GUSTO nang magsisi ni Fabielle sa naisipang pagsama sa tour na iyon. It was supposed to be a three day tour to Sagada and an escape for her. Napapagod na kasi siyang pilitin ang sarili niyang makapagsulat ngunit ayaw naman makisama ng isip niya. At nang minsang nagba-browse siya ng sa feed ng social media account niya ay nakita niya ang advertisement ng isang travel agency tungkol sa tour na iyon.
Ngunit ngayong nasa harap na siya ng isang restaurant kung saan sila susunduin ng van ay saka pa niya gustong bitbitin na lamang ang mga inempakeng gamit at umuwi na lamang sa kanila. Kanina pa kasi siya napapabuntong-hininga sa tanawing nasa harap. Napapalibutan siya ng mga sweet na sweet na pareha. At dahil kinausap na rin siya ng mga ito kanina ay nakumpirma niyang makakasama niya ang mga ito sa tour na iyon.
Wala naman siyang problema sa mga couples. Iyon nga lamang, ang isiping ilang pares ang kasama niya habang siya naman ay dakilang single na nag-iisa pa sa tour na iyon ay nakakapanlumo. Bakit nga ba nawala sa isip niya na kung hindi pamilya, mga couples ang suki ng mga ganoong tour packages?
Muli siyang nagpakawala ng buntong-hininga. Partida pang hindi pa nagsisimula ang tour na iyon ay ganoon na ang pakiramdam niya, paano na kapag nasa Sagada na sila at mabababad ang mga mata niya ng tuluyan sa ka-sweet-an ng mga parehang kasama niya?
"Mag-isa ka rin?"
Awtomatikong bumaling ang tingin ni Fabielle sa kung sinong basta na lamang napadpad sa tabi at kumausap sa kanya. Bumungad sa kanya ang nakangiting mukha ng isang lalaki. Oo at nakangiti ito sa kanya ngunit bakit gusto na lamang niyang layuan ito?
"Ah... eh.. oo." Alanganing sagot na lang niya kahit sa totoo lang ay wala siya sa mood na kausapin ito.
"Cool. Ako din eh." Masiglang sagot nito. "I'm Paul by the way." Inilahad nito ang kamay sa kanya.
Saglit niyang tinitigan ang palad nito. Tinatantiya kung aabutin ba iyon o lalayuan na lamang ang lalaki. Ngunit para naman siyang hindi naturuan ng tamang asal kung hindi niya tatanggapin ang pakikipagkamay nito. Kung tutuusin naman ay wala itong ginawang masama sa kanya at nagiging friendly lamang ito.
"I'm Fabielle." Sabi niya nang sa wakas ay abutin niya ang kamay nito.
"Nice to meet you, Fabielle." Nakangiti pa ring sabi nito saka niya naramdaman ang paghigpit ng hawak nito sa kamay niya. Hindi niya napigilang mapakunot ang noo.
"Miss, nariyan na raw ang sasakyan." Imporma ng isa sa mga kasama nilang napagtanungan niya kanina. True enough, isa-isa nang nagsisilapit ang iba pang kasama nila sa isang puting van na nakaparada sa di kalayuan. Hahakbang na lamang siyang palapit sa van nang mahigit siyang pabalik sa harap ng lalaki. Hindi pa rin nito binibitawan ang kamay niya!
"Excuse me." Malamig na ang tonong sabi niya. "Nariyan na daw ang sasakyan."
Lalo lang naman lumawak ang pagkakangiti nito. Lalo rin tuloy lumalim ang kunot ng noo niya.
"Good." Sabi pa nito. "Tabi na lang tayo sa upuan ha? Pareho naman tayong walang kasama." Nakuha pa nitong kindatan siya bago tuluyang pakawalan ang kamay niya.
Eeewww! Tili ng isip niya. Gayunpaman ay nagmartsa na siyang patungo sa sasakyan. Baka sakaling makakuha siya ng upuan kahit katabi na ng isa sa mga "lovebirds" na kasama nila basta lang hindi niya makatabi ang presko at mukhang manyak pang Paul na iyon.
Pero nang makarating siya sa sasakyan ay gusto niyang damputin na lamang ang bag niya at umuwi na lamang sa kanila. Window seat na kasi ang kasunod na libreng upuan sa bandang gitna ng van at sigurado siyang kung papasok na siya ay agad na susunod ang lalaki at uupo sa tabi niya.
Halos buo na ang pasya ni Fabielle na kalimutan na ang trip at ang binayad niya para doon at umuwi na lamang nang maramdaman niya ang pagtapik sa likod niya.
"Go in." sabi ng isang baritonong boses. Kaiba iyon sa nakakairitang preskong boses ni Paul kaya naman agad niyang nilingon ang lalaking nasa likuran. And true enough, she met a different handsome face. Different but not entirely unfamiliar. But why? Nasisiguro naman niyang hindi pa niya nakikita ang ganito kaguwapong lalaki sa tanang buhay niya dahil kung nakita na nga niya ito noon pa ay alam niyang tatatak ang mukhang iyon sa isipan niya. He was too handsome to ignore. A pair of chinky black eyes, handsome pointed nose, manly jaw and flawless white face. Ang mga tipo nito ang hinding hindi makakalimutan ng utak niya. Lalo pa at isa siyang manunulat. Isa sa doktrina niya bilang romance writer ang tandaan ang mga nakikita niyang gwapo at magagandang nilalang bilang inspirasyon sa mga bagong nobelang susulatin niya. And this type of face is definitely hero material.
"Ahmm.." ang tanging nasabi niya dahil naglu-loading pa ang utak niya. Tila ba nakalimutan niya ang lahat ng inaalala niya kanina bago niya ito makita. Napapitlag pa siya nang walang paalam na hawakan nito ang mga balikat niya saka siya iniikot paharap sa pinto ng sasakyan.
"You go get in." sabi nito saka bahagya siyang itinulak paakyat sa sasakyan. Wala na rin siyang nagawa pa kung hindi ang pumasok sa sasakyan bitbit ang malaking bag niya at pumuwesto sa window seat. Nagulat pa siya nang mamalayang nasa tabi na niya ang gwapong lalaki.
"Hey that's my seat!" narinig niyang sabi ni Paul mula sa labas ng sasakyan.
"I don't see a name at this seat." Kibit-balikat na sabi ng lalaki saka walang anumang sumandal ng maayos sa upuan nito at ipinikit ang mata. Sa bulto nito ay sigurado siyang hindi ito kumportable sa kinauupuan. Mahahaba ang biyas nito at malamang na mangalay ito maya maya dahil sa pagkakabaluktot ng tuhod nito dahil maliit lamang ang espasyo kaya hindi nito maiunat ang mga paa nito. Dapat ay sa unahan na ito naupo ngunit hindi siya nagrereklamo. Partida pang hinawakan siya nito ng walang pahintulot kanina.
Hindi niya alam kung bakit ngunit kaiba sa naramdaman niya nang hawakan ni Paul ang kamay niya, nang hawakan ng lalaking katabi ang mga balikat niya kanina, security ang naramdaman niya. Na para bang mas ligtas siya sa tabi nito imbes na kay Paul na mas marami pa ngang nasabi sa kanya kaysa sa lalaking katabi.
Bumalik ang isip niya sa reyalidad nang nagdadabog na pumasok sa sasakyan si Paul. Nakasimangot na nakatingin ito sa tila ba natutulog nang lalaki sa tabi niya ngunit nang mapansing nakatingin siya rito ay mabilis pa sa alas-kuwatrong nagbago ang ekspresyon nito. Muling sumilay ang ngiti sa mga labi nito. Dulot ng mabuting asal ay ginantihan niya ang ngiti nito bago siya umayos ng upo. Sa ginawa ay bahagyang nadikit ang braso niya sa braso ng lalaki. Bahagyang malaki ang bulto ng gwapong lalaking katabi kaya kahit pa hindi naman kasikipan ay hindi maiwasang madikitan niya ito. And a current seemed to run through her system from where their arms graced at each other. Mabilis tuloy na lumipad ang tingin niya sa mukha ng katabing lalaki upang kumpirmahin kung naramdaman din nito ang kuryenteng dumaloy sa kanya. Ngunit nanatiling nakapikit ang lalaki.
Naiiling na inilayo na lamang niya ang tingin sa lalaki. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Hindi yata at nararanasan niya ang mga bagay na sa mga sinusulat lang niya nakikilala. Ang pagkatulala kanina. Ang kuryenteng dumaloy sa kanya nang magdaiti ang mga braso nila. Iyon ang unang beses na naranasan niya ang mga iyon. Oo nga at isinusulat niya iyon, ngunit lahat ng iyon ay na-adapt lamang niya mula sa mga nababasang sinulat ng iba pang magagaling na manunulat. Weird dahil sa tagal ng relasyon nila ni Jason ay hindi niya masabing naramdaman na niya ang mga iyon.
Hindi kaya ini-imagine lamang niya iyon dahil pagka-guwapo-gwapo naman talaga ng katabi niya?
Niyakap na lamang niya ang bag saka sumandal ng maayos at ipinikit ang mga mata. Kaya siya nasa tour na iyon ay para tanggalin sa isipan ang mga bagay na nagpapagulo doon at wala siyang karapatang magdagdag pa ng isa pang alalahanin kesehodang napaka-gwapong nilalang ang nagbabadyang guluhin pang lalo ang sistema niya.