Chereads / Beautifully Broken (Filipino Version) / Chapter 6 - Wake Up Carly!

Chapter 6 - Wake Up Carly!

Naririnig ko ang pagbukas at pagsara ng pintuan pati na din ang mahinang boses ng mga taong nag-uusap. Kahit anong ipilit kong ibuka ang mga mata ko ay hindi na talaga kaya. Hinayaan ko na lang na lamunin ako ng kadiliman.

Para akong nakalutang sa gitna ng kadiliman. Kahit ba pakiramdam ko na umuusad ako ay tila ba hindi naman ako umaalis sa kinaroroonan ko.

Mula sa kadiliman ay nakita ko ang pamilyar na likod ng isang lalake. Unti-unting nabubuo ang kapaligiran. Nasa harap siya ng isang fountain at may hawak na bulaklak. Nasa parke pala kami kung saan ko binigay ang matamis kung oo.

Humarap ito sa akin at masayang inabot ang bulaklak at sinabing, "Carly... sagutin mo na ako" pangungulit nito. Nakita ko ang sarili ko na tinatanggap ang bulaklak at niyakap ako nito ng mahigpit. "Thank you Carly" tinignan ako nitong muli para masiguro na hindi siya nanaginip at pagkatapos ay muli akong niyakap. Masayang masaya kami parehas dahil halos dalawang taon din siyang nanligaw sa akin. Sa muling pagbitaw ng pagyakap nito sa akin ay bigla itong tumalikod. Naguguluhan ako sa pangyayari. Unti unti na siyang naglalakad palayo sa akin at sa di kalayuan ay matatanaw mo ang isang babaeng nakangiting naghihintay sa kanya.

"Harris!" Sigaw ko pero hindi siya lumilingon kaya nagpasiya ako na habulin ito. Kahit anong habol ay hindi pa rin ako nakakalapit sa kanya. Biglang tumigil si Harris at humarap sa akin. "Sorry Carly..." yan na naman ang kanyang sinabi. Inabot ko ang nakakuyom niyang kamay at sa isang kisapmata ay nakita ko ang pamilyar na kisame. Nilibot ko ang aking paningin at napagtanto ko na nandito pala ako sa aking kwarto. Paglingon ko sa aking kaliwa ay nakita ko ang kamay ko na nakahawak sa malaking hintuturo ng lalakeng nakayuko at mahimbing na natutulog sa gilid ng aking higaan.

Ibubuka ko na sana ang aking bibig upang tawagin ang pangalan ni Harris nang bigla akong napatigil. Kulay itim ang buhok nito kumpara sa brown na buhok ni Harris. Mapapansin mo ang hindi pantay na kulay ng balat nito dahil nakaangat ng kaunti ang manggas nito. Alam mong maputi ito pero mukhang laging nabibilad sa arawan. Alam kong hindi si Harris ito. Nangilid ang aking luha. Akala ko kasama ko si Harris pero hindi naman pala.

Dahan dahan kong inalis ang pagkakahawak ng kamay ko sa hintuturo ng lalaki at nakita ko ang nakakabit na dextrose sa akin. 'Anong nagyari?' Tanong ko sa aking sarili. Sinilip ko ang aking katawan at nakita ko na suot ko ang bestida ko na asul. 'Sinong nagpalit ng damit ko?' Tanong kong muli sa aking isip. Sinubukan kong bumangon pero parang nakadikit ang katawan ko sa higaan. Itinukod ko ang aking kanang kamay at pinilit na inangat ang aking sarili. Sa aking pag-upo ay bumaba ang kumot na kanina'y hanggang dibdib papunta sa aking tiyan. Napasapo ako sa aking ulo at pagkatapos ay muling tiningnan ang dextrose na nakakabit sa aking kamay. Inilagay ko ang kanang kamay sa ibabaw nito nakahanda na akong hugutin ito nang biglang may pares ng kamay na nagpigil sa akin.

"Carly huwag!" Pagsasaway nito habang inaalis nito ang kanan kong kamay na handa nang hugutin ang dextrose. Tumingin ako sa mukha nito at nakita ko ang brown nitong mata na nakatingin sa akin at puno ng pag-aalala. Mahaba ang pilikmata nito at Matangos ang ilong.

"Sino ka?" Tanong ko sa kanya.

"Igo..." yan lang narinig ko nang biglang binuksan ni Aling Celia ang pinuntuan. Nakaramdam ako ng kapanatagan nang makakita ako ng pamilyar na mukha.

"Gising ka na pala Carly" bungad nito. Binitawan ng lalakeng nagngangalang Igo ang aking mga kamay at hinayaan si Aling Celia na maupo sa kanina niyang inuupuan. Tumingin ito sa lalaki at sinabing "Sige na ako na dito. Kahapon ka pa nagbabantay kay Carly." Kahapon pa? Ilang araw akong tulog?

Tumango ang lalaki kay Aling Celia pagkatapos ay tumingin sa akin at ngumiti ng bahagya at pagkatapos ay lumabas na sa aking kwarto. Ibinalik ko ang tingin ko kay Aling Celia at marami akong katanungan na naghihintay ng kasagutan.

•••

Pagkalabas ko ng kwarto ni Carly ay agad akong napahawak sa aking batok. Ramdam ko na ang pagod at ang kakulangan ko ng tulog. Matapos kasi ng insidente sa dagat ay nawalan ng malay si Carly. Nagpatawag ng duktor sa bayan si Tita Celia upang matign si Carly. Sobrang pagod at walang sapat na nutrisyon ang isa mga dahilan kung bakit ito nawalan ng malay.

Buong araw ko itong hinintay magising kahapon pero sadayang sobrang himbing ng tulog nito. Minsan ay bigla itong iingay na tila ba'y nanaginip ng hindi maganda at sa tuwing na hahaplusin ko ang dulo ng mga daliri nito ay tumatahimik na ito.

Kanina ay naramdaman ko ang pagpisil niya sa aking hintuturo pero nagpanggap ako na tulog kasi baka bigla itong magwala kapag nakita ang mukha ko. Naramdaman ko din ang pagbitaw nito sa aking mga kamay. Alam kong sinusubukan niyang bumangon at iniisip na hindi ako maabala. Buti ay nasakto sa aking pagsilip ay ang pagtatangka nito na tanggalin ang kanyang dextrose. Buti sinilip ko siya at napigilan ko pa ito sa kanyang binabalak.

Pagdating ko ng bahay ay agad na akong pumasok na aking silid at nahiga sa aking higaan. Itinaas ko ang aking kamay at tinignan ang daliring nahawakan ni Carly.

Kung gusto kong mas makasama si Carly alam kong kailangan ko nang magpakilala.

Itinabon ko sa aking mata ang bisig ko na itinaas kanina hanggang sa unti unti na akong nakatulog.

Itutuloy...

04-02-2018