Chereads / Tanga Mo, Love / Chapter 13 - Android App

Chapter 13 - Android App

PANGALAWANG ARAW, WALA NA ANG LAGNAT NI JACK. Ikaw ba naman ang banatan ni Nanay Rosing ng TLC (tender, loving care) oras-oras. Syempre nakatulong na rin dun ang namumuong excitement sa puso niya. Sa magdamag na pag-iisip ni Jack, nakabuo siya ng mga importanteng desisyon na makakapagpabago ng kanyang buhay. Halimbawa, na-realize niya, bakit nga ba siya masyadong apektado sa one-sided relationship ni Camille kay Brett? Ano nga ba ang pakialam niya kay Camille? Sinabi na nga niyang hindi naman siya in love dito—medyo attracted lang siya, medyo gusto lang niya si Camille dahil masarap itong kasama. Emphasis on "medyo." Eh ano kung maganda si Camille at minsan para siyang nama-magnet tuwing ngumingiti ito? Eh ano kung kapag tinititigan siya ng dalaga, para siyang lalanggamin sa tamis at maiihi sa kilig? Alam niyang wala naman siya sa lugar kung saan pwede na niyang aminin na hopelessly in love na siya sa dalaga. Kaya niya ito, sabi niya sa sarili. Siguro hindi talaga bubukol kung hindi ukol, 'ika nga. Kaya simula bukas, pagpasok niya, ibang Jack na ang makikita ng madla: isang Jack na "cool," hindi apektado kahit makipaglambutsingan pa sa harap niya si Camille at Brett. And besides, andiyan naman si Thea—baka mas ma-in love pa siya dun. Tutal maganda rin si Thea, at mukhang type rin siya. Bukas, pagdating niya sa school, ita-trato niyang ordinaryong tao si Camille. Ang mahalaga ay ang long-term goals niya: ang makapagtapos ng pag-aaral at maging ubod ng yaman.

And speaking of long-term goals, kailangang tapusin na niya ang nasimulang Android app, yung EasySpy. Naa-atat na siyang i-upload ito sa Google Playstore at makita ang actual na sales performance nito. Feeling niya kasi marami ang bibili nito—andami kayang mga tao sa mundo na nagdududa sa mga ginagawa ng mga asawa o karelasyon nila. Pero bago niya maibenta, kailangan niya muna ng tinatawag na beta testing. Ang naiisip niya ay si Camille at Brett—pwedeng magamit ni Camille ang EasySpy para masiguro kung nagloloko nga ba si Brett o hindi. Sa parteng yun, medyo aminado si Jack na may personal siyang interes dito—gigil na gigil na kasi siya kay Brett. Ni hindi pa nga siya nakakaganti sa pagkakasapak nito sa kanya. Ang problema, papayag kaya si Camille na i-install ang EasySpy at makita ang katotohanan?

We'll cross the bridge when we get there, naisip ni Jack. Tapusin muna ang dapat tapusin.

Buti na lang at Linggo ngayon. Nasa mga kumare niya si Nanay Rosing, naglilibang sa bingo o kaya kung anuman yung pinagtsitsismisan nila. Kapag ganitong mag-isa lang siya sa bahay ay feeling ni Jack ang lahat ay posibleng mangyari, tila kahit ano kayang niyang gawin at tapusin. Nagtimpla ng kape habang hinihintay na magboot-up ang computer. Teka, mas maganda kung may "power music." Naghanap siya sa Music folder ng mga kanta na akma sa mood niya. Napili niya ang "Atat" ni Ron Henley: swak na swak itong pampagana.

Nasa mga huling stages na talaga si Jack ng programming. Actually, natapos na niya ang mga importanteng parte ng app niya, pampaganda na lang ang problema. Yung interface. Yung kung paano niya gagawing madali para sa user na gamitin ang EasySpy app—dapat hindi nakakalito ang controls, dapat intuitive. Dapat, hangga't maaari, isang pindot lang, alam na ng app niya ang gagawin. Ito ang paborito ni Jack—yung mga huling stages—dahil dito nakikita na niya ang future, ang bunga ng kanyang mga pinaghirapan. Tapos na ang madugong bahagi ng programming. Kaya nga sumasabay pa siya kay Ron Henley, pakanta-kanta ng:

Di na ko makapaghintay

Makatulog, managinip

Sakaling makaakbay

Sa may sulok, sa may gilid

Walang mga matang nagbabantay

Tara humiga ka sa aking tabi nang tayo ay magpantay

Medyo nasamid pa siya sa kape, pero tuloy pa rin ang kanta:

Sa mundong 'to terno tayo ng kulay

Magkasalungat sa tunay na buhay

Ikaw yung orig na nahalo sa ukay

Ako yung prutas na naakit sa gulay

At kahit gusto niyang iwasan, habang sumasabay siya sa kanta, ang naiisip niya ay si Camille. Nagkabalikan nga kaya sila ni Brett? Nagpakatanga na naman kaya ito? Kasi naman ay lumayas siya agad bago pa man dumating sa climax ang drama ni Brett. Malamang kung anu-ano na naman ang ipinangako nito. Sa tutoo lang, duda ni Jack ay kailangan lang talaga ni Brett si Camille para sa mga academics nito: yung mga math assignments, pati ang influence ni Camille sa buong campus. Kung may popularity contest, panalo agad si Camille—ang charm kasi ng dalaga ay abot hanggang sa mga teachers at school admin. At dahil bobo naman talaga si Brett, at idinadaan lang sa porma at pagiging athlete ang pagpasa sa mga aralin, kritikal nga naman sa success nito ang pagkapit kay Camille. Kita mo naman ang timing ng pagso-sorry niya: next week ay start na ng basketball tournament, at kailangan ni Brett na nasa panig niya ang dalaga. Isang "wild card" si Camille kapag hindi mo ito kakampi: di mo alam kung ano ang pwedeng magawa nito, lalo't nasa kanya ang halos lahat ng responsibilidad sa mga activities ng Foundation Week.

Pangalawang mug na niya ng kape nang magtext si Thea. "Hi!" lang. Hindi niya sinagot—baka mauwi sa tuloy-tuloy na usapan, mahihirapan siyang magfocus sa pagtapos sa EasySpy. Pero nang si Camille naman ang magtext ng "Buhay ka pa ba friend?" saka sinundan pa ng "Magparamdam ka naman! Tsup Tsup mua!" muntik nang mag-text back si Jack—nasasabik siyang ikwento sa dalaga ang progress niya sa ginagawang Android app, ibalita na finishing touches na lang at bukas, Lunes, maipapakita na nya kung paano ito mag-work nang actual. Tiyak maraming pogi points na naman ito (pero sabay sabat naman ng isip niya: bakit mo naman kailangan ng pogi points? Para saan? Eh hindi mo naman gustong maging girlfriend si Camille, di ba?). Kahit na: masarap pa rin sa feeling na meron kang munting accomplishment, sa kabila ng mga hindi magandang nangyayari sa mga araw mo.

Buti na lang napigilan niya pa rin ang sarili na mag-respond. Focus, Jack, focus. Saka na muna iyang kalandian. May mga bagay sa mundo na mas importante kaysa sa pagtext ng "Eto buhay pa naman friend, nagkakape. Just chilling. LOL!"

Pang-apat na mug ng kape'y nai-upload na ni Jack sa Google Playstore ang app. Pagka-click niya sa Submit button, doon lang siya nahimasmasan: nun niya na-realize kung ano ang ibig sabihin ng nagawa niya. Kapag gumana ang app, at naging bestseller, malaking bagay ito. Hindi biro ang magiging success niya. Yung bukambibig niya dati na magiging ubod niya ng yaman—malamang biglang magkatutoo yun.

Madaling-araw na ay di pa rin makatulog si Jack. Naglalaro kasi sa isip niya kung ano ang pwede niyang bilhin kapag may one million dollars na siya. Ang unang una niyang gagawin kapag may ganun siyang pera: bigyan ng scholarship si Camille para makapag-aral ng English sa UK. Para pagbalik nito, straight na magsalita, hindi na bulol, may British accent pa. At siya naman, bibili ng rancho. Mag-aalaga ng mga baka at kabayo. Si Nanay Rosing, bibigyan niya ng pamasahe para makapag-world tour—kahit isama niya pa lahat ng mga kumare niya.