Chapter 51 - Chapter Two

TUWANG-TUWA si Iarah. Pumayag kasi ang kanyang ama na isama siya nito sa pagluwas nito sa Maynila. Bibisitahin nila ang Ate Janis niya. Missed na missed na niya ito.

Isang apartment ang tinutuluyan nito sa Maynila. Kasama nito si Peighton doon. Ayaw ng mga magulang ni Peighton na mag-boardinghouse ito kaya ikinuha ito ng apartment. Ayaw namang tumira ni Peighton mag-isa sa apartment kaya isinama nito ang Ate Janis niya. Siyempre, mas maliit kaysa sa karaniwang renta ang bayad ng kanyang ate.

Tuwang-tuwa ang ate niya pagdating nila sa apartment na tinutuluyan nito. Pati si Peighton ay tuwang-tuwa rin sa pagbisita nila. Malaki ang apartment para sa dalawang tao. Kahit apat ang tumira doon ay maluwang pa rin iyon. Maayos ang pagkakaayos ng lahat ng gamit. Wala ni isang kalat na makikita. Hindi na siya nagtataka dahil mahilig maglinis ang kapatid niya.

"Kumusta ka na?" tanong niya sa ate niya na abala sa pagluluto. Ang kanilang ama ay kasalukuyang nagpapahinga sa silid ng ate niya. Mamaya na lamang siya magpapahinga. Nais muna niyang makakuwentuhan ang ate niya.

"Okay lang," tugon nito.

"Nahihirapan ka ba rito?" Napansin niyang medyo namayat ito nang kaunti. Hindi ba ito kumakain nang husto?

"Hindi. Okay lang. Okay rin ako sa eskuwela. Ikaw, kumusta ka naman?"

"Okay lang din. Ganoon pa rin. Halos walang nabago."

"Baka naman lumalandi ka na," panunukso nito. Pinisil nito ang ilong niya. "Malilintikan ka sa `kin kapag nabalitaan kong may boyfriend ka na. Kakalbuhin kita."

"Para kang ewan, Ate. Alam mo naman ang mga tipo ko. Foreigner."

"Eh, paano kung makakilala ka nga ng foreigner?"

"Bahala na. Kung tipo ko talaga, wala kang magagawa."

Pinitik nito ang noo niya. "Loka."

Bago pa man siya makatugon ay nakarinig sila ng katok. Binuksan ng ate niya ang pinto.

"Kumusta, Miss Beautiful?" narinig niyang sabi ng isang masayang tinig ng lalaki.

Lumabas siya ng kusina upang makita kung sino ang bisita ng kapatid niya. Isang napakaguwapong lalaki ang nakita niyang pinatuloy ng kapatid niya.

Halos mapatulala siya sa lalaki. Ito na yata ang pinakaguwapong lalaking nakita niya. Matangkad at maputi ito. Lalo yata itong kumisig dahil nakangiti ito.

"Nadalaw ka," sabi ng ate niya sa bisita. May giliw sa tinig nito.

Pinilit niyang huwag masyadong humanga sa lalaki. Mukhang manliligaw ito ng kapatid niya. Kinalimutan niya ang inisyal na paghanga niya. Ang galing manermon ng ate niya, ito naman pala ang lumalandi. Pero may taste ang kapatid niya. Ang guwapo talaga ng lalaki.

Tumikhim siya upang makuha ang atensiyon ng mga itong patuloy na nagngingitian sa isa't isa. Napatingin sa kanya ang lalaki. Napatitig ito sa kanya, at unti-unting napangiti. Hindi nito itinago ang paghanga sa mukha nito.

Muntik na siyang mapangiti dahil doon.

"Vann Allen, kapatid ko, si Iarah. Iya, si Vann, kaibigan ko," pagpapakilala sa kanila ng kapatid niya.

"Kaibigan lang ba talaga?" tudyo niya sa mga ito.

"Mahiya ka nga, Iarah," saway sa kanya ng kapatid niya.

Marahan siyang natawa. Napansin niyang hindi humihiwalay ang mga mata ni Vann Allen sa kanya.

Loko `to, ah. Mukhang nagka-crush sa `kin. Nais niyang mapahagikgik sa kanyang naisip.

Muling bumukas ang pinto at pumasok si Peighton. Kanina ay nagpaalam itong lalabas sandali at may bibilhin. Marami itong mga bitbit at mukhang pagkain lahat.

"Nandito ka pala, Vann," ani Peighton.

Agad na kinuha ni Vann Allen ang mga dala nito. "Nainip ako sa bahay, eh," sagot nito. "Naisip kong magpatulong ng assignment kay Janis."

Umupo siya sa sofa habang pinakikinggan ang pag-uusap ng tatlo. May mga sinasabi ang mga ito na Nursing terms na hindi niya maintindihan. Nagtuloy ang mga ito sa kusina at doon nagpatuloy sa pag-uusap. Mayamaya ay lumabas si Vann Allen at sinamahan siya sa sala.

Nginitian niya ito. Gumanti ito ng ngiti. Lalo itong gumagandang lalaki habang tinititigan nang matagal. Ramdam din niyang mabait na tao ito. Hindi ito kakaibiganin ng kapatid niya kung hindi.

"Ikaw pala ang kapatid ni Janis na lagi niyang ikinukuwento sa `kin," panimula nito ng usapan.

Tumango siya. "Hindi ka ikinukuwento sa `kin ni Ate sa mga sulat niya."

"Ganoon? Hindi yata ako ganoon kasayang kasama."

"May gusto ka ba sa ate ko?" prangkang tanong niya rito.

Natawa ito nang malakas. "`Palagay mo?"

Lumabi siya. "Ang labo nito. Tinatanong kita nang maayos, eh. Nasa kuwarto lang ang tatay namin. Isusumbong kita sa kanya."

Tila lalo itong na-amuse sa kanya. "Magkaibigan lang kami ng ate mo. `Swear."

"Ows? Doon naman lagi nag-uumpisa, eh. Maganda naman si Ate, ah." Awang ang bibig na napatingin siya sa mukha nito. "Huwag mong sabihing si Ate Peigh ang gusto mo at ginagamit mo lang ang ate ko?"

Natawa na naman ito. Tumabi ito sa kanya at pinisil ang ilong niya. May tenderness sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. "Magkakaibigan lang kami, promise. Hindi kami talo," anito na natatawa pa nang bahagya.

Inilapit niya ang mukha niya sa mukha nito. Ang kinis-kinis ng mukha nito. Tila hindi pa iyon kailanman tinubuan ng pimples. "B-bakla ka ba?"

Nanlaki ang kanyang mga mata nang bigla siya nitong halikan sa mga labi niya! Sindak na sindak siya. Hindi niya akalaing magagawa nito ang kapangahasang iyon. Kung tutuusin, hindi naman talaga matatawag na halik ang ginawa nito. Tila pakpak ng paruparo ang dumampi sa mga labi niya. Pero mga labi nito ang dumampi sa mga labi niya at hindi pakpak ng paruparo. Halik pa rin iyon.

May first kiss na siya!

"Iyan ang napapala ng mga babaeng sinasabihang bakla ang isang straight guy," anito.

Halos hindi niya mawawaan iyon. Nakatulala lamang siya. Tulala pa rin siya nang tumayo na ito.

"Peigh, Jan, uwi na `ko," sabi nito kapagkuwan.

Lumabas si Peighton mula sa kusina. "Ha? Dito ka na lang kumain."

"Hindi na. Nakakahiya sa mga bisita n'yo. Aalis na `ko para makapag-bonding kayo."

"Paano ang assignment mo?" tanong ng Ate Janis niya.

"Kakayanin kong sagutan mag-isa. Sige."

"Teka, bibigyan kita ng bagnet at suka," ani Peighton. "Pinadalhan ako nina Lolo."

Tulala pa rin siya kahit nakaalis na ang guwapong lalaking nanghalik sa kanya. Natauhan lamang siya nang pitikin ng kapatid niya ang ilong niya.

"Hoy! Ano'ng nangyari sa `yo? Kanina ka pa nakatulala riyan," sabi nito sa kanya.

"Ewan," tanging sagot niya.

KINAKABAHAN pa rin si Vann Allen hanggang pag-uwi niya sa kanilang bahay. Kahit kinakabahan ay hindi maalis ang magandang ngiting nakaukit sa mga labi niya.

Kahit siya ay hindi makapaniwala sa kapanga-hasang ginawa niya sa kapatid ni Janis. Ang lakas ng loob niya. Gandang-ganda kasi siya kay Iarah. Ito na yata ang may taglay ng pinakamagandang mukha na nasilayan ng mga mata niya.

Alam niyang mali ang kanyang ginawa. Hindi lang talaga niya napigilan ang kanyang sariling hagkan ito. Ang bilis-bilis ng tibok ng puso niya kanina. Ang akala niya ay sasampalin siya nito at isusumbong sa ate nito. Bigla pa niyang naalalang naroon ang tatay nito. Kaya naman bago pa ito bumalik sa huwisyo at makapag-sumbong ay nagpaalam na siya. Mahirap na at baka umuwi pa siyang mata lang ang walang latay.

"Ano'ng nangyari sa `yo?" tanong ng Ate Jhoy niya na nasa harap ng mga paninda nito. Halos kalahati na lang ang mga iyon. Mukhang maganda ang benta nito.

Nilapitan niya ito at inakbayan. "Wala."

"Mukhang masaya ka," puna nito.

"Kailan ba ako nagmukhang malungkot?"

"Parang iba lang ang aura mo ngayon, eh."

Ngumisi siya. "Hindi na kasi virgin ang lips ko."

Binatukan siya nito. "Umayos ka, Vann Allen."

"Babae o lalaki ba ang naka-devirginize?" natatawang tanong ng Ate Toni niya na hindi niya namalayang nakalapit na sa kanila.

"Sekreto," pagbibiro niya. Pinalandi pa niya ang boses niya.

Nagkatawanan ang mga kapatid niya. Masayang-masaya pa rin siya. Nag-uumapaw ang kaligayahan sa puso niya. Iyon ang unang pagkakataong naakit siya nang husto sa isang babae. Ang sarap-sarap pala sa pakiramdan.

Hindi maalis sa isip niya ang magandang mukha ni Iarah.

ILANG araw nang nakauwi si Iarah sa probinsiya ay hindi pa rin niya makalimutan si Vann Allen. Hindi niya makalimutan ang mabilis na halik na iginawad nito sa kanya. Hindi rin niya makalimutan ang kaguwapuhan nito.

Sayang at hindi na niya ito nakita bago siya umalis ng Maynila. Hindi na uli ito bumisita sa apartment.

Bago siya umalis ay tinanong niya ang kapatid niya ng kung anu-ano tungkol kay Vann Allen. Mabait daw ang binata. Masaya raw itong kasama dahil palabiro ito. Wala raw dull moments kapag nasa paligid lamang ito. Marami raw dalagang nagkakagusto rito. Ayon na rin sa kapatid niya, wala raw itong girlfriend o nagugustuhan.

Tuwang-tuwa siya nang malaman niya iyon.

Hindi nagtagal, inamin na rin niya sa kanyang sarili na may crush siya kay Vann Allen. Bale-wala sa kanya kung hindi man ito foreigner. Okay lang kahit hindi kakaiba ang kulay ng mga mata nito. Kung tutuusin, di-hamak na mas guwapo ito kaysa sa mga foreign celebrities.

Excited na siya sa muli niyang pagbisita sa kapatid niya. Excited na siyang makatapos ng high school. Alam niyang sa Maynila na rin siya mag-aaral pagtuntong niya sa kolehiyo. Nasa huling taon na siya ng high school. Nangunguna pa rin siya sa klase. Ngayong may bago na siyang inspirasyon, alam niyang lalong tataas ang mga grado niya.

Araw-araw ay si Vann Allen ang laman ng isip niya. Paggising niya sa umaga, maganda ang ngiti niya dahil ito ang unang pumapasok sa isip niya. Matutulog na lang siya ay nakangiti pa rin siya dahil nakapagkit na yata ang guwapong mukha nito sa isip niya. Kahit sa panaginip ay kasa-kasama niya ang imahe nito.

Ilang buwan siyang ganoon. Ang buong akala niya ay si Vann Allen na ang ultimate crush niya. Ang akala niya ay wala nang lalaking makakahigit pa rito.

Mali siya dahil nakilala niya si Daniel Runestone. May dugong banyaga ito. Dutch ang ina nito, samantalang ang ama nito ay Pilipino na may dugong Amerikano.

Daniel was her dream man. He had a beautiful pair of gray eyes. Maganda ang pagiging brown ng buhok nito. Ang guwapu-guwapo nito. Lahat yata ng babaeng nakakakita rito ay humahanga sa taglay na kakisigan nito.

Transferee ito sa eskuwelahan nila. Mayaman ang pamilya nito—may pag-aaring isang exclusive resort sa lalawigan nila ang pamilya nito—kaya kahit halos limang buwan na mula nang mag-umpisa ang school year ay na-admit pa rin ito. Sikat na sikat ito sa buong paaralan. Lahat ay naghahangad na maging kaibigan nito. Lahat ng babae ay nangangarap na maging prinsesa nito.

Lihim ang naging paghanga niya rito. Ayaw niyang maging tipikal na babae sa paningin nito. Ayaw niyang tularan ang ibang babaeng obvious na obvious ang pagpapakita ng paghanga rito. Kulang na lang ay halikan ng mga ito ang nilalakaran ni Daniel. Lahat ng kilala niyang babae ay nagkakandarapa rito.

Nais niyang maiba. Kunwari ay hindi siya apektado sa kaguwapuhan nito, kunwari ay hindi niya ito nakikita. Kunwari ay wala siyang gusto rito. Ganoon ang mga nababasa niya sa mga pocketbooks. Parang magandang strategy iyon upang makuha ang atensiyon ng isang lalaki.

Nawala na sa sistema niya si Vann Allen. Pumalit dito si Daniel, ang prinsipeng may kulay-abong mga mata. Gabi-gabi ay nakakatulugan niya ang pangangarap dito. Pakiramdam niya ay siya si Cinderella. Palagi rin niyang ipinapanalangin na mapansin siya nito.

NAGKAROON ng katuparan ang mga pangarap ni Iarah.

Isang araw, nasa library siya at gumagawa ng research paper nang tumabi sa kanya si Daniel. Nagulat siya at napatulala rito. Bumilis nang husto ang tibok ng puso niya nang ngumiti ito sa kanya.

"Hi," bati nito.

Napalunok siya. Sinikap niyang panatilihin ang katinuan niya. "H-hello," bati rin niya.

"You're Iarah, right?"

Tumango siya. Magka-section sila pero noon lamang sila nag-usap. Hindi niya maatim na siya ang unang lalapit dito katulad ng ginagawa ng ibang kaklase nilang babae. Ang mga lalaki ay inis dito noong una. Nakuha na kasi nito ang lahat ng atensiyon. Nang lumaon ay kinaibigan na ito ng lahat dahil sa kasikatan nito sa buong paaralan.

"I'm Daniel Runestone," pagpapakilala nito sa sarili. Inilahad nito ang kamay sa kanya.

Marahan siyang natawa. "I know. Sino ang hindi makakakilala sa `yo?"

Inabot nito ang kamay niyang nakapatong sa mesa. He shook it gently, a smile playing on his lips. Ang guwapu-guwapo talaga nito.

"It's nice to meet you," wika nito habang nakatingin sa mukha niya. Hindi pa rin nito pinapakawalan ang kamay niya.

She smiled shyly. Kilig na kilig siya sa paraan ng pagtingin nito sa kanya. Tila siya na kasi ang pinakamagandang babaeng nasilayan ng mga mata nito.

Mula noon ay palagi na siyang nilalapitan ni Daniel. Palagi silang nag-uusap. Marami ang naiinggit sa closeness nila. Nagsimula na rin ang usap-usapan na sila na raw.

Halos araw-araw ay may mga munting regalo ito sa kanya. Minsan, may isang tangkay ng rosas sa upuan niya pagpasok niya. Minsan ay mga munting stuffed toys ang ibinibigay nito sa kanya. Lalong naligalig ang puso niya. Hindi na yata nabura ang mga ngiti sa mga labi niya. Pakiramdam niya, ang ganda-ganda niya.

Kapag libre ito sa hapon, inihahatid siya nito pauwi sa bahay nila. Nakilala na rin ito ng mga magulang niya. Magalang naman ito sa mga magulang niya.

Hinintay muna niyang pormal itong manligaw sa kanya. Hindi pa rin niya ipinapakita nang lantaran ang pagkagusto niya rito. Nais muna niyang magpakipot. Ayaw niyang isipin nito na easy siya.

Dumating ang araw na pormal itong nagtapat. Sa school library nito ginawa iyon.

"I like you a lot, Iya. You're a very wonderful girl. You are beautiful. You're so smart. I think I am falling for you. No, I think I already love you," wika nito sa madamdaming tinig. Pati ang magandang mga mata nito ay tila nagsasabing mahal siya nito.

Hindi yata masusukat ang kaligayahan niya. Natupad na ang kanyang pangarap. Ngunit hindi siya basta-basta dapat bumigay. Maling sagutin kaagad niya ito. Magpapakipot muna siya nang kaunti.

"Manligaw ka nang tama, Daniel," sabi niya.

Manghang napatingin ito sa kanya. Tila hindi nito inaasahan na iyon ang isasagot niya rito. Ang akala siguro nito ay sasagutin niya agad ito.

Ngumiti ito nang napakasuyo. "If that's what you want, babe."

Nanligaw nga ito. Lalo siya nitong pinaulanan ng mga regalo. Niligawan din siya nito sa bahay nila. Maayos pa nitong ipinagpaalam sa mga magulang niya ang panliligaw nito. Dinala rin siya nito sa mga magagandang pasyalan sa lalawigan nila. Pakiramdam niya ay prinsesa siya dahil parang prinsesa kung ituring siya nito.

Sinagot niya ito pagkatapos ng isang buwang panliligaw nito. Naging mas masaya siya nang maging nobyo niya ito.

"ANO `YAN? Raket?" tanong ni Vann Allen kay Janis. Sinamahan niya ito sa isang mesa sa library. Ilang libro ang kaharap nito at abala ito sa pagsusulat sa notebook nito.

"Oo," sagot nito na hindi man lang nag-angat ng tingin.

"Kanino?"

"Kay Peter. Ang tamad-tamad ng taong `yon."

Napangiti siya. "Kung walang tamad na estudyante, wala tayong raket." Inilabas niya mula sa kanyang bag ang mga bond papers kung saan niya ginagawa ang ilang drawings ng microorganisms. Hindi kanya ang mga iyon. Matagal na niyang natapos ang mga drawings niya.

Lumalapit sa kanila ni Janis ang mga tamad na estudyante. Sila ang gumagawa ng mga projects at assignments ng mga estudyanteng iyon. Binabayaran sila bilang kapalit.

Iyon ang raket nila. Alam nilang mali ang gawaing iyon. Alam nilang hindi nila dapat kinukunsinti ang katamaran ng mga kaklase nila. Natutukso lang sila palagi ni Janis dahil kahit paano ay nakakatulong iyon sa pangangailangan nila. Pandagdag-baon din iyon.

Pagkatapos nila sa library ay niyaya niya itong mag-merienda. Lumabas sila ng unibersidad at nagtungo sa naglalako ng fried tofu at gulaman. Iyon lamang ang kaya ng budget nila.

Magkasundung-magkasundo sila ni Janis dahil halos pareho sila ng sitwasyon. Pareho sila ng kalagayan. Pareho silang pursigidong makatapos sa pag-aaral at maiahon ang pamilya mula sa kahirapan. Pareho silang positibo lagi ang tingin sa mga bagay-bagay. Hindi sila pinanghihinaan ng loob kahit hirap na hirap na sila. Pareho silang maraming pangarap para sa sarili at sa pamilya. Kaya pinapahalagahan niya nang husto ang pagkakaibigan nila.

"Nag-aalala ako kay Iya," sabi nito sa kanya habang kumakain sila.

Napangiti siya nang mabanggit nito ang pangalan ng kapatid nito. Ang tagal na rin mula nang una at huli silang magkita ni Iarah. Hindi pa rin niya ito nakakalimutan. Matiyaga pa rin niyang hinihintay ang muli nilang pagkikita.

"Kumusta na pala `yon?"

"Hay, naku, may boyfriend na!" bulalas nito.

Halos maibuga niya ang iniinom na gulaman. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nadarama. Nanlumo siya nang husto. Nagulat siya. Ang bata-bata pa ni Iarah ay may boyfriend na agad ito? Nainis siya dahil nagpaligaw ito sa iba. Hindi man lang nito binigyan ng chance bago nito sinagot ang kung sinumang Herodes na boyfriend na nito ngayon.

"Hindi nga?" pagkukumpirma niya. Baka namali lang siya ng dinig.

"Oo, may boyfriend na ang hitad. Lumandi na talaga. Nakakita lang ng lalaking may abong mga mata ay bumigay na agad. Para ngang tanga. Akala ko dati, biru-biro lang niya ang pagsasabing foreigner ang tipo niya. Kaya nga alalang-alala sina Tatay, eh. Pati ako, nag-aalala."

"Foreigner ang boyfriend niya? Abo ang mga mata?"

"At mayaman."

Umasim ang mukha niya. Ano ang laban niya roon? "Nabighani talaga siguro sa kaguwapuhan no'ng foreigner. Ano'ng lahi?"

"Dutch yata. Ewan. Hindi ko gaanong sigurado. Halu-halo yata. May lahing Pinoy at Amerikano rin. Marunong naman daw mag-Tagalog, `sabi nina Tatay. Maayos naman daw na humarap sa kanila `yong lalaki."

"O, ba't ka nag-aalala? Maayos naman palang humarap sa mga magulang n'yo. Disenteng binata naman siguro siya, kung hindi, tinaga na `yon ng tatay mo."

Lalo siyang nainis. Nakaharap ng Herodes na iyon ang tatay ni Iarah, samantalang siya ay naunahan ng takot at tumalilis. Hindi man lang siya nakapagpakitang-gilas dito. Paano kasi, inuna niyang nakawan ng halik ang anak nito. Good shot na good shot ang Herodes na foreigner.

"Alam mo naman ang mayayaman minsan, `di ba? Paano kung pinagti-trip-an lang niya ang kapatid ko? At alam mo naman ang mga teenagers. Mapupusok, curious sa mga bagay-bagay."

"Kung magsalita ka, parang hindi ka na teenager, ah," sabi na lang niya sa kawalan ng masabi. Ni hindi niya kayang isiping may ibang lalaking humahalik sa kanyang Iarah.

"Mahal na mahal ko ang kapatid ko, Vann. Ayokong masaktan siya. Ayokong mapahamak siya."

"Huwag kang masyadong mag-alala. Malay mo naman kung mabait talaga si foreigner. Aalagaan naman siguro n'on ang baby sister mo. Normal naman sa `ting mga teens na mabaliw sa pag-ibig. Matalino naman ang kapatid mo. Consistent ang pagiging number one niya sa klase, `di ba? Hindi niya ipapahamak ang sarili niya."

"Vann, ang isang taong matalino sa academics ay napakalaking boba pagdating sa pag-ibig. Tested at proven na `yon."

"Think positive. Baka sa kakaisip mo ng negative, eh, mangyari nga `yang iniisip mo."

Ayaw niyang mawalan ng pag-asa. He would think of positive things. Mga bata pa naman sila. Lilipas din ang nadarama ni Iarah para sa lalaking iyon. It was just a puppy love. Hindi pa iyon true love.

Yes, he would hope for positive things for him and Iarah. He would not give up.