HINDI makatingin si Iarah sa mga magulang niya. Hiyang-hiya siya. Hawak ng mga ito ang card niya. Bumaba ang mga grades niya sa lahat ng mga subjects ngayong grading period. Hindi na siya ang nangunguna sa kanilang klase. Pangalawa na lang siya.
"Alam mong hindi ka namin binabawalang makipagnobyo," mahinahong sabi ng kanyang ama sa kanya. "Pero sana naman, anak, `wag mong pabayaan ang pag-aaral mo."
"Sorry po," aniya sa mahinang tinig.
"Ayaw naming maging sobrang demanding, anak. Matataas pa rin ang mga grado mo, pero alam mo namang kailangan mong manguna sa klase," anang nanay niya. "Huwag mo sanang isiping pinapahirapan ka namin, anak. Sadyang mataas ang expectations namin sa `yo. Sa susunod na taon, magkokolehiyo ka na. Kailangan mong manguna sa klase upang hindi ka mahirapang kumuha ng scholarship. Kung kaya lang sana namin, anak. Pasensiya ka na kung medyo nape-pressure ka."
Naluluha na siya. Ang nanay pa niya ang humihingi ng pasensiya sa kanya. Pakiramdam niya ay ang sama-sama niyang anak.
"Nakakasira ba sa pag-aaral mo si Daniel?" tanong ng kanyang ama.
Nakagat niya ang kanyang ibabang labi. Aminado siyang nabawasan ang panahon niya sa pag-aaral dahil kay Daniel. Mahilig itong mamasyal at palagi siya nitong isinasama sa pamamasyal nito. Medyo tamad din itong mag-aral. Minsan ay siya pa ang gumagawa ng mga assignments nito.
"`Nay, `Tay, pag-iigihin ko po sa susunod na grading period. Makakabalik po ako sa top one. Huwag po kayong mag-alala."
Bumuntong-hininga ang kanyang ama. "Anak, bata ka pa. Baka naman—"
"Kaya ko po," aniya sa matatag na tinig. Ayaw niyang makipaghiwalay kay Daniel. Mahal na mahal niya ito. "Pangako po, number one na uli ako sa susunod. Hindi na po ako magpapabaya."
Hinawakan ng nanay niya ang kamay niya. "Iya, malaki ang tiwala namin sa `yo. Huwag mo sana kaming bibiguin, anak. Hindi ka namin pagbabawalang makipagnobyo, pero sana ay huwag mo palaging paiiralin ang puso mo. Gamitin mo ang talino mo. Bata ka pa. Marami pang darating. Marami pang mangyayari sa `yo sa hinaharap."
"Alam ko po ang mga priorities ko. Mag-aaral po akong mabuti. Magtatapos po ako ng pag-aaral. Magkakaroon tayo ng magandang buhay."
Nginitian siya ng kanyang ama. "Bilang mga magulang, wala kaming ibang hangad kundi ang mapabuti kayo. Aasahan ko ang pangako mo, anak. Gawin mo para sa kinabukasan mo, kahit hindi na para sa `min."
"Opo."
"PUNTA tayo sa Pagudpud sa weekend."
Pilit na sinupil ni Iarah ang inis na nadarama niya para sa kanyang nobyo. Pilit na inignora niya ang paghalik-halik nito sa kamay niya. Gumagawa siya ng assignment sa library. Kanina pa masama ang tingin sa kanila ng masungit na librarian.
"Come on, babe," pamimilit nito.
"No," aniya sa mariing tinig. "Hindi puwede. Kailangan kong mag-aral. Dan, alam mo namang kailangan kong bumawi. I need to be on the top again."
"You are still great. Ang tataas pa rin ng mga grades mo. Let's have fun at the beach, okay?"
Napabuntong-hininga siya. "Alam mo naman kung bakit kailangan kong mag-aral para makabawi, `di ba? Intindihin mo naman ako, Dan. Huwag mo na akong piliting mag-beach dahil ayoko."
"You can't always be on top, you know."
"But I have to be always on top. Ayokong tumigil muna hanggang makatapos si Ate Janis. Mataas ang expectations ng pamilya ko sa `kin. Hindi mo ako maintindihan dahil ipinanganak kang may pilak na kutsara sa bibig."
"All right. Hindi na kita pipilitin, huwag mo lang akong dramahan. Okay na. Mag-aral ka na lang."
"Next time na lang, ha?"
"Ano pa nga ba?"
Ipinagpatuloy na niya ang kanyang ginagawa. Nanahimik na ito at nakontento na lang sa paghawak ng kanyang kamay.
Mula nang maging nobyo niya ito ay kinainggitan na siya ng lahat. Napakaraming nagsasabi na napaka-suwerte niya dahil siya ang minahal ni Daniel Runestone.
Malambing si Daniel. Mapagbigay pa rin ito ng kung anu-anong mga munting regalo sa kanya. Mabait din ito sa kapwa nito. Palakaibigan ito sa lahat. Napakaraming nagsasabing perpekto ito. Dalawang katangian lang nito ang inirereklamo niya: Tamad itong mag-aral at wala itong sense of responsibility.
Siguro, ganoon ang mga ipinanganak na mayaman. Tila wala itong alalahanin sa buhay. Hindi nito naranasan kung paano maghirap kaya hindi ito pursigido sa pag-aaral. Gayunman, kahit ganoon ito ay mahal pa rin niya ito. Ganoon naman ang nagmamahal. Minamahal ng isang tao ang kabuuan ng pagkatao ng mahal nito, kasama na roon ang mga kapintasan niyon.
Kailangan niyang makabawi sa susunod na grading period. Kailangan niyang maging valedictorian. Uutusan siya ng mga magulang niyang makipaghiwalay kay Daniel kung patuloy na bababa ang mga grades niya, at ayaw niyang mangyari iyon. Ayaw rin niyang kailanganin pa niyang suwayin ang mga magulang niya.
Hindi pa rin nagbabago ang kagustuhan niyang makapag-aral ng kolehiyo sa Maynila. Si Daniel ay sa La Salle daw mag-aaral. Ayaw niyang mapalayo sa kanyang nobyo. Kailangan niyang magpursigi para makabalik siya sa top one.
LIHIM na pinakikinggan ni Vann Allen ang usapan ng mga magulang niya. Nakaupo ang mga ito sa isang bangko sa labas ng bahay nila. Nasa tabi siya ng bintana at palihim na nakikinig. Nasa silid na ang mga kapatid niya at naghahanda sa pagtulog.
"Kakayanin ba natin, Wilson?" tanong ng kanyang ina sa kanyang ama.
"Pipilitin nating kayanin, Sol. Kailangan nating kayanin para sa mga bata."
"Apat na sila sa kolehiyo. Nakasangla na ang lahat, Wilson." Puno ng pag-aalala ang tinig ng kanyang ina.
"Hindi tayo pababayaan ng nasa Itaas, mahal," sabi ng kanyang ama.
Hindi na niya ipinagpatuloy ang pakikinig sa mga ito. Nagtungo na siya sa kanyang silid. Dahil nag-iisa siyang lalaki, siya lamang ang may sariling silid. Maliit nga lang iyon kompara sa silid ng mga kapatid niya.
Kinuha niya ang kanyang gitarang nakasabit sa dingding. Hinimas niya ang katawan niyon bago tumugtog. Iyon na ang huling tugtog niya. Bukas ay ibebenta na niya ang gitara sa isang kakilala.
Pumasok ang kanyang Ate Jhoy sa kuwarto niya. Nginitian niya ito. Inilagay nito sa maliit na cabinet niya ang mga damit niyang nilabhan nito.
"Tumigil muna kaya ako, `Te?" sabi niya rito. "Si Frecy muna ang mag-aaral, tutal, nakaisang taon naman na ako. Patatapusin muna kita. Nasa huling taon ka naman na, `di ba?"
Tinabihan siya nito at masuyong ginulo ang buhok niya. "Alam mong hindi papayag ang tatay. Kung kinakailangan ay beinte-kuwatro oras siyang mamamasada para lang walang tumigil sa `tin."
"Sandali lang naman ako titigil, eh. Pansamantala, tutulong muna ako sa pamamasada o sa paglalabada ni Nanay. Puwede rin akong magtrabaho. Matatanggap naman siguro ako. Ang pogi-pogi ko kaya."
"Kaunting tiis na lang, Vann. Matatapos din ako. Makakaraos din tayo. May awa ang Diyos."
"Mag-artista na lang kaya ako?" bigla niyang nasambit. Marami ang nagsasabing artistahin ang hitsura niya. Madali raw siyang makakapasok sa show business.
"May stage fright ka, kapatid."
Oo nga pala.
Hindi niya kayang magtagal sa stage at humarap sa maraming tao. Noong kinder siya ay nanigas siya nang pakantahin siya sa harap ng mga kaklase niya. Ang sabi ng pamilya niya, may maganda siyang tinig. Hindi nga lang alam ng lahat iyon dahil nga may stage fright siya.
"Maging call boy na lang kaya ako? May magiging customer kaya ako?"
Binatukan siya nito. "Iyan ang huwag na huwag mong gagawin. Hindi bale nang magdildil tayo ng asin, huwag mo lang babahiran ng putik ang sarili mo." May bahid na ng galit sa tinig nito.
"Joke lang, `eto naman," aniya habang hinihimas ang kanyang nasaktang batok.
Pero ang totoo, gagawin niya ang lahat para sa pamilya niya. Kung wala na talagang paraan, kahit ang pagiging call boy ay papasukin niya. Ganoon niya kamahal ang pamilya niya.
"Halika doon sa kuwarto namin. Doon ka tumugtog at kumanta para gumaan ang pakiramdam nating lahat. Kalimutan muna natin ang mga alalahanin natin," anito habang palabas na ng kanyang silid.
Sumunod siya rito. Nagkantahan silang magkaka-patid na tila wala silang mga problema.
Lilipas din ito, Vann. Magiging maginhawa rin ang pamilya mo. Darating ang araw, hindi na nila aalalahanin kung may panggastos pa sila bukas. Magiging maayos din ang lahat. Don't lose hope.
TUWANG-TUWA si Iarah habang niyayakap ang Ate Janis niya. Kadarating lang niya sa apartment ng mga ito. Doon na siya titira mula sa araw na iyon. Sa makalawa ay papasok na siya sa kolehiyo.
Nakapasa siya sa scholarship program ng isang sikat na unibersidad. Accountancy ang kukunin niyang kurso. Kailangan lang niyang mag-aral nang maigi upang ma-maintain niya ang matataas na grado niya upang manatili siya sa scholarship program. Tutularan niya ang ate niya na napakasigasig sa pag-aaral.
"Kumusta ang mahabang biyahe?" tanong ng kapatid niya habang tinutulungan siyang ipasok ang mga gamit niya sa loob ng kuwarto.
"Ayos lang. Hindi naman kami nahirapan. Komportable ang bagong sasakyan ni Daniel. May kasama rin kaming driver."
Umasim ang mukha nito pagkabanggit niya sa pangalan ng kanyang nobyo. Nakilala na nito si Daniel noong umuwi ito sa kanila para magbakasyon. Sinabi nito sa kanyang mabigat ang loob nito sa boyfriend niya.
Tinanong niya ito kung bakit. Naging mabuti naman ang pakikitungo ni Daniel dito. Basta mabigat daw ang loob nito sa nobyo niya at hindi nito maipaliwanag kung bakit. Nainis siya rito. Parang hindi ito fair. Wala namang basehan ang pagiging mabigat ng loob nito kay Daniel. Hindi na rin niya ito pinilit na gustuhin ang kanyang nobyo. May kanya-kanyang opinyon ang lahat. Kapag napatunayan nitong mabait si Daniel, magugustuhan din nito ang nobyo niya.
"Hindi man lang bumaba ang boyfriend mo para batiin kami ni Peigh," nakalabing sabi nito.
"Eh… Idinaan lang talaga niya ako rito. Kailangan na rin kasi niyang magpunta sa condo unit niya. Kapag nakapag-settle in na siya, dadalaw siya rito at makikipagkuwentuhan sa `yo."
Sa Vito Cruz nakakuha ng condominium unit si Daniel para malapit sa eskuwelahan nito. Nasa Dapitan ang apartment ni Peighton.
Ang totoo, parang hindi rin gusto ni Daniel ang kapatid niya. Parang hindi kasi ito sanay na matabang ang pakikitungo rito ng isang tao. Ipinapakita kasi talaga ng kapatid niya na wala itong amor kay Daniel. Ipinapanalangin niya na sana ay dumating ang araw na magkasundo nang lubos ang kapatid at nobyo niya. Parehong mahalaga ang dalawa sa kanya. Ang nais niya ay maging close ang mga ito.
Inayos niya ang kanyang mga gamit sa silid ng ate niya. Share sila roon dahil dalawa lang ang kuwarto sa apartment. Hindi na rin pinadagdagan ni Peighton ang renta nila. Makikihati rin sila sa bayad ng kuryente at tubig.
Nagkuwentuhan sila sandali ng ate niya bago siya nito sinabihang magpahinga. Magluluto raw muna ito.
Naidlip muna siya. Paggising niya ay nadatnan niyang may bisita ang ate niya—si Vann Allen. Hindi kaagad siya nito nakita dahil abala ito sa pagbabasa ng isang makapal na libro habang nakasalampak sa beanbag.
Pinagmasdan niya ito habang hindi pa siya nito napapansin. Lalo itong gumuwapo. Napagtanto niyang na-miss pala niya ito. Nag-init ang mga pisngi niya nang maalala niyang ito ang first kiss niya. Kahit si Daniel na ang mahal niya ngayon, hindi pa rin siya nanghinayang na si Vann Allen ang kanyang naging unang halik. Habang-buhay nang magiging espesyal ang unang halik niya.
Bigla itong ngumiti at nagsalita. "Mas guwapo ba ako kaysa sa alien mong boyfriend?" Tumingin ito sa kanya at kinindatan siya.
Napasinghap siya nang malakas sa pagkagulat. Ang akala niya ay hindi siya nito napansin. Ngayon ay lubos na niyang nakita ang mukha nito. Ang guwapo talaga ng loko.
Nginitian din niya ito. May palagay siyang madalas na niya itong makikita mula ngayon. Ang kuwento sa kanya ng ate niya, malapit na malapit na kaibigan nito si Vann Allen. Tinutukso pa nga niya ito na baka kung saan mauwi ang mabuting pagkakaibigan ng mga ito. Tinawanan lang siya ng kapatid niya.
Umupo siya sa sofa. "Si Ate Jan?" kaswal na tanong niya rito. Palagay na palagay pa rin ang loob niya sa kaibigang ito ng kapatid niya. Ramdam na ramdam niyang mabuting tao ito.
"Bumili yata ng vetsin sa tindahan," tugon nito.
"Si Ate Peigh?"
Nagkibit-balikat ito. "Umalis. May date yata."
Napamulagat siya. "Iniwan ako ng ate ko rito na ikaw lang ang kasama?" Ganoon ba kalaki ang tiwala ng kapatid niya sa lalaking ito?
"Hoy, mabuting tao ako. Hindi kita gagapangin kahit saksakan ka pa ng ganda."
Bigla siyang natawa. Saksakan daw siya ng ganda. "Bakit ka nandito?"
"Wala lang. Makikipagkuwentuhan lang sana sa kapatid mo. Makikikain na rin," tugon nito sa kaswal na tinig habang itinatabi ang makapal na librong kanina ay binabasa nito.
"Dapat, ikaw na lang ang bumili ng vetsin."
"`Ne, bisita ako rito."
"Nanliligaw ka na ba sa ate ko?"
Nagsalubong ang mga kilay nito. "Ha?"
"`Palagay ko, may gusto ka sa ate ko."
Lalong nagsalubong ang mga kilay nito. "Eh?"
"Ayaw mo lang aminin."
"Magkaibigan lang kami ng ate mo. Ako yata ang second best friend niya. Maniwala ka man o hindi, may mga lalaki at babaeng nagkakasundo talaga. Hindi kami kailanman magkakagustuhan sa romantikong paraan. Sigurado ako roon."
Lumabi siya. Ang akala pa naman niya ay magkaka-boyfriend na sa wakas ang kapatid niya.
"Kumusta ka na?" tanong nito. May pagsuyo sa tinig nito. Mataman din nitong pinagmamasdan ang mukha niya.
"Okay lang. `Eto, kolehiyala na."
"Ang balita ko, may boyfriend kang alien?"
"Sino naman ang nagsabi sa `yong alien ang boyfriend ko?" Hindi siya makaramdam ng inis kahit pa ganoon ang tawag nito sa boyfriend niya. Pabiro kasi ang pagkakabigkas nito.
"Ang sabi ng ate mo, may lahing foreigner daw."
"Por que foreigner, alien na?" natatawang sabi niya.
"Mukha raw alien, eh."
"Hindi, ah. Ang guwapu-guwapo kaya ng Daniel ko."
"Mas guwapo sa `kin?" paghahamon nito. Tumabi ito sa kanya at inilapit ang mukha sa mukha niya.
Napalunok siya. Bahagya siyang lumayo rito nang maalala niya ang nangyari nang maglapit ang mga mukha nila dati. Mahirap na, may nobyo na siya.
Napangisi ito. "Hindi ka makasagot. It's confirmed, mas guwapo ako kay Daniel, The Alien."
"Hindi, ah. Pantay lang kayo ng kaguwapuhan."
"Kung mahal mo talaga `yon, siya lang ang dapat na guwapo para sa `yo. Wala, hindi mo talaga mahal ang boyfriend mo. Napopogian ka sa akin, eh."
Akmang magpoprotesta siya ngunit tinakpan ng kamay nito ang bibig niya. "Huwag ka nang humirit. Marami naman talagang napopogian sa `kin—babae, lalaki, bakla, tomboy, may dyowa, may asawa. Pare-pareho kayong nababaliw sa alindog ko."
Natawa siya nang malakas. Inalis niya ang kamay nitong nakatakip sa bibig niya. Kahit ganoon ang mga sinasabi nito, hindi ito tunog-mayabang. Parang nagbibiro lamang ito at hindi seryoso sa mga pinagsasasabi nito. Tila hindi nito talaga alam na ang guwapu-guwapong lalaki nito.
Pinagmasdan siya nito habang tumatawa. "Sayang. Nagmadali ka nang husto, Iya, eh. Bakit mo sinagot kaagad ang alien na `yon? Hindi mo man lang ako binigyan ng chance. It's your loss, darling."
Natigil siya sa pagtawa. Mukha itong seryoso. May crush yata ito sa kanya!
"Vann—"
Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil biglang bumukas ang pinto at pumasok ang ate niya. "O, gising ka na pala," sabi ng Ate Janis niya. "Vann, dito ka na kumain."
"Sureness," sagot ni Vann Allen.