Chereads / Tanga Mo, Love / Chapter 23 - Nasaan si Camille?

Chapter 23 - Nasaan si Camille?

WALA SA WEDDING BOOTH. WALA SA HORROR BOOTH. Wala din si Camille sa booth na nagtitinda ng tubig at softdrinks. Nahahati si Jack—parehong gusto niya at ayaw niyang makita talaga si Camille. Nang mapadaan siya sa may canteen, natanaw niya si Brett, mag-isang lumalagok ng softdrink. Sariwa pa sa isip niya ang pagkakasuntok sa kanya nito, pero wala na ang galit. Kung masama man ang loob niya kay Brett, yun ay dahil sa ibang maraming bagay. Papasok pa lang siya ng canteen ay nakita na siya agad nito. Kung medyo nagkamali sana si Brett ng reaction, baka nagbago ang isip ni Jack. Pero nang malapit na siya kay Brett, tumango ito, ngumiti, tumayo.

"Dude," salubong ni Brett, "Peace tayo. Sorry about that." Sabay turo sa panga ni Jack. "Masakit pa ba?"

Namula si Jack—syempre hindi siya aamin na medyo masakit pa ang bahaging nasuntok ni Brett. Kapag ngumunguya nga siya makirot pa rin. "OK lang ako, dude. Wala tayong problema."

Ilang sandaling awkward silence. Bago humirit ulit si Jack. "Gusto ko lang sabihin, dude, na congrats sa inyo ni Camille. Sana ingatan mo yun. Mabait yun, sobrang devoted, saka nakita mo naman na matalino—" kita mo naman na siya ang taga-gawa ng lahat ng assignments mong hayup ka, ang gusto sanang idugtong ni Jack—"kaya ingatan mo ang affection niya. Love na love ka nun."

Tatango-tango lang si Brett na parang nahihiya. "Yeah, I know. She's really something."

"Do you really love her?"

"How do you mean?"

"Mahal mo ba talaga si Camille tulad ng pagmamahal niya sa iyo?"

Hindi agad nakasagot si Brett. Parang biglang nag-isip ito ng tamang isasagot. Yung ilang segundong pag-aatubili ni Brett, alam ni Jack na kahit sinabi nitong, "Of course, I really love her," sabi lang yun; naisip siguro ni Brett na hangga't hindi siya nakaka-graduate, kailangan niya si Camille na taga-gawa ng assignments niya.

"Sure?" Ulit ni Jack, kahit alam na alam niya ang kasinungalingang isasagot ni Brett.

"Of course, I'm sure." Mild guwapo laughter. "What's up with these questions?"

"Wala lang. May peace offering kasi ako sa iyo. I mean, para sa inyo ni Camille."

"Talaga? Ano yun?"

"I made an Android app that will get you free cellphone load!"

"Really?" Biglang napatayo si Brett. Naikukuwento na kasi ni Camille kay Brett na gumagawa nga si Jack ng Android app, kaya hindi siya nagduda sa kakayahan nito. Excited na kinuha nito ang cellphone niya. "Is it for sale? Or is it free?"

"It's still free," sabi ni Jack.

"Wow. Let me see it," excited na sabi ni Brett, habang iniaabot kay Jack ang phone nito para hanapin sa Google Playstore ang EasySpy app. Isang tap: downloaded at installed agad. Hindi pa nakakakibo si Brett ay mabilis na pinindot at nai-setup na ni Jack ang EasySpy sa settings na gusto niya. Saka mabilis na ibinalik kay Brett ang phone.

Nagtatakang binasa ni Brett ang phone. "So where's the free load? I don't see any difference."

"Hindi pa iyan activated, dude. Wait ka lang until tomorrow. Then it will send you a notification about the free load you're getting."

"Cool," ang nasabi na lang ni Brett, medyo alanganing maniwala sa paliwanag ni Jack. Hindi na siya nakahirit pa dahil tinapik na siya sa balikat ni Jack at nagpaalam na aalis na.

One down, one to go, ngingiti-ngiting naisaloob ni Jack habang palabas ng canteen. Naka-setup kasi sa Stealth Mode ang in-install niyang EasySpy sa phone ni Brett, at naka-pair ito sa phone ni Camille. Ang kailangan na lang gawin ni Jack ay mai-install rin ang EasySpy sa phone ni Camille, ilagay ito sa Receive Mode, at isetup itong mag-auto-download ng mga recorded conversations galing sa phone ni Brett. Dun na magkakaalaman ng tutoo.

But first things first: kailangang makita na niya si Camille. Bago pa siya maduwag at umatras na naman. Habang nagmamadaling maglakad ay isa-isang kinukwenta niya kung ilang booths na ba ang nabisita—alin pa ba sa mga walang kwentang booths na ito ang hindi niya nasilip? Paglabas niya sa quadrangle ay nagulat siya sa isang mahabang pila—patungo sa kissing booth!

Talaga naman, o. Mga manyakis talaga. Makatikim lang ng halik, kahit gumastos!

Pero bigla ring napahinto si Jack: teka nga, hindi niya pa napupuntahan ang kissing booth, ah?