Chapter 12 - The Call

Kagabi ay umuwi kami na basang basa dahil sa ulan kaya pagtapos niya akong ihatid ay agad ko na itong pinauwi para makaligo at makapagpalit dahil baka sipunin ito. Pagkatapos kong maligo at mabihis ay nakatulog na din ako marahil sa pagod at sa lamig din ng panahon.

Nagising ako sa tilaok ng manok. Napakurap ako ng ilang beses upang gisingin ang aking sarili. Bumangon ako at sumilip sa bintana medyo madilim pa ng kaunti at alam ko na kapag oras na magising ako ay hindi na ako makakatulog ulit. Dahil sa maaga akong nagising kaya naman naisipan ko na magluto ng pang almusal. Medyo nasasanay na kasi ako na laging dinadalhan ng pagkain kaya nahihiya na din ako. Pero natutuwa din ako sa pag-aalala at sa pag-aasikaso nila sa akin lalo na kay Igo na halos tumambay na dito sa bahay namin. Napangiti ako sa kaisipang yun.

Agad kong pinuntahan ang malaking plastik na nakalagay sa kitchen counter kasi kung hindi ako nagkakamali ay nakita ko na may pancake mix doon na malaki bukod sa mga baking needs na kailangan ko na para bang magnenegosyo na ako dito. Hmmm... sabagay kung magkakaroon ako ng orders dito ay bakit naman hindi? Para self-supporting na din ako kahit ba sinabi na ni mama noon na magpapadala sila weekly sa aking atm card na simula nang dumating ako dito ay hindi ko pa nagamit ulit. Hinalungkat ko ang plastic at nakita ang mga pancake mix na add water and egg. Teka di pa ako namimili ng itlog. Pero naalala ko na nung nakaraang araw ay nakita ko si Igo na naglalagay nito sa aming ref.

Binuksan ko agad ang ref upang tingnan kung may itlog nga at sa kabutihang palad ay mayroon nga. Inilabas ko ito at dinala sa kitchen counter upang doon haluin. Kinuha ko ang ipit na laging nakalagay sa aking pulsuhan at ipinusod ang mahaba kong buhok. Ayan handa na ako para simulan ang pagluluto.

Hinuhuni ko ang kantang pinakinig sa akin ni Igo kahapon sa beach habang isa-isang niluluto ang hinalo ko na pancake mix. Nagulantang ako nang may biglang may ulo na dumunga na halos nakadikit na sa aking mukha at nakiki-amoy. Masyado akong nakatuon sa aking niluluto at paghuhuni na di ko na namalayan na may tao na pala sa likod ko. Napalingon ako sa direksyon nito at halos dumikit na ang labi ko sa pisngi nito. Ang haba pala ng pilikmata nito para sa isang lalake. Napabalikwas ako agad ng tingin dahil baka iba na ang lumapat sa kapag ito naman ang lumingon.

"Wow! Ang bango naman!" Masaya nitong puno sa aking niluluto at hindi pa rin siya naalis sa likuran ko. Hindi ko alam kung sino ang mabango, kung ako ba na walang ligo o ang niluluto ko. Pero siyempre yung niluluto ko naman talaga yun. Carly maghunus dili ka.

Pagkaraan ng ilang minuto umalis na din ito at inayos na ang dala niyang almusal at inilatag sa hapagkainan. Kung dati ay pinapanood lang ako nito kumain parang nitong mga huli ay sumasabay na ito ng kain sa kain. Mas masarap kasing kumain ng may kasama.

"Carly tara na..." pang-aaya nito.

"Wait lang last na pancake na." Sagot ko habang hinintay na mabuo ang pancake at pagkatapos ay nilagyan ko ng madaming butter para mas masarap. Pagkatapos ay inilagay ko ito sa gitna ng lamesa at mukhang sa amoy pa lang ay sarap na sarap na si Igo.

Sa aking pag-upo ay nilagyan na ako ng Igo ng pancake sa aking plato, kanin na isang tasa, itlog at longganisa. Maya maya ay tumayo ito nagpunta sa ref upang kumuha ng pitsel at kumuha din ito sa tukador ng mga baso. Bumalik ito sa kanyang kinauupuan at nilagyan ng tubig ang mga baso. Kumuha na din ito ng kanyang parte at pagkatapos ay nag-alay ng dasal. Nahuli na ang dasal marahil ay gutom na talaga ito. Sinumulan na naming kumain at nagkwentuhan din kahit papaano. Halos siya na ang nakaubos ng walong pancake na ginawa ko. Napadighay ito at sa hiya ay napatakip ito sa kanyang bibig na ikinatawa ko naman.

Pagkatapos kumain at mag-imis ay naghugas na kami ng pinggan sa kabila ng pamimilit nito na siya na lang ang maghuhugas ng mga pinagkainan. Sa pagbabanlaw nito ay nakuha pa nitong makipagharutan at winisikan ang mukha ko ng tubig. Napaganti naman ako dito ng pangwiwisik kaya medyo nabasa na ang amingh damit ng tubig.

Pagkatapos nito ay nagtungo kami sa may hardin kung saan ay may lamesa din at mga upuan. Naupo kami at nilanghap ang simoy ng hangin at pinakinggan ang huni ng mga ibon na sinasabayan din ng alon ng dagat. Sa pagbalot ng katahimikan sa aming dalawa ay di napigilan ang mag-isip. Siguro naman ay hindi masama kung papasukin ko si Igo sa aking buhay. Hindi naman siguro masama magbawas ng kaunting bakod o kaya naman ay gumawa ng pintuan para sa kanya. Magaan na din ang pakiramdam ko sa kanya. Hindi niya ako pinipilit magkwento. Hindi niya ako sinasaway kapag umiiyak ako kundi hinahayaan lang ako na ilabas ang lahat sa pamamagitan nun. Nakikinig siya kung sa kung ano-ano na ibinubulalas ng aking bibig. Lagi niya akong sinasamahan at pinoprotektahan. Kahit nung mga panahon na si Harris ang nakikita ko imbes na siya ay wala kang maririnig na reklamo mula sa kanya. Hindi niya pinapakita na kinakaawaan niya ang kalagayan ko kundi ay dinadamayan pa ako nito. Naantala ang aking pag-iisip nang biglang tumunog ang telepono nito. Sinilip lang niya ito at pinag-iisipan kung sasagutin ba o hindi. Tiningnan ko siya at sinenyasan na sagutin ang kanyang smart phone. Kahit ayaw nito ay dinampot niya ang kanyang smart phone, lumayo ng kaunti at sinagot na ang tawag.

"Pero Ma'am meron pa akong 7 days sa leave ko ah. At tsaka nakaleave naman ako. So naendorse ko naman na lahat e." Narinig ko ito dahil medyo nagtaas ito ng boses sa kabila ng kahinahunan nito. Bakas ang inis sa mukha nito pero kapag napapatingin sa akin ay napapangiti ito. Parang sira lang ito na paiba-iba ng mood.

Ngayon lang nag-sink in sa akin na ang sinabi niyang 7 days. Ibig sabihin ay 7 days na lang ito dito sa probinsya at babalik na sa may maynila. Kasama ang araw na ito sa pitong araw na sinasabi niya. Para akong nalungkot ng bahagya. Dahil siguro nasanay na akong kasama siya halos araw-araw tapos bigla na lang itong mawawala.

Matapos ang tawag ay naupo ito sa tapat ko, medyo sumimangot at nagtago sa pinagtapong niya na bisig. Para itong bata din pala umasal minsan.

"Igo?" Pagtawag ko dito pero ayaw nito iangat ang ulo niya at harapin ako. "Igo..." tawag kong muli. "Huwag ka nang malungkot. May 7 days ka pa naman eh." Saad ko dito.

"Seven days na lang" bakas ang lungkot sa boses nito. "Seven days na lang di na kita makakasama..." sabi nito habang nakatago pa rin ang kanyang mukha. Inabot ko ang kanyang ulo at pinaglaruan ang buhok nito na wavy. Ewan ko ba kung bakit ko iyon ginawa.

Iniangan na nito ang kanyang ulo patagilid kaya nanatili pa rin ang kamay ko sa kanya ulo. Nakalapat na ang kanyang pisngi sa sa magkatapong niyang bisig at nakatingin sa akin.

"Carly... pwede ba tayong gumawa ng masayang memories simula ngayon hanggang sa makaalis ako?" Tanong nito na kita mo ang pagsusumamo nito na pumayag ako.

"Sige..." tugon ko sa kanya.

Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako habang alam ko na pagkatapos ng pitong araw ay iiwan na din niya ako...

Itutuloy...

04-06-2018