Chereads / Beautifully Broken (Filipino Version) / Chapter 10 - Kwek-kwek at Fishball

Chapter 10 - Kwek-kwek at Fishball

Gusto kong marinig ang kwento ni Carly, maganda man ito o hindi, nais ko itong marinig. Sana isang araw magkaroon ng pinto sa mga pader na ipinalibot niya sa kanyang sarili. Yan ang tumatakbo sa isip ko habang patuloy kami ni Carly sa aming soundtrip. Mabuti na lamang ay hindi niya tuluyang tinanggal ang earphone na biglaan kong ikinabit. Gusto ko kasing marinig niya na ang gusto kong sabihin na ipinadaan ko na lang sa kanta. "All will be alright in time." Alam ko sa tamang panahon ay isa isa kong tatanggalin ang mga pader na naghaharang para sa aming dalawa. "Sana... Isang araw..." bulong ko.

Nilingon ko si Carly at nakitang nakatingin ito sa akin. "May sinasabi ka?" Tanong nito.

"Wala... sabi ko ang ganda..." mo sana ang gusto ko sabihin pero "ng kanta" ang idinugtong ko.

"Ahhh..." tapos ay tumingin itong muli sa dagat.

Bigla kong naalala na may mga natugtog na banda pala sa plaza lalo na kung tuwing gabi. Nais ko sanang yayain si Carly doon. Sasama kaya siya sakin? Mag-eenjoy kaya siya? Baka maiyak naman yun kapag senti ang kanta. Ahhhh bahala na mabuti pang itanong ko na ito kay Carly nang magkaalaman na.

"Carly?" Pagtawag ko dito.

"Mmmmmm" lumingon ito sa akin at nakita ko ang nalaglag na pilikmata sa ibaba ng kanyang mata. Kinuha ko ito kaya naman ay biglang napaatras ang ulo ni Carly dahil nagulat ito.

"Magwish ka." Saad ko sa kanya havang nakatapat ang magkalapat kong hintuturo at hinlalaki. Pumikit pa ito habang nagwiwish, dumilat ito pagkatapos at hinipan ang magkalapat kong mga daliri. Kung ako ang hihiling, ang hihilingin ko ay sana maging masaya si Carly at makalaya na sa kanyang nakaraan.

"Itaas o ibaba?" Tanong ko sa kanya. Kung mahuhulaan mo kasi ang tamang kinalalagyan ng pilikmata ay maaaring matupad ang iyong hiling.

Nag-iisip pa ito at tila ba'y nais makasigurado para matupad ang kanyang hiling. "Ibaba?" Hindi sigurado nitong sagot. Pinaghiwalay ko ang magkalapat ko na daliri at sa kasamaang palad ay nasa itaas ang pilikmata niya. Sumimangot ito at sinabing "Hindi din naman magkakatotoo yun." Sambit nito sabay simangot.

Malamang ang niwish niyan ay tungkol kay Harris. Feeling ko lang naman. Kung totoo man na magkakatotoo ang mga hiling dahil sa pilikmata ay sana yung wish ko ang matupad.

"Punta tayong plaza mamaya?" Nag-aalangan kong tanong. "May mga banda mamaya" dagdag ko pa.

"Okay" mabilis nitong sagot. "Mamaya ha 7 p.m. sunduin kita." parang sasabog dibdib ko sa kaba at excitement. Tuloy lang sa pakikinig si Carly hanggang sa nagpasiya na kaming bumalik sa aming bahay para mag-handa na sa lakad namin mamaya.

•••

Tinignan ko muna ang sarili ko sa salamin kung ayos ba ang suot at hitsura ko. "Uyyyy nagpapagwapo si kuya Igo!" Pang-aasar ni Eco sa akin. Sumilip tuloy sa kwarto ko si Tita Celia. "May date?" Tanong nito na tila ba'y kinikilig pa.

"Hindi po ito date" pagtanggi ko pa habang inaayos ang short sleeves ko na polo na checkered na kulay asul na ipinartner ko sa aking black na shorts.

"Polo polo pa eh sa plaza lang naman pupunta" pang-aasar muli ni Eco. Napatakla ako kasi para lang akong kakabinata lang na inaasar ng aking pamilya sa aking unang date. Ano ba yan.

Bago ako makalabas ng bahay ay nagbigay kaunting paalala si Tita Celia. "Igo, ingatan mo sa Carly. Fragile ang batang iyan sa kalagayan niya ngayon. Huwag kang magsimula ng kahit ano kung hindi mo naman kayang panindigan." Pagkatapos sabihin ito ay nagmano na ako at pumunta na kina Carly.

Naupo ako sa kanilang veranda at doon nagpasiyang hintayin si Carly. Makailang ulit kong tiningnan ang aking relo at limang minuto na lang ay sasapit na ang alas-siyete ng gabi. Makalipas ang ilang minuto ay dahan dahang bumukas ang pintuan nito parang bumagal ang oras lalo na nang palabas na si Carly. Napatayo ako mula sa aking inuupuan at pinagmasdan ang dalaga. Nakasuot ito ng sandals na puti, naka-asul din na bestida na hanggang ibabaw ng tuhod nito at nakaclip ang isang bahagi ng buhok nito na nakalugay. Mukha siyang manika kahit wala itong nilagay na lipstick.

"Magandang gabi" bati nito sa akin.

"Maganda ka pa sa gabi" sambit ko na para akong nahulog na kung anumang mahika ang ibinigay nito sa akin. Napansin ko na medyo tumingin ito sa sahig na para bang nahihiya sa akin.

"Tara na?" Pag-aaya ko dito at nagtungo na kami sa Plaza.

Bago pa kami makalapit sa Plaza ay rinig na ang tugtugan at hiyawan ng mga tao. Sa aming pagdating ay sinalubong kami ng mga poste ng ilaw dito na may iba't ibang kulay. Dumeresto agad kami sa mga kainan na nasa paligid. Tinanong ko na din siya kung anong gusto niyang kainin at basta may sabaw lang ang gusto nito. Nagpunta kami sa bilihan ng mamihan at doon ay kumain na ng aming hapunin. Nakita ko pang nilanghap ni Carly ang init at amoy ng mami na para bang kay tagal na niya itong hindi nakain. Pumikit ito sandali at nagbigay ng kaunting dasal para sa kanyang pagkain. Pagkatpos magdasal ay kinuha nito ang kanyang kutsara at sumalok ng sabaw ng mami, hinipan niya ito ng ilang ulit para palamigin at pagkatapos ay hinigop na ng sabaw nito. Kita ko pa ang paglunok nito at pagkatapos sinimulan na ang pagkain kahit mainit. Kinain ko na din ang aking mami.

Nang matapos na kami sa aming pagkain ay tumayo na kami at naglakad na papunta sa gitna ng plaza kung saan naroon ang tugtugan. Naunang maglakad sa akin si Carly papunta sa nagtitinda ng mga kwek-kwek at fishball. Nang makalapit na ako sa kanya ay tinanong ako nito kung ano ang gusto ko.

"Sampung kwek kwek at fishball kuya pakilagay sa baso" saad nito kay kuya na sinigurong mainit ang ibibigay sa amin. Nang makuha na nito ang mga order ay iniabot nito ang isang baso na naglalaman ng mga request ko. "Salamat" sabi ko sa kanya.

Umiling ito at sinabing "Ako ang dapat magpasalamat sa iyo Igo. Kaya Salamat" ngumiti ito at inaya na ako upang ituloy ang aming paglakad papunta sa gabi ng musika.

Muli kong tiningnan ang baso ko ng kwek-kwek at fishball. Kahit sa ganitong kaliit na bagay ay talaga namang masaya na ako...

Itutuloy...

04-05-2018