"AAAAAAAHHH!!!" tili ni Fabielle saka marahas na kinusot ang magulo na ngang buhok. Napu-frustrate na siya. Iyon ay pagkatapos niyang mabasa ang kakarating lamang na email mula sa kanyang editor. Isang naghuhumiyaw na "RETURN" ang nakasaad roon tungkol sa manuscript na ipinasa niya nang nakaraang buwan.
Pangatlo na niyang manuscript iyon na naibalik sa kanya at sa tanang buhay niya simula nang maging Romance writer siya ay iyon na ang pinakamaraming return na natanggap niya kaya naman napapraning na siya. Iyon pa naman ang pangunahing pinagkakakitaan niya at kung ganoon nang ganoon ay baka mamatay siya sa gutom. Pero siyempre ay joke lang naman iyon. Kasalukuyang nakapisan pa siya sa mga magulang at hindi naman siya hinahayaang magutom ng mga ito kahit pa wala siyang maiambag sa kaban ng bayan nila sa ngayon.
Maya maya pa ay narinig na niya ang malalakas na katok sa pinto ng kuwarto niya kasunod ng pagbubukas niyon at bumungad sa kanya ang nag-aalalang mukha ng kanyang ina.
"Ano? Bakit?" ang humahangos na tanong ng Mama niya.
"Na-return na naman ang manuscript ko, Ma." Sumbong niya sa ina.
Napalitan ng relief ang pag-aalala sa mukha ng ina pagkatapos ay napailing sa kanya.
"Ikaw talagang bata ka! Akala ko pa naman kung ano na ang problema. Kung makasigaw ka naman kasi."
"Ma, malaking problema naman talaga! Parang nawawala na ang galing 'ko sa pagsusulat. Paano na Ma? Maghihirap na ko! Paano na ako mabubuhay?" eksaheradong sabi niya.
"'Kuuu! Eh hindi ba at nagsimula lang naman 'yan noong maghiwalay kayo ni Jason? Kung bakit kasi hiniwalayan mo 'yong tao, ayan tuloy ang nangyayari sa'yo ngayon." Pumalatak pa ang Mama niya upang pagdiinan ang pagkadismaya nito.
Oo nga pala. Ilang buwan na nga ba silang hiwalay ng Jason na iyon? Mag-aanim na siguro ngunit hanggang ngayon ay nababanggit pa rin ito ng kanyang ina. Si Jason kasi ang pinakamatagal niyang naging nobyo. Mula pa iyon noong kolehiyo sila at madalas din itong nagpupunta sa bahay nila. Malapit ito sa kanyang mga magulang dahil mabait naman ito. Mabait naman ito sa iba, at mabuting kaibigan rin pero doon natatapos iyon. Oo nga at mabait naman ito sa kanya noon, ngunit may itinatago rin pala itong kalandian sa katawan. Isang taon na itong may itinatagong relasyon sa sekretarya nito nang sa wakas ay mahuli niya ito sa aktong gumagawa ng milagro sa mismong opisina nito nang balakin niyang sorpresahin ito. Kaya naman pagkatapos niyang paduguin ang ilong nito ay walang pag-aalinlangang hiniwalayan niya ito. Hindi na niya sinabi pa sa mga magulang ang ginawa nito. Baka mapatay pa ito ng kanyang ama kapag nalaman ang totoo. Basta lang ayaw na niya rito, iyon ang paliwanag niya sa mga magulang.
Ngunit kahit naman pinalalabas niyang ayos lang siya kahit ganoon ang kinahinatnan ng pinakamatagal na relasyon niya ay hindi niya maitatangging malaki ang naging epekto niyon sa kanya. Oo, umiyak siya, noong unang gabi pagkatapos ng nangyari. Ngunit hindi doon natapos ang epekto ng paghihiwalay na iyon. Para kasing biglang nawala ang sense niya sa pag-ibig. Kung noon ay nagagawa niyang pakiligin ang mga mambabasa, ngayon ay ni hindi na makalusot ang mga akda niya sa mga editor niya. Parang gusto niya tuloy katayin ang malanding lalaki dahil sa ginawa nito sa kanya. Sinaktan na nga nito ang puso niya ay mukhang ito pa ang magiging dahilan ng maagang pagreretiro niya sa pagsusulat!
"Matagal na pong tapos 'yon, Ma." Sagot na lamang niya sa butihing ina.
"Aba eh matagal ka na rin namang hindi nakakapagsulat nang matino hindi ba?" balik nito sa kanya. " Pumasok nang tuluyan ang kanyang ina sa kuwarto niya at naupo sa kama niya. Uh-oh! Here we go again. "Anak, hindi ba talaga pwedeng mag-usap na lang kayo ni Jason? Baka naman maaayos ninyo pa iyan."
Gusto niyang mapangiwi. Iyon ang hirap nang hindi niya sinabi ang buong katotoohanan sa mga magulang. Hindi rin nakatulong na pumunta pa sa kanila ang unggoy na lalaki upang humingi ng tawad sa kanya. May ulan pa noon at wari ba ay eksena sa romance drama ang pini-film nito. Hayan tuloy at tila ba umaasa pa ang mga itong maibabalik pa ang lahat sa dati. Pero hindi na mangyayari iyon. Minsan lamang siya maaaring maloko ng isang unggoy at hindi siya papayag na maulit iyon.
"Ma, sinabi ko na, tapos na ang sa amin. At wala na akong balak bumalik pa sa kanya." Ang mariing sabi niya sa ina.
"Anak, lahat naman ay nagkakamali. Nasisiguro 'kong pinagsisisihan na niya iyon." Mahinahong paliwanag pa rin ng kanyang ina.
At may mga bagay ring hindi nadadaan sa pasisisi lang at hindi agad napapalis. Tulad nang matinding kalandian. Gusto niyang isagot ngunit pinigilan niya ang sarili. Ang mahalaga ay tapos na ang panahong naloko siya ng malanding unggoy na iyon at hindi na dapat niya bigyan ng ikaka-stress ang kanyang mga magulang.
"Ma, nakapagpasya na nga ako." Ang napili niyang isagot dahilan upang bumuntong-hininga ang ina niya. "I just need time to get my senses back. Magiging okay rin po ako." Ang nakangiti nang sabi niya.
"Ikaw lang naman ang iniisip 'ko." Mahinahong sabi ng Mama niya at naiintindihan naman niya iyon.
"I know, Ma. I'm fine. Or at least, I'll be fine. Nandyan naman kayo eh." Sagot niya sa ina. As if on cue, her cellphone started ringing. Nang tignan niya iyon ay nalaman niyang ang kaibigan niyang si Jennifer ang tumatawag. "And I still have my friends."