Chereads / The Founder of Diabolism (Filipino) / Chapter 6 - Kabanata V: Agresyon — Ikatlong Parte

Chapter 6 - Kabanata V: Agresyon — Ikatlong Parte

Musmos at kulang pa sa karanasan ang mga binata. Ngunit kahit ganoon, kahit mababakas sa kanilang mga mukha ang kaba, nanatili pa rin sila at pinotrektahan ang residente ng pamilyang Mo— naglagay sila ng mga talisman sa pader. Ang tagasilbing si A-Tong ay dinala papasok sa Bulwagan. Pinakiramdaman ni Lan SiZhui ang pulso nito gamit ang kaliwang kamay at sinusuportahan naman si Madam Mo gamit ang kanan. Hindi niya kayang sabay na iligtas ang dalawa. Nagdadalawang-isip pa siya nang biglang bumangon si A-Tong.

Napasigaw si A-Ding, "A-Tong, gising ka na!"

Bago pa man lumiwanag ang kaniyang mukha, inangat ni A-Tong ang kaliwa nitong kamay at sinakal ang sarili.

Nang makita ito ni Lan SiZhui, tinapik niya ng tatlong beses ang mga akyupoynt¹ nito. Alam ni Wei WuXian na kahit mukhang mahina ang mga tapik na ito, ang mga tao mula sa angkan ng Lan ay may ekstraordinaryong lakas. Gamit ang puwersang ito, mahihirapan ang kanit sino na makagalaw.

(akyupoynt¹ — acupoint, (mga) mahalagang parte sa katawan)

Samantala, mukhang wala pa ring naramdaman si A-Tong at lalo lamang humigpit ang pagkakasakal niya sa sarili, mababakas ang tumitinding sakit at supokasyon sa kaniyang mukha. Sinubukan ni Lan SiZhui na tanggalin ang kaliwang kamay niya, ngunit mala-bakal ang lakas at higpit ng kaniyang kamay, ni wala man lang kahit anong epekto. Matapos ang ilang sandali, isang malutong na tunog ang naggaling sa leeg ni A-Tong, matapos ay walang lakas na napayuko ang kaniyang ulo. Nalagutan na siya nang hininga.

Sinakal niya ang sarili sa harap ng maraming tao!

Nang makita ito ni A-Ding, nanginginig niyang sinabi, "... Multo! May multo rito. Kinontrol nito si A-Tong para sakalin ang sarili!"

Matalas ang tono at matinis ang kaniyang boses, na nagdulot ng kilabot sa lahat ng tao na agad naniwala. Ngunit iba ang paniniwala ni Wei WuXian— hindi ito malupit na multo.

Sinuri niya ang mga piniling talisman ng mga binata— lahat ng mga iyon ay panlaban sa multo— at napupuno ng mga ito ang Silangang Bulwagan. Kung totoong mabagsik na multo nga ang nilalang na iyon, kung ganoon ay dapat nagliyab nang kulay berdeng apoy ang mga ito. Ngunit sa kasalukuyan ay walang nangyayari.

Hindi kasalanan ng mga binata ang hindi mabilis na pagresponde, sadyang malupit lang talaga ang misteryosong nilalang.

May istriktong depinisyon para sa kategorya ng "malupit na multo" — kailangang pumatay ito ng kahit isang tao kada buwan at magpatuloy ang pangyayaring ito sa hindi bababa ng tatlong buwan. Ang basehang ito ay itinakda mismo ni Wei WuXian, at patuloy pa ring ginagamit hanggang ngayon. Siya ang pinaka magaling sa pagtukoy ng mga ganitong kaso. Para sa kaniya, maituturing na malupit na multo ang isang nilalang kung pumapatay ito ng isang tao sa loob ng pitong araw. Samantala, pumatay ang nilalang na ito ng tatlong tao sa loob lamang ng maikling panahon. Mahirap na para sa isang ekspertong kultibador na mabilis masolusyonan ang kasong ito, paano pa kaya para sa mga binatang ito na bagong salta pa lamang?

Habang nag-iisip siya, umandap ang kandila. Umihip ang masamang hangin at namatay lahat ng mga kandila't lamparang papel sa Silangang Bulwagan at Bakuran.

Sa sandaling namatay ang mga ilaw, nagsigawan ang mga tao. Nagkaroon ng hilahan at tulakan, may mga nadapa at nahulog sa kagustuhang agarang makaalis.

Sumigaw si Lan JingYi, "H'wag kayong tatakbo at manatili kung nasa'n man kayo! Huhulihin ko ang sinumang tatakbo!"

Hindi niya lamang sinabi iyon para takutin ang mga tao. Sa katunayan, gustong-gusto ng mga masasamang nilalang na mangambala at makinabang sa oras ng kaguluhan. Mas malala ang takot at gulo, mas lalong makaka-akit ng panganib. Sa ganitong mga pangyayari, napaka delikado ang mapag-isa at labis na pagkatakot. Sa kasamaang palad, takot na takot na ang mga tao kaya saan pa sila magtitira ng atensyon para makinig?

Matapos ang ilang sandali, nagkaroon ng katahimikan sa Silangang Bulwagan, kung saan iilang mahihinang hikbi at paghinga na lamang ang maririnig. Mukhang kaonting tao na lamang ang natira.

Sa kadiliman, may biglang nagliyab na apoy. Nagsindi si Lan SiZhui ng Talismang Apoy.

Ang siklab ng Talismang Apoy ay hindi mapapatay ng masamang hangin. Ginamit niya ito upang mulang sindihin ang mga kandila, at ang ibang binata ay pinakalma ang natitirang mga tao. Sa liwanag ng apoy, tiningnan muli ni Wei WuXian ang kaniyang braso. Isang sugat na naman ang naghilom.

Matapos tingnan, sandali niyang napagtanto na parang may mali sa bilang ng mga sugat.

Sa simula, may dalawang sugat siya sa magkabilang braso. Naghilom ang isa nang namatay si Mo ZiYuan, at isa na naman ang naghilom nang namatay ang kaniyang ama. Humilom din ang isa sa mga sugat nang namatay ang tagasilbing si A-Tong. Kung susumahin, tatlong sugat pa lamang dapat ang gumaling, kung saan ang huling hiwa ay para sa pinaka malalim at kinasusuklaman sa lahat.

Ngunit sa kasalukuyan, wala na ni isang sugat ang nasa braso niya.

Alam ni Wei WuXian na isa si Madam Mo sa mga nais gantihan ni Mo XuanYu. Ang pinaka mahaba at pinaka malalim na hiwa ay siguro'y para sa kaniya, ngunit bigla itong nawala.

Bigla bang napagdesisyunan ni Mo XuanYu na magpatawad at parayain na lamang ang kaniyang pagkamuhi? Imposible. Nasakripisyo na ang kaniyang kaluluwa bilang kabayaran sa pagtawag kay Wei WuXian. Dahil doon, ang kamatayan lamang ni Madam Mo ang paraan para maghilom ang sugat.

Dahan-dahang lumipat ang tingin niya sa maputlang Madam Mo, na kagigising lamang at napapaligiran ng mga tao.

Maliban kung... patay na siya.

Sigurado si Wei WuXian na mayroon nang sumanib sa katawan ni Madam Mo. Kung hindi isang espirito ang nilalang, ano ito kung ganoon?

Bigla, napasigaw si A-Ding, "Kamay... 'Yong kamay n'ya! 'Yong kamay ni A-Tong!"

Itinapat ni Lan SiZhui ang Talismang Apoy sa taas ng bangkay ni A-Tong. Tama nga, nawala rin ang kaliwang kamay nito.

Kaliwang kamay!

Kasing bilis ng kidlat na naliwanagan si Wei WuXian— natuklasan na niya ang misteryo ng mga nawawalang kaliwang kamay at ang nilalang na nagdudulot ng kaguluhan. Hindi niya mapigilang humagalpak ng tawa. Kinutsa siya ni Lan JingYi, "Ungas! Paano ka pa nakakatawa sa sitwasyong gaya nito?" Pero matapos ang sandaling pag-iisip, napagtanto nitong ungas naman talaga ang taong iyan, kaya anong mapapala nito sa pakikipagtalo sa tulad niya?

Hinila ni Wei WuXian ang manggas nito, "Hindi, hindi!"

Naiinis na hinila pabalik ni Lan JingYi ang manggas niya, "Anong 'hindi'? Na hindi ka tanga? 'Wag kang nagloloko-loko! Walang may panahong pumansin sa 'yo."

Tinuro ni Wei WuXian ang mga nakahandusay na bangkay ng ama ni Mo ZiYuan at A-Tong, at nagsalita, "Hindi sila 'yan."

Pinigilan ni Lan SiZhui ang nanggagalaiting si Lan JingYi at nagtanong, "Anong ibig mong sabihin na 'hindi sila 'yan'?"

Seryosong sumagot si Wei WuXian, "Hindi 'to ang tatay ni Mo ZiYuan, at hindi rin 'to si A-Tong."

Dahil sa natatakpan ng kolorete niyang mukha, mas mukha siyang seryoso, mas lalo siyang nagmumukhang siraulo. Ngunit dahil napapaligiran sila ng may kadilimang liwanag ng mga kandila, nagdulot ang kaniyang mga salita ng kilabot sa mga nakikinig. Sandaling napaisip si Lan SiZhui at napatanong, "Bakit?"

Pinagmamalaking sinabi ni Wei WuXian, "'Yong kamay nila. Wala sa kanila ang kaliwete. Sigurado ako kasi lagi nila akong tinatamaan gamit 'yong kanan nilang kamay."

Nilait siya ng nauubusan-ng-pasensyang-Lan JingYi, "Anong pinagmamalaki mo d'yan? Tingnan mo kung gaano ka kasaya!"

Samantala, biglang pinawisan nang malamig si Lan SiZhui. Kung iisipin, ginamit ni A-Tong ang kaliwang kamay upang sakalin ang sarili, at kaliwang kamay din ang ginamit ng asawa ni Madam Mo para itulak ang asawa.

Ngunit kaninang umaga, nang nag-eskandalo si Mo XuanYu sa Silangang Bulwagan, pareho nilang ginamit ang kanan nilang kamay. Imposibleng bigla na lang silang naging kaliwete bago sila mamatay.

Kahit hindi niya alam kung bakit, para malaman kung anong uri ng nilalang iyon, kailangan nilang ikonsidera ang mga 'kaliwang kamay.' Matapos itong mapagtanto ni Lan SiZhui, gulat siyang napatingin kay Wei WuXian. Hindi niya maiwasang isipin na... mukhang hindi ito nagkataon lamang.

Ngumiti lamang si Wei WuXian. Sadya siyang nagpahiwatig, lalo na't hindi niya ito maiwasan. Mabuti na lamang at hindi siya masyadong pinagtuonan ng pansin ni Lan SiZhui at nagpokus lamang ito sa misteryo.

Naisip ni Lan SiZhui, 'Kung pinaalala 'to ni Ginoong Mo, ibig sabihin lang n'on ay wala siyang balak na masama.' Lumipat ang tingin niya mula rito, lampas kay A-Ding— na nahimatay sa kaiiyak, patungo kay Madam Mo.

Naglakbay ang tingin niya mula sa mukha patungo sa mga kamay nito. Nakalupaypay ang mga kamay nito at halos natatakpan ng manggas— kalahati lamang ng mga daliri nito ang kita. Ang kanan nitong kamay ay may mapuputi't mapapayat na mga daliri, patunay lang na isa itong babaeng komportableng namuhay at hindi kailanman gumawa ng gawaing-bahay.

Sa kabaligtaran, ang mga daliri nito sa kaliwa ay mas mahahaba kumpara sa kanan. Mas makakapal din ang mga ito. Kung masusing titingnan, napupuno rin ng natatagong lakas ang mga liyabe¹ nito.

(liyabe¹ — Filipino for knuckles)

Hindi ito kamay ng isang babae— kundi ng isang lalaki!

Utos ni Lan SiZhui, "Hawakan n'yo s'ya!"

Sinunggaban ng ilang binata si Madam Mo. Humingi ng paumanhin si Lan SiZhui at handa na sana siyang lagyan ng talisman ang kaliwang kamay ni Madam Mo nang bigla itong bumaluktot sa abnormal na anggulo habang pinupuntirya ang leeg niya.

Maliban na lamang kung bali-bali na ang buto niya, imposibleng magalaw ng isang nabubuhay na tao ang braso niya katulad nito. Mabilis itong umatake at maaabot na sana nito ang leeg ni Lan SiZhui nang sandali ring iyon ay sinipa ni Wei WuXian si Lan JingYi— na matapos mapasigaw ng "hoy" at natulak sa harapan ni Lan SiZhui— at naharang ang kamay na papunta na sana sa kaibigan.

May kislap na biglang nagliwanag at sa sandaling sinunggaban ng braso ang balikat ni Lan JingYi, nagliyab ng berdeng apoy ang bisig niya, na nagpaluwag sa kapit nito.

Nakaligtas si Lan SiZhui at pasasalamatan na sana niya si Lan JingYi para rito, nang mapansin niyang kalahati ng uniporme nito ay naging abo na, nagmumukhang hindi akma. Hinubad ni Lan JingYi ang uniporme habang galit na galit na sinabing, "Bakit mo 'ko sinipa, ha, siraulo? Gusto mo ba 'kong patayin?"

Tumakbo palayo na parang takot na daga si Wei WuXian, "Hindi ako 'yon!"

Siya talaga iyon. Sa loob ng panlabas na uniporme ng mga Lan ay may mga masinsing tahi ng mga inkantasyon gamit ang maninipis na sinulid na may parehong kulay, dagdag bilang proteksyon. Ngunit laban sa mga malalakas na nilalang gaya nito, isang beses lamang itong pwedeng gamitin bago mawalan ng bisa. Sa oras biglaang pangangailangan, ang kaya niya lamang gawin ay sipain si Lan JingYi at gamitin ang katawan nito upang maprotektahan ang leeg ni Lan SiZhui. Gusto pa sana siyang sigawan ni Lan JingYi ngunit bigla na lamang humandusay sa sahig si Madam Mo— buto't balat na lamang at ni wala na ni kaunting laman o dugo. Humiwalay ang panlalaking braso mula sa kaniya. Gumalaw ang mga daliri nito, ani mo'y naghe-hersisiyo, at kitang-kita ang pintig ng mga ugat nito.

Ito ang masamang nilalang na naakit ng Phantom Attraction Flag.

Isang klasikong halimbawa ng nakakasuklam na pagkamatay ang tadtarin at paghiwa-hiwalayin ang mga parte ng katawan. Mas marangal lang ito ng kaunti kumpara sa paraan ng pagkamatay ni Wei WuXian. Hindi tulad ng kaso ng pagdurog hanggang sa maging abo, sa ganitong sitwasyon ay madudungisan ng poot ang bawat parte ng bangkay— kung saan kusa nitong nanaisin na hanapin ang iba pa nitong parte at mamatay nang buo. Kung kaya't hahanap ito ng mga paraan para matagpuan nito ang mga hiwa-hiwalay na parte. Kung natagpuan nito, maaari itong makuntento at manahimik na. Kung hindi nito mahanap, susubukan ng parte ng katawan nito ang isa pang alternatibong paraan.

Ano naman ang alternatibong paraan na iyon? Ang subukang gamitin ang katawan ng mga buhay na tao.

Katulad lamang ng kaliwang kamay na ito— lamunin ang kaliwang kamay ng isang tao, at pagkatapos ay palitan ito. Matapos nitong sariin ang lahat ng dugo't enerhiya ng isang tao, lilipat ito at muling hahanap ng ibang sisidlan na parang parasito, hanggang sa makolekta nito ang lahat ng parte ng bangkay nito.

Sa oras na may saniban itong tao, agad mamamatay ang taong iyon. Pero bago pa nito maubos ang lahat ng laman, kaya nitong kontrolin na ani mo'y nabubuhay pa ang katawang nakuha nito. Matapos maakit, ang unang sisidlang nahanap nito ay si Mo ZiYuan habang ang ikalawa ay ang ama niya. Nang sinabihan ni Madam Mo ang asawa na kumilos, nag-iba ang pakikitungo nito at tinulak siya. Akala ni Wei WuXian na naghihinagpis lamang ito sa pagkamatay ng anak at pagod na sa aroganteng asal ng asawa. Kung iisipin niya ngayon, hindi ito ang hitsura ng amang nawalan ng anak o kawalang-bahala dahil nawalan ng pag-asa. Mukha ito ng namayapang kapayapaan— kapayapaang nagmula sa isang pumanaw na.

Si A-Tong ang ikatlong sisidlan at si Madam Mo naman ang ika-apat. Habang nagkakagulo nang namatay ang mga ilaw, lumipat ang braso sa katawan ni Madam Mo. Nang namatay siya, naglaho na rin ang huling hiwa sa galanggalangan¹ ni Wei Wuxian.

(galanggalangan¹ — wrist; originally used 'braso' since it was more well-known)

Nakita ng mga binatang Lan na kahit hindi gumana ang mga talisman, epektibo naman ang kanilang damit. Lahat sila'y hinubad ang panlabas nilang kasuotan upang pigilan at lukuban ang kaliwang braso. Nagmukhang kukun¹ ang patong-patong na mga damit. Matapos ang isang segundo, nagliyab ang bola ng mga puting damit, na naglikha ng hindi pangkaraniwang berdeng nagngangalit na apoy. Kahit panandaliang naagapan ng mga binata ang panganib, pagkatapos ng ilang sandali ay babangon muli ito mula sa abo ng mga nasunog na uniporme.

(kukun¹ — cocoon; bahay-uod)

Habang walang pumapansin, tumakbo si Wei WuXian patungo sa Kanlurang Bakuran.

May sampu o higit pang mga naglalakad na bangkay ang tahimik na nakatayo. Ito ang mga nahuling bangkay ng mga binatang Lan at kinulong sa pamamagitan ng ginuhit na mga inkantasyon sa lupa. Sinipa ni Wei WuXian ang isa sa mga simbolo upang masira ang pormasyon. Dalawang beses siyang pumalakpak. Bigla, napaigtad at umikot pataas ang mga mata hanggang puti na lamang ang kita ng mga naglalakad na bangkay, wari'y nagising dahil sa kulog ng kidlat.

Inutos si Wei WuXian, "Gising na. Oras na para kumilos!"

Hindi na niya kadalasang kailangan ng mga komplikadong inkantasyon para kontrolin ang mga tauhang bangkay¹— epektibo na ang prangkong utos gaya nito. Nangangatal na humakbang ang mga naglalakad na bangkay. Ngunit nang lapitan nila si Wei WuXian, nanlambot ang mga tuhod at humandusay sila sa sahig, animo'y buhay pa.

((tau-)tauhang bangkay¹— corpse puppet)

Hindi alam ni Wei WuXian kung matatawa siya o maiinis, o pareho. Pumalakpak siyang muli, ngayon naman ay mas mahina. Ngunit isinilang at namatay siguro ang mga naglalakad na bangkay sa Nayon ng Mo, nang hindi man lang naranasan ang mabuhay hanggang sa sukdulan. Walang pag-aalinlangan nilang sinundan ang utos ng inbokador¹, ngunit nabahag din ang kanilang buntot nang makasalamuha si Wei WuXian, piniling humilata sa lupa at ayaw bumangon.

(inbokador¹ — invocador [Spanish]; summoner)

Mas malupit ang nilalang, mas madaling makontrol ni Wei WuXian. Hindi pa niya nasanay ang mga ito kung kaya't hindi makayanan ng mga ito ang mga direktang manipulasyon niya. Wala siyang kahit anong kagamitan kung kaya't wala rin siyang kahit anong kasangkapan na maaaring makatulong sa mga naglalakad na bangkay. Isa pa, wala siyang panahon para magtipon at bumuo ng magagamit niya. Humina na ang naglalagablab na berdeng apoy sa Silangang Bakuran. Dagli, nakahanap siya ng solusyon.

Bakit kailangan niya pang humanap sa labas ng bangkay na may matinding pagkamuhi at malupit na personalidad?

Hindi lang isa, kundi mayroong apat na bangkay sa Silangang Bulwagan!

Tumakbo siya pabalik sa Silangang Bakuran. Matapos pumalya ng unang plano ni Lan SiZhui, agaran siyang nag-isip ng ikalawang solusyon. Binunot ng mga binata ang kanilang mga espada at sinaksak sa lupa upang bumuo ng espadang eskrima¹. Sumalpok ang malignong braso sa eskrima. Inilaan ng mga binata ang kanilang atensyon at enerhiya sa pagpapanatili ng barera, walang panahon para pansinin ang naglalabas-masok.

(espadang eskrima¹ — sword fence/barrier; a circular sword formation in order to trap whatever within)

Pumasok si Wei WuXian sa Silangang Bulwagan at dinampot ang mga bangkay nina Madam Mo at Mo ZiYuan, isa kada kamay, at bumulong, "Gising na!"

Pagdaka, namuti ang mga mata ng mag-inang Mo at nakatutulig na pumalahaw— na ginagawa ng mga mababangis na bangkay matapos nilang bigyan ng buhay.

Sa kalagitnaan ng ingay, isa pang bangkay ang nangisay at gumapang patayo habang napaka hinang umaalulong. Asawa ito ni Madam Mo.

Sapat na ang lakas ng mga palahaw at tindi ng pagkasuklam. Ngumiti si Wei WuXian, damdami'y kuntento, "Nakikilala niyo ba 'yong kamay sa labas?"

Utos niya, "Pira-pirasuhin niyo."

Parang hangin na mabilis kumilos ang tatlong miyembro ng pamilyang Mo.

Nabali na ng kaliwang braso ang isa sa mga espada, malapit na sana itong makatakas nang tatlong mababangis na bangkay na nawawalan ng braso ang sumalakay rito.

Maliban sa hindi nila kayang suwayin ang utos ni Wei WuXian, matindi rin ang pagkasuklam na nararamdaman ng pamilya at binuhos nila ang kanilang galit sa nilalang na pumatay sa kanila. Mapapansing si Madam Mo ang pinaka mabangis umatake. Sapagkat mga babaeng bangkay ang pinaka masidhi matapos magbagong-anyo, magulo ang kaniyang buhok at namumula ang gilid ng kaniyang mga puting mata. Dahil sa mahahabang kuko, bibig na may mga bumubulang likido sa gilid, at mga alulong na kayang bumasag ng baso, mukha siyang lubhang nasiraan nang bait. Sumunod sa likuran niya si Mo ZiYuan na nakikipagtulungan sa pamamagitan ng mga ngipin at kamay nito. Sa huli ay ang ama nito, inaagapan ang mga butas sa pagitan ng pag-atake ng dalawang bangkay. Hindi makapagsalita sa paghanga ang mga nakipagsagupaang binata.

Narinig at nabasa lamang nila sa mga kuwento at libro ang labanan sa pagitan ng maraming mababangis na bangkay, ngayong nasaksihan nila ito sa unang pagkakataon, napatunganga na lamang sila habang nanonood. Hindi nila maalis ang tingin sa eksenang nagkalat ang dugo't laman. Naisip nilang lahat na... sobrang nakakapangilabot!

Nasa kalagitaan ng madugong labanan ang tatlong bangkay at ang braso nang napaatras si Mo ZiYuan. Inatake ng kamay ang kaniyang tiyan na nagdulot upang lumabas ang ilan niyang bituka. Nang makita ito ni Madam Mo, sumigaw siya't pinrotektahan ang anak sa kaniyang likuran. Marahas ang kaniyang mga atake, halos kasing lakas at talim ng mga bakal na sandata. Gayunpaman, alam ni Wei WuXian na unti-unti na siyang nalalamangan.

Kahit ang tatlong mababangis na bangkay ay hindi kayang talunin ang isang bisig na ito!

Masusing pinanood ni Wei WuXian ang laban. Bahagyang nakabaluktot ang kaniyang dila, pinipigilan ang matinis na sipol sa loob ng kaniyang mga labi, handang sumipol anumang sandali. Kayang himukin ang poot ng mga bangkay sa pamamagitan lamang ng pitong ito, na maaaring sumalba sa sitwasyon. Ngunit kapag nangyari iyon, mahirap siguraduhing walang makakaalam sa ginawa niya.

Sa kisapmata, mala-kidlat na kumilos ang malignong braso, walang-awang binali ang leeg ni Madam Mo.

Nang makitang malapit nang matalo ang pamilyang Mo, agad nang naghandang sumipol si Wei WuXian. Sa sandali ring iyon, dumating mula sa malayo ang mga dayandang¹ ng dalawang nota mula sa instrumentong may kuwerdas.

(dayandang¹— echoes)

Mukhang gawa ng tao ang tunog. Malinaw at mala-dakila, nagdadala ng nakapanginginig na lamig mula sa mga sumasayaw na puno. Napatigil ang mga bayolenteng nilalang na naglalabanan sa bakuran nang marinig nila ang tunog.

Kasabay nito, hindi nila maiwasang ngumiti at matuwa ng mga binata mula sa GusuLan, animo'y nabuhayan. Pinunasan ni Lan SiZhui ang dugo sa mukha, tumingala, at masiglang sinabing, "HanGuang-Jun!"

Nang marinig ni Wei WuXian ang malayong tugtog ng sitara¹, tumalikod siya at nagsimulang maglakad paalis.

(sitara¹— zither; in particular, Chinese zither which is guqin)

Isa na namang nota ang dumating. Ngayon, mas matinis na ito, tumatagos sa kalangitan na may halong pait. Humakbang palayo ang mga mababangis na bangkay at tinakpan ang isang tainga gamit ang kanan nilang kamay. Ngunit imposibleng maiwasan ang Panlupil na Tugtog* ng sekta ng GusuLan sa pamamagitan lamang nito. Ilang hakbang pa lamang ang nagagawa nila nang ilang pagsabog ang nanggaling sa loob ng kanilang mga bungo.

Matapos 'marinig' ang tunog na nanggaling sa mga kuwerdas, ang brasong kagagaling lamang sa madugong labanan ay agad humandusay sa lupa. Kahit kumikislot-kislot pa ang mga daliri nito, hindi na nito kaya pang gumalaw.

Matapos ang sandaling katahimikan, hindi mapigilan ng mga binata ang masayang ipagdiwang ang saya nang makaligtas mula sa insidente. Nagsumikap sila buong gabi at sa wakas, dumating na rin ang tulong mula sa kanilang angkan. Wala na silang pakielam kahit maaari silang mapaparusahan dahil "ang pagiging bastos at maingay ay nakakasira sa reputasyon ng sekta.¹"

(...¹— isa sa 4, 000+ tuntunin ng Sektang GusuLan)

Matapos kumaway sa direksyon ng buwan, doon lamang napagtanto ni Lan SiZhui na parang may nawawala. Kinalabit niya si Lan JingYi, "Nasa'n na s'ya?"

Nasa akto pa nang sobrang kasiyahan si Lan JingYi, "Ha? Sino?"

Sagot ni Lan SiZhui, "Ginoong Mo."

Sabi ni Lan JingYi, "Hmm? Ba't mo hinahanap 'yung baliw na 'yun? Malay ko kung saan 'yon pumunta. Natakot siguro sa mga banta ko sa kan'ya."

"..." Alam ni Lan SiZhui na pabaya at prangka si Lan JingYi, hindi pinag-iisipang mabuti ang kahit ano o pinaghihinalaan ang kahit sino. Ngunit walang mabuting idudulot ang maging mapaghinala. Naisip niya na lamang hintaying bumaba si HanGuang-Jun at i-ulat dito ang tungkol sa ginoo at sa lahat ng nangyari.

-+-

Tulog pa ang Nayon ng Mo, ngunit mahirap masabi kung totoong natutulog pa ang mga residente o hindi na. Kahit madugo ang labanan sa pagitan ng mga bangkay, hindi nagising ang mga taga-nayon upang manood. Pagkatapos nang lahat, kahit mga usisero ay kailangang pumili ng ligtas na kaganapan para magparamdam. Lalo na't ang isang sitwasyon kung saan maraming sigawan ay siguradong hindi ligtas.

Mabilis na binura lahat ni Wei WuXian ang ebidensya ng sakripikatoryong pormasyon sa silid ni Mo XuanYu, pagkatapos ay tumakbo palabas.

(sakripikatoryong pormasyon¹ — sacrificatorio formación [Spanish])

Sa kasamaang palad, sa lahat nang kultibador, si Lan WangJi¹ pa ang dumating galing sa angkan ng Lan!

(WangJi¹ — courtesy name; birth name: Lan Zhan)

Isa ito sa mga taong nakipaglaban kasama at laban sa kaniya noon kaya kailangan niyang mabilis na tumakas. Mabilis siyang naghanap ng masasakyan. Nang may madaanan siyang bakurang may malaking gilingan, isang asno¹ ang nakatali sa hawakan habang ngumunguya ito ng kung ano sa bibig. Nang makita siya nitong agarang tumakbo, nasorpresa ito at lumingon para tingnan siya, mala-tao kung kumilos. Nagkatinginan ang hayop at si Wei WuXian sa loob ng isang segundo, at agad siyang humanga sa panlalait na nasa mga mata nito.

(asno¹— donkey)

Sinunggaban niya ang lubid nito at hinila, ngunit gumawa lamang ng malalakas na angil ang asno, tanda ng reklamo nito. Walang mapagpilian si Wei WuXian kung hindi parehong gamitin ang kaniyang lakas at salita upang mapasunod ito at mahila papuntang lansangan. Nang magbukang-liwayway, umalis na sila patungong pangunahing kalsada.

+++

Mga karagdagang mga panuto mula sa tagasaling Ingles:

HanGuang-Jun: HanGuang-Jun is the ML's "alternative name" or "hao". An alternative name is usually a title given to a person by themselves or others. In this case, the "-Jun" suffix at the end directly translates to "gentleman" or "a man of noble character". Interesting enough, the "-kun" suffix in Japanese derived from this, although the two are used differently.

Panlupil na Tugtog*— Eradication Tone: The literal meaning is "sounds that can overcome obstacles". It is often used while attacking.