Chereads / SEE YOU TONIGHT / Chapter 6 - CHAPTER 5

Chapter 6 - CHAPTER 5

Isang linggo na ang nagdaan. Buti nalang ay pinayagan ako ng may-ari ng coffee shop na araw-araw na pumasok para naman may magawa ako ngayong summer.

At sa isang linggo na 'yon ay mas napalapit ako kay Andrei. Nakagawian na namin na magpakain ng pusa tuwing umaga bago mag trabaho.

"Katie, uuwi ka na?" Nilingon ko si Paul na nag-aayos na ng gamit at mukhang pauwi na rin. Friday ngayon at alas tres na ng hapon.

"Oo, aayusin ko lang din ang gamit ko." Sagot ko.

"Sabay na tayo umuwi." Tumango ako. Ilang araw na din kami nagsasabay umuwi. Simula nang makalipat sila ng pamilya niya sa kaparehas na subdivision ay madalas na kami mag sabay pauwi.

"May gagawin ka ba pag-uwi mo?" Tanong niya habang naglalakad kami.

"Wala naman." Sagot ko. Wala naman akong masyadong ginagawa sa bahay eh.

"May bagong bukas na kainan dyan malapit sa plaza. Gusto mo i-try? Saka maganda sa plaza pag gabi." Nakangiting sabi niya. Natigilan ako doon.

Sa ilang araw na nagdaan, bihira nalang sumakit ang ulo ko. Huling malalang atake ng phobia ko ay noong nakaraan pa, sa waiting shed. Pero kahit ganun ay nakakaramdam pa rin ako ng takot.

Tinignan ko si Paul na nag-aantay pa rin ng sagot. Sana pala hindi ko nalang sinabi na wala akong gagawin.

Pilit akong ngumiti. "Paul, sorry, naalala ko na may gagawin pala ako pag uwi ko." Nahihiyang sabi ko.

Sana maniwala siya!

Sandaling napawi ang ngiti niya pero ibinalik niya ulit 'yon.

"Ah, ganun ba? Sige, sa ibang araw nalang siguro?" Sabi niya.

"S-sige."

Nagpatuloy kami sa paglalakad.

"Sayang naman. Maganda pa naman sa plaza." Aniya. Nahihiya akong ngumiti sa kaniya.

Maganda naman talaga doon kaso natatakot lang ako. Minsan, naiinis ako sa sarili ko. Ang tanda ko na pero hindi pa rin mawala-wala ang takot ko sa dilim.

"Sige, Katie. Mauna na ako. Kita nalang tayo sa Monday." Paalam niya nang makarating na kami sa bahay.

"Sige, thank you sa paghatid." Nginitian niya lang ako at naglakad na palayo.

Bubuksan ko palang ang gate ay may tumigil na agad na bike sa harap ko.

"Napapadalas ang pag hatid ah." Tinignan ko si Andrei. Nakatingin siya kay Paul na nasa malayo na.

"Bagong lipat kasi sila dito." Sabi ko. Tumingin na rin siya sakin.

"Baka nanliligaw na 'yan sayo." Agad akong napa iling sa sinabi niya.

"Hindi! Kaibigan ko lang 'yan." Sagot ko. Hindi ko naiisip na manliligaw sakin si Paul. Bukod sa mas matanda siya sakin, sa tingin ko ay may iba rin siyang nagugustuhan.

"Pero papayagan mo kung sakaling manligaw?" Tanong niya ulit.

"Hindi. Parang kuya ko lang 'yon. Saka imposibleng manligaw sakin 'yon." Sagot ko.

Ngumisi siya. "Eh, ako?" Biro niya.

Sinamaan ko siya ng tingin. "Mas lalong hindi! Siya nga na isang buwan ko ng kasama, di ko papayagan manligaw eh. Ikaw pa kayang magdadalawang linggo ko palang nakikilala?"

Saka wala pa akong panahon para sa mga ganiyan.

Tumawa naman siya. "Pero ito lang ang sasabihin ko sayo, kilalanin mo muna nang mabuti yung mga tao na nakakasama mo. Hindi naman sa sinasabi ko na wag kang magtiwala sa kanila, I just want to make sure that you are safe with the people around you." Sabi niya. Alam ko naman 'yon. Naranasan ko na dati maloko at maiwan ng mga kaibigan, at hindi ko hahayaan na maulit pa 'yon.

"Alam ko naman 'yon. Syempre, kinikilala ko muna yung mga taong nakakasalamuha ko." Sagot ko.

"Talaga lang, ha? Pero nung niyakap kita noong nakaraan, hindi ka manlang nagalit. Hindi mo ba naisip na pwedeng may gawin akong masama sayo?" Natigilan ako sa sinabi niya. Well, tama siya. Hindi nga ako nakaramdam ng galit. Mas naiinis nga ako sa sarili ko dahil hindi manlang ako nagalit sa taong hindi ko naman kilala at bigla nalang ako niyakap.

Tumawa ulit siya. "Pero hindi naman talaga ako masamang tao. Saka sa gwapo kong 'to, mukha ba akong may gagawin na masama?" Natawa ako pero tinaasan ko siya ng kilay.

"Yan! Dyan ka magaling eh, sa pagbubuhat ng sariling bangko!" Natatawa kong sabi.

Binuksan ko na yung gate. "Bahala ka nga dyan. Papasok na ako."

"Wait lang."

Tinignan ko ulit siya.

"Bakit?" Tanong ko.

"Inaatake ka pa ba ng phobia mo?"

"Konting sakit lang ng ulo pag masyadong madilim." Sagot ko. Buti nga at ganun nalang ang nararamdaman ko eh. Balak ko pang mag search ng iba pang paraan para tuluyan ko ng ma-overcome 'tong phobia ko.

Tumango naman siya.

"Buti naman. Dapat talaga masanay ka na kahit madilim." Sabi niya.

"May gagawin ka ba ngayon?" Tanong niya. Umiling naman ako. Ngumiti naman siya at dahan-dahan akong tinulak papasok.

"Good. Mag bihis ka na. May pupuntahan tayo." Kunot-noo ko siyang tinignan.

"Wait. Saan mo ko dadalhin?" Tanong ko.

"Basta. Marunong ka ba mag bike?" Dati marunong ako. Ewan ko lang ngayon. Matagal na akong hindi nakakapag bike eh.

Tumango nalang ako.

"Sige, mag bihis ka na. Babalikan kita dito." Sabi niya at sumakay na sa bike niya.

Pumasok nalang ako sa bahay at nag bihis na. Malapit na mag gabi, san naman kaya kami pupunta?

Pagkatapos kong mag bihis ay lumabas na ulit ako ng bahay. Nandoon na rin si Andrei at dalawang bike na ang dala niya.

"Teka nga. San ba kasi talaga tayo pupunta?" Tanong ko ulit sa kaniya.

"Basta. Hindi naman tayo lalabas ng subdivision eh. Dito lang din 'yon." Sagot niya. Ngumuso nalang ako. Hindi niya talaga sasabihin kung saan kami pupunta.

"Sayo 'to?" Tanong ko sa isang bike na dala niya. Umiling naman siya.

"Sa pinsan ko 'yan pero pumayag naman siyang hiramin ko. Ito yung bike ko." Sabi niya at tinuro ang sinasakyan niyang bike. Tumango nalang ako at sumakay na.

"Do you really know how to ride a bike?" I glared at him. Tumatawa siya dahil muntik na akong matumba pagkasakay ko sa bike.

"Oo naman." Inis na sagot ko. Inayos ko ang pagsakay ko.

"Tara na." Aya ko. Tumatawa pa rin siya.

Sinamaan ko ulit siya ng tingin. "Bahala ka dyan. Hindi na ako sasama sayo! Mag gagabi na." Inis na sabi ko sa kaniya kaya tumahimik siya.

"De joke lang. Ito na nga oh!" Sagot niya at pinaandar na rin ang bike niya.

Napairap nalang ako dahil sa kakulitan niya.

---