Chereads / Beautifully Broken (Filipino Version) / Chapter 11 - Bes I ever had

Chapter 11 - Bes I ever had

Nang makarating kami sa gitna ng plaza, pansamantalang tumigil ang mga tugtog dahil nagpalit na ng banda. Napakaraming tao ang nanood kaya naman iginala ko ang aking mga mata upang maghanap ng magandang pwesto. Dinala ko si Carly sa may bandang gitna. Ipinuwesto ko ang aking braso sa may likod nito ng hindi lumalapat para pangsanggalang sa mga tao upang hindi siya tamaan. Pagdating namin sa aming pwesto ay umilaw na muli ang entablado at nagsimula na ang lead guitar sa kanyang intro na sinundan ng buong banda. Babae ang kanilang lead vocalist na nasa gitna naman at sinimulan na ang kanta.

Namumugto ang iyong mata

Hindi alam ang gagawin

Kung pwede lang naman sana

Ako na lang ang mahalin

Napatingin ako kay Carly na matamang nanood sa bandang nakasalang. Naalala ko yung panahon na nakayakap ito sa akin sa dagat na umiiyak at paulit ulit na humihing ng tawad sa dati nitong nobyo.

Hanggang dito lang tayo

Alam kong mahirap labanan ang pag-iibigang ganoon. Pero siyempre ayaw ko naman na hanggang ganito lang kami.

Binubulong sa hangin

Ang pag-ibig ko sa'yo

Baka sakaling sumagot

Pero malinaw ang totoo

Hanggang dito lang tayo

Hanggang dito lang tayo

Malinaw naman sa ngayon na si Harris pa rin ang mahal niya. Hindi naman siya magkakaganyan kung mababaw lang ang pagmamahal nito sa kanya.

Pero di ko maiwasan

Mapatid sa katotohanan

Di naman magiging tayo

At hindi rin kakayanin

Damdami'y di pansinin

Pero di mo alam ang aking kwento

Basta't ang alam ko lang

Alam ko sa sarili ko na gusto kong protektahan si Carly. Gusto ko siyang pasayahin, gusto kong ibalik ang ngiti sa mga mukha tulad nung pinayungan ko siya kung saan ay nginitian ako nito sa pag-aakalang ako si Harris. Hindi ko alam ang buong kwento pero hindi niya din alam ang kwento.

Na sobrang daling

Mahulog sa'yo

Mahulog sa'yo

(Sobrang dali)

Mahulog sa'yo

Oo kahit sino siguro ay madaling mahuhulog kay Carly dahil kahit ganito siya kabasag ngayon ay di ko maiwasan ang mahulog sa kanya. Alam kong hindi ko muna dapat na hayaang mahulog sa kanya kaya pipigilan ko muna ang sarili ko dahil alam kong hindi pa siya handang tumugon sa magiging damdamin ko.

Pero di ko maiwasan

Mapatid sa katotohanan

Di naman magiging tayo

At hindi rin kakayanin

Damdami'y di pansinin

Pero di mo alam ang aking kwento

Basta't ang alam ko lang

Mapait ang katotohan pero alam kong kailangan nito ng panahon. Kailangan ko munang ipagpaliban ito kaso...

Na sobrang daling

Mahulog sa'yo

Mahulog sa'yo

(Sobrang dali)

Mahulog sa'yo

(Sobrang dali)

Mahulog sa'yo

Sobrang dali. Sobrang tulin. Baka isang araw pag-gising ko ay wala na natuluyan na ako sa paghulog kahit alam kong hindi ako masasalo.

Hanggang dito lang tayo

Hanggang dito lang tayo

Isa-isang pumatak ang ulan. Napatingin sa akin si Carly at hinatakan ang aking pulsuhan. Tsaka ko lang napagtanto na sa buong kanta pala ay kay Carly lang ako nakatingin. Walang ibang tao, kami lang dalawa.

Sana ibulong ng hangin sa kanya ang nararamdaman kong ito.

•••

Tumakbo kami sa gitna ng unti-unting lumalakas na ulan habang tangay ako ni Carly. Hinatak ko ang pulsuhan ko para dumulas pababa ang kanyang kamay papunta sa kamay ko. Nang nasiguro ko na hawak ko na ang mga kamay nito ay ako naman ang nanguna sa pagtakbo. Nilingon ko si Carly at bakas ang gulat sa mukha nito nang hawak-kamay na kaming dalawa. Ngumiti ako sa kanya. Tiningnan niya ang mga kamay namin at pagtapos ay tumingin sa akin at ngumiti rin. Ibinalik ko na ang tingin ko sa daan at nagpatuloy sa pagtakbo.

Naramdaman ko ang paghinto ni Carly sa kabila ng malakas na ulan dahil nahatak ako nito pabalik. Napayuko ito sa hingal habang ang libre nitong kamay ay nakahawak sa kanyang baywang. Pagkaraan ng ilang malalim paghinga nito ay tumayo ito ng tuwid at iniangat ang mukha niya na habang dinadama ang pagbagsak ng mga ulan. Ibinaba nito ang kanyang ulo at tumingin sa akin.

"Alam mo pag ganitong umuulan hindi halata kapag umiiyak ka" saad nito. "Kaso sa ngayon wala na akong mailuha" dagdag nito. Bumitiw ito sa pagkakahawak sa aking kamay at pinunasan ang basa nitong mukha. Alam kong hindi siya umiyak pero sa kabila ng pag-ngiti nito ay bakas naman ang lungkot sa kanyang mga mata. Pumikit itong muli at pagkatapos ay muling tumakbo. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makalayo ito ng isang metro mula sa akin. Kita ko ang paggalaw ng buhok nito at ang pagtilamsik ng mga tubig mula dito. Hinakbang ko ang aking paa hanggang sa maabutan ko ito.

•••

Kasabay ko na pagtakbo si Igo. Naabutan na ako nito. Napabaliktanaw tuloy ako sa panahon ng aking kamusmusan. Naalala ko tuloy noong bata pa ako na masayang maglaro sa ulan. Masarap sumayaw sa ulan. Masarap manatili sa ilalim ng ulan. Masarap tumakbo sa ulan. Pero sa aking pagtanda iba na ang naging pananaw ko sa ulan. Masarap magtago sa ulan dahil hindi nila mapapansin na kasama nito ang mga luha ko. Masarap kapag umuulan dahil pinapalamig nito ang mainit mong ulo. Masarap kapag umuulan lalo na kapag malakas ito kasi wala ka nang ibang maririnig kundi ang paglagapak ng madaming patak nito sa lupa.

Kung sana'y kasabay ng pagdaloy ng ulan sa bawat parte ng aking katawan ay siya namang isa isang pagkawala ng mga hinanakit ko sa buhay ay ayos lang kahit paulit ulit ako nitong basain.

Tuloy tuloy lang ang pagbuhos ng ulan. Sa kabila ng paglamig ng aking pakiramdam dahil sa pagkabasa ng ulan ay nakaramdam naman ako ng init na nagmumula sa malaking kamay na napahawak sa akin ng mahigpit na tila ba'y ipinapaalala nito na hindi ako nag-iisa. Kaya ngayon napagtanto ko na...

Masarap pa ring tumakbo sa ilalim ng ulan lalo na kapag may kasama...

Itutuloy...

04-05-2018