Wala siya sa katinuan; alam ng lahat sa nayon na baliw siya at madalas nagsasabi ng mga kakaibang mga salitang hindi dapat seryosohin. Kultibador, pakiusap..."
Bago pa niya matapos ang sasabihin, sumilip si Wei WuXian mula sa likuran ng binata at tumingin nang masama, "Sinong nagsabi na hindi dapat seryosohin ang mga sinasabi ko? Sa susunod na may nakawin ulit kayo sa 'kin, puputulin ko ang kamay niyo!"
Nang marinig ito ni Mo ZiYuan— na mahigpit na hinahawakan ng ama— nagpumiglas ito at halos sumabog na ang ulo sa galit. Mabilis na tumakbo palabas si Wei WuXian.
Mabilis na humarang ang binata sa pintuan at seryosong binago ang usapan, "Mamayang gabi, hihiramin po muna namin ang kanlurang bakuran. Pakitandaan po ang mga bagay na sinabi ko— pagsapit ng dilim, pakisarado lahat ng bintana, at huwag kayo lumabas. Lalong huwag po kayo pumunta sa bakuran."
Nanginginig sa galit si Madam Mo, "Oo na, naiintindihan namin..."
Hindi makapaniwala si Mo ZiYuan, "Ina! Ininsulto ako ng baliw na 'yon sa harap ng maraming tao, at gan'on-gan'on na lang 'yon? Ang sabi mo dati, isa lang siyang..."
Madam Mo, "Manahimik ka. Hindi ka ba makapaghintay hanggang makabalik tayo?"
Hindi pa nadehado o napahiya nang ganito si Mo ZiYuan, at lalo pang pinalala ng sermon ng kaniyang ina ang sitwasyon. Kasalukuyan siyang napupuno ng pagkamuhi. Naisip niya, 'Babagsak ang baliw na 'to ngayong gabi!'
Matapos tumakas ni Wei WuXian, naglakad siya palabas ng tarangkahan ng lupain ng pamilyang Mo, at pinakita ang pagmumukha sa nayon. Kahit maraming tao ang nagulat sa kaniya, sa katunayan ay natutuwa siya bawat segundo— doon niya napagtanto ang saya ng pagiging baliw. Nagugustuhan na rin niya ang kolorete niyang mukhang nagpatiwarik na multo at halos hindi na niya ito gustong tanggalin. Inayos niya ang buhok at tiningnan ang braso. Mukhang hindi gumagaling ang mga hiwa. Ang ibig sabihin lang nito ay hindi sapat ang kaunting paghihiganti kanina.
Kailangan ba talaga niyang paslangin ang pamilyang Mo?
Sa totoo lang, hindi naman masyadong mahirap ang trabahong ito.
Bumalik si Wei WuXian sa Kanlurang Bakuran ng pamilyang Mo. Nakatayo sa tuktok ng mga bubong at taas ng mga pader ang mga disipulo ng angkan ng Lan, seryosong naguusap-usap.
Kahit malaki ang kontribusyon ng angkan ng GusuLan sa paglusob sa kaniya, hindi pa pinapanganak o bata pa lamang ang mga ito nang mga panahong 'yon. Hindi niya dapat idirekta ang kaniyang pagkamuhi sa mga ito, kaya napagpasyahan na lamang niyang magmasid at obserbahan ang kanilang gagawin. Matapos ang ilang sandali, napansin niyang parang may mali.
Bakit parang mukhang pamilyar 'yong mga wumagawayway na mga itim na bandera sa itaas ng mga pader at bubong?
Ang tawag sa klase ng bandilang ito ay "Phantom Attraction Flag." Kapag inilagay ito sa buhay na tao, kaya nitong mang-akit ng mga espirito, multo, naglalakad na mga patay, o mga masasamang elemento sa loob ng isang milya o metro, para atakihin lamang ang taong 'yon. Sapagkat ang taong may dala ng bandera at magiging isang buhay na target, maaari itong tawaging "Target Flag." Maaari itong ilagay sa isang bahay na mayroong mga nakatira. Pagkatapos, lalawak ang distansya ng atake para maisama ang mga nasa loob ng bahay. Dahil laging may masamang hangin ang nakapalibot sa mga lugar kung nasaan ang mga bandera, tinatawag din ang mga ito na "Black Wind Flags." Ang pag-aayos nila ng flag formation sa Kanlurang Bakuran at pagbawal sa kahit sino na lumapit— nangangahulugan lamang ito na nais nilang papuntahin ang mga naglalakad na bangkay rito at mabilisang hulihin ang mga ito.
At kung bakit mukha silang pamilyar... Paanong hindi magiging pamilyar ang mga 'to? Ang nag-imbento ng Phantom Attraction Flag ay walang iba kung hindi ang YiLing Patriarch!
Kahit mukhang kinamumuhian siya ng mundo ng kultibasyon, ginagamit pa rin nila ang mga imbensyon niya.
Nakita siyang nagmamatyag ng isang disipulo, at nagsalita, "Pumasok ka muna. Hindi 'to lugar para sa mga taong tulad mo na pumunta rito" .
Kahit pinapaalis siya nito, dahil ito sa malasakit at ang tono ay iba mula sa mga tagapagsilbi ng pamilyang Mo. Hindi nito inasahan na mabilis naka-akyat si Wei Wuxian, na dumukot ng isang bandera at tumakbo palayo.
Nagulat ang disipulo at agad na tumalon pababa para habulin ito, "'Wag kang tumakbo. Hindi mo dapat 'yan kunin!"
Sumigaw si Wei WuXian habang tumatakbo, mukhang tunay na baliw dahil sa magulo niyang buhok, "Hindi ko babalik, hindi ko 'to babalik! Gusto ko 'to! Gusto ko 'to!"
Mabilis siyang nahuli ng disipulo at hinawakan ang kaniyang braso, "Kung hindi mo babalik 'yan, matatamaan ka sa 'kin!"
Mahigpit na hinawakan ni Wei WuXian ang bandila, ayaw itong isauli. Inaayos ng lider ng grupo ang flag formation, at madaling lumundag mula sa bubong nang marinig ang away, "Tama na, JingYi. 'Wag mo nang palakihin 'to at kunin mo na lang ang bandila."
Nagsalita si Lan JingYi, "SiZhui, hindi ko naman siya tinamaan! Tingnan mo siya, ginugulo niya 'yong flag formation!"
Habang naghihilaan sila kanina, sinuri na ni Wei WuXian ang Phantom Attraction Flag na hawak niya. Ang paksa ay naguhit nang tama at mga inkantasyon ay kumpleto. Walang kahit anong mali kaya walang mangyayaring masama habang ginagamit ang mga ito. Samantala, kulang pa sa karanasan ang taong gumuhit nito kaya makaka-akit lamang ito ng mga masasamang elemento at naglalakad na mga bangkay sa loob lamang mg limang li¹. Gayon man, sapat na dapat iyon. Wala dapat malisyosong mga nilalang sa maliit na nayon ng Mo.
(li¹ — sukat sa Chinese. Ang isa li ay katumbas ng 500 metro o 1/3 milya.)
Nginitian siya ni Lan SiZhui, "Ginoong Mo, dumidilim na at malapit na kaming mag-umpisang humuli ng mga gumagalaw na bangkay. Delikado na 'pag gabi, kaya mas mabuti kung bumalik ka na sa iyong silid."
Tiningnan ito ni Wei WuXian. Pino at dalisay ang binata, na may marangal na 'itsura at bahagyang nakangiti. Taimtim na inaprubahan ni Wei WuXian ang binata. Organisadong nakaayos ang flag formation at ang ugali't kilos nito ay magalang din, tunay na disipulong may kahanga-hangang potensyal. Hindi niya alam kung sino sa konserbatibong angkan tulad ng Lan ang nagpalaki sa binatang ito.
Nagsalitang muli si Lan SiZhui, "'Yong bandila..."
Bago siya matapos, tinapon ni Wei WuXian ang Phantom Attraction Flag sa sahig, "Hmph! Bandera lang naman 'to, ano ngayon? Mas magaling pa 'kong gumuhit dito, e!"
Tumakbo siya palayo matapos itapos ang bandila. Ang binatang nanonood mula sa bubong ay halos mahulog na kakatawa matapos marinig ang mga katawa-tawa nitong komento. Natawa rin sa galit si Lan JingYi at pinulot ang bandila, "Baliw!"
Nagpatuloy lumibot si Wei WuXian, walang magawa, at muling napadpad sa bakuran ni Mo XuanYu.
Hindi niya pinansin ang sirang kandado at ang mga kalat sa sahig, pumili ng malinis na lugar, at muling umupo sa posisyong lotus.
Ngunit bago pa man muling sumikat ang araw, naistorbo siya mula sa meditasyon ng ingay mula sa labas.
Sunod-sunod na mga magugulong yapak ang mabilis na lumapit, kasama na ng ilang sigaw at pagtangis. Ilang parirala ang narinig ni Wei WuXian, "...Pasukan niyo at ikaladkad niyo palabas!"
"Sabihan niyo ang mga opisyal!"
"Anong ibig mong sabihin na 'sabihan ang mga opisyal'? Ibugbog na lang siya hanggang kamatayan!"
Binuksan niya ang mga mata para makita ang ilang tagapagsilbi na pumasok.
Maliwanag ang buong bakuran dahil sa mga apoy ng tanglaw. Sigaw ng isa, "Ikaladkad ang baliw na mamamatay-taong 'yan sa Pangunahing Bulwagan para pagbayaran niya ang ginawa niya!"