Chereads / (FILIPINO) Belle Feliz's Lollipop Boys / Chapter 56 - Chapter Seven

Chapter 56 - Chapter Seven

NAGTAKA si Iarah nang makita niya sa labas ng unibersidad si Vann Allen. Nang makita siya nito ay kaagad na nginitian siya nito at nilapitan.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong niya. "Wala ka na bang pasok?" Alas-tres na ng hapon, at pauwi na siya.

"Wala na. Kain tayo sa labas, gusto mo?" anito habang kinukuha mula sa kanya ang mga kipkip niyang libro. Hinayaan niya ito.

"Sina Ate?"

"May date sila ni Peigh, eh. Manonood yata sila ng sine. Gusto tayong isama pero, `sabi ko, may iba tayong lakad. Ano, tara?"

Nais niyang pumayag ngunit ayaw niyang gumastos pa ito. "Saka na lang, Vann. Wala ako sa mood lumabas, eh."

Pinisil nito ang ilong niya. "May pera ako, huwag kang mag-alala. May bago akong raket."

"Wala naman akong sinabing wala kang pera. Ang sinasabi ko lang, wala akong ganang lumabas. Gusto kong magpahinga na lang sa bahay." Ayaw niyang sayangin nito ang perang pinaghirapan nito sa paglabas sa kanya. Alam niya ang tungkol sa raket nito at ng ate niya upang magkaroon ng ekstrang pera.

Napapansin niyang nadadalas ang pagpapakita nito sa kanya nitong mga nakaraang araw. Mas madalas na itong magtungo sa apartment nila. Mas nagtatagal na rin ito roon. Kung hindi pa ito itataboy ng ate niya ay hindi pa ito aalis.

His smiles seemed brighter. Parang doble ang kasiyahan sa mukha nito. Ayaw niyang isipin na siya ang dahilan ng kasiyahan nito. Ang yabang niya kung mag-iisip siya ng ganoon. Isa pa, ayaw niyang lumampas sila sa linya ng pagkakaibigan. Kasalukuyan pa lang siyang nakaka-recover sa pag-iwan sa kanya ni Daniel. Ayaw muna niyang tumingin sa ibang lalaki.

Vann Allen was a dear friend. Natutuwa siya kapag alam niyang nasa malapit lang ito. Nadadalas ang pagngiti niya kapag nakikita niya ito. Madali siya nitong napapatawa sa mga hirit nitong nakakatawa.

"O, sige," anito pagkatapos nitong mag-isip sandali. "Bumili na lang tayo ng snacks, `tapos, kainin natin sa apartment n'yo."

"Vann—"

"Huwag kang tatanggi," putol nito sa sinasabi niya.

"Mag-isa lang ako sa bahay," sabi niya.

Inakbayan siya nito. Kaagad na nanuot ang mabangong amoy nito sa ilong niya. Ang guwapu-guwapo na nito, ang bangu-bango pa. "Hindi kita gagahasain kahit magmakaawa ka pa," anito habang naglalakad sila patungo sa isang convenience store.

Sinakyan niya ang biro nito. "Kahit pa maghubad ako?"

Nagulat siya nang dampian nito ng munting halik ang tungki ng ilong niya. "Kahit sayawan mo pa ako. Ano'ng akala mo sa `kin, easy? Magpapakipot pa ako, bah."

Natawa na lang siya kahit biglang bumilis nang husto ang tibok ng kanyang puso. Parang nararamdaman pa niya ang mga labi nito sa ilong niya.

Marami itong biniling snacks. Pinipigil niya ito ngunit ayaw nitong magpaawat.

"Isang protesta pa, hahagkan na kita sa lips," pagbabanta nito nang pigilin niya ang paglalagay nito ng isang mamahaling tsokolate sa basket.

Pinagdikit niya ang mga labi niya at hindi na nagsalita. Baka totohanin nito ang banta nito, mahirap na. Ayaw niyang mahagkan sa harap ng maraming tao.

Ayaw raw mahagkan, kutya niya sa kanyang sarili.

Ayoko sa maraming tao. Gusto ko, private.

Ngalingaling sabunutan niya ang kanyang sarili sa kanyang kalandian. Nag-iinit na ang buong mukha niya. Dapat ay natuto na siya sa ginawa ni Daniel.

Natawa si Vann Allen. "Natahimik ka na riyan. Sige na, dumaldal ka na. Come on, speak up, baby."

Hinampas niya ito sa dibdib. Lalo lamang itong natawa.

Nanahimik siya hanggang sa makauwi sila sa apartment. Binuksan nito ang TV set habang nagpapalit siya ng pambahay. Paglabas niya ng silid ay nakahanda na ang merienda sa coffee table. Nanonood ito ng telebisyon habang may nakasaksak na lollipop sa bibig nito.

Umupo siya sa tabi nito at inabot ang isang supot ng potato chips. Tahimik lamang ito kaya nanahimik lang din siya. Nakakailang subo pa lang siya ng chips nang mag-commercial.

Napatulala siya nang lumabas sa TV screen ang mukha ni Vann Allen. May nakasubo ring lollipop sa bibig nito. Sumasayaw ito at kumakanta kasama ang apat pang lalaki na sa tantiya niya ay mga kaedad nito.

Bigla siyang napatili nang matapos ang commercial. Marahas na napatingin siya rito. "Ikaw `yon! Ikaw `yong nasa TV!"

Natawa ito. "Okay ba? Ang pogi ko, `no? `Yon ang bago kong raket. Ngayon pala ipapalabas `yon, nakalimutan ko na."

"Artista ka na!" tili niya.

"Hindi ako artista, `oy. Commercial model lang."

"Oh, my God," namamanghang sambit niya.

"Sana, magkaroon pa kami ng pangalawang commercial. Ang saya pala. Ang saya kasama n'ong ibang boys." Kitang-kita niya ang ningning sa mga mata nito.

Sigurado siyang masusundan pa ng maraming commercial ang lollipop commercial nito.

ILANG araw nang hindi mapakali si Iarah. Ilang gabi na rin siyang hindi makatulog. Napakaraming bagay ang pumapasok sa isip niya. Ilang araw nang namamahay ang takot sa dibdib niya.

Paulit-ulit na binilang niya ang mga araw sa kalendaryo. Pilit na sinasabi niya sa kanyang sarili na stressed-out lamang siya. Hindi mangyayari ang kinatatakutan niya.

Isang linggo nang delayed ang menstruation niya!

Minsan ay napapaiyak siya kapag naiisip niyang malaki ang posibilidad na buntis siya. Hindi siya maaaring mabuntis! Hindi niya alam ang gagawin niya kung mangyayari iyon.

Lalong tumibay ang hinala niya sa kanyang kalagayan nang magsuka siya isang umaga. Halos maubos ang buong lakas niya, ngunit nagawa pa rin niyang humagulhol pagkatapos niyang magsuka. Mabuti na lang at wala ang kanyang kapatid sa bahay. Maagang umalis ito at si Peighton dahil may community service ang mga ito.

Nagpasya siyang hindi na lang siya papasok nang araw na iyon. Inayos niya ang kanyang sarili at nagtungo siya sa pinakamalapit na drug store. Bumili siya ng pregnancy test kit. Nagkulong siya sa banyo pag-uwi niya.

Sa nanginginig na kamay ay pinatakan niya ng kaunting ihi niya ang test kit. Taimtim na nagdasal siya habang hinihintay ang resulta. Hindi siya maaaring mabuntis!

Nanlamig ang buong katawan niya nang may lumabas na dalawang guhit. Nanginginig ang buong katawan niya. Hindi niya alam ang unang iisipin. Hindi niya alam kung ano ang kanyang unang gagawin.

Buntis siya!

Naluha siya. Napasalampak siya sa sahig ng banyo. Diyos ko, bakit Ninyo pinahintulutang mangyari ito sa `kin? Ito ba ang kabayaran ko sa pagsuway ko sa mga magulang ko? Pinagsisihan ko na nang husto ang nangyari. Bakit kailangang mangyari ito sa `kin?

Napasinghap siya nang malakas nang biglang may kumatok. Bumalik ba ang ate niya?

"Iya? Nandiyan ka ba? Ako `to," anang kumakatok.

Tinig iyon ni Vann Allen. Ano ang ginagawa nito roon? Wala ba itong community service? Pumasok na naman ito nang walang pahintulot. Ngunit hindi niya magawang magalit dito sa pagkakataong iyon. Kailangan niya ng isang taong iintindihin siya. Kailangan niya ng isang taong maipaparamdam sa kanya na magiging maayos ang lahat.

Binuksan niya ang pinto ng banyo.

"Pasensiya ka na kung pumasok na naman ako nang hindi nagpapaalam," sabi agad nito sa kanya. Kaagad ding nagsalubong ang mga kilay nito nang matitigan siya nito. "Ano'ng nangyari sa `yo? Bakit ka umiiyak?"

Hindi na siya nag-isip, yumakap na lang siya rito. "Huwag ka munang magagalit sa `kin, o," pakiusap niya rito sa pagitan ng mga luha. "Hindi ko sinasadya, maniwala ka. Alam kong kasalanan ko dahil ginusto ko naman at hinayaan ko siya. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi na sana ako pumayag."

"Sshh... Tahan na. Tahan na," pag-aalo nito habang hinahagod ang kanyang likod. "Hindi ako magagalit. Wala namang dapat na ikagalit. Ano ba ang nangyayari sa `yo?"

"Buntis ako." Lumakas pang lalo ang iyak niya.

Naramdaman niya ang paninigas ng buong katawan nito. Tila natigil din ito sa paghinga. Hinigpitan niya ang yakap niya rito. Huwag naman sana itong magalit sa kanya.

Kinalas nito ang mga braso nitong nakayakap sa kanya. Kaagad na nakadama siya ng kahungkagan at matinding habag sa kanyang sarili. Galit ito sa kanya.

Pumasok ito sa banyo at dinampot ang pregnancy test kit na nahulog niya sa sahig. Kahit nanlalabo na ang kanyang mga mata sa luha ay nakita pa rin niya ang pagguhit ng galit sa buong mukha nito. Napapitlag siya nang marahas na ibato nito ang kit sa pader, pagkatapos ay nilisan nito ang apartment sa malalaki at mararahas na hakbang.

Nanghihinang napaupo siya sa sahig. Umiyak siya nang umiyak. Sira na ang buhay niya. Sinira iyon ni Daniel. Hindi. Hindi si Daniel ang sumira ng buhay niya—siya.

Paano na ang mga pangarap niya? Paano ang magandang bukas na naghihintay sana para sa kanya? Paano niya bubuhayin ang kanyang magiging anak? Alangan namang pilitin pa niyang panagutan siya ni Daniel. Hindi niya alam kung nasaang bahagi ng Netherlands ito naroon. Itinapon na siya nito, pipilitin pa ba niya itong pulutin uli siya?

Hindi niya alam kung gaano siya katagal na umiiyak nang makita niya ang pares ng sapatos ni Vann Allen. Nag-angat siya ng tingin. Pinahid niya ang kanyang mga luha upang makasiguro na nagbalik nga ito. Si Vann Allen nga ito. Bumalik ito. Wala nang galit sa mukha nito.

Yumuko ito at marahan siyang itinayo mula sa sahig. "Tahan na muna," anito sa masuyong tinig. "Try all of these. Kailangan nating makasiguro."

Napatingin siya sa iniabot nitong plastic bag sa kanya. Apat na pirasong pregnancy test kits ang laman niyon—iba-iba ang brand!

Tahimik na pumasok uli siya sa loob ng banyo. Umihi siya at pinatakan ang apat na kits. Binuksan niya ang pinto nang matapos siya.

Magkasabay na tiningnan nila ni Vann Allen ang resulta. Pare-pareho ang resulta: Dalawang linya. Positibo, buntis siya.

Napahagulhol na naman siya. Niyakap siya ni Vann Allen. Hinagkan nito ang sentido niya. "Magiging maayos ang lahat," pangako nito.

"Paano?"

"Ako ang bahala."

Naniwala siya rito. Magiging maayos ang lahat dahil sinabi nito. Magtitiwala siya rito.

"HINDI ko alam ang gagawin ko, Vann," sabi ni Iarah pagkatapos nilang magtanghalian.

Kahit paano ay kalmado na siya. Hindi siya nito iniwan mula pa kaninang umaga. Nagpapasalamat siya sa presensiya nito. Tila gumaan nang kaunti ang bigat ng dinadala niya dahil nasa tabi niya ito.

"Kailangan mong sabihin ang totoo sa Ate Janis mo," payo nito sa kanya.

Seryusung-seryoso ang mukha nito ngunit hindi naman ito galit. Hindi niya maturol kung ano ang tumatakbo sa isip nito. Kahit wala naman dapat itong pakialam sa problema niya, naroon pa rin ito at tinutulungan siya. Malaking bagay na ang presensiya nito at pagdamay nang mga sandaling iyon.

"Natatakot ako, Vann," pag-amin niya. "Magagalit si Ate sa akin. Baka mapatay niya ako. Itatakwil ako ng mga magulang ko."

Hinawakan nito ang kamay niya. "Hindi mo ito maitatago nang matagal. Lalaki at lalaki ang tiyan mo. Nursing students sina Peigh at Janis, hindi mo maipagkakaila ang mga senyales. Malalaman at malalaman din nila kahit ano pang tago ang gawin mo. Mabait ang ate mo, bukod pa sa mahal ka niya. Magagalit siya nang husto pero sa umpisa lang naman `yon. Matatanggap din niya na magiging tita na siya. Hindi ka itatakwil ng pamilya mo. Siyempre, hindi maiiwasang magwala sila sa galit dahil sinaktan mo sila."

Muling namasa ang kanyang mga mata. Hindi na yata mauubos ang mga luha niya. Halos tatlumpong minuto pa lang siyang tumitigil sa pag-iyak, hayun na naman ang mga luha niya.

"Ang taas-taas ng expectations ng mga magulang ko sa `kin," aniya sa gumagaralgal na tinig. "Matalino ako. Mula kinder, nangunguna ako sa klase. Mabait naman akong anak. Sinusubukan kong sundin ang lahat ng mga bilin nila. Ang dami-dami ko pang pangarap. Ang dami kong gustong gawin sa buhay ko. Bakit nagkaganito? Bakit hindi ko ginamit ang ipinagmamalaki kong talino? Bakit ko siya hinayaan?"

Pinahid nito ang mga luha niya. "Huwag ka nang umiyak. Tapos na, wala na tayong magagawa. Nandiyan na `yan. May magandang plano ang Diyos kaya binigyan ka niya ng biyaya. Biyaya ang nasa sinapupunan mo, `yan ang lagi mong tatandaan. Huwag kang mag-iisip na isang parusa `yan. Huwag kang mag-iisip na ipaalis `yan. Magtiwala ka sa akin, magiging maayos ang lahat."

Hindi niya naisip na ipaalis ang nasa sinapupunan niya. Hinaplos niya ang tiyan niyang flat na flat pa. Kahit wala nang kasiguruhan ang patutunguhan ng buhay niya, isa lamang ang sigurado siya: Isisilang niya ang bata. Mamahalin niya ito nang husto. Gagawin niya ang lahat upang magkaroon ito ng magandang buhay.

"Salamat, Vann. Salamat sa pagsama mo sa akin."

Pinisil nito ang kamay niya. "Basta ikaw."

"Bakit ka nga pala nandito?" pag-iiba niya ng usapan. Nais niyang kalimutan kahit sandaling-sandali lang ang kinakaharap niyang suliranin.

Ngumiti ito. "Sasabihin ko lang sana na magiging parte na ako ng isang boy band. "Lollipop Boys" ang itatawag sa amin. Kaming lima na nasa commercial ang members."

"Talaga?" natutuwang sabi niya. Sikat na sikat na ang commercial nito ngayon. Marami ang nagkakagusto sa limang lalaking mahusay sumayaw at kumanta. Kilala na ito ng mga tao kahit saan magtungo ang mga ito.

Inaasahan na niyang magkakaroon ito ng maraming offers. Hindi lang ito guwapo, talentado rin ito. Mahusay itong sumayaw at napakaganda ng tinig nito.

"Sayang kasi ang opportunity. Malaki ang kikitain namin. Baka ito na ang pagkakataon ko para mabayaran ko ang lahat ng utang ng pamilya ko. Baka sa pamamagitan ng pagpasok ko sa music industry, makaahon kami mula sa hirap."

"Masaya ako para sa `yo. Pag-igihan mo, ha. Alam ko, tatangkilikin ka ng maraming tao. Mamahalin ka nila nang husto." Masaya talaga siya para dito. Iyon na ang pagkakataong hinihintay nito para matulungan ang pamilya nito.

Nakaramdam siya ng kaunting inggit. Mabuti pa ito, nagiging tama ang lahat sa buhay nito, samantalang siya ay... Napabuntong-hininga na lamang siya.

"Grupo kami, Iya. Kung darating ang araw na sisikat kami, hindi lang dahil sa akin `yon. Team effort `yon. Pantay-pantay kami sa credits."

"You'll do great. Your group will soar high. I'm your fan already." Muli niyang hinaplos ang kanyang tiyan. "Pati si baby, magiging fan mo rin."

Yumuko ito at hinagkan ang tiyan niya. "We'll make it through, trust me." Punung-puno ng pangako ang mga mata nito.

Hinaplos niya ang pisngi nito. She trusted him.