Chereads / Tanga Mo, Love / Chapter 19 - Paki-Upsize, Please

Chapter 19 - Paki-Upsize, Please

HINDI NAALALA, KUNDI NAKITA KASI NI CAMILLE si Jack sa may entrance ng fastfood. Papasok ito. Huli na nang makita sila ni Jack—nakapasok na ito at nakapila sa counter. Halatang nag-alangan ito at nag-isip mag-about face at bumalik sa kweba na pinanggalingan niya.

Shet, naisaloob ni Jack. Bakit naman kasi walang ibang 24-hour fastfood sa impyernong lugar na ito? Pero dahil andun na, walang magawa si Jack kundi magpanggap na hindi niya nakita sila Camille. Relax. Cool, bulong niya sa sarili niya. You're an island unto yourself. Relax. You will enjoy your meal. Treat mo ito sa sarili mo.

Kung sana'y ganun nga lang kadaling utuin ang sarili. Ngayon kasi ay sobrang awkward ng pakiramdam niya. Hindi siya mapalagay. Kahit anong pilit niyang magmukhang cool lang, feeling niya nasa gitna siya ng entablado, at daan-daang tao—nasa front row pa si Camille—ang nanonood at hinuhusgahan ang lahat tungkol sa kanya: ang rubber shoes niya, ang nalimutan-niyang-suklayin na buhok, ang lumang t-shirt na pantulog na sana na may butas pa sa bandang kili-kili (Huwag na huwag mong itataas ang kamay mo, reminder ni Jack sa sarili). Nang makarating na siya sa unahan ng pila at tinanong siya ng nakangiting kahera, biglang nawala sa isip ni Jack kung nasaan siya, nasa anong planeta ba siya, at anong ginagawa niya dito.

"May I take your order, Sir?" Nakangiti, pero halatang medyo naiinip ang kahera.

"Ha? Ah, eh." Tingala sa listahan ng mga set meals sa itaas ng counter. Muntik na siyang umatras: bigla kasi'y parang nawalan siya ng gana. "Ah, burger, Miss. One burger meal."

"Would you want to upsize your drink, Sir?"

"Tubig."

"What, Sir?"

"Tubig na lang."

"Kasama na po ang drink sa burger meal, Sir. One regular softdrink of your choice. Would you like to upsize it?"

Napalingon si Jack sa mesa nila Camille; nakatingin ito sa kanya. "Sige, upsize mo lahat," sabi na lang ni Jack. Nagulat siya sa siningil sa kanya ng kahera—in-upsize kasi nito pati ang French fries.

Sa malayong sulok naupo si Jack, pero dun pa rin sa anggulong kita niya pa rin si Camille nang hindi siya mapapansin ni Brett. Nakasimangot ang dalaga, parang walang gana o inaantok na. Pinilit na lang ni Jack ang sarili na kainin ang binili kahit parang naduduwal siya. Parang excited si Brett sa ikinukwento kay Camille. Malamang tungkol sa basketball. Maya-maya pa ay may kinuha si Brett mula sa dalang back-pack nito—ilang pages ng papel. Na-recognize agad yun ni Jack. Napailing siya. Ilang sandaling nag-atubili. Pero kinuha niya pa rin ang cellphone sa bulsa at nag-type.

"Be sure na walang mali ang math assignment ng boyfriend mo ha. Kasi baka malaman pa nila na bobo iyan. LOL!"

Saka sinend kay Camille.

Kitang kita ni Jack na kunot-noong binasa ni Camille ang cellphone nito. Hindi maipinta ang mukha ng dalaga habang gigil na pumipindot sa phone nito.

"Wapakels!" text ni Camille. "Tanggap ko kung ano ang weakness ng boyfriend ko no! Hindi tulad ng iba dyan, ubod ng yabang akala mo naman nasa kanya na ang lahat!"

Wala sa akin ang lahat dahil wala ka naman sa akin, muntik nang maisagot ni Jack. Pero bumuwelo siya. Sawsaw ng fries sa ketchup, ngumuya. Bumuntong-hininga. "You mean, tanggap mo na ang weakness ng boyfriend mo ay si Joanna at iba pang magagandang girls sa school?"

Nang tumunog ang phone ni Camille, binato siya ng dalaga ng matalim na titig. Walang kamalay-malay si Brett na nasa tabi nito, patuloy lang na nagkukuwento. "Ang kapal naman ng mukha mo na i-accuse si Brett! Wala ka namang napapatunayan. Sinungaling!" Saka sinundan pa ng: "At bakit, malandi naman ang Thea mo ah!"

Laglag ang panga ni Jack. Wow, napasubo yata ako. Nagising ang tigre. Change tactic. "LOL. Haha sorry, pero hindi malandi si Thea. At alam mo iyan. Di bale, i-enjoy mo lang ang relasyon mo sa Brett na iyan. Tutal bagay naman kayo. Isang bobong tanga at isang nagtatanga-tangahan."

Agad na pinagsisihan ni Jack ang pinadalang text message kay Camille, pero huli na—napindot na niya ang Send button. Halos hindi makatingin si Jack sa direksyon ng mesa nila Camille. Pulang pula na ang mukha ng dalaga. In-expect ni Jack na susugod sa kanya si Camille. Hindi ugali ni Camille na umatras sa laban—alam yun ni Jack. Kaya halos nabubulunan si Jack habang nginunguya ang burger niya.

"Bagay rin kayo ni Thea. Isang pokpok at isang manyak!" sigaw ng text ni Camille.

Aray. Pero teka: hindi sila bagay ni Thea dahil hindi kanya si Thea. Nawala sa loob niya na kontrahin yun! Napatingin si Jack sa direksyon ng mesa ni Camille: nakangiti at tatawa-tawang nakikipagkwentuhan ang dalaga kay Brett. Alam ni Jack na panggap lang yun, na deep inside, pikon na pikon ang dalaga sa kanya.

Dalawa ang pwedeng pagpilian ni Jack: ang tumigil na lang at hayaan si Camille na isiping panalo siya, o humirit pa ng isa. Pero lalong nilalakasan ni Camille ang pagtawa, parang si Kris Aquino kapag pinag-uusapan ang kanyang favorite things, kaya sa inis ni Jack, nag-decide siya na humirit pa. Pero buwelo muna. Nguya ng fries. Inom ng softdrink dahil parang mabubulunan siya. Medyo alam na niya ang takbo ng pagtatalo nila, na siya naman kasi ang nagsimula. Kapag tinext niya na "Hindi malandi si Thea," lalo lang ipipilit ni Camille na malandi ito, at kung anu-ano pa. Dahil malalagay sa isang defensive position si Jack, mapupunta kay Thea ang focus, hindi kay Brett. Hindi dapat mawala si Brett sa usapan dahil sensitive dun si Camille—habang napipikon ito, lalong nawawala sa ayos ang takbo ng isip nito. Yun lang ang problema: yun ba ang gusto ni Jack, ang itulak sa sobrang galit si Camille? Gusto niya ba talaga ng isang nakahihiyang eksena dito sa nag-iisang 24-hour fastfood sa bayan? Baka ma-ban siya dito kapag nangyari yun?

Isip-isip. Nguya ng burger. Tingin sa labas: nagsimula na ngang umambon. Ngayon nakaramdam ng pagsisisi si Jack: sana nagdala siya ng payong! Baka mamaya, lumakas ito at maging tutoong ulan. Lagot na naman siya.

Pero wag muna yun ang isipin mo, paalala niya sa sarili. Anong itetext mo? Anong magandang pang-last text? Wala siyang maisip—bawat maisip niya ay tiyak na ikakagalit lang lalo ng dalaga. Kaya sa huli'y isa lang ang naisagot ni Jack: isang smiley.

Nakita niyang binasa ni Camille ang message. Napataas ang kilay nito. Pero hindi na sumagot. Tinanong kasi ni Brett na, "Sino ka-text mo?"

"Si Mama," sagot ni Camille. "Pinapauwi na ako."

"Oo nga, late na." Tumayo na si Brett. "Let's go."

Parang alanganing tumayo ang dalaga, pero wala na rin itong nagawa. Sa may pinto, tinapunan pa niya si Jack ng isang matalim na titig. Mamatay ka sa inggit, tila sabi ng titig ni Camille, ng pag-irap nito.

Nang makasakay na si Camille at Brett, saka naman biglang bumuhos ang ulan. Shet. Alam niyang alam ni Camille na trapped siya dito sa fastfood, kaya malamang tuwang tuwa yun. Feeling nun nakaganti na siya. Pero halos ubos na ang inorder niyang pagkain. Awkward naman na nakaupo siya dito sa mesa na parang nakatambay lang at hindi kumakain. Kaya nung hindi na makatiis, mabigat ang loob na bumalik sa pila si Jack. Pagdating sa counter, yun ulit ang kahera, nakangiti ulit ito kahit halatang hapo na. "Welcome back, Sir—" parang loaded ang tanong nito ah, duda ni Jack, nang-aasar ba ito?—"May I take your order, Sir?"

"One burger meal," sabi ni Jack. "I-upsize mo lahat."